Kabanata 10-Hunyo

Dumaan ang mga araw ng tahimik at matiwasay. Wala namang kakaibang nangyari. Maayos akong kumakain at tumutulong sa mga gawain.

Ngunit kagabi lang ay napaginipan ko sila papa at mama na nasusunog sa loob ng aming lumang tahanan. Takot nilang tinatawag ang aking pangalan. Tumakbo ako patungo sa kanila ngunit agad silang binalot ng nagbabagang apoy.

"Tama lang na maparusahan kayo!"

Iyon ang nakakahindik na boses ni Julian na sumisigaw habang tumatangis ang aking mga magulang.

Nagising na lang ako na takot at naliligo sa aking pawis.

Nagbalik ulit ang aking takot at pangamba.

---

Hunyo 1

Naisulat ko rin ang petsa ngayong araw na ito.

Patuloy pa rin ang masasamang mga panaginip. Nagdasal na nga ako para lubayan ng mga ito ngunit ayaw nilang tumigil.

Julian, patawarin mo ako. Hindi ka pa ba natatahimik? Pakiusap naman, huwag mo kami idamay ng iyong magiging anak sa galit mo.

Kung gusto mong gumanti, maari mo na akong kunin.

---

Hunyo 5

Masaya kong hinaharap si Sor Veronica sa mga gawain ngunit sa kalooban ko ay kinakain na ako ng kalungkutan.

Napansin ni Sor Felisa ang aking lumalaking tiyan.

"Nagdadalang-tao ka?" Irap niya sa akin nang madaanan niya ako sa cocina habang naghuhugas ng mga pinagkainan.

Hindi na ako nakaimik.

"Iyan ang bunga ng iyong kaharutan. Di ko lubos akalain na isa kang babae na basta-basta lamang."

Di ko na mapigilan ang sarili na sagutin siya.

"Señora, hindi ko po ito ginusto. Ngunit ito ay aking papanindigan."

"At anong klaseng buhay ang maibibigay mo sa anak mo? Kay saklap mong nilalang."

"Sor Felisa!"

Napalingon kami pareho nang marinig si Sor Monica. Galit itong hinarap ang kapwa madre.

"Monica, pawang katotohanan lamang ang aking sinasabi," ngisi ni Sor Felisa.

"Kung wala kang magandang sasabihin ay maari kang manahimik. Ang Panginoon ay hindi nanghuhusga gaya ng pakitungo niya sa babaeng makasalanan sa Bibliya. Aking payo ay tularan natin si Kristo sa pagiging maawain niya."

"Gaano pa katagal bago natin itatago ang babaeng iyan? Baka tayo pagbuntungan ng mga kaaway ng mga De Izquierdo!"

Alam ni Sor Felisa ang aking tunay na pagkatao.

"May awa ang Diyos. Tayo ay Kanyang tutulungan. Ngayon, ikaw ay tumahimik at umalis na. Pinapahamak mo pa si Almira sa kanyang maselang kondisyon."

Padabog na umalis si Sor Felisa.

"Maayos ka lang ba, Almira?" Tanong niya sa akin.

"Totoo naman po kanyang mga sinabi," mahina kong tugon.

"Matabil talaga ang kanyang dila. Palibhasa matandang dalaga na napaglipasan," tawa ni Sor Monica.

"Ano na po magaganap pagkapanganak ko? Di ako pwede dito magtagal. Siguro magtatago po ako sa probinsya basta maisilang ko ang aking anak."

"Naku, di ako papayag! Dumito ka lang."

Di na ako nakaimik pagkatapos.

---
Hunyo 15

Apat na buwan na akong nagdadalang-tao.

---

Hunyo 18

Nagising ako sa labas ng aking kwarto. Labis akong naguluhan.

Naglalakad ako habang natutulog?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top