Ang Huling Kabanata
Magandang araw, Señorita Almira. Mabuti at nakita kita dito. Ang hirap puntahan ng puntod mo, ngunit sulit din ang paglalakad sa masukal na daanan, basta madalaw lang kita.
Tapos ko nang basahin ang iyong diary. Isinalin ito ni Tiyo Popoy sa wikang Filipino para mas makilala pa kita.
Nalulungkot ako na hindi natukoy ni Señor Victor ang iyong sakit, ngunit masaya ako at hinayaan mo ang iyong sarili na makadama ng kaunting kaligayahan kahit sa maiksing panahon. Salamat at hinayaan mo ang iyong sarili na umibig at muling ibigin.
Ang pag-ibig ay katumbas ng habang-buhay kahit gaano pa kaiksi ang iyong inilagi sa mundong ito. Sabi nga sa The Fault in Our Stars, 'You gave me forever within the numbered days.'
Nagpalis ng luha si Tammy. Nakatayo siya sa harapan ng isang puntod na nakadikit sa pader. Kupas na ang mga petsang nakasulat sa marmol, ngunit nababasa pa rin ang pangalan ng nakalibing dito.
Almira de Bustamante
Naramdaman ni Tammy ang butil-butil na patak ng ambon sa kanyang mga braso. Agad niyang kinuha ang payong sa kanyang bag at binukadkad ito.
Siya nga pala, nalaman ko kay Tiyo Popoy na sa España na namalagi si Señor Victor Bustamante pagkatapos mong pumanaw.
May isang liham si Señor Victor sa kapatid niyang si Vida, at kinukumusta pa nga si Tatay Julian. Matagal bago ulit nakapag-asawa si Señor Victor. Pero naghiwalay din sila.
Hindi niya pinagsisihan na mabuhay na mag-isa, dahil mahal naman siya ng kanyang naging anak sa isang Aleman na babae.
Mahal ka pa rin ni Señor Victor. Sana magkasama na kayo diyan sa langit.
Tumingala si Tammy sa kalangitan. May sumillip na liwanag sa likod ng madidilim na ulap. Para bang pahiwatig ito na naging maayos din ang lahat.
Paalam, Señorita Almira.
Unti-unting naglakad papalayo ang dalagang si Tammy. Inangat niya ang kanyang tingin at nakita ang isang bahaghari.
Nangako siya na mabubuhay dala ang mga leksiyon na natutunan niya sa kanyang great-great grandmother.
Paglabas niya ng sementeryo ng Paco ay narinig niya sa isang dumaan na jeep ang awiting ito:
At kung lahat, ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko,
Ay pag-ibig.
-WAKAS-
Lines from "Paglisan" by Color It Red
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top