Chapter 8

CHAPTER 8

"ANAK ko! Bakit naman ang aga mong nagpaalam sa amin? Napakasakit nito, anak!"

Isang nananangis na ina ang aming naabutan sa bahay nina Patrick. Nagkatingininan kami ni Zabelle saka tahimik na sumunod kina Mama at Papa papasok. Si Zac ay nakasunod din sa likod namin ni Zabelle. Balita sa buong barangay ang nangyari kaya maraming mga malalapit ng kaibigan ng kanilang pamilya ang pumunta para makiramay.

Naupo ako sa bakanteng monoblock na katabi ni Mama. Iisang linya kaming lima na inuupuan. Ang Papa ni Patrick ay nakaalalay sa kanilang ina nananangis.

"Marami pa tayong pangarap, anak! Bumangon ka diyan!"

Hindi ko maiwasang malungkot para sa pamilya ni Patrick. Napakabata pa niya para mawala. Biglaan ang lahat. Ang totoo'y kinilabutan ako nang makarating sa amin ang balita kahapon. Hindi lamang kami agad nakapunta sapagkat ngayong araw lang dinala rito sa kanilang bahay ang kanyang bangkay para paglamayan.

"Anak! Ano ko, gumising ka!"

Nag-usal ako ng piping dasal na sana kung saan man si Patrick ngayon ay tahimik na siya. Naaawa rin ako sa kanya dahil hindi ko man lang nagawang suklian ang kanyang pagmamahal, ngunit habang buhay kong dadalhin sa aking konsensya kung sakaling itinali ko siya sa relasyong iisa lang ang nagmamahal.

"Kumpadre, nakikiramay kami sa nangyari." Nasundan ko ng tingin ang pagtayo ni Papa at ang pakikipagkamay niya sa ama ni Patrick. Matalik din silang magkaibigan kaya gano'n na lang kalapit ang loob ni Papa kay Patrick.

"Salamat, Rosendo. Hindi talaga namin inaasahan itong nangyari. Parang hindi pa namin kayang tanggapin," ani Tito Lary. Tumayo na rin ako at nag-alay ng pakikiramay.

Marahan akong lumapit sa kabaong kung saan nakatunghay si Tita Teresita, ang ina ni Patrick. Hinaplos ko ang kanyang likod, dahilan upang makuha ko ang kanyang atensyon. Nagpahid siya ng luha at humarap sa akin.

"Tita, nakikiramay po ako—"

Napasinghap ako't napasapo sa aking pisngi nang bigla niya akong sinalubong ng isang malakas na sampal.

"At talagang may mukha ka pang magpunta rito at makiramay! Samantalang kasalanan mo kaya namatay ang anak ko! Ang kapal-kapal ng pagmumukha mo!"

Napaawang ako nang bigla niya akong dinuro. Agad na nagsitayuan ang mga naroon.

"Teresita, huwag dito sa harap ng anak natin," mahinahong paalala ni Tito Lary.

"At bakit hindi? Hindi ba nararapat namang managot ang babaeng ito sa nangyari sa Patrick natin?" Nanlisik ang mga mata ni Tita Teresita kaya't napaatras ako. Agad akong hinawakan ni Mama sa braso.

"Teka lang, Teresita. Bakit naman mananagot si Zia Lynn sa nangyari kay Patrick? Walang kasalanan ang anak ko sa nangyari. Hindi rin namin ginusto na mangyari ito sa anak ninyo," mahinahong sabi ni Papa. Nagbulung-bulungan na ang mga naroon.

"Huh! Akala n'yo ba hindi namin alam na nanggaling sa bahay ninyo si Patrick bago siya naaksidente? Kasalanan ito ng anak mo, Rosendo! Kung hindi niya sana pinasama ang loob ng anak ko, hindi sana siya maglalasing at susugod sa bahay ninyo. Hindi sana siya naaksidente! Kasama pa namin sana siya ngayon!"

Napayakap ako kay Mama. Akmang susugurin ako ni Teresita nang agad siyang pinigilan ni Tito Lary at ni Papa.

"Huminahon ka, Teresita. Aksidente ang nangyari kay Patrick, kaya hindi mo dapat siya sisihin sa nangyari."

Nanubig ang aking mga mata nang marinig ko iyon mula kay Papa. Ngayon ko lamang siya narinig na ipinagtanggol ako laban sa pamilya ni Patrick.

"Hindi! Kasalanan ng babaeng 'yan kaya nawala sa amin si Patrick kaya mananagot siya!"

Muli akong dinuro ni Tita Teresita.

"Magdahan-dahan ka sa pambibintang sa anak ko, Teresita. Hindi niya ginusto ang nangyari. Nandito kami para makiramay," mahinahong sabi ni Mama habang yakap ako. Lumakas lalo ang bulungan sa paligid.

"Puwes, hindi namin kailangan ng pakikiramay ninyo! Lumayas kayo rito! Layas!"

Napahikbi ako. Gano'n na rin si Zabelle. Pinagtitinginan na kami ng mga tao.

"Rosendo, ang mabuti pa umalis na kayo rito ng pamilya ninyo para wala nang gulo," seryosong untag ni Tito Lary.

Walang imik namang tumalikod si Papa.

"Tara na, Veronica," sabi niya.

Akay-akay ako ni Mama habang nakasunod kami kay Papa palabas. Lahat ng mga mata ng mga taong naroon ay nakatuon sa aming. Hiniling ko na lamang na sana'y kainin na lang ako ng lupa.

"Ang landi kasi ng anak ni Rosendo, nagpapabisita kahit gabing-gabi na. Ayan tuloy," rinig kong bulong ng isa sa mga kapit-bahay namin. Hindi iyon nakatakas maging sa pandinig ni Papa. Huminto siya sa paglalakad.

"Bawiin mo ang sinabi mo, Minda! Bawiin mo!"

Agad naming hinawakan sa braso si Papa.

"At bakit ko babawiin? Totoo namang malandi 'yang anak mo."

"Hindi malandi ang ate ko!" bulalas ni Zac. Agad ko nang tinakpan ang kanyang bunganga.

"Wala kang karapatan na pagsalitaan ng masama ang anak ko, Minda! Bawiin mo!" galit na untag ni Papa.

"Tama na, Rosendo. Halika na, umuwi na tayo."

Pinilit na hinila siya ni Mama paalis sa lugar na iyon. Walang imik kaming tatlo na sumunod sa aming mga magulang. Pakiramdam ko'y buong barangay ang galit sa aming pamilya sapagkat ramdam ko ang masasamang tingin sa bawat dinadaanan namin.

Pagdating sa bahay ay napaupo si Papa habang sapo ang kanyang ulo. Tumabi sa kanya si Mama na may pag-aalala sa kanyang mukha.

"Huwag mo nang masamain ang sinabi ni Teresita, Rosendo. Marahil ay dala lamang iyon ng paninibugho niya dahil sa nangyari," sabi ni Mama.

Nagkatinginan kami ni Zabelle. Si Zac ang kinuha ang kanyang tirador saka inayos ito habang nakikinig sa usapan ng mga matatanda.

"Paano hindi? Hindi mo ba naramdaman ang mga nang-aakusang tingin ng mga tao sa pamilya natin kanina, Veronica? Kung tutuusin ay may punto naman kasi ang sinabi ni Teresita. Kung hindi sana lasing ng gabing iyon si Patrick nang pumunta siya rito, hindi sana siya naaksidente."

"Nangyari na ang nangyari, Rosendo. Wala na tayong magagawa kung hanggang doon na lang ang kandila ng buhay niya."

Napabuga ako ng hangin. Sumagi rin sa isip ko na kung sana'y hinarap at kinausap ko na lang ng gabing iyon si Patrick. Hindi siguro nauwi sa trahedya ang lahat.

"At ikaw, Zia Lynn, magtapat ka nga sa amin. Bakit kayo nagkasamaan ng loob ni Patrick?"

Nagkatinginan kami ni Zabelle. Napayuko ako dahil hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tanong ni Papa.

"Zia Lynn, tinatanong ka ng Papa mo." Si Mama. Nag-init ang sulok ng aking mga mata.

"W—wala na si Patrick, Ma. Kaya hindi na rin mahalaga para pag-usapan pa ang mga bagay na iyon. Respeto na lang din natin sa patay."

"At bakit hindi? Hindi mo ba narinig ang mga sinasabi ng mga tao sa 'yo kanina? Sinisisi ka nila, Zia Lynn? Alam mo, ang dami mo nang naibibigay na sakit sa ulo sa akin. Tapos, ito na naman!"

Bumalong ang mga luha mula sa aking mata. Nanlabo na rin ang aking mga paningin. Nanikip ang aking dibdib nang maalala ang tagpong nangyari noong isang araw.

"Zia Lynn, magtapat ka na lang sa amin ng Papa mo. May pinag-awayan ba kayo ni Patrick noong araw na iyon?"

Umiling ako. Napatingin na rin sa akin ang aking mga kapatid habang naghihintay ng aking kasagutan.

"Kung gano'n, ano? Linawin mo sa amin ang lahat. Hindi maaaring sisisihin ka nila sa nangyari," kumbinsi sa akin ni Mama.

"M—muntik niya na akong pagsamantalahan, Ma."

Napaawang silang lahat dahil sa aking sinabi. Tuluyang bumagsak ang aking mga luha. Nagpapasalamat ako't nawala na iyong takot ko sa dibdib dahil sa pangyayaring iyon.

"Sigurado ka ba sa isinambulat mo, Zia Lynn?" nakatiim-bagang na tanong ni Papa.

Marahan akong tumango. Napasinghap si Mama, maging si Zabelle. Huminga ako nang malalim bago sinimulang isalaysay sa kanila ang totoong ugat kung bakit napasugod si Patrick nang gabing iyon dito.

Ang totoo'y wala na sana akong balak na sabihin sa kanila ang tungkol sa pangyayaring iyon. Kahit pa na may namuong takot sa dibdib ko'y ayaw kong magkasira sina Papa at Patrick. At isa pa ay ayaw ko rin ng gulo.

Hindi ko maiwasang ikumpara si Patrick kay Hugh. Kapag kasama ko ang huli ay komportable ako at pakiramdam ko'y ligtas ako. Ngunit sa tuwing kasama ko noon si Patrick ay natatakot ako sa anumang pamimilit na gawin niya. At hindi ko nga inasahang darating sa puntong iyon.

Tumaas-baba ang dibdib ni Papa pagkatapos kong isalaysay ang lahat. Agad naman siyang hinawakan ni Mama sa braso para pakalmahin.

"Bakit ngayon mo lang ito sinabi sa amin, Zia Lynn?" naiiyak na tanong ni Mama.

Tanging iling at iyak lang ang naitugon ko. Nilapitan ako ni Zabelle saka niyakap. Nagpapasalamat ako't sa pagkakataong ito'y naramdaman kong nag-alala sa akin si Papa. Ngunit sa kabilang dako'y hindi ko maiwang isipin kung ano ang laman ng kanyang iniisip.

Ikinuwento ko kay Divina ang nangyari pagkita namin nang mga sumunod na araw. Sa tuwing lumalabas ako ng bahay ay ramdam ko pa rin ang mga nang-aakusang tingin sa akin. Hindi ko maiwasang maawa sa mga kapatid ko sapagkat maging sila ay nadadamay na rin sa nangyayari sa akin.

"Nakakaloka si Aling Teresita, ha. Bakit? Inutusan mo ba si Patrick na maglasing at ihulog ang sarili niya sa bangin? Kung tutuusin ikaw nga ang naagrabyado niya," maanghang na bulalas ni Divina. Agad kong tinakpan ang kanyang bunganga. Nandito kami si dalampasigan, naghihintay na lumubog ang araw.

"Baka may makarinig sa 'yo, Divina."

May mangilan-ngilan pa namang tao na naririto. Si Papa ay nandirito na rin mayamaya para mangisda.

"Bakit? Totoo naman ang sinabi ko, ah. Grabe silang makahusga sa 'yo, e hindi naman nila alam ang totoong kuwento. Ano na ngayon ang plano mo niyan?"

Nagkibit ako ng balikat.

"Wala. Lilipas din ang lahat ng ito, Divina. Intindihin na lang si Aling Teresita, marahil ay dulot lang iyon ng sakit na dulot ng pagkawala ng anak niya."

"Kung gano'n papaya ka na lang na pagtsismisan ng buong barangay, gano'n?"

I sighed. "Wala akong magagawa kundi indahin ang masasamang tingin ng mga tao, Divina. Pero nakatitiyak akong lilipas din ang lahat. Ipagdasal na lang n asana manahimik na rin ang kaluluwa ni Patrick. At kung saan man siya ngayon ay sana masaya siya."

"Hay naku, sana rin ma-realize ni Tito Rosendo na mali ang ginawa niyang pagpapakisundo sa 'yo kay Patrick noon. Tingnan mo, napasama ka pa tuloy. Kung hinayaan niya lang sana kayo ni Hugh, e 'di sana masaya ka pa ngayon."

Niyakap ko ang aking mga binti habang nakaupo sa buhangin. Ipinatong ko ang aking baba sa ibabaw ng aking magkabilang tuhod.

Nasaan na kaya si Hugh ngayon? Sana kasama ko siya ngayon. Kung nandirito lang sana siya ay nakatitiyak akong isang yakap niya lang ay kaya ko nang harapin ang mundo. He's my strength.

"Pero huwag mo nang isipin masyado ang nangyayari, friend. Alalahanin mong exam na natin bukas. At saka birthday mo na rin. Magbebente-uno ka na. Maghahanda ba kayo sa bahay n'yo? Puwede ba akong dumiretso sa bahay ninyo pagkatapos ng exam natin?" pangungulit ni Divina. Napakislot ako nang sinundot niya ako sa tagiliran.

"Pagka pagkain talaga ang usapan." Pinandilatan ko siya.

"Ano? Lima lang naman kayo sa bahay n'yo, at saka okay na ako sa lumpia at pansit."

"Walang lumpia roon. Kanin lang."

Sinamaan niya ako ng tingin. Tuwing birthday naming magkakapatid ay nagluluto si Mama ng masasarap na pagkain na pinagsasaluhan lang namin. Madalas din na si Divina lang ang bisita namin.

Sumulyap ako sa mga bangkang nakahilera. Naroon ang bangkang ginagamit ni Papa ngunit wala pa siya roon. Lumulubog na ang araw.

"Alam mo, kapag ako nagkatrabaho na, ibibili ko ng cellphone ang unang sahod ko para naman makuhanan ko ng litrato ang napakagandang paglubog ng araw," nangangarap na untag ni Divina habang nakatingin sa araw.

Kay gandang pagmasdan ng paglubog ng araw ngunit lungkot naman ang balik nito sa akin. Sapagkat naaalala ko lang ang taong ipinagtabuyan ko sa aking buhay.

Magdidilim na nang niyaya ko si Divina na umuwi. Nire-relax na lang din namin kasi ang aming sa isip para sa darating na exam bukas.

Pagdating ko sa bahay ay inaasahan kong madadatnan ko si Papa ngunit wala siya.

"Ma? Nasaan si Papa?" kunot-noong tanong ko. Naghugas ako ng kamay sa lababo saka umupo sa tapat ni Mama para tulungan siyang maghimay ng malunggay. Si Zabelle naman ay nagsasaing na.

"Kanina pa umalis, ah. Mga kalahating oras na, hindi mo ba nakasalubong?"

"Hindi, Ma. Akala ko nga nandito pa siya. Nakita ko pa nga 'yong bangka niya kanina."

Nasagot ang aming katanungan nang biglang sumulpot si Papa. Itinapon niya ang kanyang sombrero sa upuan.

"Oh? Bakit umuwi ka kaagad? Kaaalis mo lang, ah. Hindi ka ba tutuloy sa laot mamaya?" untag ni Mama habang nakakunot-noong nakatingin kay Papa. Napalingon na rin ako sapagkat nakatalikod ako sa pinto ng bahay.

Bumuga ng hangin si Papa.

"Rosendo? Bakit ganyan ang itsura mo?"

Nagtaka rin ako sapagkat bagsak ang kanyang mga balikat. Mukha siyang nalugi.

"Binawi na ng mga Solano ang bangka."

"Ano?"

Sabay kaming napatayo ni Mama. Si Papa naman ay pabagsak na umupo sa upuan naming gawa sa kawayan. Mabigat ang kanyang bawat paghinga.

"Bakit namin gagawin ni Pareng Lary iyon?"

Ang tinutukoy Mama ay ang ama ni Patrick. Pagmamay-ari ng pamilya ni Patrick ang bangkang ginagamit ni Papa sa pangingisda.

"Sinubukan ko naman makiusap pero nagmatigas si Teresita. Wala na tayong magagawa," malungkot na sabi ni Papa. Kumurot ang aking puso habang nakikita ang pagkalungkot sa mga mukha ng aking mga magulang.

"Hindi bale na, susubukan ko na lang bukas makiusap sa isa ko pang kumpare. Kung pupuwede ay tumulong ako sa kanila sa pangingisda. Para naman kahit papaano may maibibebenta tayo."

Nakokonsensya ako sapagkat ako pa ang dahilan ng unti-unting pagkawala ng kinakabuhayan namin. Naaawa ako kay Papa. Ito ang rason kung bakit kahit may mga desisyon noon si Papa na labag sa loob ko'y mataas pa rin ang respeto ko sa kanya. Sapagkat handa siyang gawin ang lahat maibigay lang ang kailangan namin at mapapakain kami nang tatlong beses sa isang araw.

Kinagabihan ay nahirapan akong makatulog dahil sa nangyari kanina. Siguro pagkatapos ng exam ay maghahanap muna ako ng trabaho habang hinihintay ang resulta. Para naman may maitulong ako sa pamilya.

Bumuntonghininga ako at pinilit na makatulog. Nakahanda na ang gamit ko para sa exam bukas. Magkaiba kami ng room ni Divina. Iyong ibang examinees kasi ay nasa ibang eskuwelahan din. Kaarawan ko na rin bukas. Ang bilis lang tumakbo ng panahon. Ang bilis lang din mawala ng mga tao.

Mag-aalas singko pa lamang ay ginising na ako ni Mama. Siya na rin ang nagluto ng almusal. Mas inagahan niya ang pagluto para daw makakain pa ako bago pumunta ng eskuwelahan kung saan ako mag-e-exam.

"Maligayang kaarawan, anak. Galingan mo sa exam mo, ha?" bungad sa akin ni Mama habang kumakain ako. Ngumiti ako sa kanya.

Nagising na rin sina Zabelle at Zac saka binati ako. Si Papa ay tulog pa.

"Salamat sa inyo, Ma. Pupunta raw dito si Divina mamaya pagkatapos ng exam namin."

"Si Divina pa ba, kailan pa 'yon nagpalagpas ng pagkain. Bueno, aagahan ko sa talipapa para mas maubos kong maibenta 'yong mga gulay."

"Sama ako, Ma..." sabi ni Zac.

"Oh, sige, Ikaw, Zabelle, maiwan ka rito. Maglinis ka at ilabas mo ;yong magagandan nating plato para mamaya."

"Sus, as if ang daming ihahanda sa birthday ni ate. Lumpia at pansit lang naman 'yon, Ma..." natatawang sabi ni Zabelle. Sinamaan siya ng tingin ni Mama.

"Kahit na. O siya, aalis na kami."

Humalik ako kay Mama bago sila umalis. Nag-good luck din sa akin si Zac. Tinapos ko na ang pagkain ko saka hinugasan diretso ang mga plato. Pagkatapos ay nag-ayos na.

Nag-text si Divina na dadaanan niya raw ako para sabay na kami pumunta sa eskuwelahan. Malapit lang naman pero mas maigi nang maaga kaming makapupunta.

Nagising na rin si Papa at agad siyang ipinagtimpla ni Zabelle ng kape. Ako naman ay muli kong tiningnan ang mga kakailanganin ko sa exam kung nasa loob lahat ng envelope. Kumpleto naman kaya nagpaalam na ako.

"Pa, alis na po ako."

"Good luck, Ate..." untag ni Zabelle.

Napatingin si Papa sa akin. "Galingan mo, Zia Lynn," aniya.

"Opo, Pa."

Pagkalapit ko sa pinto para buksan ito'y nauna itong bumukas. Bumungad sa akin ang umiiyak na si Mama.

"Ma? Anong nangyari? Bakit umuwi kayo agad?" takhang tanong ko saka nilakihan ang pagkabukas ng pinto.

"Veronica? Bakit dala n'yo 'yang mga gulay?" takhang tanong din ni Papa.

"Wala na, Rosendo. Kinuha na rin nila sa atin ang puwesto natin," maluha-luhang untag ni Mama. Nakasunod sa kanya si Zac na bitbit ang maliit na sakong may lamang gulay.

Nanlaki ang aking mga mata nang biglang bumagsak si Papa sa sahig. Napasigaw si Mama. Sabay kaming napatili ni Zabelle.

"Papa!"

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top