III
-III-
Papunta na sana 'ko sa Literature class ng nilapitan na naman ako ni Blondie. 'Yung kanina pa aali-aligid sa'kin. Medyo may pagka-weird kung makatingin.
"I-ikaw na naman... Ano na nga ba'ng pangalan mo?" tanong ko kunyari, pero binilisan ko ang lakad ko.
"Lindsay Moseley," sagot niya habang iniikot sa daliri niya ang kulot niyang buhok.
"Uh... Nice to meet you, pero kailangan ko na talagang pumunta sa klase ko."
Hinablot niya ang braso ko. Bakas ang takot sa kulay asul niyang mga mata. "Sandali lang! Hindi mo ba naiintindihan? Hindi ka dapat umupo do'n--may sumpa! Dapat nakinig ka na lang kay Miss Cruz!"
"Ano'ng may sumpa--'yung upuan?" Hindi ko mapigilang matawa.
Nanginginig ang mga kamay ni Lindsay nang hinawakan niya 'ko sa balikat. "Si Hazel Hemlock. Alam mo ba kung ano'ng nangyari sa kaniya no'ng umupo siya do'n? Pag-uwi niya, nakatulog siya. Nakatulog tapos hindi na nagising! Pero nakita ko..."
"Ang ano?"
"Si Vincent Sinclair," bulong niya. Binitawan niya ako at pinagduop ang mga kamay niya. "Nakita ko siya. Palakad-lakad sa harap ng bahay nila Hazel. Kasama niya... 'yung mga taong nakaitim. Tapos... Tapos kinuha nila si Hazel. Kinabukasan, patay na siya."
Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko kay Lindsay. Para na siyang nasisiraan. Nanginginig siya na para bang pinaniniwalaan niya talaga 'yung pinagsasabi niya. Kung makatingin siya sa'kin, kulang na lang sabihin niya na ako na ang susunod.
Hindi pa man tapos ang second period, pakiramdam ko, aatakihin na naman ako ng hika. Buti na lang biglang sumulpot si Carter.
"Lindsay, tara na!" Tawag niya habang binabasa ang schedule niya.
"Pero--" angal ni Lindsay.
"Okay... May Lit class pa'ko eh, so, babay na." Umatras ako palayo kay Lindsay.
"Lit ba ka'mo?" sabi ni Carter bago pa man ako makatakas. "'Yon din ang next class namin. Sumabay ka na."
"Hindi," todo tanggi agad. "Ibig kong sabihin, thanks pero, okay lang ako."
"Okay," tumango si Carter. Tinuro niya 'yung opposite part ng hallway. "Pero hindi d'yan ang daan. Dito."
Pahiya ako do'n.
"Saglit lang," habol ko sa kanila. Lalakad lang naman kami papuntang classroom. Hindi naman ibig sabihin magiging BFF na kami. Eh di ako na selfish. Sa pulis kayo mag-reklamo. "Ikaw si Carter, 'di ba?"
Mukhang nagulat siya. Napangiti. "Alam mo'ng pangalan ko?"
"'Di ba ikaw 'yung nerd--I mean, 'yung laging nagtataas ng kamay sa class ni Mr. Simpson?"
"Ah..." Na-awkward yata siya kaya tumawa na lang. "Ako nga 'yung nerd na 'yun. Carter Applegate at your service. Hayaan mong personal kitang i-welcome sa Duct Tape High. Kung saan, ang utak ng mga estudyante at ang mga buildings mismo ay nakadikit na lang ng duct tape para hindi masira."
Napangiti ako do'n. "Talaga? 'Yan din ba ang welcoming speech mo 'pag may teacher na nakakarinig?"
"Siyempre hindi," sagot niya, saglit na tinanggal 'yung salamin niya (ang kapal no'n) para ipunas sa baba ng polo niya. "Bad 'yun. Baka ipatawag pa'ng mga nanay natin."
"Hindi na nila mapapatawag ang nanay ko kasi matagal na siyang patay," biro ko.
Obviously, hindi ko forte ang pagjo-joke.
"Sorry," sabi ni Carter.
"Matagal na 'yun."
"So..." simula ni Carter, hinawi ang dirty blond niyang buhok palayo sa mata niya. "Kamusta naman? Nagustuhan mo ba ang Ashland?"
"Okay lang."
"Kung gano'n, narinig mo na 'yung tungkol sa kabilang bayan? Ang ghost town ng Centralia? Kung saan may mga higanteng butas ang lupa. Tapos may usok na lumalabas do'n. Kahindik-hindik, 'di ba?"
"Kahindik-hindik. What a word." Nagkibit-balikat lang ako. "Nalaman ko na'ng lahat ng gusto kong malaman dahil sa Google. Pakiramdam ko, para kay Dad, 'yung paglipat namin dito ang pinakamagandang nangyari sa tanang-buhay namin."
Nagtinginan sila Carter at Lindsay, pero bago pa man magsimulang mag-hysterical si Lindsay, si Carter na ang unang nagsalita.
"Hindi naman talaga gano'n kasama. Karamihan ng mga nag-aaral dito, ni hindi nga alam na nage-exist ang Centralia. Nag-alisan lang ang mga nakatira do'n dahil mataas ang level ng carbon monoxide sa hangin. Delikado kasi ang gas poisoning. At, oo. Amanerd."
Natawa na lang kaming lahat.
"May nakatira pa rin do'n," dagdag pa ni Carter. "Tulad ng mga Sinclair."
"Ah... sila Vincent?"
Napangiwi si Lindsay sa pagbanggit ko ng pangalan. Tumango naman si Carter, pero tumahimik na sila pareho pagkatapos no'n. Hindi na rin nila binanggit 'yung 'cursed chair'.
***
"Hindi ka pwedeng mag-drive," sabi ni Dad sa'kin nang papalabas na'ko ng sasakyan. "May pupuntahan ako bukas. Ihahatid na lang kita."
Tuliro si Dad. Mukhang pagod. Laki ng eyebags niya. Nalimutan pa niyang mag-ahit.
Hindi na lang ako umimik sabay pasok sa fire hazard zone--este, bahay pala namin. Nadatnan ko na lang, parang dinaanan na ng bagyo ang buong bahay. Siguro, naghalughog si Marcel Rayne--oo, tinatawag ko siya sa pangalan niya 'pag naiinis ako--habang wala ako.
Ang weird nga ni Dad ngayong mga nakakaraang araw. Lagi na lang siyang hindi mapakali. Nakatulala. Tapos biglang nagagalit ng walang dahilan. Mahirap pakisamahan si Dad pero hindi naman ganito kalakas ang topak niya dati. Medyo scary na.
Inilapag ko ang bag ko sa sofa at saka dumirecho sa kusina para maghanap ng iluluto.
Hindi ko na lang pinansin 'yung patong-patong na folders at pinaggugupit na piraso ng dyaryo ang dining table. Inisip ko na lang, baka nagre-research si Dad para sa nobela na sinusulat niya. Obssessed talaga kasi siya sa mga kababalaghan. Minsan tuloy, napapansin ko, parang hindi na niya alam kung ano'ng pinagkaiba ng fiction at totoong buhay.
Habang hinihintay kong kumulo ang pasta water, sinimulan kong linisin ang table. 'Yong mga newspaper clippings, puro tungkol sa Centralia. Na-curious ako kaya binasa ko na rin.
Sabi do'n bigla na lang daw nagkaroon ng maraming malalaking butas sa lupa. Tapos may isang teenager na nahulog do'n. Nag-alisan daw ang mga tao kasi hindi nila mapatay kung anuman 'yung nasusunog sa ilalim ng lupa.
May mga experts na nagsasabi na mahigit 250 years na raw umaapoy ang underground ng Centralia. Sabi naman ng mga adik tulad ng tatay ko, ang mga butas daw ay mga gate papunta sa impyerno.
Kakabasa ko, hindi ko tuloy napansin na nago-over flow na pala 'yung pinapakulo ko.
"Shocks!"
Napatakbo ako sa kalan para i-off 'yon. Pagbukas ko ng kaserola, napaso ako sa sobrang init kaya nabitawan ko 'yung takip.
"Aramis!" Sigaw ni Dad mula sa garahe. "Ano na naman ang nasunog mo?!"
Itinapat ko sa gripo ang napaso kong kamay. "Kamay ko lang po! 'Wag kayong mag-alala. Okay lang 'tong kusina."
"Buti naman," sagot niya.
"Nga pala. Okay lang po ako!"
Hindi siya sumagot. As always. Alam ko namang wala siyang pakialam sa'kin. Pero umasa pa rin ako.
Gaya dati, tahimik lang kaming kumain ni Dad. Pagkatapos, lumabas ako ng bahay para maglakad-lakad. Hindi naman umimik si Dad no'ng nagpaalam ako kaya kinuha ko na lang ang jacket ko saka nagdadabog na umalis.
"Ano ba sa kaniya kung bigla na lang may humila sa'kin dito sa kalsada?" reklamo ko.
Sinara ko ang jacket ko. Malamig kasi. Tahimik ang paligid at wala akong marinig kundi ang kaluskos ng tuyong dahon na natatapakan ko. Pansamantalang tinago ng mga ulap ang buwan. Buti na lang may poste ng ilaw sa dinaraanan ko. Malapit na nga lang yatang mapundi kasi kukurap-kurap na.
Tuwing naglalakad ako 'pag gabi, naalala ko si Mom. No'ng nabubuhay pa kasi siya, lagi din kaming naglalakad sa labas tuwing gabi. Natatandaan ko pa, hawak niya ang kamay ko at kinukwentuhan niya 'ko ng mga imbento niyang fairy tale. Gustong-gusto ni Mom ang gabi, ang buwan, ang tunog ng mga palaka at kuliglig, ang malamig na hangin...
Napahinto ako.
Bigla na lang akong kinilabutan. And then, nakita ko... nakita ko sila.
May dalawang lalaking nakatayo sa harap ng isang bahay. Pareho silang naka-black suit na may itim na neck tie at red arm band sa kaliwang braso.
Alam ko, mag-asawang matanda ang nakatira sa bahay na 'yon--ang mga Thomas. Pumasok tuloy sa isip ko 'yung sinabi ni Lindsay kaya nagtatakbo ako palayo at nagtago sa likod ng puno. Sobrang kabog ng dibdib ko. Hindi ako makahinga.
OMG! Sa'n ko na nga ba nilagay 'yon?!
Hinanap ko sa mga bulsa ko ang inhaler ko. Ang dala ko lang ay 2 dollars, 3 pennies at isang paperclip for self-defense.
Nice.
Sinubukan kong kumalma. Tapos sumilip ako ulit sa gilid ng puno. Nando'n pa rin sila.
'Yong isa, six-footer, malaki ang katawan, moreno at itim ang buhok. Matangos ang ilong niya. Bilog at mapupungay ang mga mata. May pagka-Middle Eastern. Siguro mga around twenty ang age.
Akala ko talaga si Vincent na 'yong isa. Pero hindi, kasi bata lang siya at mukhang hindi pa tinatamaan ng puberty. Wavy at maitim ang buhok niya. At ang mga mata niya, ang weird, kulay melted silver.
Nakakita na'ko ng gano'n dati. No'ng bago namatay si Mom.
Hinintay ko kung ano'ng gagawin nila pero nakatayo lang sila sa harap ng bahay. Parang naghihintay.
Nagulat na lang ako nang biglang bumukas ang pinto ng bahay. Pero wala naman akong makitang tao sa may pintuan.
Narinig ko ang kaluskos galing sa likod ng mga halaman. Gumalaw 'yung sanga ng punong pinagtataguan ko. Tumingala ako, hinanap kung ano'ng hayop kaya ang lumundag do'n, pero wala akong makita.
Isang malakas na ingay ang narinig ko. Parang tunog ng mic kapag may feedback noise.
Nagtakip ako ng tenga. Sa sobrang lakas ng ingay, pakiramdam ko sasabog ang ulo ko. Gusto kong tumakbo, pero hindi ko maigalaw ang mga paa ko.
Bago pa'ko magsimulang magdasal, napalitan ang ingay ng mahinang pagbulong na galing sa mga labi ng batang may kulay pilak na mga mata. Nakabantay sa likuran niya 'yung lalaking matangkad, parang bodyguard.
Tapos, may narinig akong malakas na hagikgik ng batang babae. Pero kahit ano'ng hanap ko, wala akong makitang batang babae. Hindi ko alam kung imagination lang ba kasi parang ume-echo 'yon sa utak ko.
Unti-unting lumakas ang bulong pero hindi ko maintindihan kung anong lenguwahe 'yon. Naghahampasan ang mga sanga ng mga puno. Lumakas rin ang hangin, umuugong, nagngangalit, tinatangay ng paikot ang mga tuyong dahon sa daan,parang ipu-ipo.
Kumapit ako sa puno. Feeling ko matatangay din ako. Pero, bigla na lang tumahimik ang paligid. Napakatahimik. Parang sementeryo.
Nakakapagtaka kasi wala man lang lumabas para tingnan kung ano'ng nangyari. Sa lakas ng ingay at hangin na 'yon, imposibleng walang makapansin.
Nakita ko na lang na kusang sumasara 'yung pinto ng bahay ng mag-asawang Thomas. At nawala na ring parang bula ang mga lalaking nakaitim.
Imagination ko lang ba 'yon?
Sa takot ko, nagtatakbo ako pauwi na parang hinahabol ng pitong demonyo. Halos magkandarapa na'ko pagpasok ng bahay. As usual, hindi man lang nag-angat ng tingin si Dad sa tina-type niya. Pagdating ko ng kwarto, ni-lock ko agad ang pinto at mga bintana kahit na tingin ko, hindi kayang pigilan ng kahit anong lock ang mga taong naka-itim kung gusto nila akong habulin.
Namaluktot ako sa kama. Nagtalukbong ng kumot. Nanginginig sa takot. Pakiramdam ko aatahikin ako sa puso.
Baka nga nagsasabi ng totoo si Lindsay. Mukhang may kung anong kababalaghan nga sa lugar na 'to.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top