Kabanata 12-Dasal

"Ikaw iyong multo?!"

Nagising ako mula sa aking bangungot. Hawak ako ni Sor Veronica at doon ko nalaman na nakaakyat na pala ako sa may tore ng simbahan.

"Buti na lang pinakuha sa akin ni Sor Monica ang kanyang aklat-dasalan dahil naiwan niya ito. Naramdaman kong may kumaluskos at por Diyos, ikaw pala iyon! Nakatuntong ka sa bintanang iyan at mukhang tatalon ka nga! Buti sinundan kita paakyat! Teka, sino si Julian?"

Tinignan ko si Veronica. Hindi na ako nakasagot. Nagsimula na akong humagulgol. Dinala niya ako pabalik sa aking cuarto at wala akong tigil sa pag-iyak.

Iniupo ako ni Sor Veronica sa higaan at sinabi niyang tatawagin niya si Sor Monica. Bumalik na siyang kasama ang Madre Superiora.

"Señora, si Almira po ang multo! Ngunit naglalakad siya ng tulog kaya siguro ganoon."

"Anong nangyari, Almira?" Tanong sa akin ni Sor Monica. "Totoo ba ito?"

Lalo akong umiyak. Pinilit ko ang sarili na ikwento sa kanila ang aking mga panaginip, lalo na ang nakaraan ko kay Julian de Leon.

"Marahil gumaganti siya sa akin kaya siya nagpapakita sa mga panaginip. Hindi ko ginusto ang mga pangyayari," pagtangis ko. Humapdi ang kanang bahagi ng aking mukha dahil sa mga luhang dumaplis sa aking pilat. "Sana tigilan na ako ng kanyang naghihinakit na kaluluwa."

"Madre Superiora, mukhang kailangang natin dasalan si Almira," wika ni Sor Veronica.

Pumayag si Sor Monica at tahimik kaming dalawa ni Veronica habang dinasalan kami.

"Oh Panginoon, nawa'y ilayo mo si Almira sa kapahamakan. Tulungan Niyo siya sa kanyang pagdadalang-tao. Nawa'y makahanap din ng katahimikan ang kaluluwa ng kanyang Kasintahan."

Doon natapos ang dasal. Umalis na si Sor Monica at iniwan kaming dalawa ni Sor Veronica.

"Gusto mo na samahan muna kita? Labis kong nadarama ang iyong takot," alok sa akin ni Sor Veronica.

Pinalis ko ang aking mga luha at tumango na lang ako.

Malaki-laki ang higaan, kaya may konting espasyo pa rin para makahiga si Veronica. Pinatulog niya ako habang kumakanta.

"Bukas ay dadaan si Kuya Procopio para ikaw ay tignan."

Iyon na ang huli kong narinig sa kanya bago ako tuluyang dinalaw ng antok.

---
Kinabukasan ay tinignan nga ako ni Doktor Procopio. Nalaman niya ang aking paglakakad habang tulog. Ayon sa kanya ay mayroong mga nagdadalang-tao na sadyang nakararanas nito. Pinayuhan niya lang ako na kumain ng maayos at bawasan ang labis na pag-iisip.

Sa mga sumunod na gabi ay sa aking cuarto na natutulog si Sor Veronica. Kinukwentuhan niya ako ng tungkol sa buhay ng isang madre. Araw-araw niyang gawain ang magdasal, magnilay-nilay, tumulong sa mga gawain, at minsan ay magluto ng mga matatamis na panghimagas na binebenta kapag Linggo.

Sinabi ko sa kanya na gusto kong matutunang gumawa ng yema at flan de leche.

Natawa na lang si Sor Veronica.

"Basta huwag mong kakainin lahat! Alam mo naman mga kababaihan kapag nagdadalang-tao!"

Sa unang pagkakataon ay natawa na ako.

---

Tuwing Sabado ng gabi ay gumagawa na kami ng yema ni Sor Veronica. Kinain ko ang tatlong yema na aking ginawa ngunit marami akong tinira. Ito ay ibebenta sa labas ng simabahan pagkatapos ng misa. Ang mga naglalako nito ay ang mga nanay na tinutulungan ng kumbento para maghanap-buhay.

Dalawang linggo na ako gumagawa ng yema at nakahanap ako dito ng maliit na kaligayahan.

Di na rin ako nananaginip ng masama.

Minsan naiisip ko pa rin si Julian pati na rin ang kapatid niyang si Manuel. Balak ko silang pag-alayan ng tig-isang kandila kung makakahanap ako ng oras.

-Almira

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top