Chapter IV - Message Button
Pagmulat ko ng aking mga mata ay nasa isa akong pamilyar na silid.
Sa silid ko.
Umupo ako sa tabi ng kama habang hinihilot ang aking sintido para alalahanin kung paano ako nakarating dito.
Sa pagkakatanda ko, hindi namin nasundan si Nicky pagkatapos ng uwian dahil sabi ni Kian e may pupuntahan daw na modeling si Nicky.
Kinusot-kusot ko pa ang mata ko at biglang napamulagat.
Modeling?
Unti-unti nang nag-sink in sa akin ang mga pangyayari lalo na ang huling ganap bago dumilim ang paligid ko.
Napahawak ako sa dibdib ko. Talaga bang sinabi ko 'yun?
Hala, patay na.
Kinagat ko ang dulo ng aking mga daliri. Nanginginig ako.
Sukdulang matunaw na agad ako ngayon din para tuluyan na akong mag-disappear sa mundo, makawala lang sa kahihiyan na sinapit ko.
Talaga bang sinabi ko iyon sa harap mismo ni Nicky?
Humiga akong muli at sumubsob sa unan ko.
Nakakahiya ka, Ecka!
Paano ko haharapin si Nicky sa Lunes?
Hayy..
Bumaba na ako at doon ko naabutan si Ate Karen na nagwawalis ng sala.
"Ate."
Iniangat ni ate ang kanyang mukha. Hawak-hawak pa niya ang dustpan.
"Oh, Rochene. Gising ka na pala. Halika, at mag-almusal na."
Binuksan ko muna ang TV. Inilipat ko na ito sa Myx. Sakto na Daily Top Ten ang palabas.
Humilata muna ako sa mahabang sofa habang may nakapatong na throw pillow sa ibabaw ng aking tiyan.
Itinuloy naman ni ate ang pagwawalis niya.
"May ideya ka ba kung paano ka nakauwi kagabi, Rochene?" Nakatingin si ate sa winawalis niya nang sabihin niya iyon.
Kunot ang aking noo na napatalima sa tanong ni ate.
Oo nga, bakit nga ba hindi ko man lang natanong kung paano ako nakauwi rito?
Umiling-iling ako.
"Inihatid ka ni Gecel dito."
Napapitlag ako. "Si Gecel, Ate?"
"Oo. Di ba at kasama mo rin siya kahapon?"
Naningkit ang bilugan kong mata. Wala naman akong natandaang kasama namin si Gecel kahapon.
"Kasama niya 'yung manliligaw mo at saka may isa pang lalaki. 'Yung si ano... 'yung.." Tinuro-turo ni ate ang sariling ulo habang nakapikit nang mariin.
"Si Nicky Byrne po ba, Ate?"
"Yun!"
Sumikdo ang puso ko sa sagot ni ate.
Ihinatid ako ni Nicky?
Pinagpag ni ate ang mga throw pillow sa kabilang sofa.
"Buhat-buhat ka nila pagkarating dito. Wala kang malay. Aba e, kung hindi kasama si Gecel e iisipin kong pinagsamantalahan ka no'ng dalawa e." Nakapamaywang na si ate. Nakaharap siya sa akin.
Ah, kaya siguro nila pinakiusapan si Gecel. Ang awkward kaya kung sina Kian at Nicky lang ang maghahatid sa akin sa gano'ng ayos!
"Pinadiretso ko sila sa kuwarto mo. Hindi kita kayang buhatin mag-isa. Ambigat mo na e." Napatawa pa nang marahan si ate.
"H-ha? Ibig sabihin, nakapasok sila sa kuwarto ko, Ate?"
Tumango si Ate Karen. "At kung 'di mo naitatanong, nakita ni Nicky 'yung pictures niya sa dingding ng kuwarto mo." Pinagkrus ni ate ang kanyang mga kamay.
Parang gusto ko nang ma-liquify sa sandaling iyon at mag-evaporate patungo sa ulap.
Ano na, nakaka-two points na ako kay Nicky. Sobrang nakakahiya na. Ano na lang ang sasabihin no'n? Na desperada na ako sa kanya?
Bakit, hindi pa ba? sigaw ng isip ko.
Ipinilig-pilig ko ang ulo ko.
"Huli pero hindi kulong!" turo ni ate sa akin. Napasalampak siya sa sofa katatawa sa akin. Aba at tinawanan pa talaga ako? Nakakahiya kaya.
"Ate naman e!"
Ilang segundo lang ay humupa na ang pagtatawa ni ate at muli niya akong hinarap.
"Sa akin ay okay lang naman 'yang crush crush na 'yan, Rochene. Ang akin lang, sana ay hindi ito makaapekto sa performance mo sa school," ani ate. Binigyan niya ako ng makahulugang tingin. "Make him an inspiration, not distraction."
Mapait akong ngumiti. Para bang may sumundot sa puso ko pero pilit lang iyong binabalewala ng isip ko.
"Yes, Ate. I know."
Nilapitan ako ni ate at pinisil sa pisngi.
"Aray naman, ate!"
"Naku, big girl ka na talaga." Patuloy pa rin sa panggigigil sa akin si Ate Karen. "Dati, sanggol ka palang na hinehele-hele ko, ngayon ay may crush-crush na!" Mahinhin siyang tumawa. "Oh siya, kain ka na. Lalamig na 'yang niluto ko."
"Sige, ate. Gutom na nga ako!" Humawak pa ako sa tiyan ko na kagabi pa nga pala walang laman.
Pagkatapos kong kumain ay naligo rin ako agad. Balak kong magbabad sa banyo sa loob ng isang oras, bagay na hindi ko nagagawa tuwing may pasok dahil kailangan ay lagi akong magmadali sa pagkilos.
Nakaka-kinse minutos pa lang yata ako sa loob nang makarinig ako ng sunod-sunod na katok sa pinto ng banyo.
"Rochene.. Rochene.. Nand'yan 'yung manliligaw mo. Este, si Kian. Pinapasok ko na." Dinig ko pa ang paghagikhik ni ate sa labas.
Si Kian? Nandito? Bakit?
"Bakit daw, ate?"
"Ewan." Narinig ko ang paghakbang niya palayo patungong sala. Nauulinigan ko ang boses niyang hindi ko maunawaan. Wari ko ay ine-entertain niya si Kian.
Naudlot ang orihinal kong plano na magbabad sa loob ng isang oras. Kaagad na akong nagsabon at nag-shampoo at mayamaya pa ay nagbihis na. Mabuti na nga lang at dala ko ang mga damit ko ngayon. Usually kasi e magtatapis lang ako ng tuwalya at sa kuwarto ko na itinutuloy ang pagbibihis.
Tinuyo at sinuklay ko lang ang aking mahaba at itim na buhok. Matapos noon ay hinarap ko na si Kian.
Isang ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha nang makita niya ako.
Guwapo rin naman itong si Kian. Actually, lahat silang magkakatropa e may kanya-kanyang taglay na kagwapuhan at angking personalidad. 'Yun nga lang, para sa akin e kay Nicky lang talaga ako nabihag. Para sa akin, si Nicky lang ang nakikita ng aking puso, ang kayang magpalukso ng puso ko sa tuwing nakikita ko siya.
"Oh, Kian. Napadalaw ka?" usisa ko at noon din ay umupo ako sa arm chair na katapat lang ng sofa.
Inayos niya ang pagkakaupo at pinagsalikop ang mga kamay.
"Naparaan lang ako para kumustahin ka. You passed out last night." Parang kumiskislap ang mga asul nitong mata nang sabihin niya iyon.
Kung iba lang akong babae, siguro e magugustuhan ko si Kian ultimatum. Kaso hindi e, loyal talaga ako kay Nicky. Wow. Big word.
"Ano ka ba, okay lang ako." Nginitian ko siya. "A-ang inaalala ko e.. e si Nicky. Nakakahiya 'yung.. ano... 'yung sinabi ko." Naihilamos ko ang dalawa kong palad sa aking mukha.
Marahan siyang tumawa. "Ano ka ba, wala lang 'yun kay 'tol. Ang totoo n'yan, alalang-alala nga 'yun nang mahimatay ka. Muntik ka nang matumba sa sahig. Buti e nasalo ka niya."
Napapiksi ako. "S-Si Nicky? Nag-aalala? At.. sinalo niya ako?"
Tiningnan muna niya ako at mayamaya ay dahan-dahang tumango.
Gustong-gusto ko nang magwala sa oras na iyon pero kailangan kong magpigil. Hindi si Gecel ang nasa harap ko kung hindi si Kian. Si Kian na katropa ni Nicky. Nakakailang naman kung dito ako magtatarang sa harap niya.
Lumunok ako ng laway at isang kiming ngiti ang aking pinakawalan.
"Ah, okay," tangi ko lang nasabi.
"Sige, Ecka. Mauuna na ako. Sabihan ko na lang din si Nicky na okay ka na." Tumayo na si Kian sa sofa.
"Sige. Salamat sa pangungumusta." Ihinatid ko si Kian sa may tarangkahan.
Nang makaalis si Kian ay tumakbo ako paakyat sa kuwarto. Agad akong tumalon padapa at nagtakip ng ilang patong ng unan saka ko ikinawag-kawag ang aking mga binti.
Parang umaayon sa akin ang kapalaran.
Sinambot ako ni Nicky?
Nag-alala siya sa akin?
Waaaaaaaaah!
Impit akong tumili. Hindi ko itinodo ang pagtili dahil baka isipin ni ate na napipihang-pihang ako. Na baka isipin niya e si Kian ang dahilan ng kilig ko.
Binuksan ko ang aking cellphone at binisita ang Facebook ni Nicky.
Tiningnan ko ang button na may nakasulat na "Message".
Sa tanang buhay ko, ni minsan ay hindi ko pa sinend-an ng mensahe si Nicky. Pero ngayon, mukhang kailangan ko nang gawin. Kailangan kong pasalamatan siya sa pagsalo sa akin.
Pipindutin ko na ang button nang pigilan ako ng isip ko.
Baka isipin no'n lalo e papansin ka. Such a desperate move.
Napailing-iling ako.
Pero hindi pa rin nagpatalo ang bumabagabag sa puso ko.
Sayang naman ang chance.
Kaya hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa.
Pinindot ko na ang Message Button at bumungad sa akin ang Message tab kung saan puwede akong magtipa ng mensahe.
Ngunit..
Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang nakalagay roon.
Yesterday
10:06pm
Nicky Byrne removed a message
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top