Chapter 7 - Before
"Your special brewed decaf coffee, Ma'am Steph!" Saglit akong napahinto sa pagpupunas ng stainless table sa kitchen dahil sa agaw-pansing amoy ng kapeng tinimpla ni Jasper.
Nakangiti niyang inabot 'yon sa akin. Sobrang bango at sobrang init din ng kape. Mabilis kong ipinatong 'yon sa lamesa.
"Made with love and pure intentions 'yan, ha?" His baritone voice, as always, added more malice to his action.
"Ang korni mo!" I smirked at him. "Lumabas ka na nga ro'n, baka may customer na, pagalitan ka ni Li!" pananakot ko sa kaniya. I even rolled my eyes at him before wiping the table again.
Ayokong mapansin niya ang pasibol na ngiti sa mga labi ko.
"Korni raw, pero naka-smile naman siya!" tukso niya.
Napasinghap ako at mabilis akong nag-angat ng tingin sa kaniya.
"Excuse me!" Itinuro ko ang mukha kong may salubong na mga kilay. "Mukha ba akong nakangiti, Jasper?!"
Humakbang siya papalapit sa akin. Itinukod niya ang kanang kamay sa lamesang pinupunasan ko kanina at mariin akong tinitigan.
"Mukha kang future ko!" He confidently exclaimed.
I pretend to gag at his joke. Sumingkit ang mga mata niya sa ginawa ko.
"Lumabas ka na nga! Titikman ko na 'yong kape mo para manahimik na 'yang kaluluwa mo!"
Mabilis akong naghugas ng kamay sa lababo. Tinuyo ko ng kitchen towel ang mga kamay ko at saka ako humigop sa kapeng tinimpla ni Jasper. Ramdam ko ang pagkapako ng tingin niya sa akin habang nilalasahan ko ang kape.
"Say it, Ma'am Steph... say the magic word, please." Nanlalaki ang mga mata niya, inaabangan ang reaksiyon ko.
"Masarap..." I whispered.
"Yown!" Napapalakpak siya. "Kumpleto na ang araw ko!"
Malapad ang ngiti niya at nakalabas pa ang mga dimples. Para siyang bulateng inaasinan sa kilig habang naglalakad palabas ng kusina—may pasayaw-sayaw at pasipol-sipol pa.
Isang buwan niya nang ginagawa 'yon araw-araw. Ipagtitimpla ako ng kape na may kasamang pambobola at kung anu-ano pang mga matatamis na salita. I find them irritating most of the time, pero hindi ko rin naman maitatago na nasanay na ako roon. And if one day, he'll stop doing these sweet gestures... baka malungkot ako.
***
Isinuot ko na ang apron ko at ang bandana ko pagkaubos ko ng kape. Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin sa likod ng pinto ng locker.
Brown apron, yellow bandana, nameplate. Check! Okay—I'm ready!
Naabutan ko si Li na nakaupo sa pinakadulong lamesa sa Café Amor. She was staring at her laptop screen intently. Her chin, resting on her hands.
Nahuli ko ang paghikab ni Jasper na nakapuwesto sa checkout counter. Kinindatan niya ako nang magtagpo ang mga mata namin.
"Yuck!" I mouthed.
He chuckled and brushed his curly hair with his hand. Lumapit ako kay Li at tuluyang ini-snob ang pagpapapogi ni Jasper.
"Ano'ng problema natin, Li?" Inakbayan ko ang sandalan ng upuan niya. "Bakit nakabusangot ka riyan?"
Bumuntong-hininga siya at kahit hindi siya sumagot, alam ko na agad ang problema.
"Loss tayo?" My question almost sounded like a statement than a question.
"Y-Yes Steph... okay lang! First month pa lang naman." Tumingala siya sa akin at nginitian ako, pero alam kong pilit 'yon.
"Bawi na lang tayo this month, Li!"
Tumango siya at marahang sinara ang laptop niya. "I'll check the cookies..." paalam niya bago tuluyang tumayo at naglakad papunta sa kitchen.
Isang buwan pa lang ang Café Amor, wala pa kaming regulars, wala pa rin kaming kita. Normal lang naman 'yon sa negosyo sabi ni Kuya Spence. Malulugi ka sa umpisa. As what he exactly said, 'Business is like love, Mei-mei. Masasaktan ka muna, matatalo ka muna, malulugi ka muna bago ka sumaya.'
Habang inaayos ko ang mga artificial flowers na centerpiece sa bawat lamesa sa café, narinig kong kumalansing ang wind chime ng café.
Isang babaeng may mahaba, straight at blonde na buhok ang nakita kong kausap ni Jasper sa counter.
"Hi, what can I make for you today?" Narinig kong tanong ni Jasper sa babae.
Lumapit ako sa counter at agad kong binuksan ang coffee machine, hinihintay ang order ng babae.
"Actually, I was looking for someone..." mahinhing sagot nito. Mabilis ko siyang sinulyapan. Her eyes are blue. Her skin is so white, parang kasing puti ng gatas. Angelic face with freckles on her nose and cheeks that may never need blush-on forever dahil sa natural nilang kulay. Ang gandang amerikana!
Alam kong hindi lang ako ang nagagandahan sa kaniya dahil ilang segundo muna siyang tinitigan ni Jasper bago ito nakasagot.
"Uhm... who are you looking for po?" nag-aalangang tanong ni Jasper.
Mabilis na inilabas ng babae ang cellphone niya mula sa kaniyang chanel shoulder bag. Nanlaki ang mga mata ko nang ipakita niya kay Jasper ang isang instagram post.
It was me... with Gabriel!
Ang ganda ng ngiti ko habang hawak-hawak ang bouquet ng red roses na binigay ni Gabriel that full moon night.
"This girl... beside my boyfriend, do you know her?" tanong ng babae. "Someone told me she's working here." Bahagyang gumusot ang mukha niya.
Agad akong tumalikod. Napakagat ako sa labi ko.
Boyfriend? Ibig sabihin siya si—
"Sorry Ma'am, but I don't know her."
Naputol ang pag-iisip ko sa sagot ni Jasper. Imposibleng hindi niya ako makilala sa picture na 'yon. Hindi naman malabo ang mga mata niya. He's trying to cover me up.
Narinig ko ang dismayadong pag buntong-hininga ng babae.
"How about her?"
Ako ba ang tinutukoy niya?
"Baka kilala niya?" she asked with her slang tagalog accent.
Shit! Bahala na, palakasan na lang ng guardian angel 'to.
I exhaled intensely and then I faced her.
"Hi, Amber..." bati ko sa kaniya. I didn't even hesitate if she's really Amber. Wala rin namang ibang nakuwento si Gabriel.
Nanlaki ang mga kulay asul niyang mga mata. "So, it's you. Stephanie... Leo's other woman." Her voice was mocking.
Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang suot kong apron. She crossed her arms in front of her and she batted her long eyelashes at me.
Naramdaman ko ang bahagyang paghigit ni Jasper sa siko ko nang humakbang ako papalapit sa counter.
"Mak-mak, sino ba 'yan? S-Sino 'yong Leo?" bulong niya.
Leo—Leonard Gabriel. Gabriel. My fake suitor... who calmed my anxiety that full moon night.
Nanatiling nakatikom ang bibig ko. Hindi ko pinansin ang tanong ni Jasper. Tinignan ko lang nang masama ang kamay niya sa siko ko at kusa niya yong binitawan.
Ibinalik ko ang tingin ko kay Amber. "L-Leo? Y-Your... ex?" I asked with a playful smile on my face. I stared at her blue eyes and I saw her pupil dilated upon hearing the word ex.
Mahinhin siyang tumawa. "Ex? No, he's not my ex. We're still together." Marahan niyang hinawi ang ilang hibla ng blonde niyang buhok palayo sa mukha niya.
"In fact... he's not just my boyfriend, he's my fiancé!"
Inilapit niya sa mukha ko ang kaliwang kamay niya at pinasayaw-sayaw pa niya sa hangin ang mga daliri niya.
Napalunok ako nang mapansin ko ang kung ano'ng fini-flex niya. There it was—her princess-cut diamond ring.
"So, please stay away from him, Stephanie. We're gonna get married soon." she said as she withdrew her hand. "I don't want any... distractions." Mabagal niyang binigkas ang huling salita.
"Wow, ha?!" I chuckled sarcastically. "Ako pa talaga? E, 'yong ex mo 'tong parang mokong na kusang lumalapit sa akin. Siya ang pagsabihan mo!"
Maski ako ay nagulat din sa sagot ko, pero hindi ko na 'yon mababawi. Ayoko rin namang bawiin! Bahala na kung ano'ng gawin ng amerikanang 'to sa 'kin. Lugi siya sa sabunutan dahil mas mahaba ang buhok niya, sa akin hanggang balikat lang!
Shit! This is not me! Never pa ako nakipag-away dahil sa lalaki!
"W-What did you say?!" she asked loudly. Her eyes glaring at me. Obviously, hindi niya naintindihan ang tagalog ko pero naintindihan niya ang inis ko.
"I said, siya ang kausapin mo at huwag mo akong idamay sa issues niyo. Ano'ng magagawa ko kung ayaw na sa'yo ng... ex mo!"
"I told you, he's not my ex!" she said firmly. Her lips were pressed together until they opened again to shoot a low blow insult at me.
"Stephanie, you're just his bitch!"
"Ano'ng sabi mo?!"
Naramdaman ko ang kamay ni Jasper sa kanang balikat ko dahilan para matigilan ako.
"Ah... Ma'am. I don't want to be rude, but can I ask you to leave." Jasper's voice sounded so protective.
"Fine!"
Inirapan niya muna ako bago tumalikod.
Rinig na rinig ko ang malakas na lagatok ng takong niya sa sahig habang naglalakad siya palabas ng Café Amor. Bago niya tuluyang itulak ang pinto muli niya akong liningon at muling pinasadahan ng tingin. Isang mabilis na tingin na punong-puno ng pangungutya na parang tumatagos sa balat ko.
"Tsk! Sino ba 'yon, Ma'am Steph?" tanong ni Jasper nang tuluyan nang makalabas si Amber.
"Ex ng fake suitor ko!" iritadong sagot ko.
"WHAT?!" halos mag-echo sa buong Café Amor ang boses niya.
Bumuntong-hininga ako at sumandal sa countertop malapit sa lababo. Sinundan ako ng tingin ni Jasper. Nakapako ang mga mata niya sa akin at halatang nag-aabang ng paliwanag.
"May utang kasi sila Mama do'n sa pamilya ng Leo. Kapalit no'n kailangan kong magpanggap na nililigawan niya ko." Nakita kong kumunot ang noo niya at lumiit ang mga mata niya.
"Kailangan mapaniwala namin ang mama niya na patay na patay siya sa akin para hindi siya ikasal do'n sa babaeng gatas na 'yon!"
"Tang ina! Pumayag ka ro'n?"
"Wala akong choice!" Bahagyang lumakas ang boses ko. "M-Malaki pa ang utang ko kila Mama," I swallowed hard.
Umiling si Jasper. "Tsk! E, paano 'yon? Engage naman na pala 'yong 'fake suitor' mo?"
"E 'di tapos na ang pagpapanggap namin!" mabilis kong sagot.
Bumilis din ang tibok ng puso ko, biglang sumagi sa isip ko ang huling beses na nagkita kami ni Gabriel. Ganito rin 'yon. Ganito rin kabilis ang tibok ng puso ko no'ng gabi na 'yon. That full moon night when Gabriel calmed me.
***
Halos walang customer buong araw na mas nagpabagal pa sa takbo ng oras sa Café Amor. Nakakagulat lang din na kahit sobrang bagal ng usad ng araw na 'yon, hindi ako nainip. Siguro dahil ginulo ng 'pagbwiseta' ni Amber sa café ang kalmado at tahimik kong isip. Kaya maya't maya kung anu-ano ang binubutingting ko sa café para lang hindi ko siya maisip. Para lang hindi ko sila maisip ni Gabriel.
Hindi ko alam kung dapat ba akong magalit kay Gabriel dahil nagsinungaling siya sa akin o kung nagsinungaling ba talaga siya? Ilang beses kong sinubukang i-text siya para itanong kung ano ang totoo pero natitigilan ako tuwing i-se-send ko na.
'Engage ka na pala? Bakit hindi mo sa akin sinabi?'
Muli kong binura ang text message na 'yon at nag-type ako ng panibago.
'Pumunta rito ang ex-mo-na-hindi-mo-naman-talaga-ex kasi kayo pa rin naman pala at engaged na pala kayo?!'
"Pucha! Nobela!" I groaned.
"Alin ang nobela?"
"Tangin—" Halos tumalon ang puso ko nang biglang sumulpot na parang kabute sa likod ko si Jasper. Suot-suot niya na ang biker jacket niya at sukbit-sukbit niya ang itim niyang bagpack.
"Sino'ng katext mo? 'Yong fake suitor mo?"
Ang sarap sapakin ng ngisi sa mukha niya.
"Nakakaselos naman 'yan, Ma'am Steph. Ako... hindi ako fake suitor. Totoong-totoo ako. Puwedeng-puwede mo akong alipinin!" Nakatitig siya sa akin at parang inaabangan niya ang pag-ngiti ko sa pambobola niya.
"Parang gago 'to! Umuwi ka na nga!" natatawang singhal ko sa kaniya. Kunwari nag-gagalit-galitan.
He cleared his throat and he shyly brushed her hair. Lumambot ang tingin niya sa akin.
"Y-Yayain sana kita eh... "
Napahalukipkip ako at napataas ng kilay.
"Kain sana tayo sa labas. P-Pa first-blood ko, first sahod eh!"
"Saan naman?" I asked pretending to be curious.
"Sa Paresan... kagaya noon." His eyes glistened.
Hindi ko napigilang mapangiti sa alok niya. Isa siguro sa mga masasayang ala-ala ko kasama si Jasper sa Tondo ay 'yong libreng pares ni Aling Nene kapag nakikita niya kaming namamalimos sa kalsada. Patakas na kain lang tapos manlilimos ulit. Limang-daan ang quota bawat bata, bawat araw. Kapag wala kang five hundred pesos na limos, masisinturon ka. Pero kinaya ko 'yon! 'Yong sinturon, 'yong lahat ng mura, 'yong mabahong bodegang tinutulugan namin. I survived all of that before. Kinaya ko ang mga 'yon sa loob ng dalawang buwan, pero hindi ang mga kamay ni Mang Dante na kung saan-saan naglalakbay sa balat ko sa tuwing nakainom siya.
"Ano, Ma'am Steph? Tara, libre ko!" Naputol ang pagbabalik ng ilang masasamang ala-ala dahil sa malapad na ngiti ni Jasper at sa mga nagniningning niyang mata.
"G!" nakangiting sagot ko.
***
Sumisiksik ang lamig ng hangin no'ng gabi na 'yon sa balat ko habang naka-angkas sa motor ni Jasper. Mahigpit akong nakakapit sa tagiliran niya. Kinakabahan ako na baka mapadiin ang hawak ko roon at baka kung ano'ng isipin niya kaya maya't maya kong inaalis ang mga kamay ko. Napalunok ako nang ilipat niya ang mga kamay ko sa may bandang tiyan niya.
Ang tigas naman ng tiyan niya. Tiyan pa ba 'tong hinahawakan ko o abs na?
"Baka mahulog ka! Kumapit ka!" sigaw niya. Alam kong pasigaw 'yon dahil malinaw kong narinig kahit suot-suot ko ang helmet niya.
Wala pang dalawampung minuto, huminto na si Jasper sa pagmamaneho. Dahan-dahan kong inalis ang mga kamay ko sa abs niya. Kumbinsido na akong abs nga niya ang ilang minuto kong yakap kanina.
"Thank you," I said as I returned his helmet.
"Welcome!"
Itinago niya ang helmet niya sa storage box ng motor niya at hinubad niya rin ang biker jacket niya.
"Okay lang naman sa'yo kumain diyan 'no?" Nginuso niya ang paresan sa may likuran ko.
"Oo naman!" nakangiting sagot ko.
Pinagtitinginan ako ng ilang kumakain sa maliit na paresan habang nakaupo kami ni Jasper doon at hinihintay ang order niya.
"Ngayon lang yata nakakita ng tao ang mga 'to?" iritableng bulong ko.
Isang tipid na tawa ang pinakawalan ni Jasper. "Hindi... ngayon lang kasi nila nakitang may kasama ako rito," paliwanag niya.
"Bakit? Palagi ka ba rito?"
Inusog niya ang bangko niya papalapit sa lamesa. "Nakikita mo 'yang apartment na 'yan, sa likod nitong paresan?"
Tumango lang ako at pilit pinahaba ang leeg ko para matanaw ang apartment na sinasabi niya.
"Doon ako nakatira," he said, smiling. "Pagpasensiyahan mo na lang mga kapitbahay ko. Ngayon lang nakakita ng maganda 'yang mga 'yan," pambobola niya.
Napailing-iling na lang ako habang nakangisi.
"O bakit? Maganda ka naman talaga Ma'am Steph!"
"Steph na lang, Jasper. Kapag wala na tayo sa trabaho... Steph lang."
He slowly bit his lower lip. Muli niyang inilapit ang bangko niya sa lamesa at naramdaman ko ang pagdikit ng paa niya sa paa ko.
"Okay." He said in his baritone voice. "Maganda ka, Steph."
Parang bigla akong nalanta sa sinabi niya. Napayuko ako.
"Hala, kinilig ka?" Yumuko rin siya para hanapin ang mukha ko.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at pinandilatan ko siya ng mata. "Pinagsasabi mo?!"
"Don't worry... paninindigan ko 'yang kilig mo!" patuloy niyang pang-aasar sa akin.
Hahampasin ko na sana ang braso niya dahil sa mga nakakairitang banat niya pero napahinto ang kamay ko sa ere nang lumapit sa lamesa namin ang isang babae bitbit ang tray ng order namin.
"Japoy, ngayon lang namin nakita si Ms. Beautiful dito ah," Ngumiti ang babae sa akin. "Ipakilala mo naman ako!" dugtong niya.
Marahang ginulo ni Jasper ang buhok niya na para bang nahihiya siya.
"Ah... Aling Isay, si Ma'am Steph po—boss ko."
"Boss mo? Akala ko girlfriend mo?!" Halos malaglag ang panga ni Aling Isay at napahampas pa sa braso ni Jasper. "Pasensiya na ho kayo Ma'am ha? Akala ko po kasi talaga—"
"Okay lang po 'yon!" Nginitian ko si Aling Isay habang nahihiya itong lumayo sa lamesa.
Pinigaan ko ng calamansi ang pares at mabagal ko 'yong hinalo. Gano'n din ang ginawa ni Jasper.
"Jasper... puwede ba akong magtanong?"
Tumango lang siya.
"W-What happened after niyo ma-rescue? N-Nakabalik ba kayong lahat sa mga magulang niyo? Paano ka napadpad dito sa Taguig?"
Hininto niya ang pag-ihip sa mainit na sabaw ng pares.
"Grabe naman Steph, ang daming tanong ha?"
I chuckled.
"Nakabalik kaming lahat, maliban kay Gela. Naiwan siya sa DSWD, pero ang alam ko may umampon sa kaniya." Sumandok siya ng isang kutsara sa pares niya at isinubo 'yon. Saglit siyang ngumuya at saka nagpatuloy sa pagku-kuwento.
"Nakabalik ako kay Tatay... tapos lumipat kami dito."
"Talaga? That's good to hear... nasaan ang tatay mo? Nagtatrabaho rin?" tanong ko habang hinahalo pa rin ang sabaw. Nilagyan ko ng isang kutsaritang chili sauce ang pares ko.
"Deads na... two years ago," Napatigil ako sa paghahalo ng pagkain ko at napatingin ako kay Jasper. Bakas ko ang lungkot sa boses at sa mga mata niya.
"Pero na-meet ko na ang Nanay ko! No'ng burol ni Tatay, pumunta siya." Bahagyang sumaya ang boses niya. May maliit na ngiti sa mga labi niya.
"Ang ganda niya, Steph! Sayang nga at hindi ko siya kamukha, panigurado mas magandang lalaki ako ngayon kung siya ang kamukha ko!"
Pareho kaming natawa sa huling sinabi niya. Just like before, Jasper has not changed at all. Kagaya pa rin siya ng batang si Japoy na kahit ano'ng lungkot ng sitwasyon mas pipiliin niyang maging masaya. Kagaya pa rin siya ng batang si Japoy na pipiliing itago ang totoong nararamdaman niya sa likod ng mga ngiti niya at sa likod ng mga biro niya.
"Ikaw, Steph? K-Kamusta ka after mong... makabalik sa inyo?" mabagal niyang tanong. Halatang nag-aalangan siya.
"N-Nakuwento mo ba sa mga magulang mo lahat ng nangyari sa'yo ron?"
Saglit akong natigilan sa tanong ni Jasper. Sumubo ako ng pares bago sumagot.
"Hindi. Wala silang alam. Wala rin naman silang pakialam..."
"Patay na si Mang Dante, nasaksak sa Bilibid." Mabilis niyang sagot. Iniisip niya siguro na kapag nalaman ko 'yon, magiging okay na ko.
Pero mali si Jasper. Matagal na akong hindi takot kay Mang Dante. Matagal nang hindi si Mang Dante ang laman ng mga bangungot ko. Before him, akala ko si Mang Dante na ang multo ko, pero mali ako. Nakakaiyak na mali ako.
"Shit! Steph, bakit ka umiiyak?" Nagulat ako sa natatarantang tanong ni Jasper. Hinawakan niya ang kamay ko. Ang isang kamay naman niya ay nagmamadaling kumuha ng tissue sa tissue holder sa lamesa para punasan ang pisngi ko.
"M-Maanghang kasi..." Ngumisi ako habang patuloy na dumudulas ang mga luha ko.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top