Kabanata 3-Kawalan
(Talarawan ni Señorita Almira de Izquierdo, Ikalawang Pahina)
Nagising na lang ako sa loob ng isang cuarto. May tatlong madre na nakapalibot sa akin. Nakaramdam ako ng kung anong telang dumadampi sa aking kanang pisngi. Halos mawalan na ako ng malay sa sakit, ngunit pilit ko pa rin minulat ang aking mga mata.
"Mediko, may magagawa pa ba tayo sa kanyang sugat sa mukha?" Tanong ng isang madre na mestiza.
"Nasa ibang bansa pa ang espesiyalista para sa kanyang sugat. Sa ngayon ay paglilinis at paggamot ang pwede dito hanggang sa maghilom. Ngunit malaking pilat ang maiiwan nito sa kanyang mukha. Hindi na ito mare remedyohan pa."
"Sayang, ang ganda pa naman niya," panghihinayang ng mestizang madre.
"Kuya Procopio, salamat sa pagpunta mo rito. Talagang kailangan niya ng tulong," sabi ng isang mas nakatatanda na madre. Siguro mga nasa trenta años na siya.
"Walang anuman, Veronica."
Lumapit ang mediko sa pangatlong madre, na halata na ang katandaan.
"Madre Superiora, makakaasa kayo na babalikan ko parati ang inyong pasyente."
"Gracias, Doktor Procopio."
Nagmano ang doktor sa madre superiora at lumabas na rin siya ng kwarto.
Hinawakan ko ang aking kanang pisngi. Di ko napansin na may nilagay na gasa ang doktor para protektahan ang aking sugat. Inangat ko ang aking mga braso at doon ko napansin na nakabalot din ito ng puting tela.
"Señorita Almira..." Bati sa akin ng Madre Superiora.
Nilingon ko siya habang nakaratay sa higaan. "Patawad... Biglaan lang po ito..."
"Alam namin ang nagyari. Kalat na ito sa buong bayan. Ngunit alam ba nila na nabuhay ka?"
"Hindi po."
"Maari ka munang mamalagi dito. Ituring mo na ito bilang tahanan. Naging kaibigan ko si Elena mula pagkabata, kaya aalagaan ka namin."
Tinutukoy niya ang aking ina.
"Sor Monica, paano pag nalaman ng mga kaaway nila na nandito siya?" Tanong ng mestizang madre.
"Rosaura, tama ka sa naisip mo."
"Magbabago na po ako ng pangalan," bigla kong winika. "Tawagin niyo na lang akong Teresa. Teresa Lopez. Apleyido ni ina sa pagkadalaga ang Lopez," mahina kong tugon.
Nagkatinginan ang tatlong madre.
"O siya, Teresa na ang itatawag namin sa iyo." Ngumiti si Sor Monica sa akin."
"Gusto mo bang kumain, Teresa?" Tanong sa akin ng madre na Veronica ang ngalan. Siya na kapatid ni Doktor Procopio.
"Mas gusto kong matulog," aking tugon.
"Isang buong araw ka na tulog mula kahapon. Kailangan mo ng lakas. Kumain ka kahit konti," wika ni Sor Monica. "Rosaura, dalhan mo kami dito ng sopas," pakiusap niya.
"Masusunod po Madre Superiora." Tumango si Rosaura at lumabas din ng silid kasama si Veronica.
Naupo sa tabi ko si Sor Monica.
"Almira, nalulungkot akong sabihin sa iyo na wala na ang buong pamilya mo. Pati na rin ang pamilya ni Señor Sebastian Carreon."
Nadama ko ang kalungkutan sa tono ng kanyang pananalita.
Ngunit bakit ganoon? Wala akong nararamdamang kalungkutan.
Parang wala sa loob ko ang mga pangyayari.
Ikinasal ako kay Sebastian Carreon dalawang araw na ang nakararaan.
Nakita ko si Julian na bitbit ang lamparang pasabog. Pinigilan ko siya, ngunit nabigo ako.
Sumabog ang buong kabahayan ng mga Carreon. Ako lang yata ang nabuhay, salamat sa pintuang dumagan sa akin.
Sunog na ang kanang bahagi ng aking mukha, pati ang aking mga braso.
Ngunit wala akong nararamdaman kundi kawalan.
Totoo ba ang lahat ng ito?
"Nahanap po ba ang mga labi ng aking mga magulang?"
Napansin ko ang aking boses. Wala man lang itong bakas ng kalungkutan.
"Nahanap na hija. Nais mo ba silang makita sa huling pagkakataon?"
Sa mga sandaling iyon, ako ay nakapag-desisyon.
"Hindi na po. Mas mabuting isipin nila na pumanaw na rin ako kasama ng aking mga magulang. Baka makita pa ako ni Julian at isunod na niya ako."
Si Julian, na aking tunay na mahal, na dati kong kasintahan. Ngayon ay nabaliw sa hinagpis ng pagkawala ng kanyang nakababatang kapatid na si Manuel.
Si Julian, na maari akong balikan at patayin ano mang oras.
Ngunit bakit ako nag-aalala?
Wala na akong pakialam sa aking buhay.
Hindi dahil sa pilat sa aking mukha na napakasakit o sanhi ng aking pagkapangit.
Hindi dahil nawala ko ang aking buong pamilya at marangyang buhay.
Kundi dahil wala na akong nararamdaman pa.
Habang nagsusulat nito ay hihintayin ko na lang ang araw kung kailan ako babawiin ng Maykapal.
- Teresa Lopez (Almira de Izquierdo)
A/N: Mature at dark ang tema nito. Shocked si Almira kaya siya ganyan. Di pa nag si sink in sa kanya mga kaganapan. Kung sensitive kayo, pwedeng tumigil. Sensitive din ang tema nito, pero I'll do my best to help Almira see something along the way. Thank you.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top