Chapter 25

CHAPTER 25

DAHAN-DAHAN akong bumaba ng hagdan para hindi makalikha ng anumang ingay. Kanina pa kasi ako nagugutom pero hindi ako bumaba para mananghalian. Nagtulug-tulugan din ako sa kuwarto noong tinawag ako ni Nanay Sol. Pati sina Milagros ay ilang beses na kumatok sa kuwarto ko. Sa kakapanggap kong tulog ay nakatulog nga ako nang tuluyan. Mag-a-alas tres na ng hapon kaya nag-a-alarm na aking tiyan.

Pagkatapos naming mag-usap kanina ng amo ko ay nag-walk out ako. Hindi ko na alam kung nasaan siya. Pagbalik ko kasi roon ay wala na siya.

Baka pumasok sa library.

Nasa baba naman ang opisina niya pero lagi lang siyang sa library nakatambay.

Malapit na ako sa huling baitang ng hagdan nang namataan ko sina Milagros, Susana, at Dionesa na nag-aayos ng mga regalo sa ilalim ng Christmas tree.

Napabuntonghininga ako nang maalala kong hindi pa pala ako nakapagpaalam na uuwi ako sa bisperas ng Pasko. Gusto ko kasing makasama sina Mama. Parang ang lungkot kasi na magkalayo kami ngayong taon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nalayo ako sa kanila kaya hindi ko lubos-maisip kung paano ko palilipasin ang Pasko na hindi sila kasama.

Ang mabuti pa siguro ay kausapin ko si Nanay Sol para tulungan niya akong magpaalam.

"Hep! Hep! Saan ka pupunta?"

Natigil ang aking paghakbang patungong kusina nang magulantang ako sa boses ni Milagros. My eyes grew wide when they appeared in front of me in just a snap.

"Akala mo ba maiiwasan mo kami?" nakataas-kilay na untag ni Susana, ngunit may naglalarong ngiting-aso sa kani-kanilang mga labi.

Umirap ako. "Sa kusina, nagugutom ako."

"Ay, bakit ngayon mo lang sinabi? Halika na sa kusina, Senyorita, pagsisilbihan ka namin." Si Milagros, iminostra pa niya ang daan papuntang dining. Pinanlakihan ko sila ng aking mga mata.

"Tigilan n'yo ako!"

I walked past them. Wala akong balak na makipagbiruan sa kanila dahil gutom ako.

Dire-diretso ako sa kusina ngunit nauna sila sa akin.

"Senyorita, sa komedor na po kayo kumain. Ipaghahain ka namin," ani Dionesa.

Sinamaan ko silang tatlo ng tingin. "Anong drama 'yan? Nagugutom ako, huwag n'yo akong asarin, please?"

"Hindi ka namin inaasar, Senyorita. Pinagsisilbihan namin kayo," nangingiting sabat naman ni Susana.

Inikutan ko sila ng mata saka kinuha ang plato sa kamay ni Milagros. Naupo ako sa tapat ng lamesa dahil may nakahain na. Natatakpan nga lang.

"Ay, Senyorita, iinitin po muna namin ang—"

"Tigil-tigilan n'yo nga akong tatlo. Sanay ako sa malamig na kanin at ulam dahil lagi ako nagbabaon noong nag-aaral pa ako."

Nagsimula akong kumain. May kare-kare pa naman natatakpan. Mukhang may kumain ngayon-ngayon lang.

Humagikhik silang tatlo. Parang mga timang lang.

Naupo sila sa katapat kong upuan.

"Oh? Kakain din kayo?" untag ko. Ngunit imbis na sagutin ang aking tanong ay kanya-kanya silang ngiti sa akin na parang mga tanga talaga.

"Oo na, sige na. Alam kong may tanong kayo." Umismid ako. Hindi talaga nila ako titigilan hangga't hindi nila ako napapaamin.

Tumili si Milagros sabay hampas kay Susana sa braso. Napailing ako. "Hindi mo ba kami tatanungin kung nasaan si Senyorito?" aniya. Kinunutan ko siya.

"Bakit ko naman siya hahanapin sa sarili niyang pamamahay?" nakataas-kilay na balik-tanong ko sabay subo ng pagkain.

"Eh, siyempre gano'n dapat ang magkasintahan, 'di ba? Kapag hindi n'yo nakikita ang isa't isa, dapat hanapin n'yo." Si Susana.

Ngumuya muna ako at lumunok bago sumagot. I wonder kung nasaan si Nanay Sol. Kung nandito siya'y hindi siguro makaporma ang tatlong makukulit na ito.

"Required bang hanapin ang boyfriend kapag nawawala?"

"Oo!" sabay-sabay nilang tugon, may kasama pang tango.

I snorted. "So, totoo ngang kayo na ni Senyorito? At hindi kami nagkamali ng pandinig kanina? Kailan pa naging kayo? Bakit gano'n ang sinabi ni Senyorito? Bakit sabi niya matagal nang naging kayo?"

Napatigil ako sa pagsubo dahil sa sunod-sunod na tanong nilang tatlo. Tingin ko'y wala na akong magagawa ngayong kinukulit nila ako. Tiyak kasi na hindi nila ako titigilan ngayong nalaman na nila ang totoo.

I shrugged my shoulders. "Bago pa man ako napadpad dito ay matagal ko nang kilala si Senyorito," panimula ko.

Sinimulan ko ang pagkukuwento mula sa unang araw naming pagkakakilala. Sa panliligaw niya sa akin. Sa paghatid niya sa akin sa eskuwelahan araw-araw.

Hindi pa rin ako makapaniwala na sa isang iglap ay nagkabalikan kami. Para lang akong nananaginip. Ngunit kahit tumututol ang aking isip ay hindi ko maikakailang masaya ang puso ko ngayong nagkabalikan kami.

Ikinuwento ko rin sa kanila kung paano ako napadpad rito, at kung bakit ako napilitang lumuwas ng Negros. Taimtim silang nakikinig sa akin. Mga tsismosa talaga.

"Ang ibig mong sabihin ay wala kang ideya na haciendero talaga si Senyorito?"

Mapait akong tumango sa tanong ni Dionesa. At gano'n pala kahiwaga ang pag-ibig, kahit hindi mo siya lubusang kilala, kapag tumibok ang puso mo para sa taong iyon ay wala ka nang magagawa.

"Nakakaloka pala si Senyorito, hindi man lang nag-chika sa 'yo tungkol sa pagkatao niya," bulalas ni Dionesa.

"Pero bakit kayo nagkahiwalay?" tanong ni Milagros.

Umiling ako. Ayaw kong idetalye sa kanila ang dahilan kung bakit kami nagkahiwalay noon. Masyadong madrama ang nakaraan at ayaw kong mahusgahan ang pamilya ko sapagkat hindi nila maiintindihan kung saan nanggagaling ang galit ni Papa.

"Ayaw ko nang balikan ang mga pangyayaring iyon. Pasensya na kayong tatlo."

Tumango naman sila na tila nauunawaan ang saloobin ko. Nakahinga ako nang maluwag.

"Hindi bale na, basta ang mahalaga, para kay Senyorito ay hindi kayo nagkahiwalay at mahal na mahal ka pa rin niya!" kinikilig na untag ni Susana.

"Tama! Kaya pala noong unang dumating si Senyorito rito ay sumama ang pakiramdam mo," untag ni Milagros. Napangiwi ako.

"At kaya pala pinalipat ka niya ng kuwarto sa taas. Sa katabi pa ng kuwarto niya!" si Dionesa.

"Kaya pala hindi rin siya tumuloy ng Iloilo at nagkapalitan sila ni Senyorito Gaston!" si Susana ulit.

"Kaya pala gano'n na lang siyang mag-alala sa 'yo!" si Milagros na naman.

"At kaya pala lagi ka niyang tinititigan nang hindi mo alam!" hirit ulit ni Dionesa.

Napatakip ako ng tainga nang sabay-sabay silang tumili sa kilig. Napairap ako. Mga loka-loka talaga.

"Ano'ng nangyayari?"

Napabaling ang aming atensyon sa pinto ng kusina mula sa labas. Humahangos na pumasok si Nanay Sol.

"Ay, he-he-he..." Awkward na tumawa ang tatlo sabay nag-peace sign.

"Bakit ba kayo nagtitilihan? Ano'ng nangyayari sa inyo?"

"W—wala po, Nay Sol. Nagkukuwentuhan lang ho kami." Si Milagros ang sumagot.

"Nagkukuwentuhan pero nagtitili kayo riyan. Tapos na ba kayong magbalot ng mga regalo n'yo?"

"He-he-he..." Napakamot ng kanyang ulo si Susana. Sabi na nga ba, iniwan nila ang kanilang mga ginagawa para lang kumalap ng tsismis.

"Sige, Zia Lynn. Mamaya ulit," ani Milagros. Sabay tayo. Sumunod na rin sina Susana at Dionesa.

Nakahinga ako nang maluwag dahil nakaligtas ako kahit papaano sa napakarami nilang tanong. Pati ako ay maloloka na rin sa kanila.

"Naku, kayong tatlo tigil-tigilan n'yo na si Zia Lynn. Kapag kayo mahuli ni Senyorito na inaabala n'yo siya sa pagkain niya—"

"Hindi po namin siya inaabala, Nay. Ipinaghain pa nga namin, eh." Humirit pa talaga si Milagros.

"Tumigil na kayong tatlo at magsibalik na kayo sa mga ginagawa ninyo."

"Babalik na nga po, Nay!"

Naiiling akong sinundan sila ng tingin habang pabaling ng sala. Iniwan talaga nila ang kanilang ginagawa para lang makahagilap ng tsismis. Ang kukulit talaga.

"Ikaw naman, bakit ngayon ka lang bumaba para kumain?" pagkuwa'y usisa ni Nanay Sol. Pakiramdam ko'y nanlaki ang aking mga tainga. Akala ko'y ligtas na ako sa intriga.

"Nakatulog ako, Nay, eh."

"Mukha nga, ilang beses kitang kinatok kanina, walang sumasagot. Pati si Senyorito tiningnan ka sa kuwarto mo, tulog ka raw."

Napatigil ako sa pagsubo. Pumasok na naman ang lalaking 'yon sa kuwarto ko nang hindi ko namamalayan?

"Hindi ko ho napansin, napasarap ang tulog ko, Nay. Pasensya na ho."

"Ano ba kasi ang pinagpupuyatan mo kapag gabi at inantok ka?"

Katawagan ko kasi si Divina kagabi. Nakitsismis na naman ang loka-loka ng development daw ng love life ko. Siya nga hindi nagkukuwento ng kanya.

"Wala naman ho, Nay. Katawagan ko lang si Divina at Zabelle."

Sinungaling din. Ang totoo kasi niyan ay hindi ako nakatulog nang maayos sa kaiisip kung kailan uuwi ang aming amo. Pero hindi ko inaasahan na bubulaga siya kanina.

"Naku, kung makapagbabad kayo sa telepono parang nasa abroad ka. Pero nandito ka lang naman."

"Alam mo naman, Nay, first time kong nalayo sa kanila. Balak ko nga hong magpaalam kung puwede uuwi po ako sa bisperas ng Pasko. Puwede ho ba? Gusto ko ho sanang makasama ang pamilya ko."

Natigilan si Nanay Sol sa pagbubukas ng refrigerator.

"Aba'y kung sa akin, ayos lang naman. Pero bakit sa akin ka nagpapaalam? Nasambit mo na ba 'yan sa nobyo mo?"

Napangiwi ako sabay lunok ng aking nginunguya. Alanganin akong umiling sa tanong ni Nanay Sol. Ang awkward na sa isang iglap ay "nobyo" ko na agad ang tukoy nila kay Senyorito. Samantalang ako, pakiramdam ko'y nanaginip pa rin ako. Ang bilis ng pangyayari.

"Aba'y bakit hindi mo pa sinasabi sa kanya? Ilang araw na lang Pasko na. Naku, umuwi pa naman iyon dahil gusto ka niyang makasama sa Pasko. Tapos may balak ka palang umuwi ng Iloilo."

Nakagat ko ang aking ibabang labi. Ngayon ko lang naalala ang sinabi niya kanina. Umuwi siya rito kahit ayaw sumama ng kanyang kapatid. Mas pinili niyang makasama ako.

"Uhm, kasi ano, Nay." Napainom ako ng tubig dahil hindi ko alam ang aking sasabihin.

Lumapit si Nanay Sol sa lamesa saka humila ng upuan sa katapat ko.

"Alam mo ba natutuwa ako na pagkatapos ng ilang taon ay naisipang pumirmi ng batang iyon dito sa hacienda. Pare-pareho silang tatlong magkakapatid, hindi na kasi sila nagkikita-kita. Simula nang mawala ang kanilang mga magulang hindi na nagsi-celebrate ng mga importanteng mga okasyon ang mga iyon. Madalas nagpapabili lang ng mga regalo sa tauhan nila para sa mga trabahador at para sa amin."

Napaiwas ako ng tingin kay Nanay Sol nang kinuha niya ang kanang kamay ko.

"Hija, alam mo ba pagkatapos ng ilang taon, ngayon ko lang ulit nasaksihang ngumiti at tumawa ang batang iyon. Kahit nga birthday niyon parang ordinaryong araw lang para sa kanya. Hindi ko alam kung saan 'yon nagsusuot sa tuwing birthday niya o sa tuwing Pasko."

That rendered me silent. Sa loob ng dalawang taon na naging kami ay wala rin akong ideya kung paano nagpa-Pasko si Timothy Hugh. Hindi rin naman kasi puwedeng magkasama kami dahil nasa bahay lang ako, kasama ng aking pamilya. Sikreto lang ang relasyon namin kaya madalas din ay hindi kami magkasama sa mga mahahalagang okasyon.

"Nay Sol, kasi ano—"

"Alam mo ba, ang saya-saya niya kanina habang nagkukuwento tungkol sa relasyon ninyong dalawa! Nakikita ko na ulit ang kinang sa mga mata niya. Batang 'yon talaga, kaya madalang na lang siyang umuwi noong nagpunta siya ng Iloilo, dahil nakilala ka pala niya."

Namilog ang aking mga mata.

"Nay Sol—"

"Alam ko na ang lahat, anak. Inamin na niya sa akin lahat ng nangyari sa relasyon ninyong dalawa habang tulog ka kanina. Naku, sana pati sina Gaston at David, magsiuwi rin dito at magdala ng magandang balita. Hindi puro trabaho o pag-aaral lang ang inaatupag. Wala nang ibang tao ang napipirme rito kundi kami lang at mga tauhan ng hacienda."

Alanganin akong ngumiti kay Nanay Sol. Akala ko sina Milagros lang ang mahilig sa chika. Mas malala pa pala siya.

"Uhm, wala ho ba silang mga pinsan, tiyuhin o tiyahin?"

"Meron naman, pero kasi sa kanilang ama ipinamana ng kanilang yumaong lolo ang ari-arian. Iyong tiyuhin nila namatay na rin. Nag-iisa lang ang tiyuhin nila. Pero sa Maynila ang kanyang pamilya. Doon din ang kanilang mga pinsan. Duda akong interesado sila sa hacienda na 'to. May kani-kaniyang negosyo naman ang mga iyon sa ciudad."

"Kaya noong namatay ang Don at Donya, halos napabayaan na itong hacienda. Pasalamat na lamang kami kung bibisitahin nila kami ng tatlong beses sa isang taon. Sa mga tauhan lang nila ipinagkakatiwala ang pagpapatakbo nito."

Kaya pala noong una ang sabi sa akin nina Milagros, kahit mataas na ang sikat ng araw sila gigising ay walang magagalit. Dahil wala naman talaga silang among pagsisilbihan.

"Gano'n ho ba, Nay?"

Pinakatitigan ako ni Nanay Sol.

"Hindi mo alam, ano? Itong si Timothy Hugh talaga, napakamalihim. Pinagsabihan ko nga siya kanina kasi hindi mo rin daw pala alam na anak siya ng haciendero. Kaya nagkagulatan kayong dalawa noong unang pagkikita ninyo rito. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit wala ka talagang ideya, hindi ba naikuwento sa 'yo ni Divina ang tungkol sa magiging amo mo?"

Mabilis akong umiling. Naikuwento lang sa akin ni Divina na sa isang hacienda namamasukan si Nanay Sol pero kailanman ay wala siyang nabanggit tungkol sa pamilya Bustamante.

"Uhm, Nay Sol, matanong ko lang ho. Alam ho ba ni Divina na sa mga Bustamante kayo nagtatrabaho?"

"Aba'y, oo naman. Kilala nga niya ang magkakapatid kasi naipakita ko na sa litrato. Isa pa, noong high school pa lang siya nakapunta na siya rito. Bakit? Hindi ba niya nabanggit sa 'yo?"

My eyes grew even wider. Sinalakay ako ng magkahalong gulat at kaba.

Ang bruhang 'yon talaga! Ibig sabihin sinadya niyang pagtagpuin ang landas namin ni Timothy Hugh!

"Hindi ho, Nay."

"Kaya pala maging si Senyorito ay nagulat nang makita ka niya rito. Ang pamangkin kong iyon talaga, napakapilya! Malamang wala rin siyang ideya na ikaw ang inirekomendang kapalit ni Inday."

Naku, kapag nagkita kami ni Divina, sasabunutan ko talaga ang bruhang iyon. May pasabi pa siyang mag-move on na raw ako kay Hugh at kay Patrick na lang ako, pero siya pa ang naging daan para magtagpo ang aming mga landas!

"O siya, tapusin mo ang kinakain mo. Kanina ka pa nga hinihintay ni Senyorito na magising. Hindi pa iyon nanananghalian kasi sasabayan ka raw niya. Lumabas lang siya saglit, may tiningnan lang sa kuwadra. Pero siguradong pabalik na iyon. Samahan mo na lang siyang kumain pagkarating niya."

Natulala ako pagkatapos tumalilis paalis ni Nanay Sol. May bitbit siyang tray ng isang pitsel ng juice galing sa ref. Marahil ay ibibigay niya sa mga kuwardiya.

Mabilis kong tinapos ang aking pagkain. Kukunin ko ang cellphone ko sa kuwarto para matawagan si Divina. Lagot sa akin ang babaeng 'yon. Ang galing niyang magkunwari na wala siyang alam, iyon pala mastermind siya!

Pagkatapos kong hugasan ang plato ko'y nagtuloy-tuloy na ako sa sala. Malamang nagbabalot pa ng mga regalo sina Milagros dahil ang dami nilang pinamili.

"Mahal na mahal kita, Timothy. Hindi mo na ba naaalala, noong mga bata pa tayo madalas mo akong ipagtanggol sa mga umaaway sa akin? Sabi mo mahal mo ako."

"Raquel, stop it! You knew, I only said those words because we were friends."

Napatakip ako sa aking bibig nang maabutan ko si Raquel na pilit niyayapos si Senyorito. Maging sina Susana na kasalukuyang nagbabalot ng mga regalo ay napatulala sa kanilang nasaksihan.

"Pero mahal kita. Please, Timothy. Tayo ang dapat na magsama."

I gasped. Raquel is desperately trying to hug Timothy. Dahil sa pagsinghap ko'y napansin nila ang aking presensya.

Mabilis siyang itinulak ni Timothy palayo sa kanya.

"Love?"

Nanlaki ang kanyang mga mata saka mabilis na lumapit sa akin.

"Love, it's not what you think it is. Let me explain." Napailing ako dahil natataranta siya. Hindi ko naman siya hinuhusgahan.

I just gave him a weak smile. My heart bleeds for Raquel. Naiintindihan ko ang nararamdaman niya, at mas kailangan niya ng tulong dahil mahina siya. Her emotions have overpowered her.

"Love, please—"

"Hindi ako galit," mabilis kong putol sa sasabihin niya saka hinarap si Raquel na ngayon ay sobrang talim ng tingin sa akin.

Naramdaman ko ang kamay ni Timothy Hugh na pumulupot sa aking baywang. Siguro masasanay rin ako sa pagiging clingy niya.

"Raquel, puwede ba tayong mag-usap?" mahinahong tanong ko kay Raquel. Alam kong nasaktan ko siya nang matindi. Pinaniwala ko siyang wala akong pagtingin kay Hugh kaya alam kong umasa siyang matutugunan ang nararamdaman niya para dito.

"Para ano? Para paniwalain na naman ako sa mga kasinungalingan mo? Trayidor ka, Zia Lynn!" she blurted out. Napaiwas ako ng tingin nang makita ang mga luhang nagbabadya sa kanyang mga mata.

"Watch your words, Raquel!" Timothy warned. I gestured him to stop and let me talk to Raquel.

"Raquel, alam kong mahal mo siya dahil sa napakaraming rason. Patawarin mo sana ako kung nagsinungaling ako sa 'yo. Pero naniniwala akong makakahanap ka rin ng katulad niya na magmamahal sa 'yo nang lubos."

"Pero ayaw ko ng isang katulad lang niya, Zia Lynn! Gusto ko, siya mismo! Mahal ako ni Timothy. Sadyang epal ka lang talaga! Sinungaling kang trayidor ka!"

Napasinghap ako nang bigla niya akong sinugod nang sampal. Hindi ko iyon napaghandaan kaya't muntik na akong mabuwal sa aking kinatatayuan. Mabuti na lang at nakahawak sa baywang ko si Timothy.

"Raquel!" Hugh's voice thundered.

Nanlaki ang aking mata nang hinaklit siya niya si Raquel sa braso kaya agad akong sumaklolo.

"What the hell did you do?!" Nandidilim ang kanyang mukha at nakaigting ang kanyang mga bagang.

"Ouch! Timothy, nasasaktan ako—"

"Hugh, tama na!" Mabilis kong hinila ang kanyang kamay kahit wala naman na akong lakas.

Natauhan siya nang makita ang aking mukha. He let go of Raquel's arm then pulled me unto a hug.

"Are you okay, Love?" he asked as soon as he faced me. He planted a kiss on my forehead. There's a worried look on his face.

Napangiwi ako. "A—ayos lang."

Raquel grimaced. "Pagbabayaran mo 'to, Zia Lynn!" she shouted before walking out.

Mahabang katahimikan ang namayani. Nang lingunin ko ang tatlong Maria sa ilalim ng Christmas tree ay pawang nakangiting tagumpay ang mga ito.

"I'm sorry, you shouldn't have seen that. I will talk to Raquel."

Mahina lang akong umiling. "Hayaan mo muna si Raquel. Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng galit niya sa akin. She needs time to pull herself together."

"You make me fall for you even harder, Love..." he blurted out. Agad akong humiwalay sa pagkakayapos niya nang mapagtanto ko ang mga malilisyosang mga matang nakatingin sa amin.

Ang tres Maria's sa ilalim ng Christmas tree tuwang-tuwa sa kanilang nakikita!

"Uhm, kumain ka na sa kusina. Sabi ni Nanay Sol, hindi ka pa raw kumakain," mahinang untag ko. Hindi nakatingin sa kanya.

"Yeah, right. I was waiting for you to wake up," he lovingly responded.

Hinila ko siya sa kusina para mailayo sa nanunuksong tingin nina Milagros. Puputaktehin na naman nila ako mamaya ng tukso.

Ipinaghila ko siya ng upuan para makaupo saka ininit ang ulam at kanin. Nakatingin lang siya sa bawat galaw ko. Kumuha na ako ng plato at inilagay sa harap niya.

I tried to calm my nerves. Natataranta na naman ang mga tuhod ko dahil nakasunod sa akin ang kanyang mga mata.

"I love this. Wifely duties look great on you, Love..." aniya na nagpakapos ng aking hininga.

Ang lapad-lapad ng kanyang ngiti. Na animo'y nanalo sa lotto.

Tinaasan ko siya ng kilay. "May hihingin kasi akong pabor sa 'yo. Puwede ba akong umuwi sa amin? Gusto kong makasama ang pamilya ko sa Pasko."

Nawala ang ngiti sa kanyang mukha.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top