IV
-IV-
"Male-late ka na," sabi ni Dad, humigop ng kape bago itinuon ulit ang pansin sa binabasa niyang dyaryo.
Tinusok-tusok ko ng kutsara ang cereal sa mangkok ko. "Tapos na'ko."
Ang sakit ng mata ko. Hindi kasi ako nakatulog. Ayoko sanang pumasok pero mas ayoko namang magkulong lang sa nakakatakot na bahay na 'to lalo na kung si Dad ang kasama.
Habang inaabot ko ang backpack ko, pa-simple kong tiningnan ang Obituary section habang nagbabasa si Dad. Buti na lang, wala pang namamatay ngayong araw gaya ng sinabi ni Lindsay.
Si Dad ulit ang nag-drive. Baka daw magasgasan ko pa ang sasakyan niya. Wala akong nagawa kundi manahimik na lang at tumitig sa Jack Skellington bobblehead figure na nakadikit sa dashboard. Hindi ko na nga namalayan na nakatulog na pala 'ko.
SCREEECH!!!
Nagulantang na lang ako sa ingay ng busina ng mga sasakyang kasalubong namin. Nasa maling lane na pala kami.
"Dad! Babangga tayo!" sigaw ko, tinuturo ang sasakyang mabilis na paparating--isang 4WD Land Cruiser.
Mabilis na nailiko ni Dad ang sasakyan para umiwas, saka biglang nag-brake. Pakiramdam ko, parang na-scramble ang utak ko. Napamura si Dad. Naiwasan nga namin 'yung Cruiser, pero madulas ang daan kaya nagpa-zigzag zigzag muna ang sasakyan namin bago kami bumangga sa puno sa gilid ng sidewalk at namatay ang makina.
Pagmulat ko, umuusok na 'yung hood ng sasakyan. Hindi naman malaki ang sira ng sasakyan. Konting gasgas lang.
Nasasakal ako ng seatbelt kaya tinanggal ko 'yon. By some miracle, buhay kami pareho ni Dad. Kinusot ni Dad ang mga mata niya. Mukhang nakatulog siya habang nagda-drive. Na naman.
Huminto sa harap namin 'yong dilaw na Land Cruiser. Lumabas 'yung lalaking driver. Matangkad siya. Hindi naman mukhang katandaan pero gray na ang buhok niya.
Kinatok ng lalaki ang bintana pero tulala pa rin si Dad, nakatitig sa punong nabangga namin.
Lumabas ako ng sasakyan. Nagsimula na naman akong atakihin ng asthma dahil sa usok galing sa makina.
"Okay ka lang ba?" tanong ng lalaki sa'kin.
"O-okay lang po." Yumuko ako sa bintana. "Dad, okay ka lang?"
Noon lang kumurap si Dad."Hindi... hindi ko s-sinasadya. W-wala naman akong nabangga, 'di ba?"
Halatang puyat at wala sa sarili si Dad. At ang mas masaklap, mukhang hindi niya nadala ang driver's license niya.
"Mukang na-shock siya," sabi ng lalaking may-ari ng Cruiser.
"Arch--uhm... Dad?!" tawag ng isa pang lalaki galing sa likuran ko.
Paglingon ko, papalabas na ng front seat ng Cruiser si Vincent Sinclair. Ang swerte ko, 'di ba? Gusto ko bale talagang makita siya first thing in the morning, eh. Tch.
Nilapitan niya kami habang inaayos 'yung buhok niyang hindi mo alam kung mahangin lang ba sa labas o sadyang medyo ginulo. Hindi ko maiwasang mapatingin sa kaniya. Lalo pang nakaka-distract 'yung salamin niya kasi nagda-darken 'yong tint kapag natatamaan ng sinag ng araw.
"Okay ka lang?" Sa tono niya, parang wala naman talaga siyang pakialam.
Ako naman, nakanganga lang. Hindi makasagot.
"Ano pa ba'ng hinihintay natin?" tanong ni Vincent sa lalaking gray ang buhok. "I mean, male-late na kasi kami... Dad."
"Tingin ko, kailangan nating dalin ang father mo sa hospital..." sabi sa'kin ng Dad ni Vincent. "Yon ay kung okay lang sa'yo... Vincent," dagdag pa niya, hindi man lang matingnan ng diretso ang anak na para bang natatakot siyang mapagilitan siya.
Si Vincent, wala man lang reaksyon. Pero pakiramdam ko, nakatingin siya nang masama sa'kin.
Sa totoo lang, hindi magkamukha si Vincent at ang Dad niya. Kasi, sobrang payat niya, parang inaantok ang mga mata at 'yong itsura niya parang pinagsukluban ng langit at lupa. Matulis at medyo tabingi ang ilong niya. At kahit sa school lang siya pupunta, naisip pa talaga niyang magsuot ng formal coat at slacks. Kulang na lang bowtie, mukha na siyang waiter.
Namalayan ko na lang na hinawakan ni Vincent ang baba ko para itulak 'yon pataas at sumara ang bibig ko. Napaatras ako, umiwas ng tingin. Nakakahiya. Tapos, ngingiti-ngiti pa siya.
"Ako na lang po'ng magdadala sa kaniya sa ospital," sagot ko sa Dad ni Vincent. "Marunong naman akong mag-drive."
"Sigurado ka ba, hija? Baka kung mapano pa kayong pareho."
Naisip ko, baka tama siya kasi nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Sa sobrang kaba ko, nahihirapan na'kong huminga. Sa huli, pumayag na rin ako.
Tinulungan ni Mr. Sinclair si Dad na lumipat sa front seat. Kung anu-ano ang sinasabi ni Dad tungkol sa mga boses at espirito. Nagdedeliryo yata.
Sumandal si Vincent sa may pinto ng pick-up, pinag-krus ang mga braso niya. Kumunot ang noo niya habang tinitingnan ako. "Nagkita na ba tayo?"
Mga 3 seconds akong nag-lag bago ako nakasagot. "M-magkaklase tayo sa Physics at Spanish."
"Kaya pala pamilyar ka," sagot niya, nagkibit-balikat. "Uhm... Dad? Dalhin mo na lang ang tatay ni--" bumaling siya sa'kin "--ano na nga ba'ng pangalan mo?"
Iniwasan ko ang tingin niya. "A-aramis."
"Dalhin mo na lang ang tatay ni Aramis sa ospital, ta's ako na lang ang magda-drive sa Cruiser papuntang school."
Sa baba lang ang tingin ni Mr. Sinclair. "Masusunod--ibig kong sabihin, sige. Magandang idea 'yan, Vincent."
Sinenyasan ni Vincent si Mr. Sinclair para umalis. "Sige. Umuwi ka na lang pagkatapos."
Naguluhan ako habang nakikinig sa kanila. Sino ba'ng tatay at sino'ng anak?
Pag-alis ng pick-up truck saka pa lang nag-sink in sa'kin ang mga pangyayari. Una, muntik na kaming mamatay. Pangalawa, hinayaan kong isama si Dad ng isang taong hindi ko naman kilala. Pangatlo, at pinakamalala, hinayaan kong kunin niya 'yong sasakyan ni Dad.
Nagulat na lang ako sa ingay ng makina ng Cruiser. Sumilip si Vincent mula sa bintana. "'Wag kang magmadali. Mag-emote ka lang d'yan, Aramis. Male-late lang naman tayo eh."
"Ah... eto na nga!"
Inabot ni Vincent ang pinto ng front seat at tinulak 'yon pabukas. Nagmadali akong sumakay. Hindi sinasadya, tumama 'yung bag ko sa braso niya. Nag-sorry naman ako, pero puro irap lang ang isinagot niya sa'kin.
Naka-on 'yung old school na stereo. Canon in D ang pinapatugtog niya.
Napangiti ako.
"Ano'ng nakakatawa?" tanong ni Vincent.
Napansin pa talaga niya kahit nagda-drive siya.
"Mahilig ka pala sa classical music?"
"Ba't, bawal ba?"
Umiling ako. "Wala lang kasi sa itsura mo. T'saka kahapon, Thirty Seconds to Mars ang pinakikinggan mo sa Spanish class."
"Lahat ba ng taong kakikilala mo lang pinapakialaman mo talaga?"
"Hindi naman lahat," sagot ko, pinipilit na hindi sumimangot. "'Yung mga kakaiba lang."
"Ako, kakaiba?"
"Siguro..." Napansin ko 'yung bronze clock sa dashboard. Nakaturo ang mga kamay ng orasan sa 12:59 at hindi gumagalaw. Pinitik ko 'yon. "Sira yata 'to, oh."
Tinitigan niya ang orasan bago sumagot. "Hindi sira 'yan."
Kumunot ang noo ko. "Naka-stuck sa twelve fifty-nine eh."
"Hinihintay ko kasing mag-thirteen," sagot niya na parang malalim ang iniisip. "Hindi ka ba nagtataka kung bakit hanggang twelve lang ang bilang ng orasan? Ang oras ba, kahit kailan, hindi magkakaro'n ng space para sa thirteen?"
"Ah...trick question ba 'yan?"
Hindi umimik si Vincent, pero malungkot ang mga mata niya habang nakatitig sa orasan. Umiling siya, nagbuntong-hininga saka binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan. "Kalimutan mo na."
Napatingin ako sa rearview mirror. Noon ko lang napansin na may natutulog palang batang lalaki sa backseat.
"Kapatid ko, si Vladimir," paliwanag ni Vincent.
Tinitigan ko si Vladimir. Siguro mga 12 lang siya. Para siyang mas batang version ni Vincent--wavy at dark brown ang buhok, matangos ang ilong, maputi. Ang kinaiba lang, hindi pa masyadong defined ang jawline niya at may pagka-rosy cheeks. Mukha siyang good boy 'di tulad ng kuya niyang laging magkasalubong ang kilay.
Habang tinititigan ko si Vladimir, parang naaalala ko sa kaniya 'yoong batang nakita ko sa harap ng bahay ng mga Thomas kagabi. Hindi ako 100 percent sure na siya nga 'yon kasi naman madilim at mabilis ang mga pangyayari. Isa pa, hindi ko alam kung totoo ba'ng nakita ko o imagination ko lang 'yon.
Pero siguro... siguro, kung makikita ko ang mga mata niya, masasabi ko kung siya nga 'yon.
"Ano'ng tinitingin-tingin mo d'yan?" tanong ni Vincent.
"W-wala..."
Itinuon ko na lang tingin ko sa dinaraanan namin kaso nararamdaman ko pa rin ang mga mata niya sa'kin. Kung makatingin siya 'kala mo may ginawa akong krimen. "Ikaw, ano'ng tinitingin-tingin mo?"
"Parang... pamilyar ka lang kasi."
Hindi na siya nagsalita ulit hanggang huminto kami sa parking lot ng school.
"Vlad," tawag niya sa kapatid. "Gising na."
For a moment there, natakot ako habang hinihintay na dumilat si Vladimir. Ang tanga ko nga eh. Pa'no kung siya nga pala 'yong bata kagabi? Dapat pala tumakbo na'ko. Kaso, parang hindi ako makagalaw.
Kinusot ni Vladimir ang mga mata niya at naghikab.
"Boo." Laking gulat ko, nasa harap ng pala ng bintana ko si Vincent. Tatawa-tawa pa siya sa reaction ko kaya halos manliit ako sa kinauupuan ko.
Itinukod niya ang siko niya sa bintana at yumuko palapit hanggang halos two inches na lang ang layo ng mukha niya sa'kin. Nakakunot ang noo niya habang nakatitig sa'kin. Kinatok niya ng dalawang beses ang pinto ng sasakyan at inayos ang salamin niya. "Lalabas ka ba, o d'yan ka na lang?"
Nagmamadali akong lumabas ng Cruiser. Pagbaba ko, muntik na'kong madapa. Buti na lang nakahawak ako kay Vincent. Tapos nahila ko 'yung red na sports band na suot niya sa kaliwang braso niya. May tattoo pala siyang tinatago do'n.
XIII
Thirteen sa Roman Numerals.
Hinablot niya sa kamay ko ang sports band niya at isinuot 'yon ulit.
"Nasaan si Arch--" si Vlad, bumaba kasunod ko. Napatingin siya sa'kin bago kinuha ang backpack niya kay Vincent. "--ah... si Dad?"
Hindi kulay silver-gray ang mga mata niya, kundi blue. Noon lang ako nakahinga ng maluwag.
Siguro nga, stressed lang ako kaya kung anu-ano'ng nai-imagine ko. Siguro nga, napa-paranoid lang ako.
Naging seryoso ang mukha ni Vincent. "May... kailangan lang siyang gawin. Importante."
"Naiintindihan ko," tumango si Vladimir.
May girl na lumapit sa'min. Yumuko siya at ngumiti. "Good morning!"
Mukhang mas bata siya ng kaunti sa'min ni Vincent. Maliit siya, payat. Parang porselana sa sobrang puti ang balat niya. Itim at hanggang beywang ang buhok. Ang mga mata niya, parang mata ng pusa. Sa suot niyang dilaw na sundress at cardigan, mukha siyang Chinese doll.
Nang makita niya 'kong kasama sila Vincent, natahimik silang tatlo at nagtinginan. Mukhang nakaka-istorbo yata ako sa kanila.
'Yong girl, nakatingin lang sa baba. Lumapit siya kay Vladimir at may binulong. Tumango lang si Vladimir, tumingin sa relo niya.
"Maaari na ba tayong umalis?" tanong ng babae.
"Magsipasok na kayo," sabi ni Vladimir kay Vincent.
Ang weird talaga niya. Kung maka-utos 'kala mo, alipin niya kami.
Tumango si Vincent, hinila ang backpack ko at hinila ako papuntang entrance. Muntik na kaya akong mangudngod sa hagdanan kasi nakaladkad ako nang paatras. Tapos pinagtitinginan na kami.
"Hoy! Marunong akong lumakad mag-isa!" reklamo ko. "Alam ko dapat mag-thank you ako kasi tinulungan n'yo kami ng Dad ko, pero ano ba'ng problema mo sa'kin?"
Binitawan niya 'ko. Lumapit siya at tiningnan ako ng masama ng ilang segundo. "Wala."
Pakiramdam ko napunta sa mukha ko lahat ng dugo ko. "Bakit kung makatingin ka d'yan?"
"Wala lang."
"Wala. Wala ka bang ibang alam sabihin kundi wala?"
"Wala." Bigla siyang ngumiti. 'Yung nakakaloko.
"Kung anumang klaseng da-moves 'yan, hindi effective," sabi ko, bago ako nag-walk out.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top