Chapter 29 - New

"Welcome back to Nueva Valencia, Stephanie!" magiliw na bati sa akin ni Auntie Elia—pinsan ni Papa, pagkababa ko sa van nila.

Kinuha niya agad ang itim kong maleta at ikinulong ako sa mga malulusog niyang bisig. Napangiti ako dahil doon. Alam ko kasing maya-maya lang ay sasambitin niya na naman ang pambobola niya sa akin na ilang taon ko ring na-miss.

"Ang laki mo na Stephanie at ang ganda-ganda mo pa, manang-mana ka talaga sa 'kin."

Napangiti ako habang kumakalas sa yakap niya. Panay rin ang tawa ni Uncle Marcel, asawa ni Auntie, na nasa likuran ko. Sinundo niya ako kaninang umaga mula pa sa airport sa Iloilo City at saka kami sumakay ng Roro papuntang Jordan, Guimaras. Ilang minutong land travel at nandito na kami sa resort nila sa Nueva, Valencia—ang pinakapaborito kong lugar sa buong mundo.

"Sulod na ta! [Pasok na tayo!] Mainit dito sa labas, bawal kay Stephanie ang mainitan, baka umitim 'yan, lagot ako kay Monica!" biro ni Uncle.

Hindi ko alam kung saan nag-ugat ang takot niya kay Mama, pero ang sabi ni Auntie sa akin noon, tutol daw si Mama sa kanila ni Uncle kaya hanggang ngayon parang ilang pa rin sila sa isat-isa.

Pagpasok sa gate ng malawak na lupain nila, ang una mo agad mapapansin ay ang arkong kahoy kung saan nakasulat ang pangalan ng beach resort— Sofia's Paradise Beach Resort, ipinangalan nila sa bunso nilang anak na noong huling punta ko rito ay sanggol pa. May matatayog na puno ng niyog at mga palmera na pinagigitnaan ang daang gawa sa mga natural na bato. May ilang pula at puting bougainvillea rin ang pinapalamutian naman ang bakuran ng resort. Halos dalawang minutong lakaran lang ay bumungad na sa akin ang tatlong palapag na gusaling kahit gawa sa semento ay sumisigaw pa rin ng tropical vibes dahil sa mga pawid sa bubong nito, kahoy na pintong may lilok ng palmera at bintanang may disensyong gawa sa rattan.

Walo lang ang kuwarto sa resort. Mas gusto kasi nila Auntie na intimate ang maging experience ng mga guests nila. Ayaw nila na maging crowded ito. Pinagigitnaan ang main building kung nasaan naroon ang lobby at ang mga kuwarto ng dalawang tropical themed villa. Ang isa ay mas malaki at may sariling parking. Doon naninirahan ang pamilya nila. Ang mas malapit naman sa dagat ay may isang kuwarto lang, pero may sariling sala at kusina— doon ako titira ng ilang araw... o ilang linggo... o ilang buwan. Hindi ko pa alam! Basta! Sa paborito kong lugar na ito, susubukan kong maghilom para sa anak ko at para sa bagong ako.

Wala sa sariling napahawak ako sa tiyan ko at agad na napansin 'yon ni Auntie Elia.

"Ilang buwan na ba 'yang tiyan mo, Stephanie?" nakangiti niyang tanong. Hila-hila niya ang maleta ko at bitbit naman ni Uncle ang duffle bag ko. Malapit na kami sa villa at naaamoy ko na rin ang simoy ng dagat na nasa likuran lang ng villa ko.

"D-Dalawang buwan po," sagot ko habang pilit kong inilalagay sa likod ng tainga ko ang buhok kong hinihipan ng hangin.

"Naku, maselan pa 'yan. Huwag na huwag kang magkikilos sa villa ha? Tatawagan mo kami sa telepono kapag may kailangan ka..."

Binuksan ni Uncle ang pinto ng villa at iginala ko agad ang mga mata ko sa kabuuan nito. Wala pa ring kupas ang ganda nito. Umupo ako sa loveseat na gawa sa kawayan na may nakapatong na manipis na kulay berdeng kutson. Binuksan naman ni Uncle ang dalawang malaking bintana sa sala at ang pinto ng kuwarto at doon niya inilagay ang mga gamit ko.

"Papupuntahin ko rin si Sofia rito para may kausap ka, nasa school pa kasi ngayon. Mamaya pa ang uwi. Huwag ka ng magluto dahil hahatiran ka namin ng pagkain dito galing sa restaurant." Tuloy-tuloy pa rin ang mga paalala ni Auntie sa akin habang nakaupo siya sa tabi ko.

"Kapag may gusto kang kainin, sabihin mo sa 'kin ha? Ipapahanap ko. Kahit pa manggang walang buto 'yan!" natatawang dugtong niya.

"Auntie!" Magaan kong hinampas ang braso niya dahilan para sabay kaming matawa. Saglit akong napasulyap sa mga singkit niyang mata. Parehong-pareho ang mga mata nila ni Papa. Biglang nanubig ang mga mata ko.

"O! Bakit naluluha ka riyan?" Napabuntong-hininga ako nang marinig 'yon sa kaniya. I gulped before answering her.

"I just miss him, Auntie... miss ko na si Papa," malungkot kong sagot. Muli niya akong niyakap. Mas mahigpit kaysa sa yakap niya kanina. Kusang tumulo ang mga luha ko. Paulit-ulit na inalo ni Auntie ang likod ko hanggang sa ang sakit sa dibdib ko ay unti-unti nang tinangay ng alon ng dagat na natatanaw ko mula sa bintana.

***

Kagaya ng mga nagdaang linggo, tuwing natatapos akong mananghalian, dadalawin na agad ako ng antok. Naging antukin ako simula nang mabuntis, pero hindi naman ako nagrereklamo. Mas okay na ang ganito kaysa sa maya't-mayang pagsusuka kagaya ni Li.

Kahit parang hinihila ako pabalik ng malambot na kama, pinilit kong tumayo para magbihis ng damit. Binuksan ko ang maleta ko at sumambulat sa akin ang maraming bestidang inimpake ni Mama. Kinuha ko ang puting sleeveless dress sa pinakaibabaw.

"Ugh! This is not me, Mama," I groaned as I watched my own reflection on the mirror.

Parang hindi ako ang nakikita ko. Parang bagong tao. Lagpas na ng balikat ko ang buhok ko, hindi na rin mugto ang mga singkit kong mata, mamula-mula ang mga pisngi ko kahit na wala naman akong inilagay na blush-on dito. Mabilis kong pinasadahan ng palad ko ang suot kong bestida. Bagay sa akin ang cut ng dress na binili ni Mama at mas komportable din ito sa tiyan ko. Hindi kagaya ng pantalon na parang naiipit si baby kapag umuupo ako.

Ngumiti ako habang nananalamin pa rin. "I think... I like this new you," I whispered.

My heart feels light and full at the same time. Hindi ko maipaliwanag. Alam kong tama ang desisyon kong lumayo muna. Hindi ko pa rin tuluyang maalis sa isip ko ang mga takot at bangungot. Pero masaya ako... dahil unti-unti nang nawawala ang galit sa puso ko. Unti-unti na 'yong napapalitan ng saya at pagmamahal na ipinaparamdam sa akin nila Mama, Kuya, Li at ng mga kamag-anak ni Papa dito sa probinsiya.

Kalmado ang dagat. Masarap sa balat ang init ng araw dahil hapon na. Maya-maya nga lang siguro ay lulubog na ang haring araw. Nakaupo ako sa lounge chair na gawa sa rattan at nakangiting pinapanood ang mag-anak na lumalangoy sa dagat. The young parents are trying to teach their kids how to swim.

"Paglabas mo, tuturuan din kita lumangoy," bulong ko sa tiyan ko.

Napatili ang babae nang bigla siyang buhatin ng asawa niya habang kinikiliti. Panay naman ang tawa ng anak nilang lalaking mga nasa elementarya siguro. Ang batang babae naman ay pilit na hinihila ang shorts ng tatay niya—mukhang nagseselos. Kaya dalawa sila ng nanay niyang binuhat ng tatay niya.

"Ang saya pala ng ganiyan..." wala sa sarili kong banggit.

Bigla na lang sumulpot sa isipan ko ang mukha ni Gabriel. Hindi ko sinabi sa kaniya ang plano ko. Katakot-takot din ang paalala ko kay Li na huwag na huwag sasabihin kay Andrew kung nasaan ako. Nakakatawang isipin na kahit ano'ng gawin kong paglayo kay Gabriel, siya agad ang unang naalala ko nang makita ko ang masayang pamilya sa dagat.

"I-I'm sorry, baby, mukhang hindi maibibigay sa 'yo ni Mommy 'yan," mabagal kong usal habang hinihimas ang tiyan ko.

"Ehem!"

Napalingon ako nang may narinig akong tumikhim sa may likuran ko.

"How's my favorite cousin?"

Nanlaki ang mga mata ko at nagmamadali akong tumayo para yakapin ang morenang babae sa harapan ko—si Carmela, ang panganay na anak nila Auntie.

"Ang higpit naman ng yakap... baka maipit 'yong anak mo, uy!" biro niya. Pareho kaming humalakhak kasabay ng pagkalas sa mahigpit naming yakap.

"I missed you Carms!" Abot-tainga ang ngiti ko habang inaalog-alog ang balikat niya.

"It's Chef Carmela na!" balik niya.

Napasinghap ako. Saka ko lang napansin ang suot niyang chef uniform na may logo ng resort nila. Inilipat ko ang mga kamay ko mula sa balikat niya papunta sa mga palad niya.

"Ikaw 'yong Chef dito?" Nilakihan ko siya ng mata.

"The Head Chef!" proud niyang sagot. Nagniningning ang mga mata niya at halos mapatalon pa siya sa kagalakan.

I bet it was not an easy journey for her. Ayaw ng mga magulang niya na mag-culinary siya. Tutol sila sa gusto ni Carmela. Pangarap kasi nila noon na magkaroon ng anak na abogado at ayon sa kanila libangan lang daw ang pagluluto, pero pinatunayan ni Carmela na mali sila.

"Ikaw pala ang Head Chef..." Humalukipkip ako. "Kaya pala hindi masarap 'yong Chicken Binakol!" nakangising pang-aasar ko sa kaniya.

"De puga!" inis na mura niya na sinundan naman ng malakas naming halakhak.

Hindi maubos-ubos ang tawa namin ni Carms habang naglalakad papasok ng lobby ng resort. Ang dami niya kasing kuwento tungkol sa kung paano niya iniraos ang buong college life niya nang hindi nalalaman nila Uncle ang kursong tinapos niya. Nagulat na nga lang daw noong mismong graduation niya sila Auntie.

"Stephanie?!" Isang pamilyar na boses ang tumawag sa akin dahilan para mapatigil kami sa pagtawa ng pinsan ko.

Kumurap-kurap ako habang minumukhaan ang babaeng nakatayo sa likod ng counter sa lobby ng resort. Nakatirintas ang buhok niya, bilugan ang mga mata, may mga manipis na mga labi at nakasuot siya ng asul na polo shirt na uniporme dito sa resort.

Iginiya ako ni Carms papalapit sa babae na hindi ko pa rin maalala ang pangalan.

"Si Katya 'to!" Itinuro ng babae ang sarili niya. "Hindi mo na ako naaalala? Nakakatampo ka naman!" Ipinatong niya ang mga siko niya sa counter para mas ilapit ang mukha niya sa amin.

"Ah... Katarina!" Magaan kong tinapik ang braso niya. Naaalala ko na! Isa siya sa mga naging kaibigan ko rito sa isla.

"A-Akala ko nasa Manila ka rin?" kunot-noo kong tanong sa kaniya.

"Ayoko ro'n! Mas maraming pogi rito sa resort!" humahagikgik niyang sagot.

"Bigaon talaga!" natatawang sabat ni Carms.

Pati ako ay napatawa na rin kahit na hindi ko naman alam ang sinabi ng pinsan ko. Wala pa akong isang araw sa Nueva Valencia pero hindi ko na mabilang kung ilang beses akong humagalpak sa tawa. I missed this kind of life.

Naputol ang tawanan namin nang biglang tumikhim si Katya. Tumuwid siya ng tayo at agad napatitig sa may pintuan ng lobby.

"May guest... " bulong niya. "Ang guwapo!" impit siyang tumili.

Hinigit ng pinsan ko ang braso ko dahilan para mapahakbang kami papunta sa gilid ng counter.

"Ang guwapo nga..." wala sa sariling sambit ni Carms. Nahulog ang kamay niyang nakayapos sa braso ko at para siyang naestatwa habang nakatitig sa hangin.

"Good afternoon, Sir!" Narinig kong bati ni Katya sa bagong dating na guest. Nakatalikod ako sa kanila at mahina kong kinukurot ang tagiliran ng pinsan ko. Tulala pa rin kasi.

"Hi! Uhm... reservation for Leonard Gabriel Del Rosario."

Halos mahulog ang panga ko nang marinig ko ang papaos na boses na 'yon. Mabagal akong humarap at biglang nagtambol ang puso ko. Nakangiti si Gabriel kay Katya habang parang kamatis na namumula ang pisngi ng kababata ko.

"A-Ano'ng ginagawa mo rito?" halos pabulong kong sambit.

Lumingon sa akin si Gabriel at gumuhit sa pisngi niya ang isang nakakatunaw na ngiti. He flashed his white-teeth smile at me.

"Maxine!" masayang bigkas niya. Humakbang siya papunta sa akin at akmang yayakapin ako pero mabilis akong umatras.

"Paano mo nalaman na nandito ako?" masungit kong tanong.

Naramdaman kong pinapanood kami ni Katya at Carms, pero hindi ko nalang pinansin 'yon.

"Andrew told me," tipid niyang sagot. Napaismid ako.

"Pucha! Aliyah Tanya!" gigil na sigaw ko. Napasapo na lang ako sa noo ko.

***

Magkatabi kami ni Gabriel sa hapag-kainan—katapat ko si Auntie Elia at katabi naman niya si Sofia na maganang kumakain ng fried chicken. Nakaupo sa kabiserang malapit kay Auntie si Uncle at nasa kabilang dulo naman si Carms. Tahimik lang kaming naghahapunan. Masarap ang adobo sa gatang niluto ni Carms pero hindi ako makanguya nang tuloy-tuloy. Panay kasi ang tingin ni Uncle kay Gabriel na para bang kinikilatis niyang maigi ang bisita.

"Manang Stephanie, 'migo [kaibigan] mo siya?" itinuro ni Sofia si Gabriel gamit ang daliri niyang may bahid pa ng ketchup.

Pitong-taon na si Sofia at ubod ng daldal. Hindi niya na siguro mapigilan ang maintriga sa estrangherong kasabay namin naghahapunan.

"Ah... y-yes, Sofia... kaibigan ko si Gabriel," nahihiya kong sagot.

"Kaibigan lang talaga?" singit ni Carms. Pinandilatan siya ng mata ni Auntie kaya hindi niya naituloy ang pausbong na bungisngis sa mga labi niya.

"Yes, Carms," mariing sagot ko. "Kaibigan ko lang si Gabriel," dagdag ko pa bago uminom ng tubig. Narinig ko ang pag-ubo ni Gabriel na tila ba naharinan sa sinabi ko.

"O! Manang, nabubulunan ang 'migo mo!" sigaw ni Sofia.

Napasulyap ako kay Gabriel at nakita kong namumula na ang gilid ng mga mata niya. Natataranta kong inabot sa kaniya ang hawak kong baso na halos puno pa ng tubig. Mabilis iyong nilagok ni Gabriel.

"S-Salamat, Maxine..." Ibinalik niya sa akin ang baso at tipid niya akong nginitian bago muling nagpatuloy sa pagkain.

"Ahh... kaibigan nga lang," bulong ni Carms na parang may iba siyang ibig sabihin. Tumatango pa siya bago ngumisi.

"Carmela!" saway ni Uncle Marcel sa panganay.

Nagpatuloy ako sa pagpapanggap na isang normal na hapunan lang ito, kahit na gustong-gusto ko nang tumayo at bumalik na sa villa.

"So, Gabriel... matagal na ba kayong magkaibigan ni Stephanie?" tanong ni Auntie habang binabalatan ang manggang panghimagas ni Sofia.

"Ah... opo, since high school pa po," magalang na sagot ni Gabriel.

Ngumiti si Auntie kay Gabriel, "Ang tagal na pala... hindi ka man lang naikuwento sa amin."

"Mama, sa sala ko na kakainin 'tong mangga ha? Manood ako ng TV!" excited na paalam ni Sofia bitbit ang plato niyang may isang buong manggang hinog.

Tumango si Auntie at agad kumaripas ng takbo si Sofia palabas ng dining area.

"Dahan-dahan, madapa ka!" pahabol ni Auntie.

Saglit na binalot ng katahimikan ang hapag-kainan. Ngunit isang nakakakabang tanong galing kay Uncle Marcel ang bumasag no'n.

"Gabriel, kilala mo ba ang lintek na tatay ng ipinagbubuntis ni Stephanie?"

Halos umalingawngaw ang malaking boses ni Uncle. Napalunok ako at napasulyap sa kaniya. Matalim pa rin ang mga matapang niyang matang nakapako kay Gabriel.

"Kaibigan ka ni Stephanie, 'di ba? Baka kilala mo? Ayaw kasing sabihin sa amin ni Stephanie. Natatakot yatang bugbugin ko 'yong lalaki." Pinatunog ni Uncle ang mga kamao niya. Naglagitikan ang mga buto niya sa daliri.

Dating boksingero si Uncle Marcel sa Manila bago niya nakilala si Auntie at nagpasiyang manirahan dito sa probinsiya. Halata pa rin sa pangangatawan niya ang dating buhay niya at kahit na nasa mid-40s na siya, kitang-kita mo pa rin na kayang-kaya niyang magpatumba ng kalabaw.

"Marcel... hayaan mo na nga 'yon! Panigurado naman akong kinakarma na 'yong lalaki na 'yon dahil hindi pinanagutan ang pamangkin ko!" singhal ni Auntie. Bumuga siya ng hangin at uminom ng tubig para siguro pakalmahin ang sarili niya.

Lord, sana kainin na lang ako ng lupa.

Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko kapag nagpatuloy pa ang mga litanya nila. Hindi naman kasi ganoon si Gabriel. Gustong-gusto niya akong panindigan, pero ako itong may ayaw.

Yumuko ako at pumikit. I forced myself to think of an excuse to leave. Nagulat na lang ako nang maramdaman ko ang mainit na palad ni Gabriel. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay kong nakapatong sa lamesa. Nagmulat ako at tatlong pares ng mga mata ang nakatitig sa kamay naming dalawa ni Gabriel.

"OMG!" Gulat na gulat si Carms. "Ano 'yan ha? Bakit may pahawak-kamay?!" Lumapit siya sa likod ni Auntie at nagpamewang pa.

Gabriel cleared his throat. I saw his chest tremble as he inhaled and exhaled intensely.

"Ako po 'yong lintek na tatay ng ipinagbubuntis ni Stephanie..." Sinulyapan niya si Uncle. "... na paniguradong kinakarma na ngayon." Ngumisi siya at inilipat niya ang tingin kay Auntie.

"Architect Leonard Gabriel Del Rosario po... " patuloy na pagpapakilala niya sa sarili. Tumango siya kay Uncle at Auntie na parehong nakatulala dahil sa rebelasyon niya. "... Ex-fiancé po ni Stephanie," he continued with his raspy voice while staring at me.

"What?! Ex-fiancé?! Eh bakit hindi mo pinanagutan 'yang pinsan ko?!" Bahagyang tumaas ang boses ni Carms.

"Ako 'yong may ayaw, Carms!" mabilis kong sagot. "A-Ayokong panagutan ako ni Gabriel..."

"Ha? Bakit? Ayaw mo ba sa kaniya? Playboy? Cheater?... l-lier?" sunod-sunod ang tanong ni Carms pero hindi ako makasagot, parang nawala ang boses ko. O sadyang hindi ko lang din talaga alam sa sarili ko kung bakit.

"Carmela, tama na ang pagiging marites mo!" saway ni Auntie sa anak.

Inalis ko ang kamay ko sa lamesa. Sinundan iyon ng tigin ni Gabriel hanggang sa pagpatong ko ng mga iyon sa hita ko. Iminasahe niya sa batok niya ang kamay niyang kanina ay mahigpit na hawak ang kamay ko.

"M-Magpapahinga na po ako," malumanay kong paalam. Siguro nga dapat kanina ko pa 'yon sinabi, hindi na sana nila nalaman.

Nginitian ako ni Auntie at gano'n din si Uncle Marcel pero nanginginig ang gilid ng mga labi niya. Halatang bumabagabag pa rin sa kaniya ang mga nalaman niya ngayong gabi.

"Ihahatid na kita sa villa mo..." malambing na sabi ni Gabriel. Tumayo rin siya agad pagkatayo ko. Hindi na ako nagprotesta pa roon. Hinayaan ko siyang sumunod sa akin.

Bago pa man kami makalabas ng villa nila Auntie, hinarang kami ni Sofia na puro katas na ng mangga ang bibig.

"Hep hep! Wait lang!" Idinipa niya ang mga braso niya at nakabuka din ang mga binti niya habang nakatayo sa may pintuan ng villa nila.

"Narinig ko kayo, Manang Stephanie..." Humagikgik siya. "Hindi mo pala 'migo 'yan si Manong Gabriel, eks-piyangsey mo pala!"

Lumapit si Gabriel sa kaniya at marahan niyang hinaplos ang ibabaw ng ulo nito.

"Hindi... bana niya ako," natatawang sabi ni Gabriel kay Sofia. Mas lalong lumakas ang hagikgik ng bata at napatikip pa ng bibig niya.

Ano'ng bana? Bukas ko na nga lang iisipin kung ano'ng sinabi ni Gabriel. Sa ngayon, hahayaan ko munang tapusin ang araw nang punong-puno ng mga halaklak, mga hagikgik at kung anuman ang tawag sa nararamdaman ko kay Gabriel. Pinapanood ko siyang nakikipagkilitian at nakikipagpatintero kay Sofia na tila ayaw kaming palabasin ng villa.

"Sa susunod, ikaw na ang kalaro niya, baby..." malambing kong bulong sa tiyan ko.

***

MsLynLuna ☽

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top