Chapter 20
CHAPTER 20
PINANDILATAN ko sina Susana at Dionesa. Kanina pa nila ako pasimpleng sinusundot sa tagiliran sabay ngisi nang nakaloloko. Paano kasi kung makahawak sa akin itong magaling naming amo ay para niya akong asawa. Panay hawak niya sa akin sa kamay o 'di kaya sa baywang. Parang wala lang sa kanya na may kasama kaming dalawang tsismosang kasama sa bahay.
Lalo na noong papasok kami sa simbahan. Panay rin alalay niya sa akin mula pagkababa namin ng sasakyan hanggang sa pag-upo. Sa bandang unahan din kami nakapuwesto sa loob ng simbahan. Parang natural na natural lang sa kanya ang kanyang mga kilos, na animo'y hindi kami naghiwalay.
"Ang haba ng buhok mo, grabe!" mahina at pasimpleng bulong ni Dionesa. Siya kasi ang nasa tabi ko. Napapagitnaan nila ako ni Senyorito Timothy. Si Susana naman ay nasa tabi ni Dionesa.
Gusto ko mang sawayin ang dalawa ay tiyak na makukuha namin ang atensyon ng ibang tao. Kaya nagmanhid-manhidan na lamang ako at kunwaring hindi ako apektado sa kanilang panunukso.
I inhaled inwardly and focused my attention on the priest.
"Lord Jesus Christ, who said to Your Apostles: Peace I leave You, my peace I give You, look not on our sins, but on the faith of Your Church, and graciously grant her peace and unity in accordance with Your will...Who live and reign for ever and ever..."
"Amen..." I uttered.
Nakahinga ako nang maluwag nang medyo kumalma naman sina Dionesa. Marahil ay napansin nilang medyo hindi ko na nagugustuhan ang kanilang ginagawa. Nasa loob pa naman kami ng simbahan.
"The peace of the Lord be with you always."
"...and with your spirit," sabay-sabay naming tugon sa sinabi ng pari.
"Brothers and sisters, let us offer each other the sign of peace."
Agad akong bumaling kina Dionesa. Malapad ang ngiti nito.
"Peace be with you, Zia Lynn," aniya. Tumango ako at ngumiti. Alam ko naman na may ibang kahulugan ang kanyang ngiti ngunit isinantabi ko muna.
"Peace be with you." Gano'n din ang ginawa ko kay Susana.
"Peace be with you, Senyorito..." sabay nilang sabi sa aming amo.
"Peace be with you," rinig kong tugon ni Senyorito. Nag-alangan akong harapin siya ngunit naisip kong baka kung anong isipin niya.
"Peace be with you, Senyo—"
Nagulat ako nang mabilis niya akong kinintalan ng halik sa pisngi kaya't namilog ang aking mga mata. Rinig ko ang mahinang paghagikhik nina Dionesa kaya sigurado akong nakita nila iyon!
"Peace be with you, Love..." mahinang bulong niya, sapat lang upang marinig ko. Nanindig ang aking mga balahibo. Mabuti na lamang at abala ang mga ibang tao sa pagbati sa kani-kanilang mga katabi. Kumu-quota na talaga itong si Timothy Hugh sa akin!
Mabuti na lamang at patapos na rin ang misa. Nauna akong pumila sa communion para makalma ko ang aking sarili. Nakakahiya na ganito ang nangyayari gayong nasa simbahan kami.
Nang makalabas na kami sa simbahan nauna akong nagmartsa papuntang sasakyan. Kung puwede nga lang umuwing mag-isa ay gagawin ko. Kaya lang hindi pa ako marunong bumiyaheng mag-isa dahil hindi ko pa naman kabisado ang Negros Occidental.
"Zia Lynn, hintay! Para ka namang nanay na may naghihintay na limang anak sa bahay kung makalakad," puna ni Susana.
Hindi ako umimik, bagkus ay humalikipkip ako't naghintay sa aming amo na makarating sa sasakyan. Pinatunog niya ito gamit ang susi.
Balak kong sa backseat na umupo ngunit pagkabukas na pagkabukas ni Senyorito ng sasakyan ay nakipag-unahan ang dalawang makapasok sa loob. Napaawang ako't napakamot na lamang ng ulo.
"Sa harap ka, Zia. Ano ka ba?" Si Dionesa.
Napabaling ako sa aming amo nang pinagbuksan niya ako ng pinto. Napipilitang sumakay na lamang ako ngunit todo-alalay rin siya sa akin papasok para hindi ako mauntog. Panay hagikhik na naman tuloy ang dalawa sa likod.
Pinanlisikan ko sila nang umikot sa sasakyan ang Senyorito saka pumasok sa driver's seat. Ngunit parang wala lang sa kanila. Lalo pa nila akong tinutukso sa pamamagitan ng nakalolokong ngiti. Buti na lamang at hindi namin kasama si Milagros, mas malala pa naman ang isang iyon.
"Ayi! Alam mo, Senyorito, bagay na bagay kayong dalawa ni Zia Lynn. Gagandang lahi. Sana kunin n'yo akong Yaya ng magiging anak ninyo," ani Susana.
A loud gasp escaped my mouth. Pagkatapos ay napaawang ako.
"Susana!" singhal ko sa kanya. Ngunit ngiting-aso lamang ang itinugon niya sabay peace-sign ng kanyang dalawang daliri.
"Tumpak!" sang-ayon naman ni Dionesa.
Gusto ko na lamang lumubog sa aking kinauupuan.
"Tigilan n'yo 'yan. Hindi na kayo nakatutuwa!" babala ko ngunit tumawa lang silang dalawa. At nag-high five pa.
"Susana, how much is your monthly salary, again?" biglang tanong ng aming amo habang nagkakabit ng seatbelt. Sarili niyang kasambahay pero hindi niya alam ang pasahod. Pambihira!
"Thirty-thousand po, Senyorito. Bakit ho?" kunot-noo namang tanong ni Susana. Biglang sumeryoso ang kanilang mukha at kinabahan. Seryoso kasi ang tanong ng aming amo.
Bago pa niya maisipang ikabit ang seatbelt ko ay ginawa ko na iyon pagkapasok na pagkapasok ko. Kanina kasing paalis sa mansyon ay siya pa ang nagkabit sa akin nito, bagay na lalong ikinatuwa ng dalawang babae sa likod.
"Remind me to give you a raise on the next pay-out," sagot ng aming amo. Namilog si Susana.
"Seryoso, Senyorito? Kahit na kakataas lang ng sahod ko noong nakaraang buwan?" hindi makapaniwalang untag ni Susana. Maging si Dionesa ay napaawang.
"Well, not just you. For Dionesa as well. Both of you deserve a raise," nakangiting tugon ni Senyorito.
Nalaglag ang aking panga nang magtilihan ang dalawa.
"Totoo ba 'yon, Senyorito?!" Si Dionesa.
"I will inform Nanay Sol later." Kinindatan sila ng aming amo kaya't muli silang nagtilihan.
Masaya naman ako para sa kanilang dalawa. Hindi rin ako makapaniwalang gano'n na pala kalaki ang kanilang sahod. Mas mataas pa sa sahod ng mga nag-oopisina sa Iloilo. Given na may insurance pa sila.
"Grabe! Napakabait n'yo talaga, Senyorito! Maraming salamat po talaga. Tamang-tama kasi magpapasko na!"
Tatlong linggo na lang kasi ay Pasko na nga. Kaya siguro nagbigay ng dagdag sahod ang aming amo. Tama nga iyong sinabi sa akin ni Milagros na kapag umabot ka na ng anim na buwan ay may dagdag na ang sahod, liban pa sa yearly increase.
"Sayang, 'no? Sana pala kaninang umaga na lang tayo nagsimba para may oras pa sana tayong gumala sa mall. Para naman makagala rito si Zia Lynn," biglang sabi ni Dionesa.
Umiling ako. "Hindi na siguro. Pagod na rin kasi ako. Mas gusto kong magpahinga."
Kaya ko pa naman maglibot-libot, sa totoo lang. Kaya lang hindi ko na kayang tiisin ang panunukso nilang dalawa. Gusto ko nang umuwi at magkulong sa kuwarto.
"Maybe we can do that next time," ani Senyorito sabay sulyap sa akin.
Iniwas ko ang aking tingin saka nagkunwaring abala ako sa kakatingin sa labas ng bintana ng kotse. Mahigit isang oras din ang biyahe namin papuntang Murcia kaya nakakahiya na rin sa aming amo na magpasama pa sa kanya sa paggala.
Sumagi sa aking isip ang pamilya ko sa Iloilo. Kung saka-sakali ay ito ang kauna-unahang Pasko na hindi ko sila makakasama. Hindi ko maiwasang malungkot. Sana ay masaya sila kahit hindi kami kumpleto sa araw na iyon.
Ipinirmi ko ang aking paningin sa labas ng bintana nang maramdaman ko ang panaka-nakang titig sa akin ng aming amo. Ayaw ko rin namang kausapin ang dalawa sa likod dahil aasarin lang nila ako.
Sa kamamasid ko sa labas ng bintana ng kotse ay hindi ko namalayang nakatulog pala ako.
Naalimpungatan ako nang maramdaman kong tila nakalutang ako sa ere. Kinusot ko ang aking mga mata bago dumilat. Muli akong pumikit at dumilat para kumpirmahin kung tama ba ang nakikita ko.
Buhat-buhat ako ng aming amo!
"Senyorito!" sansala ko. Akmang bababa ako nang mapansin kong binabaybay niya na ang hagdan pataas. Nandito na kami agad sa mansyon nang hindi ko namamalayan!
"Stay still, Love..." aniya.
Pinihit niya ang pinto ng aking silid saka itinulak gamit ang kanyang paa. Naalala ko sina Susana. Ni hindi man lang nila ako ginising nang makarating kami ng hacienda. At saka isa pa itong amo namin, mas pinili pang buhatin ako na parang bago kaming kasal kaysa gisingin ako. E 'di sana matiwasay ang buhay naming lahat.
Marahan niya akong inihiga sa kama saka umupo kaya lumundo ito. Sumulyap ako sa orasan. Pasado alas siete na ng gabi. Mahigit isang oras din pala akong nakatulog.
Bumangon ako saka diretsong bumaba sa kama.
"Hindi n'yo na ho dapat ginawa iyon. Pasensya na, nakatulog ako," mahinang sambit ko. Nakasunod sa akin ang kanyang mga mata.
"That's exactly why I had to carry you upstairs. You were sleeping peacefully and I'm not that heartless to wake you up," he countered.
Hindi ako umimik. Humarap ako sa terasa.
"Anyway, you might be hungry. Paakyatan kita ng pagkain dito."
Namilog ako kaya't bigla akong napaharap sa kanya. Nakaupo pa rin siya sa kama.
"What?"
He raised his brow while giving me a mukha-ba-akong-nagbibiro look on his face. Ano na lang ang iisipin ng mga kasama namin dito sa bahay?
"Sa baba na ho ako kakain. Isa pa, hindi naman ako nagugutom. Mamaya na ho ako kakain."
Nakahinga ako nang maluwag nang tumayo na siya. "I will just change clothes. Sasabayan kitang kumain," aniya.
Napaawang na naman ako sa kanya. Mukhang seryoso talaga siya sinabi niya sa akin kaninang umaga na gagawin niya ang lahat para bumigay ako. Parang hindi ko na tuloy alam kung kakayanin ko pang magtagal dito gayong araw-araw ko siyang makakaharap.
Nasundan ko ng tingin ang paglabas niya ng kuwarto.
Napabuga ako ng hangin. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa aming amo.
Dali-dali akong nagbihis ng damit saka bumaba na sa kusina. Mamaya na lang ako mag-shower pagkatapos kumain.
"Oh, nandito na ang future amo natin," bungad sa akin ni Milagros pagkarating ko ng komedor. Kinunutan ko siya ng noo. Nakaupo na silang lahat at mukhang naghihintay na lang sa aming amo.
"Ano'ng pinagsasabi mo diyan, Milagros?"
Naupo ako sa dati kong puwesto.
"Sus, huwag ka nang magkaila. Naikuwento na sa akin nina Susana ang lahat," nakangising untag niya. Pinandilatan ko ang dalawang tsismosa na ngayong nakangiting-aso sa akin.
"Tigilan n'yo na 'yan at tawagin mo na si Senyorito sa itaas, Milagros," saway ni Nanay Sol.
"Nanay Sol talaga, parang hindi ka kinilig kanina no'ng binuhat ni Senyorito si Zia Lynn. Grabe! Ang haba talaga ng buhok mo, girl! Gigisingin ka na sana namin pero sinaway kami ni Senyorito," untag naman ni Dionesa.
Pati si Nanay Sol ay nakangiti na rin nang sulyapan ko siya. Ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi.
"Nanliligaw ba si Senyorito Timothy sa 'yo, Zia Lynn? Tapatin mo nga kami," biglang tanong ni Nanay Sol na siyang ikinabigla ko. Napatakip ako ng aking bibig.
"Nay Sol! Pati ba naman kayo?"
"H—hindi ho."
Sunod-sunod akong umiling. Ngunit patay-malisya lang nila akong nginitian. Base sa kanilang mga ngiti ay tila may nalalaman sila.
Hanggang pagkain ay tampulan kami ng tukso. Iyong amo namin hindi man lang kumukontra. Panay pa ang ngiti niya na animo'y tuwang-tuwa sa nangyayari. Samantalang ako parang tatakbo na at magtatago. Hindi ko maintindihan ngunit nahihiya ako.
Kinaumagahan ay walang bahid ng presensya ng aming amo ang mga silid sa itaas kaya nakahinga ako nang maluwag.
Pagkababa ko ay naabutan ko sina Ismael na nagkakabit ng mg Christmas lights sa sala hanggang sa foyer. Mayroon na ring mga nakakabit sa gilid ng hawakan ng hagdan.
"Good morning, Senyorita!" bungad sa akin ni Milagros pagkapasok na pagkapasok ko ng kusina.
"Maaga pa para mang-asar," untag ko sabay kuha ng mug. Magkakape kasi ako.
"Sus, dapat masanay ka na kasi doon na rin naman papunta." Humagikhik siya. Pinanlakihan ko siya ng mga mata.
"Please lang, Milagros."
Buong araw ko na naman yata titiisin ang kanilang panunukso.
"Alam mo, sa lahat ng tinutukso kay Senyorito, ikaw lang ang naaasar. Siguro kung si Raquel ang tutuksuhin namin, naku gustong-gusto pa no'n. Baka nga maglumpasay pa 'yon sa tuwa," natatawang untag niya. Napangiwi ako.
"Tama! Pero siyempre malayong tuksuhin namin si Senyorito sa babaeng 'yon kasi impakta iyon, eh. At saka obvious naman na may gusto sa 'yo si Senyorito. Kung alam mo lang kung paano ka niya titigan. Lalo na kahapon. Shit! Nakakatunaw talaga!" tili ni Susana pagkapasok na pagkapasok niya ng kusina. Kasunod niya si Dionesa.
"Oo nga. Parang sinasabi ng mga mata niya na mahal na mahal ka niya. Grabe! Ang suwerte mo talaga, Zia Lynn! Sabi ko na nga ba may mabibihag ka rito sa hacienda. Akalain mo 'yon, 'yong mismong may-ari pa!" ani Susana.
Napaubo ako at muntik nang maibuga ang kapeng iniinom ko. Napatingin ako sa bungad ng pinto. Baka kasi bigla rin sumulpot ang aming amo at marinig ang kanilang pinag-uusapan.
"Ay, hinahanap niya!" tukso ni Milagros. Sinamaan ko siya ng tingin. Malapit na talaga akong mapikon sa kanila.
"Wala rito si Senyorito. Maagang nag-inspection sa buong hacienda," aniya.
"Hindi ko naman siya hinahanap," agarang tugon ko saka dire-diretsong nilagok ang kape.
Ang mabuti pa ay magsimula na akong maglinis sa itaas habang wala pa ang amo namin. At saka para matakasan ko na rin ang mga babaeng ito na walang ibang ginawa kundi ang asarin ako.
Pagkalagay ko ng mug sa lababo ay naramdaman kong nag-vibrate nag cellphone ko sa aking bulsa kaya agad ko iyong inilabas.
May text message galing kay Zabelle.
Ate, kapag hindi pa raw tayo magbayad ngayong buwan ay babawiin nila ang lupang tinatayuan ng ating bahay.
Sinalakay ako ng pangamba at natigilan. Napansin kong marami ring mga text akong natanggap mula pa kahapon. Ang mga kompanyang in-apply-an ko sa Iloilo noong nakaraan ay ngayon lang nagparamdam para magpaunlak ng interview. Binura ko na lamang dahil wala na rin namang kabuluhan. Nandito na ako sa Negros.
Lumabas ako saglit sa kusina saka dumiretso sa hardin. Tinunton ko ang gazebo.
Pagkarating ko roon ay agad kong tinawagan sina Mama.
Si Zabelle ang nakasagot ng tawag.
"Hello, Ate?"
"Zabelle, si Mama?" bungad ko.
"Nasa talipapa na Ate. Papasok na kami ni Zac."
"Pakisabi kay Mama na gagawan ko ng paraan iyong utang natin. Huwag na siyang mag-alala. Magpapadala ako kaagad kapag may nahiraman ako."
Nasapo ko ang aking noo. Isa lang ang paraang naiisip ko. Ngunit sa totoo lang ay nagdadalawang-isip ako. Nakakahiya namang bumale ng sahod gayong kasisimula ko pa lang magtrabaho rito.
"Naku, Ate, wala ngang balak si Mama na sabihin sa 'yo dahil ayaw niyang mag-alala ka. Pero hindi ko kasi matiis kaya sinabi ko sa 'yo."
Nangilid ang aking luha. Si Mama talaga, kahit hirap na hirap na sila, kapakanan ko pa rin ang kanilang iniisip.
"Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala. Mababayaran din natin ang utang. Gagawa ako ng paraan. Uutang ako sa amo ko."
"Sigurado ka ba, Ate?"
"Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala, Zabelle. Ingatan mo sina Mama riyan at sabihin mo agad sa akin kung may nangyayari."
"S—sige, ate."
Nasapo ko ang aking ulo nang maibaba ko ang tawag. Ang totoo'y hindi ako sigurado sa naiisip ko. Pero para sa pamilya ay kakapalan ko na lang ang aking mukha.
"Sabi ko na nga ba, dito kita matatagpuan."
Napalingon ako sa aking likod nang marinig ko ang pamilyar na boses.
"Raquel?"
Nanlilisik ang kanyang mga matang nakatingin sa akin. Agad kong inilagay ang cellphone sa loob ng aking bulsa.
"Raquel, anong ginaga—"
Napahawak ako sa aking pisngi nang ginawaran niya ako ng isang ng mainit na sampal.
"Walang hiya ka! Malandi ka! Mang-aagaw ka!"
Hindi pa man ako naka-recover sa sampal ay bigla niyang hinila ang aking buhok kaya't napaigik ako.
"Raquel, ano ba? Bitiwan mo ako. Nasasaktan ako!"
"Kulang pa 'yan sa panlalandi mo kay Hugh. Akala mo ba hindi ko kayo nakita kahapon? Kaya pala ayaw niyang sumama sa akin dahil nilalandi mo siya!"
"Raquel. Aww!"
Napahiyaw ako sa sakit ng aking anit.
"Hoy, bruhildang Raquel! Bitiwan mo si Zia Lynn!" rinig kong sigaw ni Milagros.
Napahawak ako sa aking buhok. "Bitiwan mo sabi si Zia Lynn, eh!"
Nakahinga ako nang maluwag nang binitiwan na ako ni Raquel, ngunit nanlaki ang aking mga mata nang makitang sinasabunutan na ito ni Milagros kaya agad ko siyang inawat.
"Milagros, tama na."
Hinawakan ko siya sa kamay.
"Bruhilda ka! Ano'ng kasalanan sa 'yo ni Zia Lynn para sabunutan siya, ha?"
Nanlisik ang kanilang tingin sa isa't isa. Hinawakan ko kaagad si Milagros nang akmang susugurin niya ulit si Raquel.
"Tama na," awat ko.
"Naku, Zia Lynn! Huwag mo akong pigilan dahil nanggigigil ako sa babaeng 'yan!" Dinuro ni Milagros si Raquel. Hindi naman nagpatinag ang huli.
"Isa ka pa, Milagros! Bait-baitan ka sa harap ni Timothy pero sa loob din ang kulo mo!" ani Raquel.
"Talagang may kulo sa loob ko dahil matagal nang kumukulo ang dugo ko sa 'yong babaeng ka! Bruha ka! Kontrabida ka sa love life ni Zia Lynn at ng amo ko!" balik-singhal ni Milagros.
"Tara na, Milagros," awat ko.
Inayos ko ang aking sarili. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang aking daliri.
"Sumusobra ka na, Milagros!"
Nanlaki ang aking mga mata nang biglang hinila ni Raquel sa buhok si Milagros kaya agad ko siyang inawat. "Raquel, tama na!"
"Pikon na pikon na ako sa inyong lahat!" singhal ni Raquel. Napahiyaw si Milagros . Diyos ko! Baka makalbo siya ni Raquel!
Inipon ko ang aking lakas saka buong puwersang hinila si Raquel kaya't tumalik siya't nabunggo sa poste ng gazebo. Nakita ko agad ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang noo na siyang ikinagulat ko.
Iyon ang eksenang naabutan nina Nanay Sol at ng aming amo.
"What the hell is happening here?"
Dumagundong ang baritonong boses ni Senyorito Timothy.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top