Chapter VI - Chalk
Ecka's POV
Simula nga ng araw na iyon ay mas naging matunog na ang pagkakaunawaan nina Nicky at Katelyn. Napapadalas na rin ang paghatid-sundo ni Nicky sa dalagita kung kaya hindi na rin siya nakasasabay sa kanyang mga tropa sa pag-uwi tuwing hapon, dahilan upang matigil na rin ang pagsunod namin kay Nicky tuwing uwian.
Para saan pa? Sasaktan ko lamang ang sarili ko kung silang dalawa ni Katelyn ang makikita ko.
--
Katatapos lang ng flag ceremony at nasa loob na kami ng klase habang nag-aabang ng pagpasok ng adviser. Nakasubsob lang ako sa desk, walang ganang magsalita.
"Uy, Bestie." Halos maalog ang utak ko sa lakas ng yugyog ni Gecel.
Iniangat ko ang ulo ko para harapin ang nangungulit kong kaibigan.
"Ano?!" medyo paasik kong tugon sa kanya.
"Wala lang." Nag-peace sign sa akin ang aking magaling na bestfriend at ako ay nginiritan. "Ang tahimik mo kasi. Nakakapanibago. Dahil pa rin ba kay Nicky?"
Irap lang ang itinugon ko at akmang susubsob ulit sa desk nang pumasok na ang aming adviser.
"Good morning class!" Kinuha ni Ms. Requiro ang chalk board na nasa may ilalim ng teacher's desk.
Mukhang wala ng chalk dahil napailing-iling ito.
"Ms. Arguelles, makikisuyo naman kay Ms. Aguillon. Pahingi kamo ng kahit tatlong pirasong chalk."
Napaigtad pa ako sa upuan noon. Sanay naman ako na ako ang laging nauutusan sa mga ganitong bagay. Idagdag mo pa ang pagpagpag ng eraser sa labas ng room. Paano ay ako ang pinakamalapit sa pintuan.
"Y-Yes, Ma'am."
Kinakabahan ako sa puntong iyon. Paano ay ang advisory class ngayon ni Ms. Aguillon ay ang klase ni Nicky.
Ewan ko nga ba. Dapat nga masaya ako ngayon pero kaba ang nararamdaman ko.
Humugot muna ako ng malalim na paghinga.
"Ma'am Aguillon, excuse me po." Natigil sa pagdidiskusyon si Ma'am at dumako sa akin ang tingin ng buong klase. Panigurado akong isa rin si Nicky sa nakatingin ngunit hindi ako nagbalak tumingin. Mayamaya pa ay narinig ko ang tudyuhan ng sa tingin ko ay sa grupo ng magtotropa nanggaling.
Nag-angat ng tingin si Ma'am Aguillon at tinapunan niya ako ng tingin.
"Yes, Ecka?"
"P-Pahingi raw po ng chalk si Ma'am Requiro." Sa wakas ay nasabi ko na ang pakay ko.
Lumiwanag ang mukha ni Ma'am at noon ay nakita kong kumuha siya ng tatlong pirasong chalk sa sariling chalkboard.
"Nicky, makikiabot naman kay Ecka nito."
Parang sandaling natigil sa pagfa-function ang puso ko sa pagkakataong iyon.
Masyado rin talagang mabuyo itong si Ma'am. Alam na alam kasi nito na crush ko si Nicky.
Kung dati kinikilig ako sa ganito, ngayon e wala ako sa mood. Mula ito nang maisyu si Nicky kay Katelyn.
Crush ko pa rin naman si Nicky pero tinatamlayan na ako.
Napakanta na lang tuloy ako.
It really hurts, ang magmahal ng ganito
Kung sino pa'ng pinili ko hindi makuha nang buo
Hanggang gano'n na lang nga
Kailangan ko itong tanggapin
Na sa puso mo mayro'n na ngang ibang umaangkin
Naputol ang pagkanta ko sa utak nang bumungad sa harap ko si Nicky na dala-dala ang kailangan ko.
Hindi ko mapigilan ang pagbabago ng ritmo ng puso ko sa pagkakataong iyon.
"Ecka.."
Nakasuot siya ng puti at plantsadong polo at bahagyang nakataas ang kanyang buhok. Ang kanyang mukha na napakakinis ay mas pinagaguwapo pa ng ngiting wala ng mas itatamis pa.
"Eto na raw 'yung chalk." Tiningnan ko muna ang kamay niyang iniaalok ang tatlong pirasong chalk. Nagpalit-palit pa ang tingin ko kay Nicky at sa kanyang hawak. Nang mahimasmasan ay agad kong kinuha ang mga iyon.
Ngunit sinusuwerte nga naman talaga ako. Nagdait ang aming mga daliri nang iabot niya sa akin ang chalk. Hindi ko maitatanggi na dahilan iyon para mas lalong magwala ang aking puso. Gustong-gusto kong tumili sa pagkakataong iyon. Kung puwede lang sana. Kung puwede lang.
"S-Salamat." Agad akong tumalikod para bumalik sa classroom. Agad ko namang ibinigay ang chalk kay Ms. Requiro at buong sabik na bumalik sa upuan.
Hindi naman nakaligtas kay Gecel ang pagbabago ng mood ko.
"Beshie, ano'ng-"
Natigil sa pag-uusisa si Gecel nang magsalita si Ms. Requiro.
"Okay class. Bago ako mag-discuss ay gusto kong sabihin sa inyo na magkakaroon ng field trip ang third year at 4th year students this month. Bahagi ito ng final grade niyo kaya iminumungkahi namin ang lahat ay makasama. I'll distribute the waiver later para kung sakaling payagan kayo ng mga magulang niyo ay mapapirma niyo na rin sila."
Nagkaroon ng bulong-bulongan sa buong klase. Kanya-kanya ng pagbabahagi ng opinyon tungkol sa inanunsiyong field trip.
---
Uwian na kinahapunan. Mag-isa akong uuwi ngayon dahil may practice pa sina Gecel sa banda. Majorette kasi siya.
Mataman lang akong nakatitig sa waiver na hawak ko. Nagdadalawang-isip kung sasama ba ako. Paniguradong mapipilit ako nito dahil hindi naman papayag si Gecel na hindi ako kasama.
Isa pa, kasama raw ang 4th year students so paniguradong kasama rin sina Nicky.
Hindi ko napigilang mapangiti nang maalala kong muli ang nangyari kaninang umaga. Sabihin na ng mga tao na ako ay nababaliw pero malapit na nga siguro akong maging gano'n.
Parang kanina lang, ang lungkot-lungkot ko kasi may iba ng nagugustuhan si Nicky then bigla na lang nag-shift ang mood ko nang makita ko siyang muli.
At siya nga naman, bakit ba ako magpapakalugmok sa lungkot? Ano ba ako ni Nicky? Wala naman 'di ba?
At saka puwede ko pa rin namang ma-crush-an si Nicky. Pang-inspirasyon lang.
Tama, mas magpopokus na lang ako sa mga bagay na positibo kaysa sa mga nakalulungkot na bagay. Baka makasama sa kalusugan ng puso ko at sa pag-aaral ko.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang may magsalita sa likod ko.
"Ecka.."
"Uy, Kian. Ikaw pala?" Lumingon ako sa paligid para hanapin ang mga kasama niya. "Nasa'n ang mga kasama mo?"
"Ahh, sila ba? Nagpa-practice ng banda."
Oo nga pala. Hindi ko naisip agad 'yun. Tumango-tango na lang ako.
"Wala ka bang kasabay pag-uwi? Sabay na tayo." Nginitian ako ni Kian na noo'y naka-unbutton ang polo. Ganoon naman kasi kadalasan ang mga lalaking highschoolers.
Agad akong pumayag sa suhestiyon ni Kian. Bago kami umuwi ay bumili muna kami ng empanada at scramble na libre niya. Libre na e, aayaw pa ba?
Naglakad kami habang nilalantakan namin ang aming binili.
"Ecka, sasama ka ba sa fieldtrip?"
"Ewan ko, magsasabi pa ako kay ate e. Ikaw ba?"
Inubos muna ni Kian ang nginunguyang empanada bago siya sumagot.
"Oo, kailangan e."
Tango lang ang isinagot ko.
"Pilitin mong sumama. Sasama ang buong tropa.. kasama si Nicky."
Napatigil ako sa pagsimsim sa scramble na hawak. Nilingon ko agad si Kian.
Napatawa nang marahan si Kian. "Pag nababanggit talaga ang pangalan ng tropa ko, alisto ka agad e." Pinisil ni Kian ang baba ko. "Oh, nandito na pala tayo sa inyo. Thank you sa pagsabay, Ecka."
Binigyan ako ng isang matamis na ngiti ni Kian bago ako pumasok sa loob.
Nabungaran ko si Ate Karen na nag-aayos ng kurtina. Mukhang kauuwi lang din niya galing ospital kasi nakauniporme pa siya. As usual tinudyo-tudyo na naman niya ako kay Kian. Kulit din e.
Akma na akong aakyat sa hagdan nang pigilan ako ni Ate.
"Rochene.. Kinausap pala ako ni Auntie Juliet. May ino-offer daw na bakanteng posisyon sa ospital na pinagtatrabahuan niya sa Tennessee. Tinanong niya ako kung gusto ko raw i-consider."
Hinarap ko si ate
"A-Anong isinagot mo, ate?"
Nagkibit-balikat lang siya. "Sabi ko, tatanungin muna kita. Hindi naman kasi puwedeng ako lang ang magdesisyon kasi hindi kita puwedeng iwan dito. Kung pupunta akong America, dapat kasama ka."
Lumikot ang aking mata at napahawak ako nang mahigpit sa railings ng hagdan.
"A-Ate, puwede mo ba akong bigyan ng time na makapag-decide hanggang end ng school year?"
"Sige, walang problema."
Iniabot ko na rin kay ate ang waiver tungkol sa fieldtrip na walang pagdadalawang-isip niyang sinang-ayunan. Sabi niya e minsan lang naman daw ako maging estudyante kaya sulitin ko na raw.
Umakyat na ako sa kuwarto at napaisip nang malalim.
Kung papayag ako sa desisyon ni ate, maiiwan ko ang mga kaibigan ko rito. At ang mas nakalulungkot pa, e malalayo ako sa crush kong si Nicky.
Wow, Ecka. Wow.
Pero, 'yung makapagtrabaho kasi sa America e isa sa childhood dream ni ate e. Sino ba naman ako para maging hadlang sa pangarap niyang iyon?
Di bale, mahaba pa naman ang panahon. Matitimbang ko pa ang mga bagay-bagay.
Ayoko munang isipin. Bahala na.
****
Hanggang dito muna ang update. Next chapter, field trip na. :)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top