Chapter 10 - Mak-mak
Warning: This chapter contains description of physical abuse. Reader discretion is advised.
"Ano'ng pangalan mo?"
"Stephanie Maxine Co," mahinang sagot ng batang babae na mugto na ang mata sa kaiiyak. Panay ang iyak niya simula pa kagabi nang dumating siya sa bodega.
Siya ang pinakabagong salta dito sa bodega. Bodega ang tawag namin dito, kahit na parang bahay naman talaga ito dati. Hindi na kasi mukhang bahay, mukha na lang tambakan ng kung anu-ano. Tambakan ng basura, taguan ng kalat, tulugan ng mga batang kagaya ko na dinukot ng sindikato sa kung saan-saang sulok ng Metro Manila para mamalimos.
Ang lider nila ay si Mang Dante—kalbo, malaki ang tiyan, bulag ang kaliwang mata pero kapag hahatawin ka ng sinturon, asintado pa rin. Mag-iisang taon na yata ako rito. Nakuha ako sa palengke, napahiwalay kay Tatay tapos hindi na ako hinanap. Hindi ko alam bakit, siguro okay na rin sa kaniyang mawala ako para wala na siyang papakaining bibig maliban sa sarili niya.
"Ako pala si Japoy, Stephanie Maxine Ko..." nakangiti kong pagpapakila sa maputi at chinitang bata.
"It's Co, not Ko!" sigaw niya.
"Ay, sorry!" Napakamot ako ng ulo. "Ilang taon ka na ba? Ako, ten na! Ako pinakamatanda rito sa amin!"
Hindi umimik ang batang babae pero nagpatuloy pa rin ako sa pagdadaldal. "Si Gela, nine na 'yan." Nginuso ko ang batang may maiksing buhok na naka-indian seat sa tapat ko.
"Si Bonak, seven!" Siya ang pinakamakulit sa amin. Nangungulangot pa nga ito habang ipinapakilala ko.
"Tapos, 'yang katabi mo, si Yeye, seven din." Tulog pa si Yeye at nakasandal ang ulo nito sa balikat ng bagong salta.
"May ibang bata pa, nasa kabilang bodega naman... makikita mo sila mamaya..."
Hindi niya pinansin ang pagpapakilala ko sa mga kasamahan namin. Nakayakap siya sa mga tuhod niya at nakatingin lang sa sahig.
"Stephanie Maxine... ang haba ng pangalan mo. Puwede bang Maxine na lang o kaya Max?" tanong ko.
"Max? Pang sosyal 'yon, Japoy! Pa'no yan makakapang-limos kung sosyal ang pangalan niya?" sabat ni Gela.
Napaisip ako sa sinabi ni Gela. Bukod sa sosyal na pangalan, masyado ring maputi si Stephanie Maxine. Kaming lahat sunog na ang balat, amoy pawis, amoy araw kahit sa gabi. Maraming gasgas at mukhang kawawa. Hindi kagaya niya na halatang galing sa mayamang pamilya. Maganda siya, singkit ang mga mata, mahaba ang buhok, halatang bago rin ang suot niyang bestida.
"Mak-mak!" sigaw ni Bonak. "Kuya Japoy, Mak-mak na lang pangalan niya para magkatunog ang pangalan namin!"
"Aba! Maganda nga 'yon!" pagsang-ayon ko.
"Mula ngayon, ikaw na si Mak-mak! Okay ba sa'yo yon?" Yumuko ako para tignan ang mga mata ng bata.
"O-Okay," tipid niyang sagot, nakatulala pa rin sa sahig.
Napatayo ako nang sunod-sunod na katok ang nagpauga sa pintuang kahoy ng maliit na bodega. Tinapik ni Gela si Yeye para magising na. Nagpunas lang ito saglit ng muta at laway at saka tumayo. Naiwang nakasalampak sa sahig si Mak-mak habang kaming apat ay nakahanay na.
"Ate Mak-mak, tayo ka na po!" utos ni Bonak.
Hindi pa rin tumayo si Mak-mak hanggang sa tuluyan nang bumukas ang pintuan at isang galit na galit na Mang Dante ang bumungad sa amin.
"O! Bakit naka-upo ka pa riyan, tisay!" sita niya kay Mak-mak.
"Tumayo ka riyan!"
"I want to go home!" malakas na sigaw ni Mak-mak. Napatingin kaming lahat sa kaniya.
Humalakhak si Mang Dante at saka naglakad papalapit kay Mak-mak.
"Home-home-home ka riyan? Ito na ang bahay mo! Dito ka matutulog! Dito ka kakain! Manlilimos ka kagaya nila, naiintindihan mo ba?!" bulyaw ni Mang Dante sa nakaupo pa ring si Mak-mak. Nakalabas na ang ugat niya sa leeg.
"NO! I WANT TO GO HOME!"
Hinigit ni Mang Dante ang braso ni Mak-mak dahilan para mapatayo ito.
"Hindi ka nga sabi makaka-uwi sa inyo!" pinandilatan siya ng mata ni Mang Dante.
"No! I will go home! Kuya Spence will save me!" sagot ni Mak-mak, pilit niya ring pinandilatan ng mata si Mang Dante.
"Japoy!" Ibinaling ni Mang Dante ang matalim niyang mga mata sa akin. "Kunin mo ang latigo ko roon sa labas!"
"Po? Huwag na po, Mang Dante! A-Ako na pong bahala sa kaniya." Nanginginig ang boses ko sa kaba.
Napamura nang malakas si Mang Dante. Hindi ko alam kung dahil sa pagsuway ko sa utos niya o dahil parang hindi natatakot sa kaniya si Mak-mak.
"Buwiset! Ang aga-aga binubuwiset niyo ako!" Dinuro niya si Mak-mak at tumingin ulit sa akin. "Japoy, ayusin mo 'to ha! Kapag itong si tisay ganito pa rin bukas, damay kayong lahat!" sigaw niya. Pulang-pula na ang mukha niya sa galit.
"Opo!" mabilis kong sagot.
Lumabas saglit ng bodega si Mang Dante. Nakita ko na may kinuha siyang isang plastic sa lamesa. Padabog niyang hinagis 'yon sa sahig.
"O! Mag-almusal na kayo! Bilisan niyo! Magta-trabaho na tayo!"
Dali-dali kong dinampot ang ilang piraso ng pandesal na nakawala sa plastic. Sampu bale lahat. Tigdadalawa kami. Panlaman tiyan hanggang mamayang tanghali.
***
Hindi ko nagawa ang utos ni Mang Dante. Hindi ko naayos si Mak-mak. Nagmatigas siya buong araw at nanatili lang nakaupo sa baitang ng overpass kung saan kami iniwan ng sindikato para mamalimos. Kaya kinabukasan, imbes na pandesal ang almusalin naming lima, sa palo ni Mang Dante kami nabusog.
Iyak nang iyak si Bonak at si Yeye. Awang-awa ako sa kanilang dalawa. Kung puwede lang na ako na lang ang sumalo ng lahat, ginawa ko na. Iyak din nang iyak si Mak-mak, mukhang tinablan na ng takot.
"S-Sorry Yeye," marahan niyang sinusuklay ang kulot na buhok ng pinakabata sa aming lima. "Sorry bad si Ate Mak-mak" dagdag pa niya habang nasinghot.
"Japoy... c-can you teach me how to beg for m-money?" nauutal niyang tanong sa akin.
"Ah, yes!" natatarantang sagot ko.
"You just has to make your hands like this!" Pinakita ko ang palad ko. Ewan ko ba sa akin bakit ako nag-i-english!
Ginaya ako ni Mak-mak. Itinaas niya rin ang kanang kamay niya hanggang sa dibdib niya. Ang kaliwa naman ay sinusuklay pa rin ang buhok ni Yeye na nakahiga sa hita niya.
"And then, the face of you... you should make look sad and hungry!" Ipinakita ko sa kaniya ang pinaka-nakakaawa kong mukha.
"Then you will say the people... Ate, Kuya, Palimos po."
"Ah, madali lang naman pala. Magpapaawa lang ako."
Parang namutla ako nang marinig ko ang dire-diretsong tagalog ni Mak-mak.
"Nagtatagalog ka naman pala! Pinahirapan mo pa ako!"
Natatawa siyang pinunasan ang mga luha niya. "Oo, Pilipino ako eh!" Masungit na balik niya.
Nang mga sumunod na araw at linggo, natuto na rin si Mak-mak. Umitim na rin siya kagaya namin, bihira na siyang magsalita ng english at paratinng siya ang may pinakamaraming limos. Tuwang-tuwa sa kaniya si Mang Dante dahil hindi lang limang-daan ang kita niya kay Mak-mak, madalas doble pa!
Pero isang gabi, naalimpungatan ako dahil may naririnig akong batang babaeng umiiyak. Umupo agad ako, inaninag ko isa-isa ang mukha ng mga katabi ko sa nakalatag na banig na may sapin na manipis na karton. Kumpleto kami—si Yeye na nakayapos kay Gela at sa bandang likod ko naman si Bonak na medyo humihilik pa.
"Si Mak-mak?"
Agad akong lumabas ng maliit na bodega. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Halos hindi ako makagalaw. Nakaupo si Mak-mak sa lamesang kahoy sa tapat ni Mang Dante at umiiyak habang ang mga palad ng lasing na lasing na si Mang Dante ay nakapatong sa hita ni Mak-mak.
Alam kong masama 'yon! Alam ko 'yon dahil sinabi 'yon sa amin ng teacher ko noon. Dali-dali akong tumakbo papunta kay Mak-mak. Hinila ko ang braso niya at itinakbo ko siya palayo kay Mang Dante.
Hindi ko na matandaan kung ilang beses pa naulit 'yon. Basta ang alam ko palagi kaming tumatakas papunta sa poso. Malapit lang sa bodega 'yon, pero hindi kami sinusundan do'n ni Mang Dante. Ipapakuha niya na lang kami sa ibang tauhan niya. Kasunod no'n paparusahan niya ako dahil sa pangingialam ko sa kaniya. Ipapanood niya pa talaga kay Mak-mak kung paano niya hampasin ng latigo ang likod ko. Pero ni isang beses—hindi ako umiyak.
"J-Japoy..." bulong ni Mak-mak no'ng isang gabing nakaupo lang ako matulog. Hindi ko kayang ilapat ang likod ko sa banig kasi masakit ang mga sugat ko.
"Japoy, sorry... sorry talaga. Hayaan mo bukas, aalis na ako rito. Para hindi ka na saktan ni Mang Dante," dagdag pa niya. Nanginginig ang boses niya. Pinipigilan niyang umiyak.
"Aalis ka? Paano ka aalis dito?"
"Basta... bukas," tipid niyang sagot. Pagkatapos sumandal siya sa balikat ko at pareho kaming nakatulog nang nakaupo.
***
Isang nakangising Mang Dante ang gumising sa amin kinabukasan. Malaki ang ngiti niya at halata ko sa boses niya na sobrang saya niya. Mukha siyang nanalo sa lotto. Pera lang naman ang magpapangiti sa kaniya nang sobra-sobra eh!
"Japoy! Magpaalam na kayo kay Mak-mak!" utos niya habang marahang inaabot sa akin ang plastic ng pandesal. Mas mabigat 'yon kaysa sa palagi niyang inaabot. Mas marami ang laman.
Nanlaki ang mga mata ko nang pagsilip ko, may isang bote pa ng peanut butter na kasama sa plastic. May palaman!
"Aalis na 'yan mamayang gabi!" Lumapit siya kay Mak-mak. "Mami-miss mo ba kami, tisay?" nakangising tanong niya.
"Sila Japoy lang, hindi ka kasama!" matapang na sagot ni Mak-mak.
Humagalpak ng tawa si Mang Dante at napapalakpak pa!
"Magaling ka talaga sumagot! Matapang ka na! Huwag na huwag ka nang maglalayas sa inyo ha? Goodbye twenty million na naman ang mga magulang mo 'pag nagkataon!" sabay tumawa muli siya at lumabas na ng bodega.
***
Matagal kong hinanap si Mak-mak—si Stephanie Maxine 'ko'
Pagkatapos ng anim na buwan simula noong tinubos si Mak-mak ng mga magulang niya, narescue rin kami mula sa sindikato. Nakabalik ako sa Tatay ko. Pinilit kong mag-ipon ng pera para makapunta ako ng Binondo. Nabanggit kasi sa akin ni Mak-mak na roon sila nakatira. Kaso naging sakitin si Tatay kaya nagagalaw ko rin 'yong perang naipon ko. Grade 12 ko na nga yata napuno ang alkansiya ko eh. Hirap na hirap akong makabuo ng isang libo. Sobra-sobra na siguro 'yon para sa pamasahe at pangkain. Puwede ko pang ilibre si Mak-mak ng food trip kapag nagkita kami.
Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko nang maulan na hapon na 'yon sa Binondo. Kinakabahan ako dahil bukod sa nag-cutting classes lang ako para hanapin si Mak-mak, hindi ko rin mapigilan ang sarili kong makramdam ng pananabik kung sakali ngang magkita kami.
Makilala niya pa kaya ako?
Pinatigil ng kalam ng tiyan ko ang mga paa ko sa paglalakad. Nagpasiya akong mag-merienda muna sa isang maliit na restaurant at ipahinga ang mga paa ko.
Muntik na akong mabilaukan sa toasted siopao na nginunguya ko nang marinig ko ang pinag-aawayan ng dalawang magkasintahan na nakaupo sa lamesa sa likuran ko.
"I'm not gonna do that with you, Dylan! Itigil mo na 'tong panliligaw mo kung sex lang ang habol mo sa akin!" galit na sigaw ng babae.
Nilagok ko ang kalahati ng softdrinks ko. Pinipigilan ko ang sarili kong lumingon sa kanila.
"Ang tagal ko nang nanliligaw! Hindi mo pa ako pagbigigyan?!" sagot ng lalaki.
Tang inang rason 'yan! Halatang manyakis!
"Niyaya mo ako dito sa Chinatown para kamutin 'yang kati mo?! Ikiskis mo na lang 'yan sa pader! Basted ka na!"
"Steph naman..."
Steph? Biglang namawis ang mga palad ko nang marinig ko ang pangalan na iyon.
Hindi ko na napigilan pa ang sarili kong lingunin silang dalawa. Matalim ang tingin ng mga singkit niyang mata sa lalaking nakaluhod sa harapan niya—nagmamakaawa ito sa kaniya. Maputi na ulit siya hindi na sunog ang balat, pero maiksi na ang buhok niya hindi kagaya ng tuwid at mahaba niyang buhok dati. Kahit mukhang galit na galit siya, napakaganda pa rin niya. Hinding-hindi ako puwedeng magkamali, siya nga si Mak-mak—si Stephanie Maxine ko.
"Kahit umiyak ka pa ng dugo diyan! Basted ka na, Dylan!"
Nagmamadaling tumayo si Mak-mak at lumakad palabas ng restaurant. Naiwang umiiyak na parang bata ang ex-boyfriend niya. Dumukot ako ng dalawang-daan sa bulsa ko at ipinatong ko 'yon sa lamesa. Bayad para sa kinain kong pansit at toasted siopao. At saka ako kumaripas ng takbo palabas para sundan si Mak-mak.
Hindi ko iniinda ang malalaking patak ng ulan. Palinga-linga ako at pilit kong minimukhaan ang bawat babaeng may maiksing buhok, nakasuot ng kulay pula at naka-maong. Inabot na ako ng gabi kakalibot sa Binondo, pero hindi ko parin siya nakita.
***
Ilang taon akong nagpabalik-balik sa restaurant na 'yon sa Chinatown, nagbabakasakaling makita ko ulit siya roon. Hinanap ko rin siya sa Facebook, Instagram... lahat ng social media apps. Kaso wala talaga... hindi ko na siya ulit nakita.
Hindi ko na siya ulit nakita hanggang sa napadaan sa newsfeed ko ang post ng Café Amor na naghahanap ng barista. Isa-isa kong tinignan ang uploaded pictures ng page nila. Muntik ko nang mabitawan ang cellphone ko nang mapansin ko ang isang album na puro pictures ni Mak-mak.
Meet our lead barista—Stephanie. 'Yan ang title ng album na 'yon. Kinabukasan, nag-resign agad ako sa Aroma Avenue.
"Musikero ka, Jasper?" 'Yan ang huling tanong niya noong interview.
"Medyo po..." nahihiyang sagot ko. Ngumiti ako sa kaniya at bahagya kong ginulo ang buhok ko.
"Sample nga..." biro niya.
Kinanta ko ang awit na laging nagpapatahan sa kaniya noon sa tuwing takot na takot siya kay Mang Dante. Dati pinapatahan siya noon, pero no'ng umagang 'yon, pinaiyak siya ng boses ko. Nakilala niya ako... Naalala niya ako at hinding-hindi na ako papayag na makalimutan pa niya ako.
Kaya nang binigyan ako ng pagkakataon para sabihin sa kaniya ang lahat ng gusto kong sabihin noon pa, walang pag-aalinlangang isinigaw ko 'yon sa ulap sa Antipolo.
"MAHAL NA MAHAL KITA, STEPH!"
"MAHAL NA MA—"
"Mahal na rin kita," nahihiyang bulong niya.
Noong una, hindi ako makapaniwala na sinabi niya 'yon, pero noong naglapat ang mga labi namin, naniwala na ako! Siya ang unang babaeng hinalikan ko. Siya lang ang hahalikan ko.
***
Matagal kong pinangarap ang nangyari sa amin kanina sa Antipolo. Pero wala pang tatlong oras matapos niyang sabihin na mahal niya na rin ako, itinanggi niya na agad ako. Itinanggi niya ako kay Gabriel. Sa kaniya pa talaga!
"Magsha-shower lang ako, Jasper. Tapos puntahan na natin si Kitkat," paalam niya sa akin pero sinulyapan niya rin si Gabriel na nakaupo sa sofa.
Ako—nakatayo lang sa may pintuan. Nakasandal sa may likod nito at nakatapak sa doormat. Ayokong mabasa ng damit ko ang sahig ng condo niya. Nakakahiya. Ayokong mag-feel-at-home kagaya ng ginagawa ni Gabriel na nakangiting kinakamutan ang tiyan ng aso ni Steph na kanina pa masama ang tingin sa akin.
"Puwede kang makiligo dito, Jasper." Nakangiti sa akin si Steph, pero malikot ang mga singkit niyang mata.
"S-Sabay tayo?" tukso ko.
"Gago!" protesta niya.
Nakita kong nakataas ang gilid ng mga labi ni Gabriel na para bang nang-aasar.
"May mga damit si Kuya Spence dito... kasiya sa'yo 'yon. Mamaya pulmunyahin ka pa riyan?!" Nakahalukipkip si Steph at nakataas ang isang kilay. Hindi ko alam kung naiinis ba siya sa akin o nag-aalala.
"H-Hindi na, okay lang ako."
Matindi pa sa halo-halo ang mixed signals ng babaeng 'to! May pa-kiss at 'mahal na rin kita' tapos sabay tanggi! Shit talaga! Kung hindi ko lang mahal...
Naputol ang pagse-senti ko nang tahulin ako ng maliit niyang aso.
"Coco!" saway ni Steph.
Lumakas ang tahol ng aso at lumabas pa ang maliliit na pangil nito. Akala ko hahawakan ni Gabriel, pero mali ako. Hindi niya pinigilan ang asong kumaripas ng takbo papalapit sa akin at ambang kakagatin ako. Napaatras ako hanggang sa mauntog ang ulo ko sa pinto. Mabuti na lang at mabilis itong dinampot ni Steph.
"Coco! That's bad!"
Kinabahan ako roon, bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ako takot sa aso, pero takot ako sa karayom. Takot ako sa injection!
Isinama ni Steph sa loob ng kuwarto niya si Coco. Ilang segundong tumahimik sa sala. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang ilang patak ng tubig ulan sa sahig. Maya-maya pa, binasag ng bungisngis ni Gabriel ang katahimikan.
"Takot ka pala sa aso, Raphael?" mapang-asar na tanong niya. Nakatagilid ang ulo niya at may nakakaurat na ngiti sa labi.
Raphael... si Nanay lang ang tumatawag sa akin no'n. Ayokong naririnig sa kaniya 'yon!
"Hindi," tipid kong sagot kasabay ng matalim kong tingin sa kaniya.
Muli siyang bumungisngis. "Huwag mo akong tignan nang ganiyan, Raphael... hindi mo ako masisindak ng tingin mong 'yan," mabagal niyang sagot. May halong pagbabanta ang paos niyang boses.
Sumandal siya sa sofa at nag-upong de-kwatro pa. May kung ano'ng bumara sa lalamunan ko.
"K-Kuya Gabriel." Nanginginig ang boses ko. Ito pa lang yata ang pangalawang beses na tinawag ko siyang 'Kuya'.
"Kuya, huwag si Steph, please! Iba na lang ang paglaruan mo!" Itinikom ko ang mga palad ko kasabay ng pag-igting ng panga ko.
Tinitigan ko pa rin siya nang masama sa kabila ng banta niya. Nakakainis na kamukhang-kamukha niya ang nanay namin. Nakakainis na mas pinili siya ni Nanay kaysa sa akin. Nakakainis na siya pala 'yong Leo na nakuwento ni Steph.
Unang beses ko siyang nakita noong burol ni Tatay at doon pa lang, alam ko nang hindi kami magkakasundo. Pero hindi ko akalaing mangyayari sa amin 'to. Hindi ko akalain na sa pangalawang beses na magtatagpo kami, sasabihin niyang liligawan niya ang babaeng mahal ko. Ang tanging babaeng minahal ko.
"She's been through a lot, Kuya... huwag mo na siyang isali sa listahan ng mga babaeng pinaiyak mo!" singhal ko.
Napaismid siya sa sinabi ko.
"Sino'ng nagsabi sayo na papaiyakin ko siya?" Tumapang ang mga singkit niyang mata at dumiin ang titig niya sa akin.
Matagal kong hinanap si Mak-mak—si Stephanie Maxine ko. Hinding-hindi ako papayag na magkahiwalay ulit kami.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top