Kabanata 2- Unang Pahina
Ilang linggo na ba ang nagdaan? Hindi ko na pinapansin ang pagdaan ng mga araw. Nakatulala lang ako maghapon sa aking cuarto at nakatingin sa kawalan. Pinipilit ko lang kumain at mag-ayos ng sarili dahil sa pag uudyok ni Sor Monica, ang madre superiora ng kumbento kung saan ako nagtatago.
Kilala ako sa ngalang Teresa Lopez. Ngunit hindi pa ito ang tunay kong pangalan at katauhan.
At hindi rin ako papasok bilang isang mongha. Higit pa ang dahilan kung bakit ako nagtatago dito.
Binigyan ako ng Madre Superiora ng mga papel para doon ko raw isulat ang aking mga saloobin at hinaing. Oo nga naman, baka nga makatulong. Kay tagal ko nang dala ang aking sama ng loob kaya dapat ko na itong harapin.
Ako ay si Almira de Izquierdo. Dis si siyete anyos, anak nila Don Alberto de Izquierdo at Doña Elena Lopez.
Ikakasal sana ako kay Sebastian Carreon, ngunit di ito natuloy dahil sa isang trahedya.
Umiibig ako sa isang bodeguero na si Julian de Leon. Tatakas sana kami nang mahuli nila Sebastian at ng kanyang mga kilalang guardia civil ang aming balak. Nabaril tuloy ni Sebastian ang kapatid ni Julian na si Manuel. Ikinulong si Julian at nangakong papalayin ito kung papakasal ako kay Don Sebastian.
Kaya pumayag ako sa kanilang nais.
Noong araw ng aking kasal, malungkot kong pinapanood ang mga bisita. Hindi ko alam ang magiging buhay ko sa hinaharap. Ngunit dapat tanggapin kahit na hindi ko ito gusto.
Naisipan kong bumaba ng cocina. Naabutan ko ang aking nobyo na si Julian na may dalang malaking lampara. Aking tinanong kung ano ang kanyang balak.
Sabi niya ay ito na raw ang katapusan naming lahat.
Nalaman ko ang ibig niyang sabihin. Nabasa ko na ang El Filibusterismo at sigurado ako na doon niya nakuha ang ideya ng lampara.
Nakipag agawan ako sa kanya ngunit hinagis niya ang lampara sa malayo at agad siyang nakatakas. Lalabas na sana ako ng cocina para paalalahanan ang mga tao sa itaas ng bahay na sasabog ito.
Ngunit huli na ang lahat.
Sumabog ang lampara at agad namatay ang mga tao sa itaas. Kasama na rito ang aking mga magulang at si Don Sebastian.
Natabunan ako ng pintong gumuho kaya ako ay nabuhay. Agad kong inalis ito sa aking katawan. Ngunit naramdaman ko na nagliliyab ang kanang bahagi ng aking mukha.
Nagmamadali akong tumakbo papalayo. Nakakita ako ng poso ng tubig at doon ko hinugasan ang aking mukha. Napakahapdi at hindi mawaring sakit ang aking nadama dahil sa sugat na iyon.
Ngunit kailangan kong magpatuloy sa paglayo. Baka isunod ako ni Julian na dati kong nobyo. Patago akong nagtatakbo habang nakataklob ng belo ang aking ulo at mukha. Nakayapak lang at dama ko ang hangin sa aking likuran dahil sa sira kong damit. Ang aking buong katawan ay malaking sugat.
Naalala ko ang kumbento ng mga madre. Kaibigan ng aking ina ang madre superiora.
Doon ako dinala ng aking mga paa. Walang tigil akong kumatok hanggang sa nagbukas ang pintuan.
Nang makita ko ang madreng nakatayo ay umusal ako ng tulong.
Nawalan na ako ng malay pagkatapos at nang magising ako, ay nakahiga na ako sa isang kwarto.
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top