Chapter 12

CHAPTER 12

"AYOS ka lang ba talaga, Zia Lynn?" nag-aalalang tanong ni Nanay Sol. Napatingin silang dalawa sa akin. Nandito kaming tatlo ni Dionesa sa kusina, naghuhugas ng mga platong pinagkainan kaninang tanghalian.

"Ayos lang ho, Nay Sol."

Inisa-isa kong inilagay sa lalagyan ang mga platong napunasan ko na. Si Dionesa ang naghuhugas sa lababo.

"Ayos daw pero kanina ka pa tahimik magmula nang dumating si Senyorito Gaston. Para kang tinuklaw ng ahas," sabat ni Dionesa. Napangiwi ako.

"Oo nga, napansin ko rin iyon. Natakot ka ba kay Senyorito?" untag ni Nanay Sol.

"Baka na-starstruck lang siya sa kaguwapuhan ni Senyorito, Nanay Sol."

Humagikhik si Dionesa matapos niyang sabihin iyon. Sunod-sunod naman akong umiling.

"Hindi, ah. Natuwa lang ako kasi nakilala ko na ang isa sa mga amo natin," mariing tanggi ko.

"Sus! Mag-de-deny ka pa. Ayos lang naman kung aaminin mo ang totoo na nagka-crush ka kaagad kay Senyorito Gaston nang makita mo siya. Normal lang naman na maramdaman mo 'yan. Sa guwapo ba naman niya! Kahit nga si Manang Inday na may asawa na nagkaka-crush pa rin do'n," bulalas ni Dionesa.

Napangiwi ako. Muntik ko nang mabitawan ang plato nang bigla akong sinundot ni Dionesa sa tagiliran. Napatili ako nang mahina.

"Aminin mo na kasi, crush mo si Senyorito Gaston, ano?" pangungulit niya. Pinandilatan ko siya ng mga mata.

"Dionesa, tigilan mo na 'yan. Baka makabasag pa kayo ng mga plato," saway ni Nanay Sol habang naglilinis sa ibabaw ng stove. Humagikhik lang si Dionesa. Tila kilig na kilig.

"Alam mo, Zia Lynn, naiintindihan kita. Crush ko rin kasi dati si Senyorito Gaston. Pero paniguradong mawawala rin iyan kapag nakita mo na ang dalawa pa niyang mga kapatid! Diyos ko! Kegagandang lahi. Kung puwede lang sana magpalahi," mahinang bulong niya sa huling pangungusap.

Alanganing napangiti na lamang ako sa kakulitan ni Dionesa.

Ang totoo'y kanina pa ako hindi mapakali. Hindi ko rin maipaliwanag ang mabilis na pagtibok ng aking puso.

"Oo na. Guwapo na si Senyorito Gaston, pero wala akong crush sa kanya, okay?" mahinang tugon ko. Pinandilatan ko si Dionesa ngunit isang mapaglaro ngiti ang kanyang itinugon sa akin.

"Deny ka pa talaga. Okay lang naman 'yon. Crush lang naman. At saka, taken na 'yan si Senyorito Gaston, 'no. Malabong maka-move on 'yan sa first love niya. Kita mo, hanggang ngayon wala pa rin siyang dinadalang babae rito. Siguro naghihintay pa rin 'yan balikan siya ng first love niya."

Napanganga ako. Ang dami talagang alam ni Dionesa.

"'Di nga?" naiintrigang bulong ko.

"Oo nga. Hindi ko lang alam ang totoong dahilan kaya sila nagkahiwalay pero naniniwala akong mahal pa rin ni Senyorito 'yon."

"Dionesa 'yang bunganga mo talaga. Kapag ikaw marinig ni Senyorito," babala ni Nay Sol. Pareho kaming natahimik ni Dionesa. Ngumiti siya sa akin nang makahulugan.

Nagpapahinga na si Senyorito Gaston sa kanyang kuwarto sa itaas. Mabuti na lang pala at maaga kong inasikaso ang paglilinis ng kanyang kuwarto at pagpapalit ng kurtina't kobre kama.

"Uhm, Nanay Sol..."

Ipinagsalikop ko ang aking mga kamay. Tapos na akong magpunas ng mga plato at nailagay ko na rin sa lalagyan.

"Ano 'yon, hija?"

Nanay Sol just glanced at me. Ibinalik niya ang atensyon sa kanyang ginagawa.

"Ano kasi..." I stuttered. Kanina pa ko pa ito gustong itanong ngunit natatakot ako na baka kung anong isipin niya.

"May sasabihin ka ba, hija?" muling tanong ni Nanay Sol. Napatingin sa akin si Dionesa.

"Ano po 'yong—"

"Nay Sol, Zia Lynn, uuwi na ako sa 'min."

Naputol ang aking pagtatanong nang biglang pumasok sa kusina si Raquel. Mukhang nalugi ang kanyang mukha. I wonder kung saan siya nanggaling. Bigla na lang kasi siyang nawala kanina pagkatapos naming mananghalian. Ang akala ko nga'y umuwi na siya.

"Tumambay ka na naman sa gazebo, 'no?" ani Dionesa. Pansin kong nag-iba ang tono ng boses niya.

Hindi nakatakas sa paningin ko ang bahagyang pag-ikot ng mga mata ni Raquel. Hindi siya nag-abalang sagutin ang tanong ni Dionesa.

"Maraming salamat ulit sa mga kakanin na dala mo, Raquel. Salamat din sa nanay mo," seryosong sabi ko. Ngumiti sa akin ang babae.

"Masanay ka nang lagi akong nandirito at nagdadala ng kung anu-ano. Tuwing anihan ng mga mangga, tumutulong din ako, 'no. Diyan lang naman kami malapit sa hacienda nakatira," tugon ni Raquel. Ginawaran ko siya ng sinserong ngiti.

"Sige, mag-iingat ka."

"Salamat, Zia Lynn." Binalingan niya si Nay Sol saka nagpaalam rin bago nagtuloy-tuloy sa paglabas ng kusina. Nasundan ko siya ng tingin. Si Dionesa naman ay inismiran ang nakatalikod na si Raquel.

"Salamat naman at umalis na ang plastic na babaeng 'yon," bulalas ni Susana pagkapasok na pagkapasok niya ng kusina.

"Ang bunganga mo, Susana," saway ni Nanay Sol. Nangunot ang aking noo.

"Bakit, Nanay Sol? Totoo namang plastic ang babaeng 'yon. Nakaamoy yata ng balitang uuwi ang amo natin kaya pumunta rito."

"Sinabi mo pa. Buti na lang si Senyorito Gaston lang ang umuwi. Tiyak nadismaya 'yon," sang-ayon ni Dionesa.

"Kaya ikaw, Zia Lynn, huwag kang makipagkaibigan do'n. Naku, pinaplastik ka lang no'n. Ang totoo, maldita talaga 'yon. Feeling ka-level ng mga amo natin kung gumalaw rito sa mansyon. Porke't kababata siya ni Senyorito Timothy. Eh, kung iisipin trabahador lang naman sa hacienda ang Tatay niya kaya huwag siyang mag-asal amo, 'no," ani Susana.

Hindi na ako umimik. Para sa akin ay mabait naman si Raquel. Siguro'y hindi lang sila nagkakaintindihan nina Susana.

"Tapos hinaharot pa ang mga amo natin! Nakakaloka!" mahinang bulong ni Dionesa. Namilog ang aking mga mata.

"Gano'n?"

"Oo, kaya mag-iingat ka ro'n. Hindi mo pa siya kilala. Sinasabi ko sa 'yo, bait-baitan lang 'yon para may kakampi siya rito sa mansyon. Pero ang totoo iba talaga ang sadya no'n tuwing pumupunta siya rito," babala ni Susana.

"Tama na sabi 'yan, Susana at Dionesa. Kung anu-anong pinagsasabi ninyo kay Zia Lynn," muling suway ni Nanay Sol. Pinanlakihan ako ni Susana nang palihim.

"Teka, ano nga iyong itatanong mo kanina, Zia Lynn?" pagkuwa'y tanong ni Nanay Sol. Tapos na siyang maglinis ng stove.

"Ah, wala ho, Nay. Hindi naman po importante iyon. Sige ho, papasok ho muna ako sa kuwarto. Tatawagan ko lang sila Mama," paalam ko. Sumenyas na lamang ako sa dalawa para makaeskapo na ako.

Napatingin ako sa itaas nang mapadaan ako sa harap ng hagdan. Hindi mawaglit sa isip ko ang mukha ni Senyorito Gaston. Bakit pakiramdam ko'y may kamukha siya? O sadyang nananabik lang ako sa taong matagal ko nang gustong makita kaya ganito ang reaksyon ko kanina.

Tama si Nanay Sol, mabait nga si Senyorito Gaston. Kahit na ang yaman-yaman niya'y halatang napakamapagkumbaba niyang klase ng tao. Nagulat din ako sa pakikitungo niya sa aming mga kasambahay. Para kaming mga pamilya lang niya. Sabay-sabay kaming kumain kanina sa komedor na parang isang pamilya. Hindi ko tuloy naiwasang maalala ang pamilya ko sa Iloilo.

"Talaga, Ate? Mabait ang amo mo?" naka-high pitch na tanong ni Zabelle sa kabilang linya. Naririnig ko ang boses ni Zac at Mama sa background.

"Oo nga. Isinabay pa kami sa pagkain sa komedor. Kaya pala ang tagal bago nakauwi si Nay Sol sa atin. Kasi napakabait ng mga amo rito."

Sumandal ako sa headboard ng kama habang kausap si Zabelle sa kabilang linya.

"Ibig sabihin puwede mo na akong ipagpaaalam na pupunta ako riyan, ate?" aniya. Napangiwi ako.

"Sira, hindi pa puwede. Nakakahiya naman sa kanila. Baka kung ano'ng sabihin nila. Ke bago-bago ko rito tapos mag-de-demand ng kung anu-ano." Nailayo ko nang bahagya ang cellphone sa tainga ko nang makarinig ako ng ingay. Inagaw pala ni Mama ang cellphone kay Zabelle.

"Huwag mo nang patulan 'yang pinagsasabi ng kapatid mo, Zia Lynn. Ang mahalaga ay ligtas ka riyan at hindi nahihirapan sa trabaho mo," ani Mama.

"Naku, Ma. Tutuparin ko ang pangako ko kay Zabelle. Kapag medyo nagtagal na ako rito, dadalhin ko si Zabelle para maipasyal ko siya sa hacienda."

"Magtagal? Akala ko ba sabi mo pansamantala lang ang pagtatrabaho mo riyan?"

Natigilan ako.

"Baka abutin ho kasi ng walong buwan, Ma. Mahabang pahinga raw po ang kailangan ni Manang Inday. Magbi-breast feed daw kasi siya kapagkapanganak niya."

Narinig ko ang mabigat na pagbuntonghininga ni mama.

"Ikaw ang bahala. Basta siguraduhin mo lang na hindi ka nahihirapan diyan at palagi kang ligtas."

"Naku, sobrang dali lang ng trabaho, Ma. Kaya huwag na kayong mag-alala sa akin. Si Papa ho pala? Kumusta siya?"

"Ayun, nagpasilong ng baka niya. Kapag maalangan daw ibibenta iyon para may pantustos sa mga pangangailangan ng mga kapatid mo."

Nilukob ako ng awa para sa aking mga magulang.

"Huwag kayong mag-alala, Mama. Pagkatanggap ko ng unang sahod ko magpapadala ako kaagad ng pera."

"Pero, anak..."

"Please, Ma. Huwag ninyong pababayaan si Papa at ang sarili ninyo. Tumawag kayo kaagad kung may kailangan kayo," bilin ko.

"Sige, anak. Maraming salamat sa ginagawa mong ito para sa amin."

Nakagat ko ang aking ibabang labi. Ramdam kong naiiyak si Mama sa kabilang linya.

"Ma, hindi n'yo kailangang magpasalamat. Pamilya tayo. At sino pa ba ang magdadamayan at magtutulungan? Tayo rin, 'di ba? Ingatan n'yo lagi ang sarili ninyo."

"Ikaw rin, anak. Mag-iingat ka riyan."

"Sige, Ma. I love you. Bye."

Tumingala ako sa kisame pagkatapos kong maibaba ang tawag. Kahit pangalawang araw ko pa lang ngayon dito sa Negros ay ramdam ko na ang pangungulila kina Mama. Nasanay kasi akong sila ang nakikita at nakakasabay ko sa hapag tuwing kakain.

Kaninang tanghali ay hindi ako nakakain nang maayos kahit na sobrang dami ng handa. Parang fiesta. Maraming nilutong pagkain si Nanay Sol at Dionesa dahil minsan lang daw umuwi rito ang mga amo.

Ngunit kahit gaano karami at kasarap ng mga pagkain ay halos wala akong ganang kumain. Sa tuwing susubo pa lang ako'y naaalala ko ang naiwan kong pamilya. Nakakakonsenyang kumain ng masarap gayong alam kong walang gano'ng pagkain sa kanilang hapag. Hindi ko maiwasang isipin na sana nakakain din nila ang nakakain ko.

Tumingala ako sa wall-clock dito sa kuwarto. Mag-a-ala-una na ng hapon. Tingin ko'y nasa sala sina Dionesa, Susana, at Milagros, nanonood ng TV. Si Manang Inday naman ay nasa kuwarto niya, marahil ay naghahanda. Mamayang hapon raw ay ihahatid na siya pauwi nina Mang Ramon.

Ganitong oras kasi ay hinahayaan daw ang mga kasambahay na umidlip. Tapos simula ulit ng trabaho pagdating ng alas tres. Paminsan-minsan daw kasi ay nagpapatimpla ng kape si Senyorito Gaston. Ang sabi ni Nanay Sol, sa library iyon madalas tumambay kung hindi sa kuwarto.

Humiga ako't kinapa ko ang kuwintas sa aking leeg saka inilabas ito. Hindi kasi ito nakikita. Round-neck ang suot kong uniporme kaya natatakpan.

Magmula nang umalis ako kahapon sa amin ay hindi ko na ito hinubad. Kahit man lang sa kuwintas na ito ay maramdaman ko ang presensya ng taong nagbigay nito. Ginawa ko ring pendant ang singsing na ibinigay niya sa akin.

Muling bumalik sa aking isip ang mukha ni Senyorito Gaston. Posible naman sigurong magkamukha sila. Kahit nga mga artista ay may mga kamukhang ordinaryong tao lang. Kaya ayaw kong paniwalaan ang naglalarong ideya sa aking isip.

Siguro ay magkamukha lang talaga sila dahil napakaimposible namang...

Napabuntonghininga ako't pilit na iwinaglit sa isip ko ang posibilidad na magkakilala nga sila.

Makalipas ang tatlong araw ay muling nagpakita sa mansyon si Raquel. This time hindi na kakanin ang dala niya, kundi mga nilagang mais. Katulad noong nakaraan ay pasimple silang nag-iirapan ni Dionesa. Maging sina Susana at Milagros at tinatarayan siya.

"How's your mother, Raquel? Bakit ikaw lang ang pumupunta rito?" tanong ni Senyorito Gaston nang makapasok siya sa kusina.

Pansin ko sa amo namin ay hindi palautos. Kung sobrang dami lang niyang ginagawa ay saka siya nagpapatimpla ng kape, ngunit hindi siya ang tipong nag-uutos na paghandaan siya ng pagkain.

"Busy kasi si Nanay, Senyorito. Marami na kasi siyang suki sa palengke."

"I see. Good to know that. Thanks for these. Paborito ito ni Dad no'ng buhay pa siya." Kumuha siya ng isang mais mula sa lamesa saka pinapak iyon.

Minsan ay nahihiya akong pagsilbihan si Senyorito. Ngunit tinandaan ko lahat ng bilin ni Manang Inday bago siya umalis. Ang sabi niya'y kukunin niya akong ninang ng anak niya kapag nanganak na siya. Sa tuwa ko'y pumayag agad ako.

"Walang anuman, Senyorito. Sabi ko na ba at magugustuhan ninyo," ani Raquel. Pasimple niyang kinagat ang kanyang ibabang labi saka isinabit ang takas na buhok sa kanyang tainga. Saktong pagbaling ko kay Susana ay naaasar na umikot ang kanyang mga mata.

Napangiwi ako.

"You okay, Zia Lynn?"

Napaayos ako ng tayo nang bigla akong binalingan ni Senyorito Gaston.

"Opo, Senyorito." Ngumiti ako nang tipid saka nag-iwas ng tingin. Muli na namang bumilis ang pintig ng aking puso. Hindi ko maintindihan ngunit sa tuwing napapatitig ako sa kanyang mukha ay kinakabahan ako.

"Kanina ka pa kasi tahimik. Anyway, akyat na ako. May tatapusin lang."

Sumaludo ako. Gano'n din sina Susana. Napaka-workaholic talaga ng amo namin.

Si Raquel naman ay parang magnet na nakasunod ang kanyang mga mata sa likod ni Senyorito.

"Zia Lynn, tikman mo. Masarap 'yan," Raquel offered when she got back to her senses. Napahawak ako sa aking tiyan.

"Busog na busog pa ako, eh. Mamaya na lang ako kakain. Iinitin ko na lang ulit."

Natigilan si Raquel. Saglit na tumalim ang kanyang mga mata ngunit agad din iyong nawala.

"Hay naku, kung ako sa 'yo, Zia Lynn, hindi ako kakain ng mga pagkain na may bahid ng malaking K," pagpaparinig ni Milagros. Napatayo si Raquel.

"Anong sabi mo?!"

Nataranta ako kaya't nahatak ko si Milagros.

"Salamat sa mga dala mong mais, Raquel. Sige, ha? May babalikan pa kong gawain sa sala."

Hinatak ko na si Milagros. Sumunod naman sina Susana at Dionesa. Buti na lang at nasa labas ng kusina si Nanay Sol, kausap ang mga guwardiya.

Ang totoo'y wala naman talaga akong gagawin dahil katatapos lang namin maghugas ng mga plato at maglinis sa kusina. Manonood na lang din ako ng TV kasama nina Susana.

"Buti naman nakinig ka," mahinang untag ni Dionesa sa akin.

"Aalis din 'yon kapag naramdaman niyang walang pumapansin sa kanya. Gaga, kasi pupunta-punta pa rito. Daig pa niya ang nang-aakyat ng ligaw," asar na bulalas ni Milagros. Pinanlakihan ko siya.

"Oy, baka marinig ka."

"Sus, hindi ako takot do'n. Kalbuhin ko pa siya, eh. Kung nakita n'yo lang kanina kung paano niya sundan ng tingin si Senyorito Gaston. Ang sarap tanggalin ng mga eyeballs niya! Nakakagigil!"

Natawa ako sa mukha ni Milagros.

"Uhm, siya nga pala, may itatanong sana ako," pag-iiba ko ng usapan. Naupo ako sa single sofa. Nasa pahaba naman naupo ang tatlo. Sa gitna si Dionesa, hawak ang remote ng TV.

"Ano 'yon?"

Napalunok ako. Ilang araw ko na itong gustong itanong kay Nanay Sol ngunit nahihiya ako. Baka kasi bigyan niya ng kahulugan.

"Uhm... Ano kasi..."

"Hay naku, pabitin pa itong si Zia Lynn. Ano 'yon?" bulalas ni Susana.

Umiwas ako ng tingin. "Uhm, ano 'yong apelyido nina Senyorito Gaston?"

Nagkatinginan silang tatlong saka sabay-sabay na naibulalas ang "Hindi mo alam?"

Ngumiti ako nang pilit. "Hindi, eh. Ngayon ko lang naalalang itanong."

"Kaloka ka. Akala ko naman kung ano ang itatanong mo. At saka, amo natin hindi mo alam ang apelyido," natatawang untag ni Milagros.

"Hindi mo siguro nakita sa gate ng hacienda ang malaking pangalan na naka-engrave doon."

"Eh, nakatulog kasi ako noong bumiyahe kami galing pier. Pagkagising ko nasa tapat na kami ng mansyon."

Sabay-sabay silang napatango.

"Bustamante ang apelyido nina Senyorito, Zia Lynn."

Tila nabingi ako sa dire-diretsong bulalas ni Dionesa. Mga ilang segundo akong natulala. Kung hindi pa pumitik sa harapan ko si Susana ay hindi ako natauhan.

"Oh? Bakit parang windang ka? Anong meron sa apelyido nina Senyorito? Bustamante nga. Nasa bungad kaya 'yon ng hacienda nakalagay. Napakalaki, Hacienda Bustamante."

Bustamante.

Diyos ko! Parang nagkarerahan ang mga kabayo sa aking puso. Hindi naman ito coincidence, 'di ba? Pero posible nga kaya? Ngunit paano? Malayong-malayo ang buhay niya noon sa karangyaan.

"Zia Lynn? Anyare sa 'yo?" untag ni Susana.

Hindi pa man ako naka-recover ay nakita ko nang pababa ng hagdan si Senyorito Gaston. Dumaan ito sa likod namin patungo sa foyer. Si Nanay Sol naman ay lumabas mula sa kusina at nagmamadaling nagmartsa kasunod ni Senyorito.

Sabay-sabay kaming napalingon sa foyer dahil biglang may dumating.

"Senyorito Timothy!" tili nina Milagros sa bagong dating.

Nabato ako sa aking kinauupuan.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top