Kabanata 26-Pagsuyo
Septyembre 17
Kay tagal ko rin hindi nakakapagsulat dito. Huli kong naitala ay ang pagtanggap ko sa pag-ibig ni Señor Victor Bustamante. Sa madaling salita, nililigawan na niya ako.
Di ko lubos akalain na ang isang kagaya niya ay mahuhulog ang loob sa isang babaeng gaya ko. Ngunit ang pag-ibig nga naman ay sadyang mahiwaga. Wala itong pinipili, at lahat ay may pagkakataon na madama ang kahiwagaang ito. Ikaw na ang bahala kung tatanggapin mo ito at patutuluyin sa iyong puso.
Sa akin, hinayaan ko siya na ako ay kanyang ibigin. Ako ay masaya sa kanyang piling kahit sa simpleng paraan. Kapag sabay kaming kumakain ng merienda o nag-uusap sa hardin ay napapangiti niya ako. Hindi na namin kailangang mag-usap palagi. Matabi lang ako sa kanya ay isang kaligayahan.
Siya ang nagbibigay-saya sa aking pang araw-araw na pananatili dito habang hinihintay kong maisilang ang aking magiging sanggol. Mukhang nahuhulog na ang loob ko sa kanya.
Sana maunawaan ito ng aking magiging anak sa sinapupunan. Anak, hindi pwedeng palagi akong nagmumukmok. Bigyan mo ako ng pagkakataong maging maligaya.
Sana paglabas mo ay matanggap mo rin si Señor Victor bilang iyong ama.
Hindi pa ako inaalok ni Señor Victor ng kasal. Di pa rin namin ito napapag-usapan, pero umaasa akong doon na kami papunta.
---
Septyembre 20
"Buenos dias. Maari ba kitang ilabas ngayong araw, Señorita Almira?"
Ito ang bungad sa akin ni Señor Victor nang magising ako sa aking siesta. Lumabas ako ng cuarto at patungo sa may cocina para magmerienda nang sinalubong ako ng mabuting ginoo.
"Señor, bihis na bihis ka ata." Di ko mapigilan ang ngumisi sa kanyang itsura. Todo-ayos siya at mukhang illustrado sa kanyang itim na sumbrero, pang-itaas, at pantalon.
"Magbihis ka at lalabas tayo," utos sa akin ni Señor Victor.
"Bakit? Saan ba tayo tutungo?" Kumunot ang aking noo.
"Utos ng lalaking nagmamahal sa iyo na magbihis ka. Magpaganda ka, at tayo ay lalabas. Makikita mo mamaya. Sa salas muna ako maghihintay."
"Aba, di pa ako maganda sa lagay na ito?!" Pumamewang ako sa kanya. Ano bang puna niya sa aking puting blusa at sayang bulaklakin?
Natawa na lang siya at iniwan akong naiinis. Wala akong magawa kundi bumalik sa cuarto.
Naghanap pa ako ng magandang baro't saya. Halos lahat ng kasuotan ko ay galing kay Señora Selya at tama lang para sa isang nagdadalang-tao, dahil may kalakihan ang bulas ng Senyora. Ano kaya maisusuot ko kung wala akong makita sa aparador?
Dumapo ang aking kamay sa isang kasuotan sa may gilid ng aparador. Hinugot ko ito sa sabitan at laking gulat ko sa aking nakita.
Isa itong baro't saya na kakulay ng asul na kalangitan. Gawa ang pang-itaas sa telang piña at may mga burdang maliliit na bulaklak ang pañuelo nito. Ang saya naman ay umaagos sa sahig at may burda rin sa laylayan.
Ito na lang ang pinilin kong isuot. Buti na lamang at nagkasya sa akin. Tama lang ang bagsak nito at nagawa pa ring itago ang aking sinapupunan. Aking tinignan ang sarili sa salamin.
Di ko mapigilan na ngumiti habang naglalagay ng polbo sa mukha. Pinuyod ko ang aking mahabang buhok at naglagay ng payneta.
Lumabas ako ng cuarto at pagkadating ko sa salas, naghihintay si Señor Victor kasama si Doña Selya.
"Aba, kay yumi tignan ng iyong Señorita!" Ngiti ni Doña Selya sa kanyang unico hijo.
"Nakuha ko po ang damit na ito sa aparador. Hihiramin ko po dahil sabi po ni Victor ay magbihis ako ng maganda," wika ko.
"Ay naku, walang anuman!" Tumayo si Doña Selya at yumakap sa akin. "Buti na lang at natagpuan mo rin ang kasuotang iyan! Talagang nilaan ito para sa iyo dahil dadalhin ka ng aking si Victor sa isang espesyal na lugar!"
"Humayo na tayo, Señorita Almira."
Tumayo si Señor Victor at inilahad ang kanyang kamay. Inalok ko naman ang aking kamay at marahan niyang kinuha ito.
"Paalam mama!" Ngiti ni Victor kay Doña Selya.
"Nawa'y maging maayos ang inyong tagpo!" Galak na wika ng ginang.
Bumaba kami ng hagdan papalabas ng bahay. May naghihintay na karwahe at naunang umakyat si Señor Victor. Inalalayaan niya ako papasok at sinabi niya sa kutsero na dalhin kami sa napagkasunduang lugar.
"Saan iyon?" Tanong ko.
"Makikita mo na lang," ngiti ni Señor Victor sa akin.
Nagbyahe ang karwahe hanggang sa makaabot sa bayan. Laking pagtataka ko nang tumigil kami sa harapan ng Clinica Bustamante.
"Bakit tayo dito?" Kumunot ang noo ko at tinignan si Victor.
Ngumiti lang ang mabuting ginoo sa akin. Yung ngiting nakakakilig at nakakatunaw ng puso.
Nauna siyang bumaba at inalay niya ang kanyang braso. Kumapit ako sa kanya habang maingat kong inapak ang aking kanang paa sa lupa. Marahan ko namang hinakbang ang aking kaliwang paa at nakababa rin ako sa may kataasan na karwahe.
"Gracias, Señor," kaway ni Victor sa kutsero.
Nang makaalis na ang karwahe, inakay ako ni Señor Victor papasok sa kanyang clinica.
"Magpapatingin ba ako sa iyo ngayon? Eh bakit nag-ayos pa ako?" Patutsada ko sa kanya.
"Huwag ka nang maraming tanong. Halika na."
Pumasok na si Señor Victor sa loob habang nakakapit ako sa kanyang braso. Agad akong namangha nang makita ko na inayusan niya ang cuarto ng clinica.
May mga puting curtina sa bintana habang may lamesita na gawa sa kahoy na may candelabra sa gitna. May tatlong kandila sa gitna nito na may ilaw.
"Magandang araw, Doktor!"
Isang babaeng may edad na ang pumasok. May dala siyang plato ng ulam.
"Buti natunugan mo ang pagdating namin, Loleng. Pakilapag na lang iyan plato ng morcon."
"Sige po. Ipapasok ko pa ang ibang ulam."
Napatingin sa akin si Loleng at ngumiti.
"Ay, siya po ba? Yung babaeng kinukwento niyo?"
"Opo, siya nga. Almira, si Loleng, ang tumutulong sa akin sa clinica."
"Magandang araw po," ngiti ko.
"Aba, kay ganda nga niya! Mahusay kang pumili ng novia!"
"Ganyan po talaga kapag gwapo!" Tawa ni Victor.
"Swerte mo, hija!" Kumindat sa akin si Aling Loleng at umalis.
Inalalayan ako ni Señor Victor na maupo. Pagkatapos niyan ay naupo rin siya sa aking harapan. Magsasalita na sana siya nang pumasok ulit si Aling Loleng na may dalang dalawa pang malaking plato.
"Ayan, kumpleto na ang ulam niyo. May mga baso diyan sa likod at pitsel ng tubig."
"Salamat po," wika ni Victor.
Malaki ang ngiti sa amin ni Aling Loleng bago siya umalis.
Tumayo si Victor at nilapag ang dalawang baso sa harapan namin. Huli niyang inilapag ang pitsel.
"Kain na tayo. Masarap magluto si Ka Loleng."
Tinignan ko ang mga potahe sa lamesa. Kay bango ng Morcon habang mukhang masarap naman ang Humba. Buti na lang din ay maraming kanin.
Umusal ako ng munting panalangin. Nakita ako ni Victor at sinabayan niya ako.
Pagkatapos ay nagsimula na akong kumain. Hindi ako nagsisisi sa aking unang impresyon sa mga ulam. Sarap na sarap ako sa Morcon at Humba!
"Hinay-hinay sa pagkain, Señorita! Huwag mo akong ubusan!" Tawa ni Victor.
Inilapit ko sa kanya ang plato ng Morcon. "Kuha ka pa. Masarap!"
"Mas masarap panoorin ang babaeng aking minamahal na sarap na sarap habang kumakain." Di mapigilan ni Victor na ngumiti.
"Ito naman oh!" Di ko mapigilan ang ngumiti sabay subo ng kanin at ulam.
Di kalaunan ay natapos na ang aming munting salu-salo. Inangat ko ang aking tingin kay Señor Victor, na may kinakapa ata sa loob ng kanyang bulsa.
"Señorita Almira, ito, para sa iyo."
Kinuha niya ang aking kamay at naramdaman kong may sinuot siyang singsing sa aking kaliwang daliri.
"Ano ito?" Labis akong nagulat na halos tumigil na ang aking puso. Hinablot ko ang aking kamay at tinignan ang singsing sa liwanag ng kandila. Kulay ginto ito na may asul na bato sa gitna.
"Ang ganda pala ng singsing na ito kahit puwet ng baso!" Natatawa kong biro.
"Hija, hindi ito puwet ng baso!" Buti na lang ay natawa si Victor sa aking biro imbes na magalit.
"Napulot ko ang singsing na iyan nang nag-aaral ako ng medisina sa España, ilang taon na ang nakararaan. Agad kong itinago at pinangako sa sarili na ibibigay ko iyan sa babaeng tunay kong iniibig at handang makasama habang-buhay."
Napaawang ang aking bibig sa kanyang mga salita.
"Binibigyan mo lang ako ng singsing na iyong napulot sa kalye ng España?"
"Mumurahin lang iyan pero walang katumbas na halaga ang pag-ibig ko sa iyo."
"Ito oh, nagbibiro lang. Gusto ko ang regalo mo," ngisi ko.
Tumayo si Señor Victor at kinuha pareho ang aking mga kamay. Napatayo ako sa aking kinauupuan at agad niya akong kinulong sa kanyang bisig.
"Sana pumayag ka na makasama ako habang-buhay, Almira. Hayaan mo akong maging iyong gabay at maging ama sa iyong magiging anak."
"Victor..." Hindi ako makapaniwala sa kanya.
"Ngayon pa lang ay inaalok na kitang ako ay pakasalan."
"Natatakot ako sa sasabihin nila sa atin," bulong ko.
Inangat ni Victor ang aking mukha at diretso niya akong tinignan.
"Wala tayong pakialam sa sasabihin nila. Tayo ay gagawa ng ating sariling mundo kung saan tayo ay magiging maligaya."
Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin at marahan akong dinampian ng halik.
Dama ko ang kaba sa aking dibdib sa mga oras na iyon ngunit may hatid din itong kakaibang ligaya. Yung para bang may matagal kang hinintay at natupad na iyon sa wakas.
Inilayo niya ang kanyang mukha sa akin at sinabing:
"Almira, mahal na mahal kita."
"Mahal din kita."
Natigilan ako. Bigla kong nasabi ang mga katagang iyon na walang pag-aalinlangan. Ngunit di ako nagsisisi.
"Maari mo ba akong pakasalan?"
Diretso kong tinignan si Victor sa kanyang mga mata.
"Oo! Papakasalan na kita!"
Ramdam ko ang pagpatak ng aking mga luha, ngunit dahil ito sa nag-uumapaw na kaligayahan. Sumipa rin ang aking sanggol sa sinapupunan. Mukhang masaya rin siya para sa akin.
Binalot ako ni Victor sa kanyang mga yakap.
"Salamat. Gracias. Ang aking pinapangarap na ikaw ay di ko na papakawalan kahit kailan."
Sadyang kay tamis umibig lalo na't ito ay para sa iyo.
-Almira
A/N: HOY ALMIRA, IYANG ANAK MO! Hehehe.
Sorry for the long wait for this update. Busy lang sa work. At sana matapos ko na rin ito. Hirap isulat ni Almira kasi jontis at magugutumin.
Thank you for reading.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top