Chapter 2 - Voice
Umuulan nang malakas pero wala akong masilungan. Nangangatog na ako sa lamig. Kulay ube na ang mga labi ko... tapos biglang may nagpayong sa akin. Ayoko siyang tignan, ayoko siyang lingunin dahil alam na alam ko na kung sino siya.
"Hi, I'm Gabriel, your angel."
Same dialog every night. Same freaking dream every night. Same man. Same face. Even the way he smells. Amoy baby! Ni hindi ko nga alam na puwede pala akong makaamoy sa panaginip.
For the first time in my life, parang ayoko nang matulog dahil pagpikit ko, siya na naman ang makikita ko. Pagmulat naman ng mga mata ko, siya pa rin ang naiisip ko.
Pucha! Paano ba aalisin sa isip ko ang chinitong mokong na 'yon!
Ang lakas naman talaga ng tama ko sa lalaki na 'yon. Pero hindi love 'to. No. Definitely not love. Walang love. Sa companionship lang ako naniniwala. Ayaw lang talaga nating maging malungkot kaya pinipilit nating makahanap ng katapat. Ayoko nang maghanap ng katapat ko, sigurado naman akong walang darating.
Walang darating.
***
"Sino si Gabriel?" nagulat ako sa tanong ng bestfriend ko—si Li, na parang multong bigla na lang sumulpot sa likuran ko.
Hindi ko namalayang nakauwi na pala siya galing sa meet-up nila ng aasawahin niya.
Hinding-hindi talaga ako maniniwala sa love. Real life example na si Li—magpapakasal sa hindi naman niya mahal just to save her family name at para sa café ng nanay niya.
Puro 'Gabriel' na pala ang nakasulat sa papel kung saan ako naglilista ng cold drinks na balak naming idagdag sa menu ng café. Agad kong ginusot 'yon.
"S-Si Gabriel! 'Yong bagong jowa ni Kuya Spence!" palusot ko sa kaniya.
"Oh? May bago na agad siya? Buti naka-move on na ang kuya mo kay Franco!" patola niyang sagot.
Ngumisi lang ako sa kaniya. Tumayo na ako mula sa couch para itapon ang nilamukos kong papel sa trash bin.
"Bakit naka-shades ka pa? Nasa loob ka na, ah?" sita ko sa kaniya nang mapasadahan ko ang wirdong OOTD niya.
"Fudge!" she cursed and then she quickly removed her shades and yellow hoodies.
'Fudge' for her is 'fuck' or 'shit'. Ayan ang katumbas ng lahat ng mura para sa kaibigan ko.
Hindi ko mapigilang matawa sa itsura niya. Umuulan sa labas tapos naka-shades siya na parang summer. Ilang araw na siyang ganito dahil sa mga 'bashers' niya.
"Kamusta? Pumayag ba si Andrew sa deal niyo?" usisa ko, bahagyang nakataas ang mga kilay ko at nakatitig kay Li.
Pabagsak siyang umupo sa couch at saka bumuntong-hininga. Pasan niya ang daigdig. Ilang taon na kaming magkasama sa unit ko dahil galit na galit siya sa tatay niya. Ngayon naman, kailangan niyang magpakasal sa architect na 'yon.
"Pumayag naman Steph. Pero kinakabahan ako..." mahinang sagot niya.
Agad akong umupo sa tapat niya. Napansin kong lumikot ang mga mata niya.
"Bakit ka naman kinakabahan, eh may kontrata naman kayo. Two years lang 'di ba?"
She fixed her almond eyes on me.
"Ewan ko, I'm just nervous Steph. He's too charming... kinakabahan ako baka ako 'yong unang sumira sa rules namin," seryosong sagot niya na sinundan ng buntong-hininga.
Napahagalpak ako ng tawa.
"Tang in—"
She glared at me.
"Tang inumerssss!" malutong na bawi ko.
"Tigilan mo 'yan, Li! Huwag mong isipin 'yan! Kapag inumpisahan mo nang ganyan 'yan... ang ending next year may sisipa-sipa na riyan sa loob ng tiyan mo!" nakangisi kong pananakot sa kaniya.
Binato niya ako ng throw pillow sa mukha.
"Hindi 'no! Hindi gano'n si Andrew!" kontra niya sa akin.
"Si Andrew, hindi—mukhang nonchalant 'yon, eh! Pero ikaw?" I scoffed. "Ikaw, Aliyah Tanya, parang mas marupok ka pa sa hilaw na pasta!" dagdag kong pang-aasar sa kaniya.
Dalawang throw pillow pa ang saktong nag-landing sa mukha ko. Pero wala pa rin akong tigil sa kakatawa. Namumula na ang pisngi ng bestfriend ko dahil sa inis niya sa akin at dahil na rin siguro sa kilig niya kay Andrew.
Todo deny pa 'tong babae na 'to, pero feeling ko may gusto na siya sa architect na 'yon.
But Andrew seems to be a nice guy. He will never take advantage of Li. Medyo pareho nga sila ng aura ni Gabriel kung tutuusin.
Shit! Puro ka na naman Gabriel, Stephanie.
"Steph, 'yong interview for barista bukas... p'wedeng ikaw na lang 'yong pumunta?" Napabalik ako sa ulirat ng tanong ni Li.
"Ha? Bakit ako lang? Ayaw mo ba ma-meet 'yong applicant?"
"Hindi na, kaya mo na 'yon!" she exhaled slowly. "Mamaya basher ko pala 'yon, umatras pa!"
"So, ano? Magkukulong ka lang dito sa unit ko hanggang ikasal kayo ni Andrew?" Ibinalik ko sa mukha niya ang isa sa tatlong throw pillow na binato niya sa akin kanina. Tumalbog 'yon sa namumula niyang mukha.
"Ouch naman!"
Hinipan niya ang ilang hibla ng buhok na tumatakip sa mukha niya. Sinamaan niya ako ng tingin pero hindi ko 'yon pinansin.
"M-May lakad din kami bukas ni Andrew... p-pupunta kaming Sta. Rosa, Laguna... s-sa Mayor na kakilala niya." Tumuwid siya sa pagkakaupo niya at saka umiwas ng tingin sa akin.
"Bakit nauutal ka, Li?" tukso ko.
Muli na namang namula ang pisngi niya.
"Pucha, Li! Hindi pa kayo kasal gan'yan ka na? Nauutal ka na! Namumula ka pa! Ano next? Ngangawa ka na dahil na-fall ka na kay Andrew? Sinasabi ko sa'yo ikadena mo 'yang pechay mo!"
"Stephanie! Grabe ka naman!" nakasimangot na sagot niya sa sermon ko.
Dadamputin niya pa sana ang throw pillow sa sahig para ibato sa akin pero naunahan ko na siya at ibinato ko 'yon sa mukha niya. Hindi siya umaray. Tumawa lang siya.
"Crush ko na nga yata siya, Steph... help me please," she pouted her lips.
Nanlaki ang mga mata ko sa confession niya. Gusto ko sanang bumuga ng malakas na tawa pero naaawa rin ako sa kaniya.
"Crush lang pala eh! Don't worry... hindi ka mabubuntis ng "crush-crush" lang!" nakangising sagot ko.
Dinampot niya ang nakatupi niyang hoodie sa lamesa para ibato sa akin.
"Uy, wag 'yan! Li, masakit 'yan!" sigaw ko, pero huli na ang lahat.
***
Kinabukasan, maaga akong gumising para sa interview ng barista ng Café Amor. Gusto ni Li na ipangalan ang Café sa nanay niya—kay Tita Amor. Si Tita Amor ang nagturo sa amin ni Li kung paano mag-bake. Si Tita Amor ang palaging proxy kay Mama at Papa tuwing nakakalimutan nilang umattend ng PTA meetings, recognition day, at awarding ceremony kapag nananalo ako sa volleyball games ko. Si Tita Amor ang pangalawang nanay ko... and I missed her, so much.
Ipinarada ko si Kitkat sa harap ng Café Amor. La Vida Dulce pa rin ang signage na nakalagay sa taas ng café, hindi pa namin napapalitan. Rustic Parisian Café pa rin ang theme... literal na rustic. Magulo. Makalat. Lumang-luma.
Nagsuot ako ng face mask at inumpisahang walisan ang maalikabok na sahig. Nakakahiya naman sa aplikante kung dadatnan niyang maalikabok ang café. Baka umatras bigla.
Inusog ko ang ilang lamesa papunta sa gilid at nagtira lang ako ng dalawang lamesa na may tagdalawang upuan sa gitna. Ipinatong ko ang bagpack ko sa isang lamesa. Tapos binuksan ko ang laptop ko at ipinatong 'yon sa kabila.
Mabilis naman akong natapos sa pagwawalis dahil hindi naman kalakihan ang Café. Six tables lang ang kasya sa loob, tapos ilang bread stands lang ang kaya naming ilagay sa checkout counter. Dalawang coffee machine maker, dalawang sink... mukhang 'yon lang din ang mapagkakasiya namin sa likod ng counter.
I removed my facemask and brushed my short hair. Umupo na ako sa tapat ng lamesa kung saan ko ipinatong ang laptop ko kanina. I cleared my throat.
"Hi, I'm Stephanie Maxine Co... ako ang lead barista ng Café Amor and co-owner din ako rito," Pinapanood ko ang sarili kong reflection sa glass window habang nagpapractice ng sasabihin ko mamaya sa aplikante.
"You can call me Steph."
Tapos ngumiti ako sa sarili. Isang tipid na ngiti, pero hindi intimidating. Warm, small, smile.
Sinilip ko ang resumé na finorward ni Li sa email ko.
Raphael Jasper Perez.
Kulot ang buhok, smiling face, bilugang mga mata, at mukhang charming. Ang cutie naman pala nito. Mukhang good boy. Mukhang angel.
"Shit! Papasok na naman sa isip mo si Gabriel, Stephanie! Mula ngayon, bawal na sa bokabolaryo mo ang salitang angel!" Parang tanga akong pinapagalitan ang sarili kong repleksyon sa bintana.
Huminga ako nang malalim. I even shook both of my hands para ipagpag ang mga naiisip ko.
Muli kong sinulyapan si Raphael Jasper sa laptop.
"Hi, you can call me Steph... can I call you mine?" natatawang biro ko sa sarili ko habang nakatitig sa picture ng aplikante.
"Po? J-Jasper po name ko, hindi po mine..."
Halos mahulog ako sa upuan nang marinig ko ang baritonong boses na 'yon. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa biglang pagsulpot sa harap ko ng lalaking may kulot na buhok, smiling face at bilog na mga mata-si Raphael Jasper Perez.
"Pucha! Narinig mo?"
Tumango-tango siya at nanlalaki ang mga mata niya dahil marahil sa pagmumura ko.
"Ay! Shit! Sorry! Tangina!"
Kumota ka pa ng mura, Stephanie!
Mariin akong napapikit sa kahihiyan.
"Sorry ha? N-Nagulat lang ako..."
I smiled at him awkwardly. Nginitian din naman niya ako, labas dimples pa.
"I'm Stephanie, by the way. Lead barista and co-owner ng Café Amor." Tumayo ako at inilahad ang palad ko sa kaniya. He shook my hand gently. Halatang kinakabahan.
"For 9 AM interview? Right?"
"Yes po... Raphael Jasper Perez po, Ma'am Stephanie," nakangiting pagpapakilala niya sa sarili.
"Upo ka na, Jasper." Itinuro ko sa kanya ang upuan sa tapat ko. "P'wede mong ilagay 'yong gamit mo riyan sa kabila..." nginuso ko ang bakanteng upuan sa tabi niya.
I exhaled softly. Ayokong ipahalata sa aplikante na na-rattle ako sa pagdating niya. Kung bakit ba naman kasi parang ninja 'tong bigla na lang sumulpot sa harap ko.
"Sorry po pala kung nagulat kita." Marahan niyang ginulo ang buhok niya.
"Kumatok po ako kanina ng mga eight times siguro, pero hindi mo yata narinig, parang may kausap ka po kasi kanina, Ma'am Stephanie... p-parang may pinapagalitan ka, n-nakita ko po sa labas," nahihiyang paliwanag niya.
So, nakita niya 'yong monologue ko kanina? Nakakahiya ka, Stephanie.
"Ah... okay lang 'yon," nakangiti kong sagot sa kaniya. "
"Ma'am Steph na lang din ang itawag mo sa akin. Masyadong mahaba ang Stephanie."
Bahagya niyang inilapit ang upuan niya sa lamesa. He inhaled at exhaled intensely. Mukhang kinakabahan nga talaga siya.
"O-Okay po, Ma'am Steph."
"Chill lang 'tong interview na 'to. Don't worry. Huwag kang kabahan," malumanay kong sabi sa kaniya.
"Okay po, Ma'am Stephanie... este, Ma'am Steph!" Muntik pa siyang pumiyok sa muling pagbanggit ng pangalan ko.
I chuckled softly.
"Let's start na," I said on my cheerful tone.
"Okay po," mabilis niyang sagot.
Bahagya kong iginilid ang laptop ko para mas makita ko ang mukha niya, para mas mabasa ko ang personality niya. Tapos binuksan ko ang notepad sa laptop para doon i-type ang mga sagot niya.
"Can you introduce yourself and can you walk me through your work experience?"
"Ah... Raphael Jasper Perez po, pero Jasper po ang nickname ko, 24 years old..."
24? Kasing-edad ko pala 'to. Akala ko 20 lang. Ang baby face kasi.
"Four years na po akong barista, first job ko po sa Java Gems... one year lang po ako do'n. Sa pastries po ako naka-assign doon pero paglabas sa oven ng tinapay... polvoron na."
"Polvoron?" nagtatakang tanong ko.
"Opo... polvoron na, cremated na po."
I chuckled.
"Do'n ko po na-realize na hindi ako magaling sa pastries kaya nagfocus po ako sa beverage. Lumipat po ako sa Aroma Avenue, three years naman po ako do'n. Maliit lang din na coffee shop. Parang ganito lang din po." Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng magulong café.
"All around po ako do'n, minsan cashier, madalas barista... pero hindi na po ako nag pastries ulit." Marahan niyang minasahe ang batok niya.
"Ilang years po akong na-awardan na employee of the month doon!" Lumakas nang kaunti ang boses niya, halatang proud siya sa sinasabi niya.
"Wow! Talaga?"
"Yes po, Ma'am Steph! Consistent po for two years... dadalawa lang din naman po kasi kaming barista kaya hindi mahirap mamili," he chuckled.
Hindi ko na nagawang pigilan ang tawa ko. Napatakip ako sa bibig ko nang mapansin kong nakatingin siya sa akin.
"Sorry, Jasper... natawa kasi ako sa sinabi mo." Tumuwid ako ng pagkakaupo.
"Okay lang po, Ma'am Steph."
Mabilis kong minasahe ang magkabilang pisngi ko para mawala ang tira-tirang ngiti sa mukha ko. I cleared my throat.
"Bakit ka pala umalis sa Aroma Avenue?"
He softly bit his lower lip. Yumuko siya at iniwas niya ang tingin niya sa akin.
"Ah... kasi po... nagkagusto sa akin 'yong owner. Pinagpipilitan niya pong ginayuma ko raw siya. Eh, siya 'tong patay na patay sa akin!" nanlaki ang mga bilugan niyang mata at mas lumakas ang boses niya.
Napahagalpak ako sa tawa. This time, I didn't hold back. Tawang-tawa ako na halos nangingilid na ang mga luha ko.
"H-Hindi po kayo naniniwala?" nahihiyang tanong niya.
Nagulat ako sa tanog niya. Mukhang na-offend ko pa yata siya.
"Ah, hindi sa gano'n...likeable ka naman," nakangiti kong tugon sa kaniya habang nagpupunas ng mata.
Napangiti rin siya at marahang ginulo ang kulot niyang buhok.
"Likeable? Thank you naman po!"
Nag-thank you siya sa compliment ko? This guy is really funny. Mukhang babagay sa Café Amor ang aura niya.
Mabilis kong pinasadahan ang ilan pang nakalistang tanong sa notes na Li. Boring questions. Paano ko pa mapapalabas ang personality nitong aplikante kung sobrang seryoso ng mga itatanong ko?
I tapped the table for a few seconds to think of quirky questions.
"Kung kape ka, Jasper... ano'ng klaseng kape ka?"
He slowly touched his chin. Thinking, maybe, of a witty answer.
"Hmm... Barako po, Ma'am Steph!" malakas niyang sagot.
Napangiti ako sa sagot niya. "Barako? Bakit? Taga-Batangas ka ba?"
"Hindi po, laking Tondo po ako," nakangising balik niya.
"Barako po kasi matapang, mabango, kayang-kaya kang ipaglaban!"
Isang tipid na tawa ang pinakawalan ko.
"Ikaw, Ma'am Steph... kung kape ka, ano'ng kape ka?"
Lumaki nang bahagya ang mga mata ko sa tanong niya.
"Kahit ano, basta decaf," tipid kong sagot.
Siya naman ngayon ang malakas na tumawa.
"Decaf? Asan po ang thrill do'n? Ma'am Steph?"
"Wala... pagdating sa kape ayoko ng thrill!" mabilis kong sagot.
"Ah, gano'n po ba... 'Di bale 'pag na-hire po ako, ipagtitimpla ko kayo ng masarap na decaf!" he happily exclaimed as if he's so sure na ma-ha-hire nga siya.
Cute. He's kinda cute.
"Okay... last question, Jasper. How do you handle stress?"
Tiniklop ko na ang laptop ko at tinitigan ko siya. Doon ko lang napansin na matapang din pala ang mga kilay niya. Halos magkapareho sila ng kilay ni—
"Kumakanta po." Napabalik ako sa realidad dahil sa sagot niya. Muli akong napatitig sa mukha niya.
"Musikero ka, Jasper?"
"Medyo po..." nahihiyang sagot niya. Labas na naman ang dimples niya at ginulo na naman niya nang bahagya ang buhok niya.
"Sample nga..." biro ko.
He cleared his throat. Shit! Musikero nga 'to, hindi man lang nagpapilit.
"Huwag kang matakot..."
Inumpisahan niyang awitin ang isang pamilyar na kanta. Alam ko ang kantang 'yon dahil madalas ko 'yong naririnig dati.
"'di mo ba alam, nandito lang ako..."
Ang ganda pala ng boses niya. Pero hindi ko man lang magawang magsalita para sabihin 'yon sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit tila sumasabay sa boses niya ang pagdalaw ng ilang mga ala-alang gustong-gusto ko nang ibaon sa limot.
Patuloy na kinakanta ni Jasper ang "Huwag Kang Matakot" ng Eraserheads habang patuloy kong naaalala ang hapon na iyon sa Tondo.
Dark room. Fat bald guy. Barbed wire tattoo. Gumagapang ang kamay ng lalaki sa ilalim ng palda ko. Hindi ako makasigaw. Hindi makasigaw ang ten years old na si Stephanie, panay hikbi lang siya. Naiinis ako sa kaniya dahil hindi siya sumisigaw.
Isang batang lalaki ang humila sa akin palabas ng madilim na kuwarto na 'yon. Mabilis kaming tumakbo hanggang makarating kami sa poso. Hingal na hingal kami pareho pero wala pa rin akong tigil sa pag-iyak. Kahit ano'ng alo ng batang lalaki sa akin, iyak lang ako nang iyak hanggang sa marinig ko ang boses niya. Iyon ang unang beses na narinig ko ang awiting kinakanta ngayon ni Jasper.
"Japoy... " nag-aalangan kong bulong.
"I-Ikaw na ba 'yan, Japoy?" nanginginig ang boses ko dahil sa mga nagbabadyang luha.
Napahinto siya sa pagkanta at mariin niya akong tinitigan. Ngumiti siya sa akin. Kagaya ng ngiti ng batang nagligtas sa akin.
Kung bakit ngayon ko lang napansin na pamilyar sa akin ang mga ngiti niya. Ang dimples niya, ang kulot niyang buhok, ang boses niya. Lahat sa kanya ay matagal ko nang kilala.
"Hi, Mak-mak... tagal din kitang hinanap."
Kusang bumagsak ang mga luha ko nang tawagin niya ako sa pangalan na 'yon.
"Huwag ka nang umiyak... nandito na ako," he said in his warm, comforting voice.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top