Chapter V - Curiosity
Ecka's POV
Hindi ko na hinintay pa si Gecel pagkatunog ng bell na panghapon. Nagpatiuna na ako dahil may kailangan akong kausapin.
Si Nicky.
Ilang araw na akong binabagabag ng aking isip. Gusto kong malaman kung ano 'yung mensaheng sinend niya sa akin na ni-remove niya.
Nakakakaba man, pero hinugot ko ang lahat ng lakas ng loob ko para kausapin siya.
Bahala na.
Basta, kailangan kong malaman kung ano 'yung s-in-end niya.
Ilang minuto rin akong naghintay sa tapat ng gate habang nakatingin sa mga kapwa ko estudyanteng lumalabas sa gate.
Lumiwanag ang mukha ko nang matanaw ko ang pinakahihintay ko.
Katulad ng dati ay kasama pa rin niya ang mga katropa niyang sina Mark, Kian, Shane at Brian.
Sa araw-araw na inoobserbahan ko sila ay natatandaan ko na ang mga gamit nila.
Sina Kian at Brian ay palaging naka-Jansport bag.
Si Shane naman ay Tom Clancy bag ang gamit.
Si Mark e madalas walang dalang bag. Feeling scholar e.
At si Nicky naman, tuwing Monday e Ceion Keust black bag ang gamit. Pag Tuesday e naka-Hawk Sling bag. Tuwing Wednesday naman e Nike Hayward Backpack ang gamit niya. Tuwing Huwebes e naka-Adidas bag siya and usually, pag Friday e naka-clutch bag lang siya.
Humugot ako ng malalim na paghinga para magkaroon ng lakas ng loob na lapitan si Nicky.
Nakakaisang hakbang pa lang ako nang makita kong may isang tricycle na tumigil sa harap nila, at mayroong isang babaeng bumaba mula roon.
Kung hindi ako nagkakamali ay si Katelyn ito, ang top student ng KE Montessori High Inc.
Nakita ko kung gaano kalaki ang ngiti ni Nicky nang sa wakas ay magharap sila.
Nanatili lang akong nakatitig sa kanila. Sandali silang nag-usap at mayamaya pa ay nagpaalam na si Nicky sa kanyang mga tropa.
Kinuha niya ang school bag ni Katelyn at sabay na silang naglakad patungo sa isang direksiyon na kasalungat ng terminal ng tricycle.
Laglag lang ang balikat ko habang tinatanaw sila na palayo.
Lalo lang akong nagkaroon ng karuwagan sa plano kong pagtatanong kay Nicky. Para bang nakaramdam ako ng panghihina.
Crush ko lang naman si Nicky pero naiiyak ako. OA mang sabihin pero ganoon ang nararamdaman ko ngayon.
Nakaka-broken.
May nagbabadya ng mga luha sa mga mata ko at alam kong malapit na itong malaglag anumang oras nang may maramdaman akong tumapik sa balikat ko.
"Ecka.."
Bumungad sa akin si Kian at sa likod niya ay naroon sina Mark, Brian at Shane.
Alam kong hindi lingid sa kanila ang reaksiyon ko dahil ang puwesto ko kanina ay hindi naman kalayuan sa kanila. Alam kong kita nila na sinusundan ko ng tingin sina Nicky at Katelyn.
"U-Uy, kayo pala. A-Ano'ng meron?" Pilit kong pinasigla ang aking boses.
Nagkatinginan lang ang apat.
"Okay ka lang?"
"Luh? Of course. Hinihintay ko 'yung bestfriend ko. Ang tagal lumabas e." Hinabaan ko ang leeg ko at sakto naman ay nasa may gate na si Gecel.
"Ay teka, nand'yan na pala si beshie. Bye muna!" Sinulyapan ko muna si Kian at bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. Agad din naman akong umalis at hindi ko na hinintay pa ang sagot nila.
Nagmadali akong lumapit kay Gecel na palinga-linga. Malamang ay hinahanap niya rin ako.
"Uy, Besh—"
Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin dahil hinila ko na siya palayo.
----
Kasalukuyan kami ngayong nasa may gilid ng Elementary School habang nanonood ng mga grade schoolers na nanghuhuli ng butete sa kanal. Kinukuha nila ang mga ito at inilalagay sa hinating galon ng mineral water.
Mukhang nagpaparamihan sila ng mahuhuli. Mayamaya rin naman ay agad din nilang pakakawalan ang mga munting hayop matapos nilang mabilang 'yung mga nahuli nila.
Nakaupo lang kami sa isang bench ni Gecel, malapit sa isang istatwa ni Mama Mary na mukhang pinagawa ng PTA. Pinanonood namin ang mga bata na kitang-kita sa mukha nila ang labis na saya.
Sana nga bata na lang ulit ako para hindi ako nalulungkot ng ganito.
Charot.
Hays. Naalala ko na naman. Nakalulungkot.
"Ay naku, Bestie. Mag-move on ka na kay Nicky. Mukhang nagkakamabutihan na sila ni Katelyn.
Ihahanap na lang kita ng mas guwapo sa kanya!" saad ni Gecel na panay lang ang selfie gamit ang cellphone niya.
"Wow, move on ka riyan? Kami ba, girl? Kami?"
Ibinaba ni Gecel ang hawak na cellphone sabay harap sa akin.
"Kahit pa. Di nga naging kayo pero affected ka naman kanina. Kung ako sa 'yo, papatusin ko na si Kian. Mukhang bet ka niya."
"Gagi. Bakit naman nasali si Kian dito?"
"Pa-manhid effect ka pa. Mukhang interesado sa 'yo 'yung tao, o."
"Hindi maaari. Ayokong magkasira sina Kian at Nicky dahil sa 'kin."
Nakatanggap ako ng mahinang hampas mula kay Gecel. Napahagikhik naman ako dahil doon.
"Asa pa more." Umahon na sa pagkakaupo si Gecel. "Tara na nga, medyo dumidilim na ang paligid. May assignments pa tayo sa Chemistry at English 'no?"
"Oo nga pala." Tumayo na rin ako at isinukbit ang schoolbag na dala-dala ko.
Habang nasa daan ay panay pa rin ang daldalan namin ng aking bestfriend.
Nang magutom ay bumili muna kami ng palamig at hopia baboy sa isang tindahan na nadaanan namin.
Nang makain ko na ang huling piraso ng hopia baboy ay nagbayad na kami.
Isusuksok ko na ang sukli sa bulsa ng palda ko nang..
"Aling Myrna, pabili po ng isang Fruit Soda. Padagdag na rin po ng Skyflakes."
Nanlaki ang mga mata ako nang maulinigan ko ang boses na iyon. Ang boses na kilalang-kilala ko.
"Hi, Nicky!" Narinig ko na lamang si Gecel na tinawag ang pangalan ng bagong dating.
Lumingon ako sa kinaroroonan niya at kita ko sa mukha niya ang bahagyang pagkunot ng kanyang noo, na wari ay kinikilala kung sino ang tumawag sa kanya.
Agad namang lumipat ang tingin sa akin ni Nicky nang lingunin ko siya, dahilan upang magwala ang puso ko.
"Oh.. Ecka, Gecel. Kayo pala." Tumingin si Nicky sa kalangitan. "Madilim na, a. Hindi pa kayo umuuwi?"
Bahagya lang na naiwang nakanganga ang aking bibig kaya si Gecel na ang sumagot kay Nicky para siya mailang.
"Ah, oo. Gumala pa kami nitong bestie ko. Pauwi na rin. Ikaw?"
Nakita ko ang bahagyang pagngiti ni Nicky.
"May pupuntahan lang." Nakita ko ang pagsulyap sa akin ni Nicky na para bang gustong alamin ang aking magiging reaksiyon.
Nang magtama ang aming tingin ay nagpakawala na lang ako ng isang mapagpanggap na ngiti ngunit sa likod noon ay ang bahagyang pagkirot ng aking damdamin.
"S-Sige, Nicky. Mauuna na kami. Thank you for the chitchat." Nilakasan ko ang loob ko para masabi iyon kay Nicky. Ang totoo niyan ay parang umurong ang dila ko sa pagkakataong iyon.
Tumango lang si Nicky at matapos noon ay sumipsip siya sa fruit sodang kabibili lang.
Hinawakan ko sa braso si Gecel at iginiya siya para talikuran na si Nicky nang magsalita siya..
"Ah, Ecka. Kumusta ka pala no'ng Biyernes? Okay ka lang ba?"
Para bang tumigil ang pagtibok ng puso ko nang tanungin niya ako noon.
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi para pakalmahin ang sarili ko.
Isang ngiti ang pinakawalan ko. Itinaas ko ang aking kanang hinlalaki.
"Okay lang ako, Nicky. Thank you pala sa paghatid."
Ibinulsa ni Nicky ang kamay na hindi nakahawak sa supot ng softdrinks.
"Wala 'yun. Nag-alala rin kasi ako sa 'yo noon. Siniguro ko na makauuwi ka nang ligtas."
Nag-alala rin kasi ako sa 'yo
Nag-alala rin kasi ako sa 'yo
Nag-alala rin kasi ako sa 'yo
Parang sirang plaka iyan na paulit-ulit sa utak ko.
Nararamdaman ko na naman ang abnormal na pagtibok ng puso ko. Sobrang bilis nito, 'yung tipong hindi ko na kaya pang pigilan pa.
"S-Salamat."
Iniangat ko ang tingin ko. Ito na ang tamang panahon para itanong sa kanya ang nilalaman ng mensaheng ni-remove niya.
"Ah, Nicky—"
"Nico, nand'yan ka lang pala. Tara na?"
Nakita ko si Katelyn na kumunyapit sa braso ni Nicky.
"Kate.." may dinukot si Nicky mula sa bulsa ng polo uniform niya. "Heto na 'yung Skyflakes na pinabibili mo."
Agad naman iyong kinuha ng dalagita at buong tamis niyang nginitian si Nicky, bagay na di nalingid sa akin.
"Salamat."
Konti na lang, baka maiyak na talaga ako.
Lumingon sa amin si Katelyn. Kita ko sa kanyang aura ang malaanghel nito at magandang mukha, bagay na bagay sa malumanay niyang boses. Kita rin ang brown nitong mga mata na nagtatago sa makapal na salamin na may grado.
Hindi talaga malayo na magustuhan siya ni Nicky. Bagay na bagay sila.
"Hi."
"H-Hello."
"Katelyn, sina Gecel at Ecka. My schoolmates."
Agad inialok ni Katelyn ang kanyang kamay sa amin. Hindi naman namin iyon natanggihan. Napakalambot ng palad niya, halatang alagang-alaga.
"Nice meeting you, Katelyn. Gusto pa sana naming makipagkuwentuhan ngunit tumatakip-silim na. Mauuna na kami sa inyo," saad ko.
Matapos naming magpaalam ay tumalikod na kami ni Gecel.
Nang makarating kami sa isang kanto ay 'di ko namalayan na may luha na palang dumadaloy sa pisngi ko.
Crush lang naman kita, Nicky..
Pero bakit nasasaktan ako ng ganito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top