Chapter 7
CHAPTER 7
"MAGKANO ho ito lahat?"
"Bente lang 'yan dalawang tuhog, ineng."
"Ito ho bayad." Kumuha ako ng bente pesos sa loob ng purse ko saka inabot sa aleng nagtitinda ng banana cue.
"Salamat, ineng."
"Walang anuman ho."
Ginawaran ko ng ngiti ang ale bago tumalikod. Saktong dumating si Divina kaya inabot ko sa kanya ang isang banana cue.
"Wow! Himala, nanlibre ka ngayon. Hulaan ko, may kailangan ka, 'no?" nakangising untag niya bago walang anu-anong kumagat sa saging. Kaluluto lamang nito kaya masarap pa kainin.
Inikutan ko ng aking mga mata si Divina saka nagpatiuna sa paglalakad. Kalalabas lang namin ng Review Center. Nauna lang akong pumunta sa canteen para bumili ng pagkain dahil nagugutom na ako. Dumaan pa kasi siya ng restroom.
"Kung ayaw mo, akin na. Parang kulang itong isang stick," asar kong tugon.
"Nakagatan ko na, babawiin mo pa. Ito naman, hindi na mabiro," aniya.
Naupo ako sa U-bench saka itinuloy ang pagkain. Naupo rin si Divina sa tabi ko. Pagkatapos kong maubos ang banana cue ay kaagad kong itinapon ang stick sa malapit na basurahan saka bumalik sa kinauupuan ko.
Napailing ako nang makita ko ang mukha ng aking kaibigan habang kumakain. Pumipikit-pikit pa siya. Pareho kasi naming paboritong kainin iyon. Madalas naming ginagawang pantawid gutom. Lalo na noong nagpa-practical teaching pa kami.
"Ano na? Naghihintay ako ng tanong mo," pagkuwa'y sabi niya, na siyang ikinakunot ko.
"Pinagsasabi mo, Divina?" Itinuon ko ang aking pansin sa mga estudyanteng dumadaan sa aming harapan.
"Sus, kunwari ka pa! Alam ko namang magtatanong ka ulit kung nag-reply na ba si Hugh sa text ko. Kung tumawag ba siya o nagparamdam para kamustahin ka. Siyempre gaya ng dati, wala pa rin."
Napangiwi ako't sunod-sunod na bumuntonghininga.
"Kita mo na? Sabi na nga ba, itatanong mo ulit ang tungkol sa kanya. Hindi kaya natatapos ang isang araw nang hindi ka nakikibalita roon. Dami mo pang paligoy-ligoy. At saka, hindi ka ba napapagod sa katatanong niyan, besh? Siyempre kung magpaparamdam iyon, malamang ikaw ang unang makakaalam."
Napangiti ako nang mapait. May punto si Divina. Kung tutuusin ay alam ko na rin ang kasagutan dahil maging ang mga text ko sa kanya ay wala ring tugon. Ilang beses ko na rin siyang sinubukang tawagan ngunit hindi ko makontak.
"Mahigit isang taon na siyang hindi nagpaparamdam, tingin mo may pag-asa pang bumalik iyon?"
Napatitig ako sa kalangitan.
It's been a year. Parang hinihila lang ang bawat araw. Hindi ko akalain na isang taon na pala akong umaasang bumalik ang taong tanging minahal at minamahal ko hanggang ngayon.
Graduate na kami ni Divina at sabay rin kaming nag-enrol sa Review Center dito sa mismong university. Sa susunod na linggo ay Licensure Exam na namin. Buong taon kong iginugol ang aking panahon sa pag-aaral at pagsunod sa bawat utos ng aking mga magulang.
Si Hugh, wala na akong balita sa kanya. Naglaho siya na parang bula. Hinanap namin siya sa building na pinagtatrabahuhan niya dati ngunit tapos na iyon. Nag-o-operate na nga iyong condominium na iyon. At halos wala nang bakas ng mga construction workers.
Pagtapos ko ng kolehiyo ay ibinalik na sa akin ni Papa ang cellphone ko, ngunit may bago nang sim card. Sinubukan ko agad na kontakin noon si Hugh dahil memoryado ko ang kanyang numero pero hindi ko na siya makontak. Marahil ay nagpalit na rin siya ng numero.
Nakatulong sa akin ang pag-enrol ko kaagad sa Review Center pagkatapos ng graduation dahil naging abala ako sa pag-re-review. Tuwing weekend ay tumutulong kina Mama sa pagbebenta ng isda sa talipapa.
"Hoy, Zia Lynn!"
Napakurap ako nang maramdaman ko ang marahang paghampas ni Divina sa aking braso. I glanced at her. Mabuti pa siya parang walang iniisip at ang gaan ng buhay niya. Suportado siya ng kanyang mga magulang sa mga pangarap niya sa buhay.
"Ano na, 'te? Natulala ka na. Saan na naman nakarating ang imahinasyon mo? Sinasabi ko sa 'yo, umayos ka. Exam na natin next week. Iyon kaya muna ang isipin mo, hindi iyong kung anu-anong bagay."
"Tigilan mo ako, Divina. Alam mo namang isang taon ko nang iginugol ang panahon ko sa pag-aaral. Gusto ko na lang i-relax ang isip ko."
"Sus, relax daw pero 'yong mukha isang taon nang naka-default sa lungkot. Ni minsan hindi kita nakitang ngumiti," aniya.
Walang anu-anong hinarap ko siya't nginitian nang pagkalapad-lapad ngunit tinampal niya lang ako.
"Iyong totoong ngiti ang ibig kong sabihin, Zia Lynn. Subukan mo kayang tingnan ang sarili mo sa salamin habang nakangiti. Para kang nakainom ng pinaghalong suka at matapang na kape, hindi maintindihan ang lasa. Kaya huwag mo nang pilitin ang sarili mo, kilalang-kilala kita. Alam ko kung kailan ka totoong masaya o kung kailan ka nagkukunwari."
Nawala ang aking ngiti sa labi. Umiwas ako ng tingin at muling tumingala sa maulap na kalangitan. Sana umulan mamayang gabi. Gusto ko ulit makarinig ng malalakas na patak ng ulan sa bubong ng bahay namin, dahil sa gano'ng pagkakataon ay nasasabayan ko sila nang walang may nakakaalam. Gustong-gusto ko laging marinig ang malakas na buhos ng ulan dahil nailalabas ko iyong mga damdaming matagal ko nang ikinukubli sa aking loob.
"Tingin mo, Divina, magkikita pa kaya kami?" mahina kong tanong. Just like the old times, Divina just shrugged her shoulders.
"Baka nakakalimutan mo, itinaboy mo siya, 'di ba? Baka naka-move on na 'yon. At baka nakahanap na ng iba. Alam mo, ayus-ayusin mo rin minsan magtanong, nakakabobo kasi. Itataboy-taboy mo 'yong tao tapos hahanap-hanapin mo ngayong hindi na nagpapakita. Tsk!"
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Divina's mouth can be sharp sometimes. Pero wala naman siyang ibang sinabi kundi pawang katotohanan.
"Alam mo naman ang dahilan ko, hindi ba?"
"Oo, duwag ka. Hindi mo siya ipinaglaban."
Tiningnan ko nang masama si Divina. Kaagad siyang nag-peace sign sa akin.
"Joke lang, besh. Ito naman. Pero ito, seryoso, ha? Tingin ko panahon na para mag-move on ka na rin kasi nandiyan naman si Patrick, 'di ba? At saka butong-buto ang mga magulang mo sa kanya."
"Ayaw kong itali ang sarili ko sa taong hindi ko naman mahal, Divina. Alam mo 'yan."
Mag-iisang taon na ring nangliligaw sa akin si Patrick ngunit ni minsan ay hindi ko siya binigyan ng pag-asang magkakaroon ng ugnayan sa pagitan naming dalawa. Hindi ko na rin mabilang sa mga daliri ko kung ilang beses ko na siyang pinrangka.
Sa susunod na linggo ay sasampa na siya ulit sa barko. Na siyang ikinatutuwa ko sapagkat hindi ko na alam kung paano ko pa siya pakikitunguhan. Kung hindi lang dahil kay Papa ay baka matagal ko na ring itinaboy palayo si Patrick.
"Sabagay, kahit ako, ayaw ko ring magpakasal sa taong hindi ko gusto, 'no. Kahit pagmamay-ari pa niya ang buong mundo, ang masusunod pa rin ay ang puso ko," Divina exclaimed dreamily.
"Ubusin mo na kaya 'yang banana cue nang makauwi na tayo," suhestiyon ko. Minsan ayaw ko na rin na pinag-uusapan namin ni Divina ang mga bagay na lipas na. Bumabalik lang sa akin ang samu't saring emosyon na madalas nagpapahina sa akin.
"Zia!"
Sabay kaming napalingon ni Divina nang may tumawag sa aking pangalan. Sa boses pa lang ay batid ko na kung kanino iyon nanggaling. Tumaas lang ang kilay ng kaibigan ko't umikot ang kanyang mga mata bago tumayo para itapon ang stick ng saging.
"Ayan na ang Mr. Seaman mo," nang-aasar na bulong ni Divina.
Inihanda ko ang aking pekeng ngiti kay Patrick.
"Akala ko ba abala ka sa pag-aasikaso ng mga papeles mo," puna ko.
"Oo, pero siyempre alam mo namang aalis na ako sa susunod na linggo. Gusto kong sulitin ang bawat araw na kasama ka," aniya.
Ngumiti na lamang ako ng tipid para itago ang aking pagkaasiwa. Bahagya akong siniko ni Divina.
"Hi, Patrick!" Divina waved her hand.
"Sumabay ka na lang sa amin, Divina. Iyon ay kung ayos lang sa 'yo na sa likod ka ng Multicab,"Patrick offered.
"Naku, hindi na. May dadaanan pa kasi ako. Mauna na kayo ni Zia Lynn."
"Sigurado ka?"
"Oo naman. At saka, para na rin masulit mo si Zia Lynn, 'di ba?"
Pasimple kong sinipa ang binti ni Divina ngunit pinanlakihan niya ako ng mga mata. Sa totoo lang ay iniiwasan kong mapag-solo kami ni Patrick.
"Oo nga naman. Mag-iingat ka, ha?"
"Sige, ingatan mo bestfriend ko, ha?" bilin pa ni Divina.
"Bye, besh..." mahinang bulong niya sa tainga ko. Sumusukong bumuntonghininga ako saka nagpatiuna na nang ialok sa akin ni Patrick ang kanyang kamay.
Walang imik akong sumakay pagkarating sa harap ng Multicab niya. Ipinagdarasal ko rin na sana makahanap si Patrick ng ibang babae kung saang bansa man siya makarating.
"Nagugutom ka na ba? Puwede tayong dumaan pumunta ng mall para makabili ng fastfood," yaya niya pagkatapos paandarin ang makina ng sasakyan.
"Katatapos lang naming kumain ni Divina noong dumating ka, eh. Kaya busog pa ako. Mamaya na ulit ako kakain sa hapunan," kaswal kong tugon. I earned a deep breathe from him.
"Alam ko pressured ka ngayon dahil sa papalapit na board exam. Kung hindi ka pa nagugutom, nood na lang tayo ng sine, para naman ma-relax ang isip mo," segunda niya. Marahan akong umiling.
"Marami pa kasi akong gagawin at sasagutan na reviewer pagkauwi ko."
Hindi nakaligtas sa aking paningin ang bahagya niyang pagngiwi dahil sa sinabi ko.
"Nag-sponsor ng misa kanina si Mama. Pa-thanksgiving niya dahil sasampa na ulit ako ng barko. May kaunting handaan, daan muna tayo sa bahay. Kahit kaunti lang, kumain ka—"
"Pasensya na pero pagod talaga ako ngayon, Patrick. Gusto ko na rin sana makapagpahinga na. Kaya mas gusto ko sanang umuwi na."
Mabigat siyang bumuntonghininga saka mabilis na kinabig ang manibela. Bigla tuloy akong kinabahan sa bilis ng kanyang pagpapatakbo. Diretso ang kanyang tingin sa daan ngunit parang gigil na gigil siya sa manibela.
"Patrick, dahan-dahan naman!" hindi ko napigilang sumigaw. Agad naman siyang natauhan.
Nakahinga ako nang maluwag nang bumagal na ulit ang kanyang pagpapatakbo. Namalayan ko na lang na nasa tapat na kami ng pilapil na patungo sa bahay.
"Pasensya na, Zia."
Tumango lang ako at ngumiti nang tipid. Binuksan ko ang pinto sa aking gilid. Sumunod siya sa akin sa pagbaba nang makababa na rin ako.
"Maraming salamat, Patrick. Pero katulad ng sinabi ko noon hindi mo naman kailangang obligahin ang sarili mong sunduin ako palagi sa eskuwelahan."
Bahagyang nandilim ang kanyang mukha ngunit napalitan din naman ng ngiti.
"Alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa, 'di ba? Mahal na mahal kita, Zia Lynn."
I stared at him apologetically. "Patawarin mo sana ako, Patrick. Pero gano'n pa rin ang kasagutan ko. Napakabait mo sa akin at sa pamilya ko, kaya nakakakonsensyang tatanggapin kita sa buhay ko kahit na hindi naman ikaw ang..." I paused. "...ang nasa puso ko."
"Ano pa ba ang kailangan kong gawin, Zia Lynn? Bakit hindi mo ako magawang mahalin?"
Umatras ako nang akma niya akong hahawakan.
"A—alam mo kung sino ang totoo kong minamahal, Patrick." Napasinghap siya't napasuklay sa kanyang buhok gamit ang magkabilang kamay.
"My God, Zia Lynn! Wala na ang lalaking 'yon! Hindi ka niya ipinaglaban sa pamilya mo, pero ako nandito ako, oh! Mahal na mahal ka. Ano pa ba ang kailangan kong gawin?"
Napasinghap ako nang bigla niya akong hinaklit at niyakap.
"Patrick, ano ba!" Nagpumiglas ako ngunit niyakap niya pa ako nang mahigpit.
"Mahal na mahal kita, Zia. Ginawa ko ang lahat para lang maangkin ka. Hindi ako makapapayag na mauwi lang sa wala ang lahat!" Dumagundong ang aking dibdib nang maramdaman ko ang kanyang labi sa gilid ng ang aking leeg. Ang kanyang kamay ay humahaplos sa aking likod.
Inipon ko ang aking buong lakas bago siya itinulak pagkatapos ay ginawaran siya ng malakas na sampal. Ramdam ko ang pag-init ng aking palad. Napahawak naman siya sa kanyang pisngi. Nangilid ang aking mga luha.
"Zia, I'm sorry—"
"Umuwi ka na, Patrick."
"Zia, patawarin mo ako sa nagawa ko!"
"Umuwi ka na!" sigaw ko bago kumaripas ng takbo sa pilapil.
Malakas kong ibinagsak ang pinto ng bahay pagkapasok ko. Sobrang bilis ng tibok ng aking puso.
"Ate, ayos ka lang?"
Agad kong niyakap si Zabelle nang lumabas siya mula sa kuwarto.
"Ate? Ano'ng nangyayari sa 'yo? Bakit ang lakas ng tahip ng dibdib mo?"
Napapikit ako. Nang kumalma na ako'y pinakawalan ko na si Zabelle. Nag-aalang sinuri niya ako mula ulo hanggang paa bago pumunta ng kusina para kumuha ng tubig.
Inisang lagok ko lang ang isang baso ng tubig.
"Ayos ka lang ba talaga, ate?"
Tumango ako. "A—ayos lang ako. Napagod lang sa katatakbo. Akala ko kasi aabutan ako ng ulan."
Umaambon naman na talaga sa labas.
"Sigurado ka, ate? Pauwi pa lang siguro sila Mama, sumama kanina si Zac."
Hindi na ako umimik pa. Pumasok ako sa kuwarto at hinubad ang aking damit. Kumuha ako ng tuwlaya saka pumasok sa banyo. Mas maigi sigurong iligo ko na lang ito.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nagkulong sa banyo pero sinigurado kong matatanggal ang masamang bakas sa aking leeg. Hindi ako makapaniwalang magagawa iyon ni Patrick sa akin.
Panay ang silip sa akin ni Zabelle sa kuwarto. Wala kasi silang pasok kaya naiwan siya rito sa bahay para magluto. Mga alas otso na ng gabi nakarating sina Papa at Mama, kasama si Zac. Saktong pagdating nila ay bumuhos ang ulan.
Agad na naglagay si Mama ng tabo si gitna ng lamesa namin dahil may tumutulong tubig mula sa bubong sa bahaging iyon. Napatulala ako sa bawat patak ng tubig sa tabo. Nakakatwa na kanina'y hiniling ko na umulan, ibinigay agad.
"Zia Lynn, bingi ka ba? Ang sabi ko tulungan mo si Zabelle maghain ng hapunan. Ano'ng nangyayari sa 'yo?" napapantastikuhang untag ni Mama. Napakurap naman ako't diretsong tumayo sa upuan.
"Wala, Ma..." mahinang tugon ko saka kumuha na ng mga plato at kutsara. Si Papa naman ay dumungaw sa labas ng pinto para tingnan ang ulan.
"Kung minamalas ka nga naman," malakas na untag na Papa. Napasuklay ito ng kanyang buhok.
"Rosendo, huwag ka nang umalis. Mukhang hindi pa talaga titila ang ulan. Bukas na lang kayo magpalaot," puna ni Mama.
Bumuntonghininga si Papa. Tuwing hatinggabi kasi sila nagpapalaot para mangisda kasama ang Papa ni Patrick.
Bigla akong inusig ng konsensya ko. Tuwang-tuwa ako tuwing umiiyak ang mga ulap ngunit masamang balita ito para sa pamilya ko. Maliban kasi sa tumutulo ang ibang bahagi ng bubong ay hindi makakapangisda si Papa.
Sabay-sabay kaming kumain habang panaka-nakang tinitingnan ang tabong halos nangangalahati na sa tulo ng ulan. Rinig ko ang sunod-sunod na buntonghininga ni Papa. Makalipas ang kalahating oras ay bigla nang humina ang pagbuhos ng ulan.
"Zia Lynn! Lumabas ka diyan!"
Nagkatinginan kami ni Zabelle at sabay na nanlaki ang mga mata. Si Mama ay napatigil sa pagkain. Si Papa ay napakunot ang noo. Sunod-sunod na katok ang dumagundong sa pinto ng bahay.
"Si Kuya Patrick ba 'yon?" kunot-noong untag ni Zac habang nagtatanong ang mga matang nakatingin sa akin.
Ano'ng ginagawa rito ni Patrick? At bakit parang lasing siya? Akma na akong tatayo nang pinigilan ako ni Papa.
"Ako na, Zia Lynn."
Tumango ako kay Papa.
"Zia Lynn, kausapin mo 'ko!" Patuloy pa rin sa pagwawala si Patrick kaya't nabuhay ang takot sa aking dibdib. Malapit lang sa pinto ang lamesa kung saan kami kumakain kaya't rinrig namin ang pag-uusap nila ni Papa.
"Patrick, gabi na. Napasugod ka?" Si Papa.
"Tito, kakausapin ko lang anak n'yo."
"Gabi na, hijo. At saka parang nakainom ka. Umuwi ka na sa inyo. Bukas na lang kayo mag-usap ni Zia," mahinahong sabi ni Papa. Piping nagpasalamat ako. Kahit naman kasi boto si Papa kay Patrick para sa akin ay nais pa rin niyang pormal akong liligawan ni Patrick.
"Pero, Tito Rosendo, kailangan naming mag-usap. Mahal na mahal ko si Zia Lynn."
"Matagal na naming alam 'yon, hijo. Pero gabi na, hindi magandang kausapin mo ang anak ko na gabi na at saka nakainom ka pa. Bukas na lang, kahit buong araw pa kayong mag-usap, ayos lang. Basta hindi ka na nakainom."
Hindi na namin narinig na sumagot si Patrick pagkat pagkatapos ng halos tatlong minuto ay isinara na ulit ni Papa ang pinto. Mukhang walang imik na umalis si Patrick. Nakahinga ako nang maluwag.
"Ano kayang nangyari sa batang iyon? Parang ngayon ko lang nakitang naglasing," untag ni Papa pagkabalik niya sa upuan. Nagkatinginan kami ni Mama.
"May hindi ba kayo pagkakaunawaan ni Patrick, Zia Lynn?" untag ni Papa. Napatungo ako.
"W—wala ho, Pa."
"Eh, kung gano'n bakit siya naglasing at sumugod dito? Parang hindi naman siya nagkakaganyan dati, ah."
"Baka naman kasi gusto lang talaga makausap ang anak mo. 'Di ba nga sasampa na ulit 'yon sa barko sa susunod na linggo?" sabat ni Mama. Umiwas na lamang ako ng tingin sa kanila. Ang totoo'y ramdam ko pa rin ang mabilis na pagtahip ng aking dibdib.
"Bueno, kausapin mo na ang batang iyon bukas, Zia Lynn. Ayusin n'yo kung anuman ang hindi ninyo pagkakaunawaan."
Hindi ko maiwasang mapangiwi. Ang nasa isip kasi ni Papa ay may relasyon na kami ni Patrick dahil halos araw-araw niya akong hinahatid at sundo. Madalas din na nagpapadala ng kung anu-anong pagkain dito ang Mama ni Patrick.
Pagkatapos naming magligpit ay kanya-kanya na kaming pasok sa kuwarto. Kasama ko si zabelle na nahiga sa higaan. Napatulala ako sa bubong habang hawak ang singsing na isang taon ko nang iniingatan kasama ng pagmamahal ko sa taong nagbigay nito sa akin.
Hanggang ngayon palaisipan sa akin kung nasaan na siya ngayon. Kung bakit bigla siyang nawala na parang bula. Ngunit may sapantaha akong umuwi siya sa Negros. Kung mabibigyan man ako ng pagkakataon, ipinapangako kong hahanapin ko si Hugh. Pagkatapos kong mag-board exam ay maghahanap agad ako ng trabaho, makapasa man o hindi. Mag-iipon ako para may panggastos ako sa paghahanap ko sa kanya sa Negros.
Ngunit ang lahat ng iyon ay nanatiling pangarap na lamang.
Kinaumagahan ay ginimbal kami ng isang masamang balita na siyang nagpabago ng takbo ng aking buhay.
Si Patrick ay natagpuang patay sa loob ng kanyang Multicab na nahulog sa isang bangin.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top