Kabanata 25-Kasagutan
Agosto 4
Nang dahil sa isang tagpo ay napilitan ulit akong makipag-usap kay Señor Victor. Dalawang araw na kami di nagkikibuan. Sa akin lang ay binibigyan ko siya ng lugar para makapag-isip pa ng mabuti.
Kahapon ay naisipan kong dumaan sa simbahan. Oo, ibig sabihin noon ay lumabas ako ng bahay. Nakatalukbong ako sa ulo, at tinakpan ko ang aking pilat sa mukha.
Aking nilakad ang malapit na simbahan sa bayan. Tatlong minuto lang ang layo nito at di naman nakakapagod. Makulimlim din ang panahon, at siguro mga bandang alas cuatro y media ng hapon ako lumabas.
Nang marating ko ang simbahan ay nakabukas ito, ngunit walang nagdarasal sa loob. Agad akong lumuhod at nanalangin.
Nagpasalamat ako sa Kanya na nabigyan pa ako ng pangalawang pagkakataong mabuhay. Ito na ang hudyat para ayusin ko kung ano man ang nasira. Para na rin ito sa aking magiging anak. Wala man siyang ama ay magsisilbi ako bilang ina at ama.
Nag-alay din ako ng panalangin para sa mga kaluluwa ng aking mga magulang, ng Pamilya Carreon, at ang iba pang mga nasawi sa pagsabog noong araw ng aking kasal kay Sebastian.
Pinagdasal ko rin ang katahimikan ng kaluluwa ni Julian. Gabayan mo ako sa pag-aalaga ng ating anak. Sana payagan mo rin akong umibig muli kung sakaling darating man ang panahong iyon.
Naupo ako mula sa pagkaluhod at hinayaan ang sarili na lumuha. Inalay ko ang aking mga luha sa lahat ng aking nawala. Pinadaloy ko ang hinagpis na aking kinimkim ng matagal.
Hindi ko na namalayan ang oras. Nang lumabas ako sa simbahan ay bumuhos ang butil-butil na patak ng ambon mula sa maulap na kalangitan. Kailangan kong maghanap ng masisilungan. Buti at nakita ko ang isa pang pintuan sa gilid kung saan may munting pulang bubungan sa ibabaw.
Naging ulan na ang ambon at nag-alala tuloy ako kung paano makakauwi.
"Andito ka pala."
Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses. Nasa tabi ko na pala si Señor Victor at nakikisilong din siya mula sa buhos.
"Paano ka napunta dito?"
"Nagdasal lang ako sa loob kanina. Tapos paglabas ko ay naaninag kita. Pinagtagpo tayo ng pagkakataon," ngiti nito.
"Nang-aasar ka pa. Akala ko ba nagtatampo ka sa akin?" Ismid ko.
Kumibit-balikat si Señor Victor.
"Tiyak na aabutan pa tayo ng mas malakas pang buhos kung tayo ay mananatili pa rito. Mabuti pa ay umuwi na tayo."
"Susugurin natin ang ulan?" Di ako makapaniwala sa kanyang mungkahi.
"May dala akong pananggala laban sa ulan."
Pinakita niya ang kanyang kamay na may hawak na baston. Inangat niya ito at binuksan. Bumukadkad ang baston na parang sa parasola.
"Payong ito na nabili ko sa bayan mula sa isang Tsino. Tiyak na di tayo mababasa rito," ngiti ni Señor Victor.
Inalok niya ang kanyang braso. Nasa kaliwang kamay niya ang payong na kulay itim ang tela.
Wala na akong sinabi at kumapit na lang ako sa kanya.
Tahimik kaming naglakad na nakasukob sa payong sa gitna ng pagbuhos. Sinigurado ni Señor Victor na di ako mapapatid habang tinatahak ang maputik na kalsada. Nabasa na rin ang laylayan ng aking saya ngunit di ko ito ininda.
Palihim kong sinulyapan si Victor habang naglalakad. Nakangiti siya sa kanyang sarili. Alam ko gusto niya akong kasama.
May kakaiba akong kiliti na naramdaman. Hindi ko alam kung nabighani lang ako sa kanyang mukha o dahil naaamoy ko ang kanyang bango. O dahil din siguro ang lapit ko sa kanya at nakakapit ako sa kanyang braso.
Nakarating na kami sa tahanan ng mga Bustamante. Doon ko lang natanto na hindi niya ako binitawan hanggang sa may salas. Inilagay niya ang payong sa gilid para matuyo at iniupo niya ako sa may silyang solihiya.
"Sa susunod na lalabas ka ay magsabi ka. Kung di ako dumaan ng simbahan ay aabutin ka doon ng gabi," mariin niyang sinabi.
"Patawarin mo ako."
"Ay siya, kanina pa kita pinatawad. Teka, dyan ka lang at maghahanda ako ng merienda."
"Ngunit maggagabi na--"
"Diyan ka lang."
Tinignan ako ni Señor Victor na para bang ayaw niya akong paalisin. Tumalikod siya at nagtungo sa cocina. Matagal din siya doon. Nakabalik siya na may dalang mangkok ng sopas.
"Kumain ka na."
Inilapag niya ang mangkok sa katabing lamesita.
"Di pa ako gutom," diin ko.
"Doktor ako. Kumain ka para di ka sipunin. Nahamugan ka kanina."
Kinuha ko ang mangkok ng sopas at nagsimulang kumain habang kasama si Señor Victor. Masarap ito at buti na lang ay naiinitan din ang aking sikmura. Naubos ko ito sa isang upuan. Di maikaila ang kagalakan sa mukha ng ginoo.
"Masaya ako nabusog ka, Almira."
"Salamat. Siguro di na ako maghahapunan mamaya."
"Busog ka na diyan? Maari ka pang kumain kung gusto mo."
"Ay, nakakahiya naman," tanggi ko.
"Kailangan ng isang kagaya mo ang pagkain. Di ko nirereklamo na mas matakaw ka pa sa akin," ngisi niya.
"Loko!" Bigla kong napalo ang kanyang braso.
"Aba, pilyang señora, nasaan na ang pagiging mahinhin mo?" Gulat niyang wika.
"Huwag mo akong matawag na matakaw!" Tinalikuran ko si Señor Victor.
Ang totoo niyan ay kunwari lang akong nagtatampo.
"Patawad. Hindi na mauulit."
Hinarap ko siyang muli. "Ay mainam naintindihan mo!" Akin siyang pinandilatan.
Natawa ang ginoo. "Huwag ka nang mapikon."
"Tigilan mo iyang pagtawa mo!"
Kalaunan ay bumigay na rin ako at natawa. Matagal kaming nagtawanan hanggang sa nanahimik kaming dalawa.
Naging nakakailang ang katahimikan. Gusto ko ulit siyang kausapin ngunit bigla akong tinamaan ng hiya sa di ko malamang dahilan.
Unang beses kong tumawa kasama siya. Kay sarap pala sa pakiramdam na magaan ang iyong kalooban. Doon ako may naramdaman at sa tingin ko ay iyon na ang sagot sa aking katanungan.
"Victor?"
"Ano iyon?"
Hinarap ko siya.
"Sa tingin ko... Binibigyan kitang pagkakataon na..."
Tuluyan na akong nautal.
"Ano iyon, Almira?"
"Binibigyan kita ng pagkakataon na ako ay iyong mahalin."
Sa gitna ng paglalakad sa ulan kanina ay doon ko natanto na pwede ko pala siyang matutunang mahalin at patuluyin sa aking puso.
Ngumiti si Señor Victor at niyakap ako ng mahigpit. Pinakawalan niya ako at siya ay tumugon.
"Salamat. Hindi kita aapurahin ngunit hahayaan kitang umibig ng kusa."
Ako na ang yumakap sa kanya at matagal kaming nanatili sa mga bisig ng isa't isa.
Pwede ko palang matutunan na umibig muli. Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng aking puso na kilalanin ang lalaking labis akong minamahal, si Victor Bustamante.
Handa ko na siyang patuluyin at makapiling siya sa aking tabi.
-Almira
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top