Kabanata 18-Di Mapaliwanag
Hulyo 12
Ngayon lamang ako nakapagsulat. May kakaibang pangyayari kahapon at di ko mapaliwanag ang aking naiisip o nararamdaman.
Napakasimple kung tutuusin ngunit halos lumukso ang aking puso sa mga kaganapan.
Kahapon, Hulyo a-onse, ay isa lamang ordinaryong araw para sa akin. Tumulong pa rin ako sa mga gawain gaya ng paghuhugas ng pinagkainan at pagtitiklop ng mga kumot at punda ng unan kasama sila Señorita Vida at Sor Veronica. Sinuway ko ang utos ni Señor Victor na huwag ako kumilos. Di naman niya malalaman at suportado naman ako ng dalawa dito.
Nang dumating na ang dapit-hapon ay namalagi ako sa aking cuarto at tinuloy ang pananahi ng kumot para sa aking magiging anak. Naisip ko munang ipagpatuloy ito kinabukasan; hindi naman ako nagmamadali na ito ay tapusin.
Lumabas ako ng cuarto at nagtungo sa cocina upang makainom ng tubig. Hinugasan ko ang basong pinaginuman at akmang babalik na sa cuarto nang madaanan ko si Señor Victor.
"Magandang hapon po," mahinahon kong bati sa kanya.
Tumango ako at papalakad na sana nang ako ay kanyang tinawag.
"Señorita Teresa."
Nilingon ko siya. Seryoso ngunit kalmado ang kanyang tono. Tahimik niya akong tinignan. Hindi naman mapanghusga ang kanyang mga titig; para bang nais pa niyang magsalita ngunit di niya mahanap ang tamang mga kataga ukol sa kanyang gustong iparating.
"Ah... Ano po iyon?" Alangan kong tanong.
Lumapit siya sa akin.
"Nais mo bang mamasyal sa may tabi ng lawa?"
Tinaasan ko siya ng mga kilay sa pagkagulat. Bakit naman siya magpapasama sa akin sa ganitong oras?
"Maari niyo po bang ulitin?"
"Samahan mo akong mamasyal sa may tabi ng lawa. Kung nag-aalala ka na may makakita sa atin, di mo kailangang isipin iyon. May alam akong patagong daanan na ating tatahakin."
Gusto ko siyang tanggihan sa mga oras na iyon. Ngunit takot ako na masungitan niya.
"Pumapayag na ako."
Bahagyang ngumiti ang ginoo.
"Tayo na. Hindi naman ito gaano kalayo."
Dumaan kami sa likod ng bahay. Ilang mga tahanan ang aming nadaanan bago kami makarating sa may lawa. Nakakita pa nga ako ng mga hardin at hilera ng mga puno.
Inabot kami ng mga tatlong minuto ng paglalakad. Di naman ito nakakapagod, salamat sa malamig na simoy ng hangin.
"Halika dito."
Inaya ako ni Señor Victor na maupo sa isang kahoy na bangko. Tahimik akong tumabi sa kanya habang siya naman ay walang imik.
Nakamamangha na makita ang Lawa ng Taal habang papalubog ang araw. Ang kulay kahel at lila na kalangitan ay nakikipag-agawan sa paparating na gabi. Ang tubig mula sa lawa ay sumasalamin sa grandiosong larawan ng papalubog na araw at nagsasalubong na mga ulap.
Hindi ko na pinagsisihan na samahan ang Ginoo. Palihim akong tumingin sa kanya. Halos nakangiti na siya sa kanyang sarili. Baka nagugustuhan din niya ang magandang takip-silim.
Luminga-linga ako sa paligid. Wala namang tao sa mga oras na iyon at parang kaming dalawa lamang ang nandoon.
"Paborito ko itong puntahan kapag gusto kong mag-isip at mag-isa."
Tinignan ko si Señor Victor. Ibinaling niya ang kanyang tingin sa akin at hinayaan ko lang siyang magsalita.
"Hilig kong panoorin ang papalubog na araw mula noong aking kabataan. Maaring mamaalam tayo sa araw na ito, ngunit dala rin nito ang pag-asa na may bagong simula. Sa pagdating ng gabi ay nakaaasa tayo sa umagang paparating."
Tumango lamang ako sa kanya.
"Pasensiya na sa aking kasungitan. Siguro dala lamang ito ng pagod sa pagtatrabaho. At ako ay labis na nag-aalala sa iyong kalagayan."
"Nauunawaan ko po kayo," tugon ko. "Ngunit wala naman akong nararamdaman na masakit sa ngayon."
"Ang iyong mukha."
Inangat ni Señor Victor ang kanyang kamay para abutin ang aking kanang pisngi na natatakluban ng balabal. Marahan niyang pinatong ang kanyang palad kung nasaan ang aking pilat, ngunit agad din niyang nilayo ang kanyang kamay.
"May kirot pa rin po ngunit hinuhugasan ko naman itong mabuti," pilit kong ngiti. "Para lang naging buhay ko. Mahapdi ang aking mga pinagdaanan, ngunit kailangan lang magpatuloy, para sa aking sanggol."
Nanahimik ng matagal si Señor Victor.
"Alam ko ang tungkol sa iyong nakaraan."
Agad ko siyang nilingon. Malapit ko na siyang tanungin ng Paano mo nalaman?
Ngunit una na siyang nagsalita.
"Patawarin mo ako at aking nalaman ang di-dapat malaman. Naikwento lang ng aking ama ang iyong masaklap na pinagdaanan."
"Sana huwag mong sabihin kahit kanino."
Seryoso ko siyang tinignan.
"Kaibigan ng aking ama ang iyong yumaong ama na nasawi sa bahay na sumabog sa Binondo. Labis niyang nararamdaman na dapat ka niyang ingatan alang-alang sa yumaong si Don De Izquierdo. Lubos akong nakikiramay sa iyong pagkawala."
"Ngunit ang batang aking dinadala... Hindi ito galing sa aking magiging asawa na si Don Sebastian Carreon."
Nagulat ako sa aking mga sinambit, ngunit huli na para ito ay bawiin.
Kinuha ni Señor Victor ang aking mga kamay at hinawakan niya ito.
"Kung maari sana..."
"Huwag."
Alam ko na kung saan patungo ang usapang ito.
"Hindi ka dapat magkaroon ng pagtingin sa isang babaeng kagaya ko. Baka naaawa ka lang."
"Hindi ito dahil sa awa, Almira. Unti-unti na akong nagkakaroon ng pagtingin para sa iyo. Sana bigyan mo ako ng pagkakataon na mahalin at alagaan ka pati ang iyong magiging anak. Ako ang tatayong ama sa kanya."
Hinigit ko ang aking mga kamay mula sa kanyang pagkakahawak. Tumayo ako at bago umalis ay ito ang aking sinabi.
"Hindi ito tama. Anong sasabihin ng iyong mga magulang kung ako ang iyong gusto?"
"Alam ito ng aking ama. Pumapayag siya dahil kailangan mo ng makakatuwang. Si ina at Vida na lang ang dapat makaalam. Mas mabuti na ikaw ay pakasalan kaysa gawin kang tampulan ng mga balita sa maliit na bayan na ito."
Ako ay napabuntong-hininga.
"Hayaan mo muna akong mag-isip, Señor."
Umalis na ako at naglakad pabalik sa tahanan ng mga Bustamante.
Di ko mapaliwanag ang aking nadarama.
Kakaibang kilig ang dulot ng kanyang pagtatapat. Siguro ay naghahanap pa rin ako ng magmamahal sa akin kahit na ganito ang aking kalagayan.
Ngunit kahit gusto kong tanggapin ang kanyang pag-ibig ay lihim din akong nababagabag.
Ito ay dahil naging taksil ako minsan kay Sebastian, at ako rin ang dahilan ng pagkamatay ng aking mahal na si Julian.
Natatakot ako na maulit ang aking madilim na nakaraan.
Nabubuo ang aking pagtingin kay Señor Victor Bustamante, ngunit di ko alam kung matatanggap ko ba siya sa aking magulong buhay.
-Almira
Sa 'yong tabi ang puso'y 'di mapakali
Ngunit 'di mapaliwanag
'Di mapaliwanag
Pag-ibig sa iyo'y tumitindi
Ngunit 'di mapaliwanag
'Di mapaliwanag...
-Di Mapaliwanag by Morisette Amon
A/N: Any reactions? I'd love to hear them.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top