RIMD: Dream #21
Reality in My Dreams
RIMD: Dream #21
Wala na...
Wala na.
Tuluyan ko na siyang binitawan at hinayaan na mabuhay sa lugar na malayo sa akin. Gusto ko siyang makita. Gusto ko siyang makasama ulit. Pero hindi ko alam kung paano. Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa na hanapin siya.
Noong hindi ko pa siya pinakakawalan, ang hirap na sa akin. Iniisip ko pa lang yung effect noon sa buhay ko, sobrang sakit na. Pero ngayong nangyari na. . .ang hirap pala. Mas mahirap pa sa inaasahan ko.
"Nakagawa ka na ng assignment sa Psychology?" Tanong sa akin ni Glezel. Tumango lang ako. "Pakopya!" Ibinigay ko naman sa kanya ang assignment ko at kinopya na ito ni Glezel.
Simula nung araw na pinakawalan ko si Reywen, ibinuhos ko lahat ng oras ko sa pag-aaral. Halos wala na akong itinira para sa mga kaibigan ko. Halos wala na akong tinirang oras para sa sarili ko. Ang gulo na eh. Ang gulo na ng isip ko. Dagdag pa sa nagpapagulo ng isip ko yung taong nagtext sa akin nung minsan, pero hindi ko naman kilala kung sino.
From: 0915xxxxxx
Nakakamiss yung matatamis na ngiti mo. Kailan mo ibabalik yun? :)
To: 0915xxxxxxx
Sino to?
From: 0915xxxxxxx
Hindi mo ako kilala. Pero lihim kitang pinapanood sa malayo sa tuwing nandito ka sa school. :)
Hindi na ako nag-abala pang magreply dahil hindi ako yung tipo ng tao na nakikipag-communicate sa taong di ko naman kilala.
Napatingin ako sa bulaklak na nasa ibabaw ng tukador ko. Isang sirang bulaklak na dati ay napaka-ganda. Simula nang magising ako nung araw na pinakawalan ko si Reywen, nakita kong sira na siya. Nakakapang-hinayang lang na, yung bulaklak na sobrang ganda noon, sirang-sira na ngayon. Pero hindi ko parin siya itinapon. Ipinangako ko sa sarili ko na kapag nagkita kami ni Reywen sa mundong ito, kailangang malaman niya na itinabi ko ang bulaklak na ito ng matagal na panahon.
***
"So. . ." Napalingon ako sa nagsalita sa gilid ko. Si Kevin. "Pinakawalan mo na yung taong sinasabi mo?" Hindi ako sumagot.
Nanatili lang akong nakaupo dito sa bench at nakatingin sa malayo. Ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin.
"Silence means. . .yes?"
Kinagat ko ang labi ko sa sinabi niya. Ayoko na muna sanang pag-usapan, eh. Alam ko na two weeks na ang nakakaraan kaya dapat, inaayos ko na ang buhay ko ngayon. Pero. . .masakit eh. Inakbayan niya ako at ipinatong niya ang ulo ko sa balikat niya.
"Sigurado ako na may malaking reward na kapalit ang pagpaparaya mo sa kanya." Sabi ulit ni Kevin.
"Hindi ko kailangan ng reward," hindi ko na napigilan ang pagpatak ng luha ko nang magsimula akong magsalita. "Ang kailangan ko. . .siya." dugtong ko.
"Alam mo kasi, Suzette, baka kaya kinailangan mong gawin yun, dahil hindi iyon ang tamang lugar at oras para sa pagmamahalan niyong dalawa." Paliwanag niya.
"Kung hindi ngayon. . .kailan yung tamang panahon? Napapagod na kasi akong umasa, eh. Baka kasi mamaya, umaasa lang pala ako sa false hope. Nakakapagod na." Sabi ko, pagkatapos ay may kumawalang hikbi sa bibig ko.
"Mahal mo siya, di ba? Kung pagod ka na, magpahinga ka muna. Pero wag kang titigil na umasa sa pangako niya. Alam kong mahal ka rin niya. Kaya sigurado ako na kahit gaano katagal, tutuparin niya yung pangako niya sayong magkikita ulit kayo sa tunay na mundo."
Totoo nga na gumagaan ang pakiramdam mo kapag nakakausap mo ang kaibigan mo. Totoo nga na masarap sa pakiramdam kapag naiintindihan niya ang nararamdaman mo. Sana matapos na lahat ng sakit na nararamdaman kong ito.
Sana. . .makayanan ko nang mabuhay ng normal ulit, tulad ng dati.
***
Pagkauwi ko sa bahay, dumiretso ako sa kwarto ko. Nagulat ako nang parang luminis ang kwarto ko at naiba ang ayos ng mga gamit ko. At. . .may kulang.
Hinanap ko kaagad yung tuyong bulaklak na iyon. Nawala siya sa ibabaw ng tukador ko! Sa halip, may bagong vase na nakalagay sa ibabaw noon na medyo malaki at may tatlong kulay pink na bulaklak. Hinanap ko siya sa basurahan pero wala na iyong laman.
Mabilis akong bumaba ng bahay. Nakita ko sa kusina si Allaine na nagluluto.
"Allaine!" Pagtawag ko sa kanya. "Sino nangialam ng mga gamit ko sa kwarto?" Halos pagalit na tanong ko.
"H-hah? Y-Yung--"
"Di ba sabi ko naman sa inyo na ayokong pinapakialaman niyo ang gamit ko?!" Bulyaw ko sa kanya.
"Suzette! Huminahon ka nga! Yung Papa mo ang nagpalinis ng kwarto mo dahil hindi mo na daw naaasikaso. Pinalinis niya sa isang katulong. Sinabi ko naman sa katulong na iyon na wag magtatapon ng mga bagay na makikita niya sa kwarto mo, eh. At sinabi ko rin na wag niya gaanong galawin dahil alam kong ayaw mo yun. Ano ba yung problema? Nagiging mainitin na yata ang ulo mo lately. Ano bang nangyayari sayo?" Mahabang sabi niya.
Napakagat ako ng labi at nag-iwas ng tingin. Alam ko na simula nang mawala sa akin si Reywen, naging mailap ako sa mga taong nakapaligid sa akin at parang itinutulak ko sila palayo sa akin. Pero ibang kaso na 'to eh!
"Yung. . . Yung tuyong bulaklak na nakalagay sa vase na maliit sa ibabaw ng tukador. Nasaan yun? Nasaan yung tuyong bulaklak na yun?" Mahinahon na tanong ko.
Pinilit kong maging mahinahon ang sarili ko kahit na naiinis na ako ng sobra dahil hindi pwedeng mawala yun. Yun na lang ang pinanghahawakan ko ngayon. Yun na lang ang meron ako na galing kay Reywen, eh.
"Bulaklak? Tuyong bulaklak? Baka itinapon na. Tuyo na pala, eh. Akala ko naman kung ano yung nawawala. Tuyong bulaklak lang pala. Ano bang--"
"Hindi lang basta tuyong bulaklak yun!" Malakas na sabi ko. Nag-nit ang gilid ng mga mata ko. "Hindi niyo ko naiintindihan, eh. Yun na lang ang meron ako galing sa kanya. Hindi pwedeng mawala yun!" Sigaw ko bago tumakbo palabas ng bahay.
"Suzette!!!" Rinig kong tawag niya.
Nakita ko na maraming itim na plastic ang nasa gilid ng bahay namin. Isa-isa ko iyong hinalukay at hinanap kung nasaan doon ang bulaklak. Halo nabuksan ko na lahat ng plastic pero hindi ko nakita yung hinahanap ko. Tumulo ulit ang mga luha ko habang iniisa-isa ang basura na nagkalat na ngayon.
Ngunit nagulat ako nang may isang lalaki ang lumuhod sa harap ko kahit medyo malayo sa akin. Napatingin ako doon. Isang matangkad na lalking estranghero ang nakaluhod sa harap ko.
"Ito ba ang hinahanap mo?"
Napatingin ako sa hawak niya. Bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ang kaisa-isang bagay na dahilan kung bakit kinalkal ko ang mga plastic ng basura namin. Napangiti ako at mabilis kong kinuha iyon.
"S-Salamat." Sabi ko. Sunud-sunod na tumulo ang luha ko habang nakangiti at nakatingin sa bulaklak na bahagyang nagusot. Tumingin ako sa lalaking nasa harap ko. Nakita ko na nakangiti lang siya ng maliit habang nakatingin sa akin. "Salamat talaga."
Ngumiti ulit siya at pinunasan ang luha ko gamit ang daliri niya. Hindi ko alam kung bakit parang kinabahan ako sa ginawa niya. Medyo pamilyar din ang mukha niya pero sigurado akong hindi ko siya kilala.
"Ganyan ba kaimportante sayo ang bulaklak na iyan?" Sabi niya habang tinutulungan akong tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig. Pinagpag ko ang sarili ko dahil napuno na rin ako ng dumi.
"Oo. Sobra. Ito na lang ang natitirang alaala sa akin ng taong..." hindi ko na naituloy ang sinasabi ko dahil narealize ko na hindi ko nga pala kilala ang taong 'to.
"Taong...?" Tanong niya. Umiling ako.
"Sino ka? Kilala mo ba ako?" Tanong ko sa kanya. Tumawa siya ng mahina bago sinagot ang tanong ko.
"Kilala kita. Pero hindi mo ako kilala kaya magpapakilala ako sayo." Nakangiti niyang sabi. "Ako si Ivan."
__________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top