Kabanata 15-Sa Ilalim ng mga Tala

Hulyo 9

Tatlong araw lang akong namalagi sa loob ng cuarto. Nahihiya pa akong lumabas at makitungo sa Pamilya Bustamante. Alam kong di ako makakalabas ng kanilang tahanan ng walang takip sa ulo.

Ngunit kaninang umaga ay inaya ako ni Sor Veronica sa kanilang hardin. Pinilit niya akong lumabas kaya wala akong nasabi para siya ay tanggihan.

Kay ganda ng kanilang hardin! Pinaliligiran ito ng iba-ibang bulaklak gaya ng santan, gumamela, dama de noche, at mga pulang rosas. Magiliw na ikinuwento ni Sor Veronica na ito ang kanyang paboritong lugar noong siya ay bata pa. Pinanood ko siya habang dinidiligan ang mga bulaklak at kinakantahan ang mga ito.

"Mas maganda ang tubo ng mga bulaklak kung kakausapin mo sila at kakantahan," ngiti sa akin ni Sor Veronica.

Nag-alok akong magdilig at habang ginagawa ito ay sabay kaming umaawit ni Veronica.

---

Naghapunan kami kinagabihan. Inaya ako ni Sor Veronica sa hapag kainan. Wala ang mag-asawang Bustamante, kaya kami lang ni Vida ang nandoon.

Pochero ang ulam ngayong gabi. Isa lang ang nasabi ko sa dalawa: labis na masarap ang nilutong potahe ni Vida.
Biro sa kanya ni Sor Veronica na pwede na siyang mag-asawa.

Umiling naman si Vida at sinabing hindi pa siya handa.

Tahimik lang akong nakikinig habang nagkukwentuhan sila Sor Veronica at Vida. Doon ko nalaman na may napupusuan si Vida mula sa kabilang bayan. Kababata niya ito ngunit di pa rin siya nito nakukursunadahan.

"Habang-buhay ka na lang ba mangangarap?" Ngisi ni Sor Veronica.

"Mukhang tama ka Ateng. Siguro nga ay ililihis ko na ang aking atensyon kay Tonio at hahanap na ng iba." Si Vida.

"Huwag kang sumimangot. Darating din ang para sa iyo."

Natapos ang aming hapunan. Ako na ang nag-alok na maghugas ng aming pinagkainan ngunit tumanggi si Vida.

"Bisita ka namin dito, Teresa. Iyang kalagayan mo pa. Mabuti pa maglakad-lakad ka muna para madama ang preskong hangin dito kapag gabi," ngiti niya sa akin.

"Kami na lang dito," wika ni Sor Veronica.

Napakibit-balikat na lamang ako. Pinasalamatan ko sila.

Pagtuntong ko sa labas ay agad kong tinakpan ng balabal ang aking ulo. Aking kinubli ang pilat sa kanang bahagi ng aking mukha. Bumaba ako ng pitong baitang ng hagdan patungo sa labas, at agad kong pinuntahan ang hardin sa likuran ng bahay.

Aking nalanghap ang simoy ng dama de noche. Pinagmasdan ko ang mga butil-butil na bituin na kumikislap sa kalangitan. Tila ba may sarili silang buhay at kusang lumalabas ang kanilang kariktan habang nagsisilbing ilaw sa gitna ng kadiliman.

Nakita ko ang isang bangko at doon ako naupo habang nagninilay-nilay.

"Buenas noches."

Napatayo ako nang makita si Señor Victor na lumapit sa akin.

"Buenas noches, Señor," mahinahon kong bati sa kanya.

Naupo sa aking tabi si Señor Victor. May malaki pang espasyo sa pagitan namin, ngunit di ko mapigilan ang sarili na mailang sa kanyang presensiya.

"Kumain na ho ba kayo?" Tanong ko.

"Hindi pa. Kagagaling ko lamang mula sa panggagamot sa aking klinika. Nasa bayan lamang ito, malapit sa palengke. Kayo ba ay kumain na, Señorita?"

"Opo."

"Mabuti iyon. Kailangan din ng iyong sanggol ng tamang nutrisyon."

Tumango na lamang ako at nanahimik. Hindi ko alam kung paano ipagpapatuloy ang aming usapan.

Bahagya kong nasulyapan si Doktor Victor Bustamante. Maputi siya at matangos ang kanyang ilong. Mahahaba ang kanyang mga pilik-mata na nakapalibot sa kanyang malalim na mga mata. Matangkad siya ng kaunti kaysa sa akin. Kung di ko siya kilala ay agad akong hahanga sa kanya.

May novia na kaya siya?

Siguro dapat na akong umalis dito sa hardin. Ano ba ito, kung ano ano na tuloy ang aking naiisip.

"Señor, mauna na po ako. Kailangan ko pang matulog," paalam ko.

"Dito ka lang muna kahit limang minuto pa."

Tinignan ko si Señor Victor. Ramdam ko ang pagsipa ng aking anak sa sinapupunan, pati na rin ang pag-init ng aking mga pisngi.

"Ba---bakit po?"

"Gusto ko lang ng may makakasama, kahit di tayo mag-usap."

Sa bandang huli ay naupo lang kami sa ilalim ng mga tala ng walang sinasabi.

Bago siya umalis ay ganito ang kanyang sinabi:

"Gracias, Señorita Teresa. Ikaw pa lang ang nakausap ko ng masinsinan matapos ang isang buong araw ng aking pagtatrabaho."

Doon na niya ako iniwan na nakatulala.

Hindi ko mapigilan mag-isip ng kung ano. Ngunit inisip ko na lang na baka siya nalulunod sa trabaho at naghahanap ng makakausap.

Labis kong pinasalamatan na nagkaroon din ako ng silbi sa gitna ng aking kalagayan.

-Teresa (Almira)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top