Kabanata 14-Bayan ng Taal
Hulyo 4
Kinausap ako kanina ni Sor Monica. Iniisip niya na makakabuti sa akin na mamalagi muna sa ibang lugar. Inalok sa kanya ni Sor Veronica na doon muna ako sa kanila sa Bayan ng Taal, kung saan mababantayan akong mabuti ni Doktor Procopio.
Pinag-isipan ko ito ng mabuti.
Nakakabagot nga naman na nasa loob ako ng cuarto maghapon. Kung hindi ako nagbabasa ay nagbuburda ako o nananahi ng kumot para sa aking magiging anak.
Kaya sa huli ako ay pumayag.
Bukas na ang byahe namin. Makakasama ko si Sor Veronica. Pinayagan siya ni Sor Monica na ako ay samahan muna dahil sa aking kondisyon. Hindi maikakaila ang kaligayahan ni Sor Veronica dahil makakalabas siya ng kumbento pansamantala.
O siya, ako ay matutulog muna.
-Almira
---
Hulyo 5
Alas-nueve y media
Tatlong oras kami nagbyahe patungo sa bayan ng Taal. Sumakay kami sa calesa na pambyaheng probinsiya. Naka-dalawang tigil kami sa mga carinderia para kumain ng tanghalian at mag-merienda. Kaya mga bandang alas-siyete na kami nakarating.
Mainit kaming tinanggap ni Doktor Procopio at ang kanyang pamilya. Si Doña Selya ang kanyang asawa at may dalawa silang anak: ang panganay na si Victor, bente-singko años, na kakagaling lang sa España at nagtatrabaho bilang isang doktor, at si Vida, na isang dalaga na bente años. Mga pamangkin sila ni Sor Veronica.
Tahimik na klase ng binata si Victor. Halos wala siyang imik habang kami ay naghahapunan. Si Vida naman ay madaldal at masayahin. Siya ang nagluto ng aming ulam na humba, na karne ng baboy na may mga piraso ng saging at may sabaw na gawa sa tinunaw na asukal, patis, at suka. Pangarap ni Vida na magtayo ng sarili niyang kainan, kaya todo ang kanyang pag-eensayo sa pagluluto.
Naaliw ako sa humba. Pwede pala ang saging sa pang-ulam na potahe! Masarap! Napadami tuloy ang aking kain at nahiya ako sa pamilya ni Sor Veronica.
Natawa na lang sila at nauunawaan nila ang aking kondisyon. Nang tanungin ako ni Senyora Selya ay sasagot na sana ako. Ngunit naunahan ako ni Sor Veronica.
"Nasunog ang kanilang tahanan at siya lang ang nabuhay, kaya kinupkop namin siya. Sana ay maging mabuti kayo kay Teresa."
Teresa ang pangalan na aking ginagamit. Wala akong ideya kung kilala ng aking pamilya ang pamilya Bustamante. Takot kaming matunton ng mga kaaway, kaya pansamantala na ako muna si Teresa.
Sadyang kay laki ng tahanan nila Doktor Procopio. Mas magarbo ito sa aming lumang tahanan sa Binondo. May klinika si Doktor Procopio sa silong at sa itaas naman ang kanilang tirahan. Punong-puno ito ng mga kahoy na muwebles at may mga kristal na aranya na nagsisilbing ilaw ng mga kwarto.
Kasama ko sa cuarto si Sor Veronica. Ito raw ang dati niyang cuarto bago siya naging madre. Tinanong ko kung bakit niya pinili ang buhay relihiyosa. Nasabi niya na ito ay hindi niya mapaliwanag, ngunit ito ang tinitibok ng kanyang puso.
Nalaman ko rin na dati na siyang nagkanobyo, ngunit di sila nagkatuluyan. Tinanong ko kung labis ba niya itong dinamdam kaya siya pumasok sa kumbento.
"Oo naman, ngunit di ito ang dahilan. Naging guro ako sa kumbento, kaya ito ang pinili kong pamumuhay; magturo, at magsilbi sa Panginoon."
Napangiti ako kay Sor Veronica. Alam niya ang kanyang gusto sa buhay.
Ako kaya, ano ang gusto kong mangyari ngayong ako ay magiging isang ina?
Gusto ko ng magandang buhay sa aking anak. Di na bale ako ang magdusa, huwag lang ang sanggol sa aking sinapupunan.
-Teresa (Almira)
(Itutuloy)
A/N: Nagutom ako at gusto ko tuloy ng Humba.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top