Chapter 38

#RTG38 Chapter 38

Halos mabingi ako sa lakas ng sampal na natanggap ko mula kay Mama. Hindi ko alam kung dahil ba panandalian akong nabingi dahil sa sampal o dahil sa lakas ng iyak niya ang dahilan kung bakit hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya. Nanatili lang akong naka-tayo roon, naka-hawak sa pisngi ko at naka-tingin sa kanya habang unti-unti siyang napapa-upo sa sahig.

"Ano bang naging pagkaka-mali ko sa pagpapa-laki sa 'yo..." sigaw niya sa akin habang naka-upo siya sa sahig. "Naturingan kang abogada, pero nagawa mong magkaroon ng kabit! Anak naman!"

Hindi ako nagsasalita.

Naka-tingin lang ako habang pilit siyang tina-tayo ni Papa.

"Hindi ko alam kung saan ka nagmana! Nagpa-buntis ka pa sa kabit mo!" sabi niya habang inabot iyong buhok ko at sinabunutan ako. Hindi ako lumaban. Gusto ko na lang na matapos na siyang sumigaw. Pero pilit siyang pina-tigil ni Papa.

"Tama na... Buntis 'yung anak mo..." sabi niya na naging dahilan para mas lalong lumakas ang iyak ni Mama.

Napa-tingin ako kay Irina.

Nag-iwas siya ng tingin sa akin.

Napa-hawak ako sa tiyan ko.

Dinala ni Papa si Mama sa labas. Naiwan kaming dalawa ni Irina roon. Naka-tingin lang siya sa akin. Hindi siya nagsasalita.

"Paano nalaman nila Mama?" tanong ko.

"Hindi ko alam," simpleng sagot niya.

"Galit ka ba?"

"Buhay mo 'yan, e..." sagot niya. "Pero, Ate, kaka-galing lang ni Mama sa ospital... Paano kapag... kapag ano..."

Huminga siya nang malalim.

Nagtubig iyong mata.

"Alam ko buhay mo naman 'yan, Ate... Pero sana isipin mo rin iyong mga tao sa paligid mo. 'Di naman pwede na palaging sarili mo lang," sabi niya sa akin bago iwan din ako at lumabas.

Ilang minuto akong naka-upo lang doon. Biglang bumukas iyong pinto. Pulang-pula ang mga mata ni Mama. Pagod na pagod ang itsura ni Papa. Disappointed si Irina.

"Magbihis ka," sabi ni Mama. "Irina, pahiramin mong damit 'yang Ate mo."

"Saan—"

"Pupunta tayo kina Sean. Kung kailangang lumuhod ako at magmakaawa!" sabi niya habang napa-tigil at napa-hawak sa dibdib.

"Magbihis ka na, Ate..." sabi ni Irina habang hawak-hawak ni Papa si Mama at pilit na pinapa-kalma.

Sumunod ako sa inutos nila. Kinuha ni Mama iyong cellphone ko nang makita niyang tumatawag si Sancho. Walang nagsasalita sa amin sa loob ng sasakyan. Nabalot kami ng katahimikan hanggang sa maka-rating kami sa bahay ng pamilya ni Sean.

"Wag na 'wag kang magmamalaki, Isobel. Ikaw ang may atraso kay Sean. Pumunta tayo rito para humingi ng dispensa dahil d'yan sa mga ginawa mo," sabi ni Mama bago mabilis na lumabas ng sasakyan.

Halos madapa ako nang kaladkarin niya ako. Natigil lang siya sa paglalakad nang makita namin si Tita Shirley. Seryoso ang mukha niya.

"Shirley... Pwede ba naming maka-usap si Sean?" tanong ni Mama.

Hindi agad sumagot si Tita Shirley. Nanatili siyang naka-tingin sa akin. Agad akong nagbaba ng tingin. Ayoko na ng gulo. Ayokong lalo pang lumaki ang problema. Ayokong magka-sakit na naman si Mama... O pati si Papa...

"Sean's not here," Tita Shirley replied.

"Nasaan... po si Sean?" tanong ko.

"I forced him to have a vacation," Tita calmly replied. "Mahal na mahal ka ng anak ko... Tinanggap ka namin na parang pamilya... Tapos, ito ang igaganti mo sa amin?"

Huminga siya nang malalim.

"My son is not a bad person, Isobel... Pero ako, bilang ina niya, hindi ako papayag na gagaguhin mo ang anak ko."

Humigpit ang hawak sa akin ni Mama.

"I told you before... I raised that boy to be a gentleman... But I also didn't raise him to be an idiot. If you want to have an affair with someone else, be our guest... Pero matalino ka. Dapat inalam mo lahat ng pwedeng mangyari."

Halos mabasag ang puso ko nang makita kong biglang lumuhod si Mama at humingi ng awa.

"Shirley... Ina ka rin... 'Wag mo naman 'tong gawin sa anak ko... 'Wag niyo namang ipa-kulong... Maawa ka naman..."

Agad kong narinig iyong paghikbi ni Irina.

Umawang ang labi ko nang pati si Papa ay lumuhod.

"Kami na ang humihingi ng tawad sa kasalanan ng anak namin... Buntis si Isobel... 'Wag niyo namang ipa-kulong... Maawa naman kayo kahit sa bata..."

Hindi ako maka-galaw.

Sunud-sunod iyong pagbagsak ng luha ko habang naka-tingin sa mga magulang ko na naka-luhod at nagmamakaawa para hindi ako makulong.

"Tita... 'Wag niyo na pong ipa-kulong si Ate... Kahit para kila Mama na lang po... Baka atakihin na naman po siya sa puso... Maawa naman po kayo..." iyak ni Irina habang naka-luhod na rin.

Ramdam ko iyong panginginig ng buong katawan ko.

"Kakausapin ko po si Sean..."

"No."

"Tita—"

"No," pagputol niya sa sasabihin ko. "If you want to talk to my son, magkita na lang kayo sa hearing ng annulment."

Mabilis niya kaming tinalikuran.

At mas lalong lumakas ang iyak ng Mama ko.

* * *

Hindi ako maka-tulog.

Hindi ako maka-tulog dahil rinig na rinig ko iyong iyak ni Mama at ang pagpapa-tahan sa kanya ni Papa. Tuliro akong naka-tingin sa mga building sa harapan ko habang naka-upo sa veranda ng condo ni Irina.

"Sa tingin mo ba, Ate, kung makaka-usap mo si Kuya Sean, hindi na siya magdedemanda?" tanong ni Irina sa akin. Buong araw niya akong hindi kinausap. Namamaga iyong mga mata niya dahil sa pag-iyak kanina.

"Hindi ko alam," sagot ko.

Pero pipilitin ko.

Magmamakaawa ako.

Gagawin ko lahat ng gusto niya.

Para akong mababaliw tuwing iniisip ko iyong nangyari kanina. Parang nabibiyak iyong puso ko tuwing naaalala ko iyong pagmamakaawa ng buo kong pamilya para hindi ako makulong.

Hanggang sa mag-umaga ay walang nagsasalita. Tanging kubyertos lang ang ingay sa buong condo. Kaya naman sabay-sabay kaming napa-tingin sa pintuan nang maka-rinig kami ng katok mula roon.

"Ako na po," sabi ni Irina habang tumatayo.

Naka-tingin kaming lahat hanggang sa bumukas ang pinto... At nandoon ang Mama ni Sancho na may kasamang bodyguard.

"Good morning," bati niya habang naka-tayo pa rin sa labas. "I'm Sancho's mother."

Agad na tumalim ang tingin ni Mama.

"Can I come in?" tanong niya at umalis si Irina roon para maka-raan ang Mama ni Sancho. She was more intimidating that I remembered... Sobrang seryoso ng mukha niya.

"I won't waste any more of your time," simple niyang sabi. "I'm here because I heard an alarming news that my only son is about to be sent to jail for adultery," pagpapa-tuloy niya habang naka-tingin sa akin.

"Pareho lang may kasalanan ang mga anak natin kaya 'wag kang magmalaki rito," mabilis na sagot ni Mama.

"I agree. I expected more from my son," she replied.

"Ang anak mo ang habul nang habol sa anak ko!"

"Pero iyong anak mo ang may asawa."

"Ano po ba ang kailangan niyo?" agad kong tanong bago pa sila tuluyang mag-away ni Mama. Ayoko na tumaas na naman ang presyon niya. Ayoko na maulit na naman iyong nangyari kahapon.

"Very well," she said. "I already consulted our family lawyer about this. Apparently ay kung kakasuhan kayo ng adultery, dapat ay kayong dalawa ng anak ko," pagpapa-tuloy niya habang naiiling. "To be completely honest, I believe you deserve to be thrown in jail... Pero kung makukulong ka ay makukulong si Sancho. And I won't stand for that."

Walang nagsalita.

"I know some people who are shareholders of St. Matthew's. I already talked to Shirley and we both agreed that you're the root of this problem," sabi niya habang naka-tingin sa akin. "I don't care if my son is crazy for you—you're poison for him."

Naramdaman ko ang paghapdi ng mga mata ko.

"Pagkatapos na pagkatapos ng annulment, aalis ka na sa Pilipinas."

Napa-awang ang labi ko.

"That's what we both agreed to. It's better this way. Masyado mong ginugulo iyong dalawa."

"Mawalang galang na po, pero buntis siya sa apo niyo!" sigaw ni Irina. "Hindi po pwedeng papa-layasin niyo lang sa Pilipinas ang ate ko!"

"Would you rather sa presinto manganak ang ate mo?" mabilis niyang sagot.

Tumingin ako kina Mama.

"S-sigurado ba na hindi na sila magdedemanda kapag... kapag umalis si Isobel?" tanong niya na para bang pumapayag na siya sa mangyayari.

"I'm sure," sagot niya. "But the disbarment and annulment will proceed as planned." Agad siyang napa-iling. "My son is a very smart lawyer... Hindi ko alam kung saan napunta ang utak niya," sabi niya bago mabilis na tumayo.

Tumingin muna siya sa akin.

"Don't look for my son. He's in Isabela. Hindi ko siya papa-labasin ng hacienda hanggang nandito ka sa Pilipinas," sabi niya bago tuluyang umalis.

Hindi ako nakapagsalita.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari.

"Isobel," pagtawag sa akin ni Papa. "Pumayag na tayo sa gusto nila... Para na rin sa ika-tatahimik natin..."

Tumingin ako kay Irina.

"Okay lang akong umalis, Ate... 'Di ba gusto rin naman nila Papa na magretire sa ibang bansa? Sa tahimik? Baka para doon talaga tayo, Ate..." sagot niya na pilit na ngumiti.

Tumingin ako kay Mama.

"Gusto mo ba talaga kaming patayin ng Papa mo sa sama ng loob, Lyana Isobel?" tanong ni Mama na puno ng hinanakit ang mukha.

Huminga ako nang malalim.

"S-Sige po," pilit kong sagot habang kino-kontrol ang paghinga ko. "Pagkatapos po ng annulment... Para po matapos na..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top