Chapter 18 - Red

"H-Hello Kuya..." suminghot ako para pigilan ang pagtulo ng luha ko at panginginig ng boses ko.

Nagpahatid lang ako sa driver ng hotel dito sa airport at tanging cellphone ko lang ang nabitbit ko. Naiwan ko ang wallet ko sa pantalon ko. Naiwan ko ang pantalon ko kay Gabriel.

"Mei-mei? What's wrong? Umiiyak ka ba?" Bukod sa boses ni Kuya, naririnig ko rin ang mga kalansing ng mga lutuan at kubyertos sa kusina ng Oriental. Malamang ay naiistorbo ko siya sa ka-busyhan niya sa restaurant, pero wala na akong ibang malalapitan kung 'di siya lang.

"Hindi, Kuya..." I gulped. "M-May extrang pera ka ba diyan? Can you send me five thousand? Susuli ko agad pag-uwi ko..."

May dalawang flights pa pauwi ng Manila, isang 9:00 PM at isang 4:00 AM. Kahit saan doon, okay lang sa akin. Kung kailangang matulog ako sa airport gagawin ko, basta makauwi lang ako. Gusto ko lang makalayo agad kay Gabriel. Gusto ko na lang ulit makalimutan siya.

"Five thousand? For what?"

"P-Pambili ng ticket pauwi sa Manila," mahinang sagot ko. Inilayo ko na rin ang cellphone ko sa tainga ko dahil alam ko na ang susunod na maririnig ko.

"MANILA?! NASA'N KA BA?" Rinig na rinig ko pa rin ang sigaw ni Kuya kahit na ilang pulgada na ang layo ng cellphone ko sa tainga ko.

"Iloilo," tipid kong sagot.

"WHAT! Ano'ng ginagawa mo diyan?! Pa'no ka napadpad diyan? Sino'ng—"

"Kuya..." Pinutol ko na ang mga tanong niya. Bumuntong-hininga ako. "Promise i-ku-kuwento ko sa'yo pag-uwi ko, okay? Just send me 5K." Hindi ko na napigilan ang panginginig ng boses ko dahil sa malamig na hanging sumusuot sa manipis kong pajamas at sa kung ano'ng nagpapasikip ng dibdib ko.

"Okay, hintayin mo nalang," sagot ni Kuya.

***

Nakapikit lang ako sa buong biyahe pabalik ng Manila. Hindi naman ako nakatulog, pero pinili ko na lang magtulog-tulugan. Ayoko kasing salubungin ang mga mapanghusgang mata ng ibang pasahero sa eroplano. Alam kong mukha akong tanga—mugto ang mga mata, nakapantulog at suot-suot ang manipis na hotel slippers.

Hindi lang isang beses akong tinanong ng flight attendants if I need any assistance. Kapag ba sinabi ko sa kanilang broken-hearted ako, matutulungan kaya nila ako? Kapag ba sinabi ko sa kanilang ngayong araw ko lang nalaman na may fiancé pala ako... and right after we had sex, nadiskubre kong magkaka-anak na pala siya sa ex niya.

Ito na ba ang karma ko sa lahat ng mga lalaking pinaglaruan ko noon? Si Gabriel na ba ang karma ko?

Mas dumiin ang pagpikit ko nang sumagi sa isip ko ang proposal na sinasabi ni Gabriel. We were wearing school uniforms... malamang nag-cutting lang kami para makabalik sa Garin. Maybe, Gabriel flew us there... or Hunter.

Napahawak ako sa sentido ko nang maalala ang imahe ni Hunter na humahalakhak habang kinukuhaan kami ng pictures ni Gabriel. May suot akong engagement ring, pero hindi ito diamond—it was a red ruby. I remember waking up the next morning in a hotel room, the white bedsheet tainted with my blood. Paulit-ulit kong naririnig kay Gabriel ang mga salitang "Pakakasalan kita, Maxine. Paninindigan kita," habang yakap-yakap niya ako nang mahigpit at malambing na hinahalikan ang balikat ko. I was 18 and he was 20. Young, crazy, wild love.

Mas tumindi pa ang sakit ng ulo ko nang biglang umuga ang eroplano. Napamulat ako at agad napatingin sa naka-ilaw na 'seatbelt-on' sign.

"Passengers, this is your captain speaking. Moderate turbulence ahead. Please fasten seatbelts..."

I swallowed hard and shut my eyes again. Memories flooded my brain. Dark memories of that night.

Galit na galit siya nang makita niya ang singsing sa daliri ko. Pilit niyang hinubad sa akin 'yon at itinapon sa sahig. Tinapak-tapakan pa niya hanggang sa madurog ang pulang bato. Humahagulgol ako at nagmamakaawa sa kaniya. Nanlilisik ang mga mata niya at may bahid ng dugo ang peklat niya sa mukha. Labas na ang ugat sa leeg niya habang sinisigawan ako — "Akin ka lang! Akin ka lang!"

Bumibilis ang pagpapalit ng mga alaala sa utak ko habang mas dumidiin ang hawak ko sa sentido ko. I remember running on the streets, barefoot. May humintong sasakyan, sumakay ako roon. Si Gabriel ang driver—ngayon sigurado na akong si Gabriel nga 'yon. Sa kaniya ang pulang jacket na ginawa kong punda. Naaalala kong dumating siya ng gabi na 'yon, pero hindi ko maalala ang aksidente na sinasabi niya. Hindi ko maalala kung paano natapos ang gabi na 'yon.

Bakit hindi ko maalala?

Nagmaneho lang siya nang nagmaneho... pero hindi kami nakarating sa dulo.

Umangat ang mga palad ko papunta sa anit ko na halos masabunutan ko na ang sarili ko dahil sa matinding sakit ng ulo.

"Miss... miss, are you okay?" kalmadong tanong sa akin ng flight attendant.

"Yes," I answered. Lying.

***

Mag-a-alas-dose na ng gabi nang makasakay ako ng taxi. Walang pinagkaiba si Manong driver sa mga pasaherong nakasabay ko sa eroplano. Ilang beses niya akong nilingon sa rear-view mirror bago naglakas loob na magtanong sa akin.

"Okay lang ho kayo Ma'am? Wala po ba talaga kayong bagahe, baka naiwan niyo po sa airport?" sunod-sunod na tanong niya.

"Okay lang po Manong... g-galing po kasi akong sleepover party. Ganito po ang dress code," nakangiting sagot ko. Tapos nagbusy-busyhan na ako sa cellphone ko.

"Ah... okay po, Ma'am." Mabilis siyang napakamot ng ulo niya. "M-Mukha po kasi kayong malungkot," Muli niya akong nilingon sa rear-view mirror. Napatingin din ako sa kaniya.

"Talaga po?" Hindi ko alam kung bakit ko natanong 'yon sa estrangherong driver, eh alam ko naman ang sagot.

"Opo, halata po sa mata niyo..." nahihiya niyang sagot. "Pero, huwag po kayong mag-alala Ma'am, lahat naman lumilipas. Kahit pa ang problema." Seryoso si Manong sa sinabi niya. Sana totoo ang sinabi niya na lahat lumilipas... kahit pa feelings.

"Thank you po." Nginitian ko siya at itinuon ko ang pansin sa labas ng bintana. Malapit na mag-ala-una ng madaling araw pero marami pa ring tao sa kalsada.

Tatlong beses akong kumatok sa kahoy na pinto. Paulit-ulit kong hinahaplos ang magkabila kong braso para kahit paano'y mabawasan ang lamig na dumadampi sa balat ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit dito ako dumiretso at hindi sa unit ko o kaya sa restaurant ni Kuya Spence. Naninikip ang dibdib ko at gulong-gulo ang isip. Makirot pa rin ang ulo ko at nanunuyo na ang lalamunan dahil sa uhaw at gutom na ngayon ko lang naramdaman. Kakatok pa sana ulit ako pero biglang bumukas ang pinto.

"Steph? A-Ano'ng ginagawa mo rito?" Magaspang ang baritong boses niya, halatang bumangon siya mula sa malalim na pagkakatulog.

Inaantok pa ang mga bilugan niyang mata. Magulo ang kulot niyang buhok, gusot ang puting sando niya at ilang ulit siyang nagkusot-kusot ng mga mata bago muling nagsalita.

"Steph?"

"Jasper..." I fixed my eyes on him. Lalong nanikip ang dibdib ko nang ipirmi niya rin sa mga mata ko ang titig niya.

Mali 'to. Mali ang gagawin ko. Mali ang sasabihin ko. Pero wala akong ibang maisip na paraan. Hindi ko na yata kaya pang hintayin na lumipas ang feelings ko para kay Gabriel... kaya tatabunan ko na lang.

"Mahal mo pa ba ako Jasper?" diretsong tanong ko sa kaniya. Napakura-kurap ang mga bilugan niyang mata.

"H-Ha? Ano'ng klaseng tanong 'yan?" Ipinaling niya sa kaliwa ang ulo niya habang bahagyang ginulo ang magulo niya ng buhok.

"Mahal mo pa ba ako?" Nilakasan ko ang boses ko. Nakatingin lang ako sa mga malilikot niyang mata. Nang huminto ang mga ito at muling tumitig sa akin, mas nanikip ang dibdib ko. Pakiramdam ko bumibigat ang puso ko na parang sasabog na ito. Kaya ko bang panindigan 'to, kung sakaling sumagot siya ng Oo?

"Palagi, Steph... palagi kitang mahal."

That's it. That's all I need to hear to somehow unburden myself from my history. Jasper's assurance and his peace. He is what I need right now. Hindi si Gabriel at ang magulo naming nakaraan.

Humakbang ako papalapit sa kaniya. "T-Tayo na." I stammered.

"Ha? Sa'n tayo pupunta?" Naningkit ang mga mata niya at kumunot ang noo niya.

"Jasper, tayo na!" Hinawakan ko ang magkabilang braso niya.

"Sinasagot na kita... boyfriend na kita!" Nanginginig ang gilid ng mga labi ko dahil pinipilit kong ngumiti. Hindi siya umiimik, salitan lang niyang tinitingnan ang mga mata ko.

Ilang segundo pa ang lumipas, sumibol ang isang tipid na ngiti sa mga labi niya. Hinawakan niya ang balikat ko at buong lakas niya akong inilapit sa dibdib niya. Naramdaman ko ang pagsalubong ng malamig na hangin sa pisngi ko bago lumapat ang ulo ko sa balikat niya.

"Ano bang nangyayari sa'yo? Pumunta ka ba talaga dito nang naka-pantulog para sabihin sa 'kin 'yan?" pabulong niyang tanong. May bahid ng pinaghalong pag-aalala at pagtataka ang boses niya. Mainit din ang hininga niya na unti-unting pumapaso sa tainga ko.

"Hindi pa naman ako nagtatanong sa 'yo, Steph ah?" Narinig ko ang mahinang pagbungisngis niya. Naramdaman ko ang paggalaw ng balikat niya dahil sa mahinang pagtawa.

"Hindi pa rin naman ako naiinip," Nakatikom ang mga labi ko, unti-unti rin akong napapikit dahil sa kakaibang init ng dibdib ni Jasper. It was comforting. "Baka naman, sinasagot mo lang ako... dahil nagi-guilty ka pa rin sa nakita ko no'ng party?"

Napadilat ako sa sinabi niya. Guilt crept my whole body. I'm using him as a diversion. Para makalimutan ulit si Gabriel. Gagamitin ko siya para hindi ako masaktan ng katotohanan na hindi na talaga kami puwede ni Gabriel.

Rebound.

"A-Ayaw mo ba?" nauutal kong tanong sa kaniya.

"Gusto. Gustong-gusto ko Steph!" Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya, ramdam ko ang saya sa boses niya. Narinig ko rin ang biglang pagbilis ng tibok ng puso niya nang banggitin niya ang salitang 'gusto'.

Inangat ko ang kamay ko at niyakap ko rin siya. Mas naramdaman ko ang init ng katawan niya.

Kahit kailan hindi ako magiging karapat-dapat sa pagmamahal ni Jasper, pero para mabuo ulit ang puso ko... hihiramin ko muna 'yon. Kahit pa, pakatapos nito pareho kaming mawasak.

***

The ride home was uncomfortable, hindi ko alam kung yayakapin ko ba siya habang naka-angkas sa motor niya o hindi na lang ako kakapit. Pinili kong sandalan na lang ang storage box na nakakabit sa likod motor niya kahit na nanginginig na ang kalamnan ko sa sumasalubong sa aming malamig na hangin. Binagalan niya ang takbo at marahan niyang kinuha ang kanang kamay kong nakapatong sa hita ko.

Tinaas niya ang face cover ng helmet niya. "Kapit ka sa akin! May malisya na 'to, pero okay lang, boyfriend mo naman na ako... puwede mo na akong hawakan kahit saan mo gusto!" sabay humalakhak siya.

Nahampas ko ang sikmura niya dahil sa sinabi niya. At kahit gusto kong sabayan ang tawa niya, hindi ko magawa.

Pucha! Parang hindi ko kayang gawin 'to sa kaniya. Ganito ba ako kadesperadang maka-move-on kay Gabriel?

Mahigpit ang hawak ni Jasper sa kamay ko habang nakasakay kami sa elevator. Kagaya noong nasa Cloud 9 kami, nagpa-alam pa muna siya bago niya abutin ang palad ko. I appreciate that. Kilalang-kilala niya ang mga multo ko.

Si Gabriel kaya? Nasabi ko kaya sa kaniya ang tungkol doon no'ng kami pa? Pero alam niyang si Scarface ang tinatakasan ko nang gabi na 'yon. Bakit niya alam 'yon kung dumating lang siya no'ng tumatakbo na ako sa kalsada?

May mali. May mali sa kuwento niya.

"Tumawag pala si Sir Andrew kanina." Napabalik ako sa ulirat ng sinabi ni Jasper. Sinulyapan ko siya agad. "Babalik na raw si Ma'am Lia sa Café next week."

"O? Saan daw ba sila galing?"

"Zambales daw... baka nag-honeymoon." Napangsisi si Jasper. "Mukhang bumawi si Sir Andrew dahil doon sa ginawa ni... Bea ba 'yon?"

"Bianca!" nakangiting sagot ko. "Chi-chismis ka na lang Jasper, mali pa!" dagdag ko.

Lumiit ang mga mata niya at lumabas na naman ang dalawang dimples sa magkabilang pisngi niya.

"Sorry... hayaan mo gagalingan ko magmarites sa susunod, Stephanie ko." Lumapad ang ngiti niya na nagpabungisngis sa akin.

"It's Co, not Ko... ang korni mo!" Pinutol ko ang bungisngis ko at pilit ko siyang sinungitan. Inirapan ko pa siya.

Nang akmang bibitawan ko na ang kamay niya, mas hinigpitan niya ang kapit sa kamay ko. Yumuko siya nang bahaya at inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. Awtomatikong pumikit ang mga mata ko.

"Kinilig ka naman!" tukso niya. Dumilat ako at agad itinulak ang dibdib niya. Muli siyang humalakhak kagaya ng tawa niya kanina habang nagmamaneho.

Nasa ibabaw pa rin ng dining table ang coffee mug kong may tira pang kape—hindi ko naubos kahapon ng umaga. Puno ang lagayan ng pagkain at tubig ni Coco na nasa ilalim ng lamesa.

"Ayos talaga 'yang aso mo oh! Parang señorito kung makahilata," Nginuso ni Jasper si Coco na nakatihaya sa couch at mahimbing na natutulog.

I chuckled. Umupo si Jasper sa tabi ni Coco at tinitigan ang aso ko.

"Dapat bati na tayo? Kami na ng amo mo." Narinig kong bulong niya sa tulog pa ring aso ko. Dumiretso ako sa ref para kumuha ng tubig.

"May sulat Steph o!"

Agad akong lumapit kay Jasper at kinuha sa kamay niya ang maliit na piraso ng papel. Ipinatong ko sa coffee table ang baso ko na may lamang tubig.

Steph, muntik nang habulin ni Coco 'yong matandang lalaki kanina. Mabuti naawat ko. Iba na ba number mo? Hindi kita matawagan. —Kyle.

"Kyle? Lalaki ba 'yan?" tanong ni Jasper na nakikibasa sa sulat.

"Babae! Dog walker ko 'yan... taga-11th floor," sagot ko.

"Ah... akala ko lalaki eh." He chuckled softly.

Napahawak ako sa noo ko. Nagsisimula na siyang bakuran ako. Wala pa kaming 24-hours na mag-boyfriend ganito na siya magtanong sa akin. This is really wrong. I need to stop this.

Mabilis akong napatayo at bumangon din si Coco. "M-Magbibihis lang ako," I awkwardly said.

***

Umupo ako sa gilid ng kama pagkatapos magpalit ng damit pambahay—white oversized shirt at red cotton shorts. Dahan-dahan kong ginupit ang tahi sa punda ng paborito kong unan. Ang pulang jacket na naiwan ni Gabriel noon. The only solid memory from that night. Inilatag ko ito sa gitna ng kama. Hindi na ito mukhang jacket dahil pinabawasan ko ang manggas nito para maging punda. Pero buo pa ang kwelyo nito na ngayon ko lang napansin na may nakaburdang initials pala—LGD.

"Leonard Gabriel Del Rosario... siya nga," mapait na bulong ko sa sarili.

Gusto kong sirain ang jacket niya. Gusto kong sunugin. Gusto kong pira-pirasuhin kagaya ng nararamdam ko ngayon sa puso ko.

Alam niyang buntis si Amber noong nakaraang araw pa, pero bakit niya pa ako sinama sa Iloilo? Bakit pa siya bumalik? Bakit pa siya humagulgol sa ulan kasabay ko? Bakit pa niya hinayaang may mangyari sa amin? Bakita pa niya sinabing mahal niya ako?

"Tang inang puso 'to!" sigaw ko. Gigil kong itinusok ang gunting sa jacket niya. Sakto sa gitna ng initials niya.

Narinig ko ang pagtunog ng buzzer ko. I immediately stood up and calmed myself. Muli kong sinuklay ang buhok ko. Pinunasan ko ang mga nangingilid na luha sa mga mata ko bago ko marahang inikot ang doorknob.

Nalaglag ang panga ko nang makita ko si Gabriel sa sala, nakasuot ng pantulog na kagaya ng suot ko kanina. Nakatikom ang kanang kamao at nag-iiting ang panga. Nakapako sa akin ang mga singkit niyang mata. He looked scary and scared at the same time.

I exhaled sharply and I slowly walk towards Jasper. He automatically pulled my waist to his side. Nanlaki ang mga mata ni Gabriel nang makita niya ang ginawa ni Jasper.

"N-Nagpupumilit siyang pumasok... may sasabihin daw sayo, Steph," mabagal na saad ni Jasper. Nakatingin din siya kay Gabriel na paulit-ulit tinatalon ni Coco, pero hindi niya pinapansin ang aso.

"Maxine..." papaos na tawag ni Gabriel.

"Umuwi ka na, Gabriel... alas dos na!" singhal ko sa kaniya. Mariin siyang napapikit kasabay ng pag-iling.

"No, hindi ako uuwi hangga't hindi tayo nag-uusap nang maayos." Tumikhim siya pagkatapos sabihin 'yon, siguro para mabawasan ang paggaralgal ng boses niya.

"Wala na tayong dapat pag-usapan. Umuwi ka na." Yumuko ako at napatingin sa paa niya. He was barefoot. May bahid ng putik ang mga paa niya.

Shit! Did he fly his chopper looking like that?

Humakbang ang mga paa niya papalapit sa amin ni Jasper. Binitawan ni Jasper ang baywang ko at agad siyang lumipat sa bandang harapan ko.

"Umuwi ka na raw sabi ni Steph," mahinanong utos ni Jasper.

Gabriel scoffed sarcastically. "Hindi ako uuwi Raphael hangga't hindi kami nag-uusap ng fiancée ko," mariing sagot ni Gabriel.

"Fiancée? Gago ka ba? Girlfriend ko si Steph, pa'no mo siya magiging fiancée?" Pinatunog ni Jasper ang dila niya. Narinig ko rin ang pagngisi niya.

"Why don't you ask her kung saan siya galing, Raphael?"

Parang huminto ang tibok ng puso ko. Biglang namawis ang mga palad ko.

"G-Gabriel..." mahina kong tawag sa kaniya. My voice almost sounded like pleading.

Tumalim ang titig ng mga singkit niyang mata kay Jasper. Sinulyapan niya rin ako, bahagyang nakataas ang gilid ng mga labi.

"Ganito rin ang suot niya kanina, 'di ba?" Nakangiti siya kay Jasper pero namimilog ang mga mata niya. An eerie smile plastered on his face. I feel like I've seen this look before and I don't want to see it again.

"Stop it, Gabriel!" Nanginginig ang boses ko maging ang mga kamay ko. Pero pinilit ko pa ring lumapit sa kaniya.

Nakaawang ang mga labi ni Jasper. Halatang nagulat siya sa mga sinasabi ni Gabriel. Biglang nagtambol ang puso ko nang unti-unti rin niyang kinuyom ang kamao niya.

"Raphael, hindi mo ba alam na magkasama kami ng 'girlfriend' mo sa isang hotel room making lo—"

Lumipad ang kamao ni Jasper sa panga ni Gabriel. Tumabingi ang ulo ni Gabriel dahil doon at bahagya siyang napaatras. He gritted his teeth, and they were bloody red.

"Fuck! Jasper!" sigaw ko.

Hindi pinansin ni Jasper ang pag-awat ko sa kaniya. Gusto kong hawakan ang kamao niya pero hindi ko magawa, dahil sa patuloy na panginginig ng dalawang kamay ko.

"Tang ina! Wala kang karapatang bastusin si Steph!" Nagpupuyos sa galit ang boses ni Jasper. Mabilis ang paghinga niya na nagpapataas-baba ng balikat niya.

Napasigaw ako nang muli niyang sinapak si Gabriel.

"Jasper... tama na!"

Napaupo sa sahig si Gabriel dahil sa lakas ng suntok ni Jasper. Dumura siya ng dugo at parang bigla akong nanlambot sa nakita ko.

"Hindi ganiyan si Steph, Kuya!"

What?! Kuya? Tuluyang nanlambot ang mga tuhod ko. Kusang bumagsak ang puwit ko sa couch.

"A-Ano'ng tinawag mo sa kaniya?" Halos hindi ko mabigkas ang tanong ko. Hindi na ako nag-angat pa ng tingin kay Jasper. Hindi ko kaya. Hindi ko rin kayang tignan si Gabriel na nakaupo pa rin sa malamig na tiles.

"Magkapatid kami sa ina, Maxine..." mahinang sagot ni Gabriel. Napasulyap ako sa kaniya. Putok ang labi at nanunubig ang mga mata.

"Sorry," he mouthed.

Then suddenly, my head started to feel light, but my eyes felt so heavy. So heavy... that I had no choice but to shut them tightly.

I was transported to another memory. May kalong-kalong akong bouquet ng red roses. Isang hapon sa grandstand ng school, katabi si Gabriel.

"I have a younger brother, Maxine—si Raphael. Hindi pa kami nagkikita nang personal, pero sigurado ako, magugustuhan ka no'n kapag nagkakilala kayo."

***

MsLynLuna

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top