Chapter 5

CHAPTER 5

"MARAMING salamat na lang sa paghahatid, Patrick, pero sana ay huli na ito."

Hindi nakatakas sa aking paningin ang paghigpit ng hawak ni Patrick sa manibela ng Multicab na ginamit niya sa pagsundo sa akin. Pangalawang beses niya na akong sinusundo sa eskuwelahan magmula nang bumukas ang klase kahapon.

Kapag hindi na mainit ang mga mata ni Papa sa akin ay hahanap ako ng paraan para makausap ko nang masinsinan si Hugh. Gusto ko nang ipaliwanag sa kanya ang sitwasyon ko. Kahit mahirap siguro'y kailangan ko munang tiisin.

Dalawang araw ko na ring iniiwasang magtagpo ang landas namin ni Hugh dahil ayaw kong makaharap niya ulit si Papa. Natatakot akong baka may makakita na naman at magsumbong. O 'di naman kaya'y si Papa mismo ang sumunod.

Sa loob ng isang linggo ay wala akong naging balita sa kanya matapos ang huling pagkikita namin na nauwi sa hindi inaasahang pagkikita nila ni Papa. Buong linggo akong nasa bahay lang at tumutulong sa pag-aayos at pagluluto. Si Mama ay sumasama kay Papa sa palengke para magtinda ng mga isda.

"Bakit pakiramdam ko ay parang lumalayo ka sa akin, Zia? Tapatin mo nga ako, may pag-asa ba ako o umaasa lang ako sa wala?"

Bumuntonghininga ako't diretsong tumingin sa harapan. Dito niya na rin ako inihatid sa kanto dahil masikip na pilapil ang daanan papasok sa bahay. Tanging motor lang ang nakakapasok doon.

Bago pa man sumampa sa barko noon si Patrick ay minsan niya na akong niligawan ngunit dati pa man ay tinapat ko na siyang wala akong pagtingin sa kanya.

"P-pasensya ka na, Patrick. Mabait ka naman, e. May itsura at umasenso ka na rin dahil sa pagsisikap mo. Na sa iyo na ang lahat ng katangian para mahalin ng isang babae. Pero sana maintindihan mo na... na hindi natuturuan ang puso," mahinang sambit ko ng huling pangungusap.

Rinig ko ang marahas niyang pagsinghap.

"Bakit?" mariin niyang tanong.

Isang malalim na buntonghininga lang ulit ang aking itinugon sa kanya. Binuksan ko ang pinto ng Multicab sa aking gilid. Kanina'y naikuwento niyang kabibili niya lamang nito. Ang sabi niya'y mahigit kalahating milyon ang presyo nito, pero ang alam ko'y pinapa-finance niya sa bangko. Gayunpaman ay masasabi kong malayo na talaga ang narating ni Patrick. Kaya masuwerte na rin ang babaeng mapapangasawa niya.

"Uhmm... Mauuna na ako. Marami pa kasi akong gagawing modules para sa mga batang na tuturuan ko."

Samakalawa ay magsisimula na ako sa student-teaching kaya marami na rin akong pinagkakaabalahan. Mabuti na lang din at sa mismong extension ng university kami nadestino ni Divina para mag-practical teaching.

"Simple lang ang tanong ko, Zia Lynn. Bakit hindi mo masagot? Bakit? May iba ka bang nagugustuhan?"

Natigil ang akma kong pagbaba sa Multicab. Bahagya ko siyang sinulyapan bago marahang tumango. Tila bombang sumabog sa kanyang pagmumukha ang aking itinugon.

"Mahal na mahal ko siya, Patrick. Sana maintindihan mo ako. Marami namang babaeng tiyak na gustong maging nobyo ka."

Hinampas niya ang manibela nang hindi nakatingin sa akin. Kahit hindi iyon kalakasan ay napakislot ako nang bahagya.

"Huli na pala ako," naninibughong sambit niya.

"Uhmm..." Tipid akong ngumiti dahil hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko para gumaan ang kanyang loob.

"P-pasensya ka na talaga, Patrick. Ipinagpapasalamat ko ang lahat ng kabaitan mo sa pamilya ko. Sana makahanap ka ng karapat-dapat na babaeng mamahalin mo. Iyong babaeng kayang ibigay sa 'yo ang buong-buo na pagmamahal. Patawarin mo sana ako kung hindi ako ang babaeng iyon."

Hindi siya sumagot bagkus ay tumulala siya sa unahan. Mahigpit pa rin ang pagkapit niya sa manibela. Bumaba na ako nang hindi na hinintay na pagbuksan niya ako kagaya ng ginawa niya kahapon.

Iniyakap ko sa aking dibdib ang bitbit kong plastic envelope na may lamang mga kung anu-anong papel para sa student-teaching ko. Sana pagkatapos ng araw na ito ay hindi na ako ihahatid at susunduin ni Patrick sa eskuwelahan, dahil sa totoo lang ay nakokonsensya ako. Pakiramdam ko'y pinagtataksilan ko ang lalaking totoong minamahal ko, kahit pa sabihing wala naman akong ginagawang masama.

Gumilid ako para hintaying paandarin ni Patrick ang sasakyan ngunit hindi niya ginawa. Napabuga ako ng hangin. Bahala siya kung tatanggapin niya o hindi ang mga sinabi ko. Ang mahalaga'y nasabi ko na sa kanya ang totoong nararamdaman ko. I don't want to give him false hopes.

Nang mapagtanto kong wala pa siyang balak paandarin ang Multicab niya paalis ay napagpasyahan ko na lamang na maglakad papasok ng pilapil na patungo sa bahay. Ngunit nakadalawang hakbang pa lamang ako nang marinig ko ang pamilyar na boses.

"Mahal?"

Kumalabog ang puso ko at agad na lumingon. Tila tumigil sa pag-ikot ang mundo nang ilang segundo nang magtagpo ang aming mga mata.

"Hugh..."

Hindi ko sigurado kong may boses bang lumabas sa aking lalamunan. Ngunit isang bagay lang ang natitiyak ko ngayon-nabibingi ako sa sobrang lakas ng tibok ng aking puso.

"Mahal..." muling sambit niya. Longing and sadness etched in his voice. At tila ba may kumurot sa puso ko nang mapadako ang aking tingin sa ilalim ng kanyang mga mata habang humahakbang siya papalapit sa akin. Nangingitim ang mga iyon at tila ilang araw siyang walang tulog.

"Mahal, salamat nakita na rin kita sa wakas. Sobra akong nag-alala sa 'yo. At sobrang miss na miss na kita," aniya. Ni hindi ko na siya napigilan nang hinigit niya ako't ikinulong sa kanyang mga bisig. Napapikit ako't awtomatikong nag-init ang sulok ng aking mga mata.

Ang totoo'y hindi ko rin maipaliwanag ang labis ko na pangungulila sa kanya. Araw-araw sa loob ng isang linggo ay nagmistula akong robot sa bahay. Dahil maliban sa wala akong ibang paraan para makausap siya'y hindi pa ako pinayagang lumabas. Tinotoo rin ni Papa iyong sabi niyang si Mama ang mag-e-enrol sa akin.

"Araw-araw kitang inaabangan dito pero hindi kita makita. Oras-oras kong tinatawagan ang cellphone mo pero hindi ko na makontak. Akala ko kinalimutan mo na ako." Ramdam ko ang bahid ng takot at pangungulila sa kanyang boses.

Napasinghot ako sa kanyang dibdib bago siya niyakap pabalik. Pakiramdam ko nga'y lalong naging matigas ang kanyang dibdib at lumaki ang kanyang katawan kahit na mahigit isang linggo ko pa lamang siyang hindi nakikita. Sa nalaman ko'y lalo akong nasasaktan. Iniisip ko palang kung ilang daang lamok ang nag-fiesta sa kanya habang naghihintay sa akin ay para na akong kinakatay.

Habang sinasamyo ko ang natural niyang amoy ay tila nasa ibabaw ako ng mga ulap kung saan siya lang ang aking kasama. Kung saan walang ibang makapananakit sa amin. Iyong masaya lang kaming dalawa.

"Bakit mo naman naisip na kaya kitang kalimutan? Alam mo namang mahal na mahal kita, 'di ba? Pasensya na kung hindi ako nakapagparamdam sa 'yo nang isang-"

"Siya ba ang tinutukoy mong mahal mo, Zia Lynn?"

Nanigas ako't biglang bumalik sa realidad ang aking isip nang marinig ko ang boses ni Patrick mula sa likod. Sa sobrang sabik kong mayakap si Hugh ay nakalimutan ko na kung nasaan kami. Nakalimutan ko na rin na malapit lang kami sa bahay. Ang kaninang sakit na naramdaman ko'y napalitan ng matinding kaba at takot.

Agad akong napabitaw kay Hugh. Ngunit hindi niya binitiwan ang aking kamay.

"Patrick?"

Nang lingunin ko siya'y nakita ko ang pagbalatay ng sakit sa kanyang mukha. Pinilit kong kunin ang kamay ko sa pagkakahawak ni Hugh. Kahit na nagtatanong ang kanyang mga mata'y mabuti na lamang at hinayaan niya ako.

"Hugh, umuwi ka na. B-baka makita ka ni Papa," mahinang sambit ko. Ngunit batid kong narinig iyon ni Patrick.

"Bakit mo siya pinapauwi, Zia? Ayaw mo ba siyang ipakilala sa akin?"

Narinig ko ang tila paglagatok ng mga buto. Batid kong galing iyon kay Hugh. Nataranta ako nang maramdaman ko ang tensyon sa kanilang pagtitinginan.

"Patrick...uhmm. Kasi-"

"Siya ba ang nobyo mo? Bakit hindi ka niya sinundo kung gano'n?" patuyang tanong ni Patrick.

"Ah, alam ko na. Paano ka naman susunduin e wala naman pala siyang gagamiting pangsundo sa 'yo. Alangan namang paglalkarin ka niya mula eskuwelahan, 'di ba? Sigurado ka ba talaga na kaya ka niyang buhayin sakaling kayo ang magkatuluyan?"

Nataranta ako nang akmang susugurin siya ni Hugh kaya agad kong iniharang ang aking saliri.

"Hugh, please. Huwag mo nang patulan. Umuwi ka na." Ramdam ko ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib sapagkat halos magdikit ang likod ko roon.

"Patrick, pakiusap, umuwi ka na rin."

Patrick just shrugged his shoulders. Malapad pa rin ang nanunuya niyang ngisi kay Hugh. Ngunit higit sa takot na nararamdaman ko'y baka makita ulit ni Papa si Hugh.

"Mahal, please, mag-usap naman tayo, kahit saglit lang," Hugh's begging voice behind my ear. Napasinghap ako. Naghahati ang aking loob na sumama sa kanya para makausap siya ngunit sa huli'y mas pinili kong humakbang palayo sa kanya.

"Nakikiusap ako sa 'yo, Hugh. Huwag muna tayong magkita, huwag muna ngayon. Alam kong mahirap pero tiisin nating hindi magkita. Darating din ang araw na maaari na tayong magkita at magkausap nang walang kinatatakutan at pinagtataguan."

Pinagsisisihan kong tiningala ko pa ang kanyang mukha dahil nakita ko kung paano rumihestro sa kanyang mga mata ang hindi matawarang sakit.

"Buti ka pa, kaya mong tiisin na hindi tayo magkita. Ako kasi hindi ko kaya. Mababaliw ako, Zia Lynn. Ang hirap naman ng pinagagawa mo sa akin. Gaano katagal?" hirap niyang tanong.

Umiling ako bilang tugon. Hindi rin ako sigurado kung gaano kahaba magtatagal ang sitwasyon naming ito, ngunit isa lang ang natitiyak ko, pareho kaming masasaktan sakaling malaman ni Papa na muli na naman kaming nagkita.

"Umalis ka na, please? Baka dumating si Papa at makita ka."

Napahilot siya kanyang sentido. Kita ko rin ang pagkuyom niya ng kanyang kamao.

"Narinig mo ba ang sinabi ni Zia Lynn? Umuwi ka na raw," nakangising bulalas ni Patrick nang makasakay na pabalik ng kanyang Multicab. Muli kong sinenyasan si Hugh na huwag na itong patulan.

Tinitigan ko nang ilang segundo ang pinakamamahal ko bago tuluyang tumalikod paharap sa kahabaan ng pilapil. Nasasakal ako sa sakit na nararamdaman ko sa aking loob. Alam kong duwag ako para ipaglaban siya ngunit hindi lahat ng laban ay tama. Kahit na sukdulan ang sakit na nararamdaman ko dahil sa desisyon ni Papa ay nirerespeto ko pa rin. Pagbaliktarin man ang mundo, sila pa rin ni Mama ang aking mga magulang. Higit sa lahat ay mahal ko sila.

Tumakbo ako nang hindi na nilingon pa si Hugh. Natatakot na baka pati ang aking mga paa'y traidorin ako't maglakad ang mga ito pabalik kay Hugh.

Ngunit ang inakala kong katahimikan mula kay Patrick ay hindi nagkatotoo.

Nang mga sumunod na araw ay patuloy pa rin niya akong sinusundo sa bahay saka inihahatid sa eskuwelahan. Sa tuwing hapon naman ay nakaabang na siya sa labas para sunduin ako. Madalas ay kokonsensyahin niya ako para lang maisakay niya't maihatid pauwi.

"Sabi ko na nga ba, andiyan na naman siya, nakaabang," nakailing wika ni Divina. She rolled her eyes upwards.

"Sigurado ka bang binasted mo na ang isang 'yan? Bakit kung umasta e parang nobyo mo na siya? Hatid-sundo si kuya. Grabe, dinaig pa ang totoong jowa!" bulalas niya. Sa di kalayuan kasi ay namataan na naman namin ang Multicab ni Patrick.

"Hindi ko na alam kung ano pa ang puwede kong sabihin sa kanya para tigilan niya ako, Divina. Mukhang pinanghahawakan niya na boto ang mga magulang sa kanya."

Ilanga raw ko na ring hindi namataan si Hugh sa labas ng eskuwelahan, na siyang ikinakabahala ko. Hindi kaya ay nagsawa na siyang maghintay?

Napahawak ako sa aking dibdib nang dumaan ang isang kidlat ng kirot. Kinuha ko sa bulsa ng aking blouse ang sulat na ginawa ko kagabi. Kinuha ko ang kamay ni Divina saka inilagay iyon doon.

"Ano 'to?" takhang tanong niya.

"Pakiusap, Divina, puntahan mo si Hugh sa boarding house niya. Pakibigay iyan sa kanya."

Sa susunod na linggo ay birthday na naming dalawa, pareho ng araw. I'll be turning 20, while he's turning 24. Sana ay makausap ko man lang siya bago ang araw na iyon.

"Bakit? Hindi pa rin ba ibinabalik ni Tito Rosendo ang cellphone mo?"

Mapait akong umiling.

"Hindi na ako umaasang makikita ko pa ang cellphone na iyon, Divina. Lalo na at sukdulan ang pagkadisgusto ni Papa kay Hugh. Kaya tiyak na gagawin niya ang lahat maputol lang ang ugnayan naming dalawa."

Maging si Divina ay napabuga nang malalim.

"Grabe talaga si Tito, walang tiwala sa 'yo. At saka napaka-judgmental niya talaga. Napakasipag kaya ni Hugh. Hay naku!"

"Hayaan natin si Papa, Divina. Naniniwala ako na darating din ang araw na maniniwala siya sa kakayahan ni Hugh. May isa pa pala akong hihilingin sa 'yo." Sinulyapan ko ang Multicab ni Patrick sa 'di kalayuan, wala siya sa loob. Baka bumaba siya at nagyosi.

"Ano 'yon?"

"Tulungan mo akong takasan si Patrick, Divina. Ayaw ko nang sinusundo niya ako rito."

Pumitik sa ere si Divina sa ere na tila may naalala.

"Iyon lang ba? Sus, basic! Ayan, sakay na!"

Nanlaki ang aking mga mata nang biglang may humimpil na motor sa aming harapan. Agad na hinablot ni Divina ang helmet sa kamay ni Hugh saka isinuot sa aking ulo.

"Sakay na!" bulalas niya

"Teka, teka!"hindi na ako nakahuma nang hinila pa niya ang paa ko pataas para makasampa sa motor.

"Bye, besh! Mag-enjoy kayong dalawa!" tuwang-tuwa kaway ni Divina.

Sa isang iglap ay nakayakap na ako sa likod ni Hugh habang pinapatakbo niya palayo sa eskuwelahan ang motor.

Wala pang sampung minuto nang tumigil sa tapat ng isang beach resort ang motor. Parang robot lang akong nakasunod sa bawat galaw ng lalaking kasama ko. Bumaba ako saka agad na hinubad ang helmet.

"Ano'ng ginagawa natin dito-"

Namilog ang aking mga mata nang walang imik niya akong hinila papasok sa loob. Walang katao-tao na siyang ipinagtataka ko. Isa ito sa mga dinudumog ng tao na beach resort dito sa bayan namin.

Pumasok kami sa isang cottage.

"Hugh, bakit mo ako dinala rito? Hindi ka ba natatakot na baka may makakita sa atin?"

Tumigil siya't hinarap ako. Ngumiti siya na tila sobrang ligaya niya.

"Gusto lang kitang yakapin. Miss na miss na kasi kita," masuyong untag niya bago ako hinigit paloob sa kanyang mga bisig. Nasamyo ko kaagad ang panlalaki niyang amoy.

"Nakakainis ka!" naluluhang tugon bago siya niyakap pabalik. Pinalo ko pa siya sa dibdib, lalo talagang tumigas iyon.

"Mahal na mahal kita, Zia Lynn."

Humigpit ang kanyang yakap, na tila nakadepende ang bawat paghinga niya sa akin. Bagay na siya lang ang tanging nakakapagparamdam sa akin.

Mga ilang minuto kaming nasa ganoong posisyon bago siya lumuhod na siyang ikinanlaki ng aking mga mata.

"Ano'ng ibig sabihin nito?" Bumara ang aking lalamunan.

Ngumisi siya. "Relax, mahal. Alam ko namang hindi ka pa handang magpakasal, lalo na at takot ka sa Papa mo. Kaya ito na lang ang ibibigay ko sa 'yo."

"Singsing?" namilog ako.

"Promise ring," pagtatama niya.

"Gusto kong mangako ka na ako lang ang pakakasalan mo pagdating ng tamang panahon."

Nakagat ko ang aking bibig. Gano'n pa ma'y hindi ko na napigilang mapaluha.

"Bakit sa tingin mo ba papayag akong maikasal sa iba? Kaya makakaasa ka, Hugh. Ikaw lang."

Pagkatapos niyang isuot iyon ay muli niya akong niyakap. Ibinigay niya rin sa akin ang isa pang singsing para isuot sa kanya.

"Tandaan mo, Mahal. Kahit ano'ng mangyari, kahit bumaliktad man ang mundo, ikaw lang ang una at huling mamahalin ko," buong pagmamahal niyang sambit bago ako ginawaran ng magaang halik, na siyang tinanggap ko.

Nagpalitan kami ng pangako sa ilalim ng papalubog na araw. Kahit saglit lang ay nakaramdam ako ng ginhawa at walang kapantay na kasiyahan. Kung sana ay ganito na lamang kami habang-buhay.

But everything above the earth is temporary.

Hindi ko akalain na iyon na pala ang huling masasayang sandali para sa aming dalawa.

Kung alam ko lang na may nakaabang palang mas matinding panganib sa aming relasyon ay niyakap ko pa sana siya nang mas mihigpit.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top