Chapter 2
CHAPTER 2
"ROSENDO, tama na."
Hinawakan ako ni Mama sa braso saka itinago sa kanyang likod. Nanlilisik ang mga mata ni Papa sa galit kaya't hindi ko maiwasang matakot. May konsensyang kumurot sa aking puso dahil nagawa kong maglihim sa kanila.
Pero mahal ko si Timothy Hugh.
"Huwag mong konsentihin ang kalandian ng anak mo, Veronica! Kaya iyan nagiging suwail dahil kinakampihan mo!"
"Hindi ko siya kinakampihan, Rosendo. Ang akin lang, puwede mo naman siyang disiplinahin nang hindi sinisigawan. Puwede naman natin siyang pagsabihan. Dalaga na ang anak natin!"
Napayuko ako. Maging ang nakababata kong kapatid na si Zabelle ay napakislot sa lakas ng boses ni Papa. Ang isang katanungan pa sa isip ko ay kung paano nila nalaman ang tungkol sa amin ni Hugh.
"Iyon na nga, e. Dalaga na siya pero hindi nag-iisip! Nagpapakahirap ako sa paghihila ng lambat gabi-gabi para lang may maibentang isda at para makapag-aral siya pero ganito lang ang igaganti niya sa atin? Wala kang utang na loob, Zia!"
Doon na bumigay ang aking mga luha. Mali ba ako ng desisyon? Mali bang itinuloy ko pa rin ang pakikipagrelasyon kay Hugh kahit na tutol ang mga magulang ko?
"Papa, alam ko naman po ang ginagawa ko. Kahit nobyo ko si Hugh, hindi ko naman pinapabayaan ang pag-aaral ko."
"At talagang nangangatwiran ka pa? Ang talino mo pero napakabobo mo pagdating sa lalaki! Akala mo ba hindi ko alam na nakikipagrelasyon ka sa isang construction worker?"
Napatakip ako ng mukha. Hinaharangan pa rin ako ni Mama laban kay Papa.
"Nagpapakahirap kami ng Mama mo para hindi ninyo maranasan ang mga naranasan naming hirap, pagkatapos ganyan lang pala kababa ang pangarap mo, Zia! Ang makapag-asawa ng isang construction worker? Ano'ng ipapakain niya sa 'yo? Semento at mga bato? Ha? Iyan ba ang pangarap mo sa buhay?"
Wala akong ibang naisagot kundi iyak. May punto naman si Papa. Hindi ko siya masisisi kung gano'n kataas ang pangarap niya sa amin. Alam ko namang ginagawa niya ang lahat para magiging maganda ang kinabukasan namin.
Pero paano ko maipapaliwanag sa kanila na hindi balakid si Hugh sa pag-aaral ko? Paano ko ipagtatanggol ang lalaking walang ibang ginawa kundi ang mahalin ako? Paano ko ipangangatwiran sa kanila na si Hugh ang pinakatamang lalaki para sa akin?
"Rosendo, pakihinaan ng boses mo. Baka marinig tayo ng kapit-bahay," mahinang pakiusap ni Mama. Lalo akong nanlumo.
"At bakit? Hindi nga nahiya sa atin iyang anak mo nang makipagrelasyon siya sa isang hamak na construction worker!"
Nakagat ko na lang ang aking labi upang pigilan ang hikbing gustong kumawala sa aking lalamunan. Bumuntonghininga nang malalim si Mama.
"Hiwalayan mo ang lalaking iyon, Zia Lynn! Kung hindi, mananagot ka sa 'kin!"
Naestatwa ako sa aking kinatatayuan pagkatapos kong marinig ang sinabi ni Papa. Tila hinigop ang lahat ng aking lakas. Wala akong naimutawing salita. Maging ang aking lalamunan ay nagkaroon ng bikig.
Mama remained silent as well. Sa bahay ay si Papa ang batas. Kaya't batid kong kahit ipagtanggol ako ni Mama ay hindi pa rin siya pakikinggan ni Papa.
Pabalibag na isinara ni Papa ang pinto pagkatapos niyang lumabas ng bahay. Madalas ay hindi na namin siya nakakasalo sa hapag dahil pumupunta sila ng kaibigan niya sa laot para mangisda. Bagay na sumagi sa aking isip. Nakokonsensya ako.
"Magpalit ka na ng damit at ihanda n'yo na ni Zabelle ang hapag-kainan," mahinang sabi ni Mama. Nakita ko pa ang pasimple niyang pagpahid ng kanyang mga luha.
Naghahalo ang aking nararamdaman kaya't ilang segundo pa akong natulala sa kawalan. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan ang sinabi ni Papa ni hiwalayan ko si Hugh. Iniisip ko pa lamang ay tila paunti-unti akong pinapatay.
Hindi ko kaya.
Napahawak ako sa pendant ng kuwentas na nakasabit sa aking leeg. Hugh's face flashed in my mind. Paano ko hihiwalayan ang lalaking nagparamdam sa akin na sobrang halaga ko sa kanyang buhay?
Nanghihina akong pinahid ang aking mga luha. Zabelle stared at me with sympathy. Batid kong alam niyang nakikipagrelasyon ako kay Hugh pero hindi siya ang tipong magsusumbong sa aming mga magulang. Kung may balak siyang isumbong ay sana matagal niya nang ginawa. Madalas ay pinagtatakpan pa niya ako kina Papa.
"Zia!" untag ni Mama nang mapansin niyang hindi pa rin ako gumagalaw sa aking kinatatayuan.
I stepped slowly. Mabigat ang aking hakbang.
"Galit ka rin ba sa 'kin, Ma?" mahinang tanong ko. Umiwas ng tingin si Mama, hindi agad umimik.
"Salamat sa pagtatanggol mo sa akin, Ma."
"Hindi ibig sabihin na ipinagtanggol kita sa Papa mo ay pabor na ako sa pakikipagrelasyon mo sa construction worker na iyon. Mataas ang pangarap namin ng Papa mo para sa 'yo, Zia Lynn. Sana naman ipakita mo sa amin na may patutunguhan ang pagsasakripisyo namin, lalo na sa Papa mo."
Natigilan ako sa naimutawi ni Mama. Saglit kaming nagkatinginan ni Zabelle. Kahit saang anggulo tingnan pakiramdam ko ay nasa maling landas ako. Gusto kong magsalita at gusto kong ipagtanggol ang relasyon namin ni Hugh ngunit nabahag ang aking puso dahil sa konsensya. Pakiramdam ko'y nagiging pabigat ako sa kalooban nila Mama.
"I'm sorry, Ma." Sinubukan ko siyang hawakan ngunit naibaba ko rin ang aking kamay.
"Huwag kang mag-sorry sa akin, Zia Lynn. Hiwalayan mo ang lalaking iyon habang maaga pa. Huwag mong hintayin na umabot sa sukdulan ang pisi ng Papa mo."
Muling bumagsak ang malalaking butil ng luha sa aking mga mata. Nanghina ang aking mga tuhod, higit sa lahat ay aking puso.
Ano'ng gagawin ko?
Hindi ko nagawang sumagot kay Mama. Bagkus ay tumakbo ako sa kuwarto namin ni Zabelle at doon pinakawalan ang mas maraming mainit na butil mula sa aking mga mata. Nilunok ko ang bikig sa aking lalamunan para hindi nila marinig ang tahimik kong pag-iyak.
Pumasok si Zabelle at inalo ako.
"Ate, may nakakita raw sa inyo ni Kuya Hugh sa dalampasigan na nag-uusap. Pasensya ka na, wala akong nagawa para—"
"Huwag mo nang isipin iyon, Zabelle. Wala kang kasalanan. Basta tandaan mo, huwag kang tutulad sa akin, ha? Fifteen ka na. At alam kong naiintindihan mo itong nararamdaman ko. Kapag dumating ka na sa puntong iibig ka kagaya ko, hangga't kaya mong pigilan ang sarili mo, pigilan mo. Unahin mo lagi ang pangarap nina Papa para sa atin."
Marahang tumango ang kapatid ko sa aking sinabi.
"Huwag kang mag-alala, Ate, wala naman akong balak mag-boyfriend hangga't nag-aaral pa ako."
Napangiti ako sa gitna ng pagluha. Mabuti pa si Zabelle hindi niya nararamdaman itong nararamdaman ko. Napakahirap magdesisyon sapagkat mismong sarili ko ang aking kalaban. Sobrang mahal ko si Hugh para hiwalayan siya.
Ngunit kailangan kong magdesisyon.
Gulong-gulo ang aking utak. Pakiramdam ko'y pinapapili ako sa dalawang lagusan na magdidikta ng aking kinabukasan. Kung ipagpapatuloy ko ang relasyon namin ni Hugh ay tiyak na malalaman at malalaman ni Papa, ngayon pang natuklasan niya na, lalo siyang maghihigpit sa bawat galaw ko. Kung hihiwalayan ko naman si Hugh ay hindi ko rin alam kung paano.
Magdamag akong nakatulala sa bubong ng bahay. Kahit anong pigil ko sa aking mga mata ay hindi ko mapigil ang sariling lumuha. Ayaw kong makikita ako ni Papa na mugto ang mga mata kinabukasan.
Pumasok ako sa eskuwelahan nang halos wala sa aking sarili. Sa susunod na linggo ay semestral break na namin. Mabuti na lamang at tapos na ang final exams bago nangyari ang pangyayari kagabi, kung hindi ay hindi ko alam kung masasagutan ko nang tama ang pagsusulit.
"Zia Lynn!"
Inagahan kong pumasok para hindi kami magkasalubong ni Papa sa loob ng bahay. Alam kong tulog pa siya bago ako umalis. Ginabi na siyang umuwi kagabi. Hindi pa ako handang harapin siya pagkatapos ng nangyari kahapon.
"Zia Lynn Acosta!"
Napakislot ako nang biglang may sumundot sa aking tagiliran. Muntik ko nang masinghalan ang salarin kung hindi ko lamang ito nakilala.
"Divina naman! Huwag ka ngang manggugulat nang gano'n," singhal ko sa kanya. Inikutan niya lamang ako ng mga mata.
Kaklase ko si Divina mula pa noong high school kaya naging matalik ko na siyang kaibigan. Pareho rin kami ng kursong kinuha kaya hanggang magkolehiyo kami ay kaklase ko pa rin siya.
"Hello? Kanina pa kaya kita tinatawag. Aba, 'te! Ni hindi ka man lang lumingon. Bingi-bingihan ang peg! Nakatulala ka pa habang naglalakad. Ano'ng drama 'yan? Anniversary ninyo kahapon ng jowa mo, 'di ba? May nangyari bang hindi maganda kaya sambakol 'yang mukha mo?" sunod-sunod niyang tanong.
Bumuntonghininga ako at ipinagpatuloy ang aking paglalakad. Didiretso ako sa library para magpapirma ng clearance sa university librarian.
"Grabe! Parang hindi ko yata kayang sisirin ang lalim ng buntonghininga mo, Inday Zia Lynn! Ano? Magkuwento ka nga. Ano'ng nangyari?" pangungulit ni Divina. Hinarangan niya ako sa aking daanan habang naglalakad siya nang paatras.
"Wala," maikling sagot ko. Pinandilatan niya ako ng kanyang mga mata.
"Wala? Sigurado ka? Eh, paano mo ipapaliwang 'yang mukha mong parang namatayan? Sa akin ka pa talaga maglilihim? Halika nga muna. Mamaya na tayo magpapirma ng clearance."
Hindi na ako nakaangal nang hinila ako ni Divina papunta sa isang bench. Pinaupo pa niya ako na tila isa akong robot.
"Hindi ka magkakaganyan kung wala kang problema. Kaya magkuwento ka. Ano pa ang silbi ng pagkakaibigan natin kung hindi kita madadamayan sa kung anuman 'yang pinagdadaanan mo, 'no!" talak niya.
Sumusukong bumuga ako ng hangin.
"See? Ang lalim talaga ng pinagdadaanan mo. Ano? Nag-away ba kayo ng boyfriend mo? Ano ba 'yan! Kaka-anniversary n'yo lang mag-aaway kayo? Anong klaseng—"
"Alam na nina Papa ang tungkol kay Hugh," putol ko sa sasabihin ni Divina. Her mouth formed a perfect "O". Mga ilang segundo siyang natahimik.
"Oh?"
Ang kaninang energetic niyang mukha ay napalitan ng pag-alala. Hindi lingid kay Divina na inililihim lang namin ni Hugh ang aming relasyon. Sa katwiran ay siya ang nakakaalam ng lahat tungkol sa amin ni Hugh.
Tumingala ako sa langit, nagbabakasakaling may mahulog na himala at biglang magbago ang sitwasyon na kinakaharap ko ngayon.
"Paano nila nalaman?"
"Hindi ko alam. May nakakita raw sa amin, eh."
May bumikig na naman sa aking lalamunan nang maalala ko ang matinding bilin ni Papa.
"Nagalit ba si Tito Rosendo?"
"Sobra. Galit na galit siya, Divina. At gusto niyang hiwalayan ko si Hugh."
Napasinghap si Divina saka napatakip ng kanyang bibig. Namalayan ko na lang na may tumulo na namang mainit na butil sa aking kandungan habang nakayuko ako.
I felt Divina's hand caressing my back. Lalo akong napaiyak. Hindi ko kasi alam kung paano ko mapapagaan ang aking loob. Litung-lito pa ang aking isip.
"Pasensya ka na, Beshy. Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko sa 'yo. Ang hirap kasi ng sitwasyon mo. Kaya kung gusto mong umiyak, iiyak mo lang."
As if on cue, my tears flowed like a river. This is what I've been needing since last night. Magdamag ko ring kinimkim ang hagulgol na gustong kumawala sa aking lalamunan. I'm glad that I have Divina beside me.
Mahigit kalahating oras akong umiyak habang inaalo ako ng bestfriend ko. I just wanted to let my frustration out. Kahit papaano ay mabawasan man lang ang bigat dito sa aking loob.
"Pasensya ka na, ha? Ang aga-aga, drama agad ang isinalubong ko sa 'yo."
Pinahid ko ang aking mga luha pagkatapos kong mahimasmasan. Divina just held my hand and pressed it.
"Alangan namang pabayaan kita. Alam mo namang mahal na mahal kita. Kaya nga kahit mas gusto ko ng BSED mas pinili ko pa rin kumuha ng BEED para makasama kita palagi. Sa bandang huli, nagustuhan ko na rin siya."
"Salamat, Divina." Tipid akong ngumiti.
"So, ano na ang balak mo niyan? Susundin mo ba ang sinabi ni Tito Rosendo?" nag-aalalang tanong niya.
Isang malalim na buntonghininga lamang ang aking naisagot. Hindi ko na nga mabilang kung nakailang buntonghininga na ako mula nang gumising ako kaninang umaga.
"Hindi ko alam, Divina. Pero, 'di ba wala naman akong karapatang suwayin ang utos ng mga magulang ko? Dahil unang-una sa lahat, sila ang nagpapakain at nagpapaaral sa akin. Sila ang bumuhay sa akin. Wala akong maipagmamalaki sa aking sarili. Umaasa pa ako sa kanila. At alam nating pareho na walang magulang ang gustong mapariwara ang anak. Pero kasi—"
"Pero mahal na mahal mo si Timothy Hugh at hindi mo siya kayang hiwalayan."
Nanlulumong tumango ako.
"Bakit gano'n, Divina? Bakit kailangan ko pang mamili sa dalawang bagay na parehong mahalaga sa akin?"
"Gano'n talaga, besh. We can't have the best of both worlds." Divina caressed the back of my hand.
Napangiti ako nang mapait.
"Bakit hindi mo kausapin muna si Hugh? Ipaliwanag mo sa kanya na kailangan n'yo munang maghiwalay. Tapos magbalikan na lang kayo kapag graduate ka na. Baka wala nang masabi si Tito niyan kasi graduate ka na. Atleast ma-prove mo sa kanila na kaya mong tapusin ang pag-aaral mo. Limang buwan na lang naman magtatapos na tayo, 'di ba? Tiisin n'yo na lang munang dalawa na hindi magkita."
"Kung puwede lang sana. Pero hindi lang iyon ang dahilan ni Papa, Divina. Gusto niyang hiwalayan ko si Hugh dahil isa lang siyang... isa lang siyang construction worker."
Napapikit ako sa sobrang sakit ng kurot sa aking puso. Napabitaw si Divina sa aking kamay. Maging siya ay malalim na bumuntonghininga.
"Kahit hamak na construction worker lang si Hugh, masipag naman at mabait. Sobrang guwapo at matipuno pa. Puwede na nga 'yong mag-model ng mga branded na underwear. Makapanlait naman itong si Tito Rosendo, sobra. Hindi niya pa nga nakikilala 'yong tao, eh. At saka marangal naman iyong trabaho, ah."
Although I have the same sentiment with Divina, I can't do anything but to obey my father.
"Marangal ngang trabaho pero hindi permanente. Hindi ko na alam ang gagawin ko, Divina. Kapag makikipagkita pa ako kay Hugh, baka makarating ulit kay Papa. Hindi ko na lubos maisip kung ano pa ang puwede niyang gawin."
Napangiwi ang best friend ko. Sabay kaming tumingala sa asul na kalangitan.
"Ganito na lang, besh. Kausapin mo nang masinsinan si Hugh, tapos makipag-cool off ka muna sa kanya habang mainit pa ang mga mata ni Tito sa inyo. Kapag lumamig na ang sitwasyon, saka na kayo mag-isip ng mga susunod ninyong hakbang. Pag-isipan mo na rin muna ang utos ng tatay mo. You know, maraming isda sa dagat. At sa ganda mong iyan, hindi malayong may magkakagusto sa 'yong guwapong mayaman."
Tinampal ko siya sa braso.
"Gaga, may sense na sana ang una mong sinabi. Dinagdagan mo pa talaga." Pinaningkitan ko siya.
"Joke lang, Besh! Ito naman, hindi na mabiro. Pinapagaan ko lang ang sitwasyon, masyadong heavy, eh. Hindi kinakaya ng kasu-kasuan ko. Kalerki!"
Pagkatapos kong ayusin ang aking sarili ay niyaya ko na si Divina na magpapirma ng clearance.
Sinigurado kong matatapos kami nang maaga. Tiyak kasi na pagpatak ng alas-kuwatro ay nakaabang na si Hugh sa labas ng gate ng university para sunduin ako at ihatid pauwi. Napagdesisyunan kong huwag na muna siyang harapin at kausapin. Kagabi ay hindi ko na natugon ang huling text message niya. Maingay pa naman ang keypad ng cellphone ko kapag pinipindot, naririnig sa kuwarto nina Mama dahil manipis na plywood lang ang pagitan ng kuwarto namin.
"Sigurado ka ba talaga sa gagawin mo, Zia Lynn? Iiwasan at iiwasan mo na lang 'yong tao? Ngunit hanggang kailan?" talak ni Divina habang hila-hila ko siya patungo sa exit gate ng university. Katatapos lang namin magpapirma ng clearance.
"Kakausapin ko naman siya, pero hindi muna sa ngayon," sagot ko. Mababa ang boses. Tuloy lang ang aking paglalakad.
"Hay naku. Ang labo mo, Besh. Ngayon pa lang naaawa na ako sa boyfriend mo." She glared at me.
Nakapagdesisyon na ako. Iiwasan ko na lang muna si Hugh hanggang sa maging malamig na ang sitwasyon namin sa mga mata ni Papa. Mas kaya kong tiisin na hindi siya nakikita kaysa ang tuluyan siyang hiwalayan.
"Dahan-dahan lang sa paglalakad, Besh! Kapag ako talaga nadapa, naku lang! Halos kinakaladkad mo na ako, oh! Bakit ka ba nagmamadali?"
"Basta kailangan nating umuwi bago magpatak ang alas-kuwatro."
Kalahating oras na lang ay mag-a-alas kuwatro na ng hapon kung kaya't kailangan ko nang makauwi sa bahay. Baka ihatid na naman ako ng lalaking iyon at may makakita sa amin, lalong magagalit si Papa.
Ngunit ang akala ko'y magiging madali ang lahat ayon sa gusto kong mangyari. Bumilis ang tibok ng aking puso nang pagdating namin sa bungad ng exit gate ay naaninag ko na kaagad ang pamilyar na pigura ng lalaki. Nakasandal siya sa kanyang motor. Yakap niya sa kanyang tagiliran ang pink na helmet na lagi niyang ipinapasuot sa akin. Sa kaliwang kamay niya ay may tatlong tangkay ng rosas siyang hawak.
"Teka, si Hugh ba 'yon?" Nanlalaki pareho ang aming mga mata ni Divina.
Mabilis kong hinila ang best friend ko para magtago sa poste ng gate. Diyos ko, bakit ang aga niya ngayong pumunta? Hindi niya dapat ako makita.
"Sa kabila na tayo dumaan, Divina."
Tila may dumagan na malaking bato sa aking dibdib habang pinagmamasdan ang lalaking nagmamay-ari ng aking puso.
"I'm sorry, Hugh..." mahinang bulong ko sa aking sarili.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top