Kabanata 22-Si Señora Cion

"Maawa po kayo sa kanya!"

Agad akong pumagitna sa kawawang dalaga na nakasalampak na sa lupa at patuloy sa paghagulgol. Kinuha ko ang kamay ng kanyang ina at mabuti naman ay napigilan ko siya sa pagsampal pa sa kanyang dalaga.

"Hoy babae, huwag kang makialam dito! Sino ka ba, aber?!"

Matalim akong tinignan ng ginang na Senyora Cion ang ngalan. Pumamewang siya at palakad na sa aking likuran, kung saan nandoon ang kanyang anak na si Insiyang.

Agad kong hinarangan ang ginang. Makalat na ang kanyang nakapuyod na buhok at tagaktak ang pawis sa kanyang noo. Namumula na ang kanyang mukha sa sama ng loob, at dahil na rin sa bugso ng damdamin na kanyang pinakita kanina lamang.

"Señora, mabuti kung huminahon po tayo at makakaisip din tayo ng paraan para masolusyonan ang inyong suliranin. Di rin po makakabuti kung pagbubuhatan ninyo ng kamay ang iyong anak."

Seryoso ko siyang tinignan. Binaling ni Señora Cion ang kanyang tingin sa aking sinapupunan.

"Ikaw rin pala, nagdadalang-tao. Kaya pala, hmp! Sino ang ama niyan? Baka haliparot ka rin gaya ni Insiyang!" Ngumisi siya sa kanyang mga sinabi.

Nasaktan ako sa kanyang mga sinabi kahit di ko siya kilala. Nagpakatatag na lamang ako at sinagot ko ay:

"Hindi po importante kung sino ako. Mas mahalaga po na malaman niyo na mali ang ginagawa niyo sa iyong dalaga."

Naramdaman ko ang kamay ni Insiyang na nakakapit sa aking binti. Nilingon ko siya at tinulungang makatayo. Inayos ko pa ang kanyang putikang blusa na halos malaglag na sa kanyang mga balikat.

"Inay, patawarin ninyo ako at papanindigan ko po ang aking pagkakamali!"

Galit na lumapit si Señora Cion sa aking likuran ngunit hinarangan ko siya.

"Ano, aasa ka na papakasalan ka ng bwisit na Kastilang iyon?!" Bulyaw niya kay Insiyang, na agad kumapit sa aking mga balikat.

Lumapit sa akin si Vida. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

"Umalis na tayo dito!" Bulong niya.

Umiling na lang ako sa kanya. "Vida, mamaya na. Kailangan ko silang tulungan."

Binalik ko ang tingin kay Señora Cion at sasagutin ko na sana siya, nang biglang nagpalakpakan at naghiyawaan ang mga tao na nanonood sa amin.

Sa di-kalayuan ay may guardia civil sa tumatakbo sa aming direksyon.

"Mi amor! Insiyang!" Sigaw niya.

"Nanding!"

Agad tumakbo si Insiyang mula sa aking likuran at isang yakap ang kanyang salubong sa kanyang minamahal na si Heneral Eliseo.

Lahat ay napasigaw at humiyaw sa kagalakan dahil sa eksenang iyon. Tinignan ko si Señora Cion na halata ang pagkagulantang sa mga pangyayari.

Kumalas si Heneral Eliseo kay Insiyang at agad lumapit kay Señora Cion. Hinubad niya sa ulo ang kanyang sumbrero na parte ng kanyang uniporme at lumuhod sa harapan ng ginang.

"Señora... Lo siento, es mi culpa."

("Señora, patawarin mo ako, kasalanan ko.")

Inangat ni Señora Cion ang kanyang kamay at sinapak ang guardia civil na si Nanding Eliseo. Tahimik niyang tinaggap ang malupit na sampal ng ginang.

"Walang hiya ka, maldito! Binuntis mo ang aking anak kapalit ng pera na pagpapagamot ko raw! Tapos ano?! Iiwanan mo siya?! Hayop ka!"

Tumayo si Heneral Eliseo. Di niya alintana na napahiya siya sa harap ng madla. Di ako malapit ang kalooban sa mga guardia civil na kagaya niya. Ngunit sa ngayon ay awang-awa ako sa kanya.

"Señora, papanindigan ko po ang iyong unica hija," wika niya sa salitang Tagalog na may puntong Kastila.

"Ang totoo niyan ay niligtas ko po siya sa kanyang trabaho na pagbebenta ng aliw. Inalok ko siyang maging katulong sa aking pamamahay na may kapalit na sahod. Doon po niya nakukuha ang kanyang salapi para sa iyong mga gamot at iba pang gastusin pang-araw araw."

Tahimik na nakikinig ang mga tao. Nakanganga na halos si Señora Cion sa narinig. Doon na nagsalita si Insiyang.

"Inay, kung ang tingin niyo ay hinalay ako ni Nanding, nagkakamali po kayo. Nahulog po ang loob namin sa isa't isa. At kahiya-hiya man ang nangyari sa aming dalawa, sabay po naming haharapin ang mga pagsubok kahit gaano po kahirap."

Kinuha ni Heneral Eliseo ang kamay ni Insiyang at mahigpit itong hinawakan.

"Patawarin niyo po kami. Ngunit desidido na po kaming magpakasal basta mahingi namin ang iyong basbas. Kung di pa ngayon, sa mga susunod po na araw, basta maluwag sa iyong kalooban."

"Pumayag na po kayo!" Sigaw ng isang lalaki.

"Ibigay niyo na ang basbas, Señora!"

Nag-ingay na ang mga taumbayan. Napansin ko na mas dumami na ang mga nanonood kaysa kanina.

Halos mangiyak-ngiyak na si Señora Cion nang lapitan niya si Insiyang.

"Hija, alam naman natin na pinatay ng guardia civil ang iyong ama dahil di siya nakapagbayad ng kanyang inutang." Marahan niyang hinawakan ang mga balikat ni Insiyang. "Tapos sa ganyan lang din lalaki ka mapupunta?"

Bakas na ang mga luhang tumutulo sa mga mata ni Señora Cion.

"Ayoko lang din na magdusa ka sa iyong magiging asawa dahil sa kanyang dugong Kastila."

"Ina, hindi po lahat ng Español ay gaya ng inaakala niyo. Sa katunayan nga po, si Heneral Eliseo ang nagligtas sa akin at nagpakita ng tunay na pag-ibig," paliwanag ni Insiyang. "Handa siyang buhayin kami na kanyang magiging pamilya."

Lumuhod ang magsing-irog sa harapan ni Señora Cion.

Nanahimik ulit ang mga tao.

"Oh siya, tumayo na kayong dalawa diyan."

Tumayo sila Insiyang at Heneral Eliseo at niyakap sila ng ginang. Masayang palakpakan at hiyawan ang mga tao sa kanilang nakita.

Sa gitna ng kasiyahan ay nilapitan ako ni Vida.

"Mabuti at nagtapos ito ng maayos," ngiti niya sa akin.

"Oo nga."

Paalis na sana kami ni Vida nang lumapit si Señora Cion sa amin.

"Salamat sa inyo. Nang mahimasmasan ako, nalaman ko na mali pala ginagawa ko. Dahil sa inyo ay bibigyan ko sila ng pagkakataon."

Ngumiti ang ginang at humawak sa aking mga kamay.

"Maging maayos sana ang iyong magiging anak. Teka, ikaw ba yung inampon nila Doktor Procopio?"

"Ako nga po," ngiti ko.

Paano niya nalaman?

"Minsan na kasi kitang nakitang namimili kasama si Señorita Bustamante," ngiti niya kay Vida. "Pagkatapos ay narinig kitang kinukwento ni Doktor Procopio sa kanyang clinica. Napadaan ako doon habang nagpapatingin sa kanya, hirap ng may alta presyon."

"Huwag na po kayo magalit!" Biro ni Vida sa kanya. "Baka wala nang gamot si Papa kapag nagpagamot kayo sa susunod!" Biro ni Vida.

"Hindi na. Magiging mabuting ina na ako sa aking anak na magiging ina na rin."

Maaliwalas na ang ngiti ni Señora Cion.

Umalis na kami ni Vida. Nakarating kami sa bahay nila at di pa rin makapaniwala sa mga nangyari kanina sa plaza.

Kung makikinig lamang tayo at uunawa ay mas maiiwasan ang gulo at sakit ng damdamin.

-Almira

(Itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top