Kabanata 27-Kasalan

Septyembre 30

Ngayong araw na ito ay ikakasal ako kay Victor Bustamante.

Ang bilis ng mga pangyayari, hindi ba? Ngunit napagpasyahan naming dalawa na ikasal kahit walang magarbong handa at preparasyon. Mas importante ang seremonya at ang aming magiging buhay pagkatapos nito.

Mukhang nagmamadali nga kami, ngunit ako ang nagpasya na gawin na ito agad. Ikakasal din sila Vida at Tonio at mas naisip namin na sila na lang ang may engrandeng kasal.

Ako ay hihinto muna sa pagsusulat. Pupunta na kami ng simbahan. Kami lang ng Familia Bustamante ang dadalo, kasama si Tonio, ang magiging asawa ni Vida.

---

Oktubre 2

Dalawang araw na kaming mag-asawa ni Victor. Natapos ang seremonya namin sa isang simpleng handaan sa bahay na kami lang ang panauhin, kasama sila Doktor Procopio, Doña Selya, Vida, Señor Tonio, at si Sor Veronica, na naglakbay pa mula Maynila para lang makadalo.

Dama ko ang kaligayahan namin ni Victor, maging ng kanyang pamilya. Mukhang lihim na kasalan nga ang naganap sa amin, ngunit ang mahalaga ay pabor ito maging sa kanyang pamilya. Mukhang sabik na rin sila na ako ay maging bahagi ng Familia Bustamante.

Ngayon ako ay si Almira de Izquierdo-Bustamante.

Pagkatapos ng kasal ay nagtungo kami sa bahay-bakasyunan ng mga Bustamante sa isang lugar sa San Juan, Batangas. Sumakay kami ng karwahe at buti na lamang ay di ako nakunan, dahil sa lubak-lubak na mga daanan na aming tinahak.

Sulit ang naging byahe namin. Ako ay namangha nang makarating kami sa kanilang bahay-bakasyunan. Tanaw ang dagat mula rito at kay sarap ng simoy ng hangin. Bukod pa diyan, maayos ang kanilang tirahan. Sadyang malaki ito, na may bintanang gawa sa capiz at isang asotea, kung saan pwede kang magbasa o magmerienda habang tinitignan ang paghampas ng alon sa may dalampasigan.

Isang araw kami nagkulong ni Victor  sa cuarto, na nakakulong sa mga bisig ng isa't isa. Nilimot muna namin ang daigdig sa labas habang dinadama ang aming nag-uumapaw na pag-iibigan.

Sa ngayon ay nagsusulat ako habang tanaw ang asul na karagatan at ang paglubog ng araw. Nagliliyab ang kulay kahel na kalangitan kasabay ng pakikipag-agawan ng liwanag at dilim.

Siguro parating na si Victor mula sa byahe sa palengke. Ngayon ay magluluto kami ng hapunan. Ako ay nasasabik.

-Almira

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top