Kabanata 28-Vida at Tonio
Oktubre 31
Ang huli ko palang nasulat ay ang pagtuloy namin ni Victor sa kanilang bahay-bakasyunan sa San Juan, Batangas.
Isang linggo pala kami namalagi doon. Bumalik kami sa kanilang bayan na masaya at mas lalong napamahal sa isa't isa.
Ikinasal na rin pala sila Vida at Tonio noong akinse (15) ng Oktubre. Labis na pinaghandaan ang kasal at balitang-balita ito sa bayan. Dumalo kami ni Victor.
Dama ko na ako ay pinagtitinginan ng ibang mga panauhin, dahil sa aking pagdadalang-tao at balabal sa aking ulo, ngunit sa isang matalim na tingin ng aking asawa ay tumigil din sila. Hah! Buti nga ay ganoon.
Pinanood ko na lang ang mga kaganapan. Kay gandang pagmasdan ni Vida sa kanyang puting traje de boda habang naglalakad sa gitna ng altar. Si Tonio naman ay naghihintay sa kabilang dako ng altar na may ngiting nagbibigay liwanag sa kanyang mukha.
Antonio Mercado pala ang kanyang buong ngalan. May mga negosyo ang kanyang pamilya sa pagtatanim ng palay at kape mula Batangas hanggang Laguna. Nagmamay-ari sila ng malalaking lupain at iba-ibang mga kabahayan.
Sa maiksing salita ay labis silang pinagpala. Ngunit mabubuti silang mga tao. Tanggap nila ang kalagayan ko kahit na napang-asawa ko si Victor at ako ay may anak sa ibang lalaki. Oo, agad kong sinabi sa kanila at natanggap nila ang katotohanan.
Natapos ang kasal sa isang mapusok na halik na binasbas ni Tonio kay Vida. Iyon pala ang unang halik nila at labis na natuwa ang mga bisita sa pagiging galawgaw ni Vida; paano ba naman, hinablot niya si Tonio sa may leeg para makahalik dito.
Nagkaroon ng malaking handaan sa may likod ng simbahan pagkatapos ng seremonya. Buong bayan yata ay imbitado at marami ang nakilahok sa sayawan pagkatapos.
Isinayaw ako ng aking asawa. Ingat na ingat siya sa aking kalagayan.
"Malapit na ang iyong kabuwanan, irog ko," bulong niya sabay hawak ng mahigpit sa aking balikat.
"Oo nga, nagpapasalamat ako at nandito ka sa tabi ko."
Pumuslit ako ng halik sa kanya sabay yuko. Inangat ni Victor ang aking ulo at humalik din.
"Nasasabik na akong makita ang ating anak."
"Sumipa siya nang banggitin mo iyan," ngiti ko. "Oo anak, sabik ka na naming makita ng iyong ama."
Patuloy akong isinayaw ni Victor.
Di ko lubos akalain na makakamit ko rin ang buhay na aking pinapangarap. Mula sa trahedya ay nagkaroon din ito ng mabuting kinahinatnan.
Lahat ay nasa akin na at wala na akong mahihiling pa.
-Almira de Izquierdo-Bustamante
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top