Chapter VII - The Field Trip

Ecka's POV

Alas dos y medya pa lamang ng madaling-araw ay inihatid na ako ni ate sa tapat ng school. Alas tres kasi ang itinakdang alis namin patungo sa Kamaynilaan.

Pagdating namin doon ay mayroong sampung bus. Limang bus para sa third year students at lima naman para sa fourth year students. Marami-rami na rin ang estudyante na pawang may kasamang magulang na naghatid sa mga ito patungo sa eskwelahan.

Inilibot ko ang tingin ko sa paligid. Bahagya pa akong nilamig dahil sa hamog na dulot ng paligid kaya napahalukipkip ako sa sarili kong braso.

"Rochene, isuot mo na ang jacket mo. Masyadong mahamog," saad ni Ate Karen na noo'y pinatay ang makina ng motor na sinakyan namin.

Tinanguan ko siya at binuksan ko na ang backpack kong dala para kunin ang jacket na tinutukoy ni ate. Kulay green ito na mayroong burda ng pangalan ko. Si ate ang may gawa noon.

Hindi ko mapigilan ang pagngiti. Simpleng ganito ng ate ko e labis na nagpapangiti sa akin. Mahal na mahal talaga niya ako.

Nasa gitna ako ng pagmumuni-muni nang maramdaman ko na may humawak sa likod ng dalawang binti ko.

"Ayyy!"

Dinig ko ang pag-alunignig ng tinig ko, na pumukaw agad sa atensiyon ng ilang mag-aaral at magulang na nasa palibot ko.

"HAHAHAHAHAHA!" Hagalpak sa katatawa ang walang iba kung hindi ang nag-iisang bestfriend kong si Gecel. Ang lakas talaga ng trip nito kahit kailan. Alam naman niyang magugulatin ako e.

"Ahh? Nakakatawa 'yun?" Pinagtaasan ko siya ng kilay na hindi naman niya napansin dahil busy siya katatawa.

Mayamaya ay nahimasmasan rin siya at kinausap niya ako nang maayos.

"Bestie, siya nga pala. Naubusan tayo ng upuan sa bus ng section natin," panimula ni Gecel. Napakunot ang aking noo.

"Paanong?"

"May kasama kasing magulang 'yung dalawa nating classmates. Kaya 'yung slot na para sa atin e napunta sa kanila."

"Ha? Sino?"

"Sina Jean at Esmeralda," sagot ng bestfriend ko. Tumango-tango na lang ako. Solo kasing anak ng kani-kanyang magulang ang dalawang 'yun kaya ganoon siguro ka-protective ang mga magulang nila. "Pero 'wag kang mag-alala kasi hinahanapan na tayo ni Ms. Requiro ng paglilipatan natin ng sasakyan.

"I see." Kung saan mang bus iyon e sana ay huwag sobrang ligalig. Ayoko pa naman ng maiingay habang bumibiyahe.

Niyakag ko si Gecel at Ate Karen na umupo sa pinakamalapit na bench ngunit hindi pa man kami nakakahakbang papunta roon ay tinawag na ni Ms. Requiro ang aming pansin.

"Arguelles, Benitez. Naihanap ko na kayo ng upuan. Halina kayo."

Tumango lang kami at sumunod na sa adviser namin. Mayamaya ay nasa harap na kami ng isang bus na may kombinasyon ng kulay puti at bughaw.
Kung anong section ang lulan nito ay wala pa kaming ideya.

Kumatok si Ms. Requiro sa nakasaradong pinto ng bus. Di nagtagal ay nagbukas na ang pinto.

Napaawang ang bibig ko nang iluwa noon ang adviser ng 4th year pilot section, walang iba kundi si Ms. Aguillon.

Napakunyapit si Gecel sa aking braso samantalang ako naman ay bahagyang napaawang ang bibig. Dahan-dahan kaming napatingin sa isa't isa dahil sa pagkagulat.

"I-Ibig sabih-"

"Yes, Ecka. Dito muna kayo sa bus ng 4th year." Magpapakabait kayong dalawa ha?" Ginusot ni Ms. Requiro ang aming mamasa-masang buhok na bagong paligo.

"Akyat na kayo rito, Gecel at Ecka. May inilaan na akong upuan para sa inyo," nakangiting sabi ni Ms. Aguillon.

Nagpaalam ako nang maayos kay Ate Karen. Lihim niya akong inabutan ng tatlong libong piso.

"Pocket money mo, Rochene." Pinisil niya ang pisngi ko. "Mag-iingat kayo roon ha?"

"Ate, sobra-sobra na po ito." Tangka kong isosoli ang isang libong piso pero tinanggihan iyon ni ate.

Humugot ako ng malalim na paghinga bago umakyat sa bus. Paniguradong tutudyuhin na naman ako ng mga kaklase ni Nicky. Naalala ko na naman ang kahibangang ginawa ko noon dahil sa pagkagusto ko kay Nicky.

"Gecel, bilisan mo!"

"Bestie, anong kagagahan na naman 'to? 5 minutes matatapos na ang recess. Aakyat na sila!"

"Kaya nga bilisan mo. Dali na!"

Pumasok kami sa classroom nina Nicky habang dala-dala ang isang piraso ng chalk na kinuha namin sa may blackboard.

Agad kong tinungo ang pisara at nagsulat.

"I love you, Nicky!"

Bahagya akong humakbang paatras habang tinitingnan ang aking isinulat.

"I love you, Nicky?"

Nagulantang kami ni Gecel nang may magsalita sa may bandang likod ng classroom.

"Shit! May tao pa pala rito, Bestie!"

Kita namin si Mark na noo'y nagtatago sa may tabi ng cabinet na lagayan ng walis tambo at bunot. Palagay namin ay dito siya tumatambay tuwing recess time.

Tumayo si Mark at pinagpagan ang damit. Nginisian niya kami ng nakaloloko.

"Don't worry. Makakarating."

Hinila ko si Gecel para makalabas na kami classroom nina Nicky.

Takte, malalaman na ni Nicky na ako ang secret admirer niya. Hindi lang ni Nicky kundi maging ng buong klase nila.

Patay.

Natigil ang pagmumuni-muni ko nang sa wakas ay makaakyat na kami sa bus.

Parang nadaanan ng kuliglig ang loob nito dahil natahimik sila nang makaakyat kami. Para bang pare-pareho ang kanilang iniisip.

Pigil na bungisngisan ang maririnig namin na pinaimbabawan ng boses ng magkakatropang sina Mark, Kian, Brian at Shane na nasa may pinakalikod ng bus.

"Ecka, dito kayo!" Boses iyon ni Kian.

Dumako ang tingin ko sa dalawang bakanteng upuan na nasa may unahan lang nina Kian... at ang lalaking tanging hinahangaan ko.

Nasa may pinakakanto siya ng dulong likod ng bus sa may bandang bintana. Nakahilig siya sa gilid gamit ang neck pillow na dala. Nakapikit ang mga mata niya habang may suot na headphone. Hindi ako sigurado kung tulog siya o sadyang ninanamnam lang niya ang pakikinig pero kung ano man iyon, wala akong pakialam. Ang mas pumukaw kasi ng atensiyon ko ay ang kanyang maamo at guwapong mukha. Para siyang anghel na bumaba sa lupa. Lalo tuloy akong nakaramdam ng kilig.

"Woi, Ecka. Matunaw naman 'yang tropa namin ah? Kanina mo pa tinititigan," ani Shane. Sinundan iyon ng tawa ng magtotropa.

Nakaramdam naman agad ako ng hiya kaya dali-dali akong umupo sa tabi ni Gecel. Naisapo ko lang ang kamay ko sa mukha ko. Buti na lang kamo ay tulog si Nicky dahil kung hindi ay baka mas lalo ng kahiya-hiya kung nakita niya ang pagtitig ko sa kanya.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nag-headcount na si Ms. Aguillon at tuluyan nang umalis ang bus na kinalululanan namin.

"Hello, Gecel! Hello, Ecka!" Si Kian iyon na nasa likod namin.

"H-Hi," tipid akong sumagot sa kanya.

"Gusto niyo ng chips?" Dinig ko ang pagbukas niya ng chichirya. Mayamaya ay sumilip si Kian habang naka-extend ang kamay niyang may hawak ng V-Cut.

Walang alinlangang kumuha si Gecel na halos mapuno na yata ang magkasalikop niyang kamay samantalang ako naman ay kumuha lang ng isang piraso.

Panay lang ang kakikuwento sa akin ni Kian pero wala naman sa kanya ang focus ko. Mayamaya ay nagpaalam ako sa kanya na iidlip. Nakakaramdam kasi ako ng pagkahilo. Mahina kasi ang sikmura ko lalo na at 'di ako sanay sa pagbiyahe.

Ilang oras pa ang ibinyahe namin at nakarating na kami sa SLEX. Mag-aalas sais na noon ng umaga. Ang sabi ni Ms. Aguillon ay dito na raw kami mag-uumagahan bago dumiretso sa Manila.

"Bestie, tara na? Naiihi ako." yakag sa akin ni Gecel na noo'y katatapos lang magpulbo.

"Una ka na. Susunod ako. Magkita na lang tayo sa Jollibee."

"Okay ka lang ba?" banaag ko sa mukha niya ang pag-aalala.

Pilit kong pinasigla ang mukha ko kahit hilong-hilo na ako. Ayoko namang maging dahilan ako ng pag-udlot ng pag-ihi ng babaeng ito.

"Oo naman. Sige na, sige na. Magpapaganda pa ako," biro ko sa kanya.

Ibinilog lang niya ang mga mata niya at noo'y bumaba na rin.

Tiningnan ko ang loob ng bus at kita ko na wala ng tao roon. Nakita kong nagsipagbabaan na ang magtotropa kanina ngunit hindi ko napansin ang pagbaba ni Nicky. Kung nauna man siyang bumaba ay hindi ko na muna iniintindi dahil mas focus ko ngayon ang paghahanap ng pamahid sa sentido at isang piraso ng cellophane. Ramdam ko kasi na malapit-lapit na akong sumuka.

Kinalkal ko nang kinalkal ang bag ko at pinapawisan na ako nang malamig. Mangiyak-ngiyak na ako dahil hindi ko matagpuan kung nasaan ang isinilid kong cellophane bag.

Huminga ako nang malalim ngunit bandang huli ay pinagsisihan ko rin iyon dahil mas lalong nagpasama ng pakiramdam ko ang amoy ng air freshener sa loob ng bus.

"Aaacck..."

Pinigilan ko ang nagbabadyang suka na lalabas sa leeg ko.

Shit! Yung cellophane ko. Nasaan na ba kasi?

"Ecka?"

Masama man ang pakiramdam ko ngunit kilalang-kilala ko kung sino ang nagsalitang iyon.

Si Nicky.

Napatingin ako sa bitbit niyang plastic na may nakasilid na wari ko ay binili niya sa 7/11.

I'm sorry, Nicky. Papalitan ko na lang.

Agad kong ibinuka ang plastic at doon ay inilabas ang kanina pang gusto iduwal ng sikmura ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top