Kabanata 19-Doña Selya
Hulio 15
Hindi ako nakapagsulat dito sa talaarawan ng tatlong araw. Di ko mawaksi sa aking isipan ang mga salitang binitiwan sa akin ni Señor Victor sa may Lawa ng Taal.
May nabubuo na siyang pagtingin sa akin at hindi ko maiwasan na ako ay magalak. Ngunit hindi ko alam kung tatanggapin ko ang kanyang inaalok na pag-ibig.
Hindi na ulit niya nabanggit ang tungkol sa aming pag-uusap pagkatapos ng tagpong iyon. Tuwing nagkikita kami sa loob ng bahay ay tumatango lang siya sa akin.
Nakasabay kong kumain ang buong pamilya kasama sila Doktor Procopio at Doña Selya. Kakagaling lang nila sa kanilang lakad sa Maynila. Halos hindi ako kumikibo, pwera na lamang kung tinatanong ako.
"Kumusta ang iyong kalagayan, hija? May masakit ba sa iyo?" Tanong sa akin ng butihing doktor.
"Wala po, Señor. Sa katunayan nga po ay hindi na ako naduduwal tuwing umaga," ngiti ko.
"Mabuti iyon!" Wika ni Doña Selya. "Noong dinadala ko si Victor ay sadyang kay hirap! Naduduwal ako halos kada umaga noong unang tatlong buwan."
"Mama naman," ngisi ni Victor sa ina.
"Buti ay maayos ka namang lumaki. Itong si Vida ay napaka-pilya noong bata!"
"Lagi ngang naakyat ng puno tuwing hapon!" Tugon ni Doktor Procopio.
"At ayaw matulog tuwing tanghali," natatawang dagdag ni Sor Veronica.
"Pinagkakaisahan nila ako, Mama!" Ngumuso si Vida.
"Pero ngayon ay handa ka na sa buhay may-asawa! Kay sarap ng niluto mong nilaga ngayong pananghalian!" Puri sa kanya ni Doña Selya.
Hindi mapigilan ng lahat na tuksuhin siya.
"Darating din po siya, maghantay lang kayo! Gugulatin ko kayo isang araw dahil may ipapakilala na akong novio!" Ngumisi ang pilya na si Vida.
"Mangyayari lamang iyon pagputi ng uwak!" Biro ni Señor Victor.
"Kuya! Ikaw dapat ang may ipakilala na novia!" Pinalo ni Vida ang balikat ni Señor Victor at lahat ay natawa.
"Kumilos ka na ayon sa isang mabuting dalaga," natatawang sabi ni Doña Selya.
Tumingin naman ang mabutihing Doña sa akin at sinabing, "Sana ay di mo mapaglihihan si Vida at mahawa ng kapilyahan ang iyong magiging anak."
"Ngunit kung babae po ang aking anak ay sana mamana nito ang taglay na kagandahan ni Señorita Vida," ngiti ko.
"Tignan ninyo, maganda raw ako sabi ni Señorita Teresa! Wala man novio ngunit kaakit-akit pa rin!"
Tumayo si Vida at pumamewang sa amin.
Di na namin mapigilan ang matawa.
---
Pagkatapos ng masayang tanghalian ay tumulong ako sa paghuhugas ng pinagkainan. Di na tumutol si Señor Victor, dahil kami naman ni Vida ang gumawa nito.
Ako ay namalagi ako sa aking cuarto nang matapos na ang gawain. Naidlip ako sa tumba-tumba sa may bintana habang umiihip ang sariwang hangin. Nagising na lamang ako nang may kumatok sa pintuan.
Agad kong minulat ang aking mga mata at pinagbuksan ang nasa kabila.
"Magandang hapon, Teresa."
Malugod na ngumiti sa akin si Doña Selya. Lihim akong nagtaka kung bakit siya nandito. Gusto ko sana siyang tanungin pero baka di maganda ang dating.
"Buenas dias, Señora." Pilit kong ngumiti.
"Hija, maari ba kitang makausap dito? Tayong dalawa lang sana," hiling niya.
Kinabahan na ako sa kanyang sinabi.
"Ah, pasok po kayo," alok ko.
Pumasok si Doña Selya at piniid ang pintuan. Naupo siya sa gilid ng higaan at inaya niya ako na tabihan siya, na aking ginawa.
"May gusto po kayong itanong?" Simula ko.
"Hija, ako ay sumaglit dito para sabihin sa iyo na kinausap ako ni Victor kasama ang kapatid niyang si Vida. Naikwento niya na namumuo na ang kanyang pagtingin sa iyo. Hiningi niya ang aming basbas para ikaw ay ligawan at pakasalan."
Biglang nanikip ang aking dibdib. Napakabilis ata ng pangyayari.
"Ah... Alam ko po iyon. Kinausap na niya ako tungkol doon."
"Talaga?" Kinuha ng Doña ang aking mga kamay. "Maari bang malaman ang iyong tugon tungkol dito?"
Bakas ang kasabikan sa mga mata ni Doña Selya. Taliwas ito sa aking akala na tutol siya sa ideya ng kanyang unico hijo.
"Ah... Kasi po---"
"Hija, kung papayag ka sa kanyang alok ay labis naming kinatutuwa ito. Pinahayag sa amin ni Victor na namuo na ang kanyang pag-ibig sa iyo unang beses ka pa lang niya na makita. Kay tagal na niyang huling umibig dahil takot siyang mabigo, kaya aming kinagulat nang malaman namin ang tungkol sa iyo."
Halos kumikislap sa kagalakan si Doña Selya sa kanyang mga kataga.
Mukhang madali lang pala na tanggapin ang isang kagaya ko sa pamilya nila Señor Victor. Ngunit ako pa rin ay nag-aalangan.
"Señora, ako ay nagagalak na handa niyo akong tanggapin. Ngunit ang isang kagaya ko ay di nararapat na maging bahagi ng inyong prominenteng pamilya."
Agad nawala ang kasiyahan sa mukha ni Doña Selya.
"Hija, kung akala mo ay dahil ito sa iyong itsura, nagkakamali ka."
"Baka kailangan pa po mag-isip ni Señor Victor. Baka naaawa lang siya sa akin. Alam din niya ang aking masaklap na nakaraan. Ikakasal sana ako ngunit may ibang novio, at ang isang lalaking iyon ang ama ng aking dinadalang sanggol."
"Alam namin ang lahat ng iyon, Almira."
Napaawang ang aking bibig.
"Sino po nagkwento sa inyo? Si Victor?"
"Dumalaw kami sa burol ng iyong mga magulang. Kaibigan ng aking asawa ang iyong ama, kaya labis naming kinalulungkot ang nangyari. Ngunit nagtataka kami kung bakit dalawa lang silang nakaburol. Kaya pinaalam ko kay Procopio kung nabuhay ba ang kanilang babaeng anak. At doon ka nakita ng aking asawa na tumutuloy sa kumbento nila Veronica."
Ako ay napailing. "Señora, sigurado po kayo?"
"Ngayon pa lang ay tanggap ka na namin, ngunit ikaw ang bahala sa iyong desisyon. Tandaan mo na kailangan mo ng isang katuwang. Hindi maari na maisilang ang iyong anak na walang ama."
"Ngunit ako po ay masamang babae."
Kinuha ni Doña Selya ang aking mga kamay.
"Hindi mo dapat hayaan ang nakaraan na palaging maging anino ng iyong kasalukuyan. Nagkakamali ang mga tao, sadya tayong mahina. Ngunit may kakayahan tayo na baguhin ang lahat at magsimulang muli."
Napakaganda ng kanyang mga sinabi. Kinagat ko ang aking labi at naramdaman ang pagpatak ng aking mga luha.
Mahigpit akong niyakap ni Doña Selya. Hinayaan lang niya akong umiyak sa kanyang balikat. Matagal din akong umiyak. Naramdaman ko sa kanya ang yakap ng aking ina tuwing masama ang aking loob.
"Ano pong sasabihin ng iyong mga kaibigan kapag nalaman nila na ako ay magiging inyong manugang?"
"Hija, wala kaming pakialam sa sasabihin nila. Kung saan masaya si Victor ay doon kami pumapayag."
Lalo lamang akong naluha.
Ako ay nalilito.
Tatanggapin ko kaya ang pagmamahal ni Victor at ng kanyang pamilya, o patuloy na mabubuhay dala ang bigat ng aking nakaraan?
-Teresa (Almira)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top