iii: kwentuhan

──── ikatlong tagpo ────

tatawa tayo
sabay seryoso
unti-unti kang
nakilala, ang
sarap-sarap
mo palang
kasama

kwentuhan,
sugarfree

──── ──── ──────

Ganap na akong PRO.

Sana pro rin sa mga gawain.

Hindi ako tarantahing tao. Hindi nga rin lang palaging matalas ang pokus. Kaya tuwing natitiyempuhang siksik ang tungkuling kailangan kong asikasuhin sa iba't ibang aspeto, delikado akong makalimot.

Pagtapos ng unang araw ng klase, mayroon agad kaming assignment sa Personal Development. Gusto ni Sir Andrade na kumuha kami ng panayam sa isang tao para mailarawan ang pagkakakilala sa open self o sa bukas niyang sarili.

Ngayong semestre din ang elective ko sa Digital Photography na nagsimula ng Martes. Kaya imbis na sa condo, dumiretso akong uwi sa Makati para konsultahin ang Tatay Eli sa magandang uri ng kamera na pwedeng gamitin.

"Ano bang tema mo, bunso?" itinanong niya.

"Feature article, Tatay," sagot ko sa kanya. "Pwedeng literary portrait ang atake." 'Ka ko pa, hindi pa ako desidido kung sino ang gusto kong ilarawan. "Ikaw, gusto mo?"

"Aanhin ko 'yan, bunso? Danas ko nang maidyaryo dahil kay Ferdinand." Tinawanan ko 'yong pahuli niyang salita: "Mag-interbyu ka ng matigas ang ulong pamumurahin 'yang si Rodrigo."

Dahil sa malalang rayuma, puno ng ingat niyang ipinakitang gilas ang luma niyang kagamitang kinalkal niya pa sa literal niyang baul: mula sa iba't ibang modelo, iba't ibang lente, at iba't iba nitong dagdag. Puno ng yabang (at lambing, syempre) ang ngiti ko habang pinanonood siya. At bago ako matapos ang araw, ipinabaon niya sa 'kin ang huli niyang nabiling camera bago pormal na tumigil sa disiplinado niyang kakayahan matapos ang dekada nobenta.

Nakakatuwa.

Batsilyer sa pagpepelikula si Eleazar Samson Aguirre Manjares sa UP Diliman noong dekada sesenta kaya magandang lalaki siya tuwing nag-uumapaw ang bilib sa sarili niyang kasaysayan.

Gayon pa man, hindi ko nadala ang taglay niyang gilas papunta ng klase ngayong Miyerkules. Sira ang LRT. Mabigat ang trapiko sa kahabaan ng Maynila. Ayon pa kay Sir Andrade, bukas na ang pasahan ng interbyu.

Wala naman sanang kaso sa 'kin kung hindi lang dumagdag 'tong adviser namin sa internship. Wala daw akong ipinasang forms na kailangan para magkaroon ako ng grade.

"Ma'am, direkta kong ipinasa sa 'yo 'yon."

"Sa 'kin? When?"

Timpi akong tumango kahit umiikot ang sikmura ko. "Ipinatong ko noon sa lamesa ninyo kasama ng sa mga kaklase ko dahil ikaw na 'ka mo ang bahala magsalansan."

"Ba't doon?"

Kunot-noo ako. "Sabi ninyo, e."

Nakakayamot naman.

Imbis tuloy na unahin ko ang naskedyul naming meeting para mag-ayos ng thesis, hindi na muna ako sumama sa mga kagrupo kong gagawi sa library. Ako pa naman ang lider. Kung hindi lang 'yon kailangang maipa-check na dahil kulang pa kami sa RRL.

Sa OJT Office ako dumiretso para mag-request ng bagong forms. In-email ko pa si Ma'am at hinintay ng isang oras (dahil hindi rin siya mahagilap bigla) para maipakita siya sa receiving desk. At naghintay pa ulit ng kalahating oras para makapag-print sila ng bagong forms.

Wala na akong gana pagkarating ko sa kompanya kung saan ako nag-i-internship.

At lalong nawalan dahil absent ang supervisor kong magfi-fill out ng assessment sa 'kin.

Yamot.

Sa condo ako ulit umuwi dahil huling araw ko na ngayon bago mag-uwi ng mga gamit bukas. Kahit marami pa akong dapat asikasuhin sa acads, sa mga dapat iimpakeng gamit, at sa kinukulit ni Leah na proposal letter ng una kong proyekto para sa konseho, pumayag muna ako sa alok ng mga bugok para makahinga kahit saglit.



<       BAT SI RONRON LANG MAY ALAM NG PASSWORD MO, KENKEN?

Today 16:33

dylecrisostomo
Arat guys

Saan tayu takits?

justgio.___.
TARA TARA TARA TARA TARA

SHET usto q na lumangoy,,,,

therevalo
Kasama ka ba Giordani tangina ka
[ 😑 2 ]

justgio.___.
YAWQ NA NGA :///

therevalo
Diwag tangina mo

justgio.___.
HAHAHAHA KENKEN OW >:c

ifyoucan.ikenneth
lumayas ka na jan sa macaneneng kung ayaw mong iwan ka namin, arevalo.

puro ka inom

move on sa pagkatalo

therevalo
???

justgio.___.
AJSASHASHAHSASAS !!! 😝

dylecrisostomo
Bwhahahahahahaahhahaahha gagstooog T___T

therevalo
Pakyu tubong marilao
[ 🖕 1 ]

dylecrisostomo
@ajmnjrsprz
Ron punta kame dyan!

therevalo
Get ready the miming pool 🌊
[ 👎 3 ]

ajmnjrsprz
Sige. Kayo na'ng bahala sa pagkain.
[ 🍊 3 ]

therevalo
Tangina kayong apat
[ 🖕 3 ]

ajmnjrsprz
???
[ 😆 4 ]


Naghilamos na lang muna ako ng katawan habang wala pa 'yong apat. Ngayong araw na rin ang bayad ko sa renta pati sa tubig at ilaw kaya inaasahan kong bibisita rito ang matandang may-ari para maningil. Paglabas ko ng CR, hindi ko naman akalaing walang paalam niyang sususiin ang pinto at madadatnan akong nakatapis lang ng twalya.

Napabuga ako ng hangin.

"D'yos ko, ano ba naman 'yan!" sigaw pa niya kahit ako ang may karapatan sa pribado.

Pinagpasensyahan ko pa rin dahil kasama niya si Ate Mia. Nag-discount sa 'kin 'yan sa renta dahil nalaman niyang kaibigan ko ang kakilala niyang si Eduardo.

Hindi pa ako nakakapag-abot ng pera, tinapik na ng matanda ang balikat ni Ate Mia. Nambulabog lang pala para mahusgahan kung malinis ang kwarto. Agad din siyang nagpaalam na babalik sa sasakyan nila.

"Ngayon ka uuwi?" tanong ni Ate sa mahagod niyang boses.

"Opo."

Tumawa siya habang napirma ako sa kontrata. "Pasensya ka na sa Mom ko," aniyang natatawa. "Akala niya, patay ka na, dahil hindi ka naman daw usually matagal sumagot sa knocks niya."

Tikom-labi akong natawa.

Matapos ang transaksyon, nagligpit na ako ng mga gamit ko sa buong maghapon. Nilinis ko rin ang buong kwarto kung paano ko 'to unang inabutan no'ng Mayo. Para mapawi ang pagod, tuluyan kong inumpisahan 'tong The Weight of Glory ni C.S. Lewis at sinamahan ko na rin ng ensaymada at kapeng ipinakulo ko pa sa kaldero.

Pumatak ang alas siyete saka lang ako nagbukas ng Instagram. Wala naman silang bagong usapan. Pinagpagan ko 'yong katawan at kumot kong budbod ng asukal.

May kumatok.

"Sino 'yan!"

Kumakatok pa rin.

Baka sina Ate Mia ulit.

Pabalikwas akong tumayo para sumilip sa peephole. Binuksan ko ang pinto dahil lima ang bisita: silang tatlong mokong na nakahubo na ang pantaas habang lasing si Ed kaya siguro hawak siya ng gwardya sa ilalim ng kili-kili.

"RON, ANG AKING KAIBIGAN!"

Biglang pahiyaw na tumakbo si bugok papasok at padausdos na dumamba sa kama ko kaya dumiretso 'yong kalahati ng katawan niya sa sahig kaya kumalabog 'yong ulo niya sa kahon ng sari-sari kong gamit.

"Ganyan ginawa ng tanginang 'yan sa baba," bwisit na sabi ni Kenneth.

Tumawa 'yong guard habang tumatango.

Pagtapos akong pisilin ni Gio sa yakap, binuhat muna namin 'yong lasing sa loob bago kami dumiretsong anim sa elevator. Sinamahan pa kasi kami ni Mang Denver at nakiusyoso kina Gio at Dyle tungkol kay Eduardo. Labindalawang palapag ang pababang bumilang bago kami nag-unahang makalabas patungo sa pool.

Kami lang ang tao.

Tiningnan ko si Kenneth. May kanya-kanyang dala 'yong dalawa habang siya ang may karga ng kaldero ng kanin at ulam sa backpack niya at punong plastik ng beer.

"TANGINA KA, DIGONG!"

Tumalon si Eduardo sa tubig.

Tikom akong napatawa.

Inakbayan ko si Kenneth at kinuha ang hawak niya para tulungan siyang ilagay doon sa cottage. Hinalikan naman ako ng loko sa pisngi. Nilatag namin ang mga pagkain habang nagbubulyawan na agad 'yong tatlo doon sa pool.

Ang sarap ng simoy ng hangin.

Kumikintab-kintab pa 'yong mukha nila gawa ng ilaw sa ilalim ng tubig. Isang buwan din ako rito sa Cubao. Pagtapos ko rito sa condo, mas ramdam ko nang babalik ako sa kinagawian: bahay, gawain, mga tao. Hindi gaya sa internship kong puro mga mamamayang may mga reklamo't panawagan.

"'La nang pag-asa si gago," sabi bigla ni Kenneth.

Nasa tabi ko na pala siya. At parehas pala kaming nakamasid kay Eduardo. "Lumala?" tanong ko, pabiro.

Si Eduardo Arevalo, Jr. na lang kaya ang interbyuhin ko para sa assignment? Swak. Matalino siya kahit magulo't barumbado. Likas ding kontrapelo para lang sa atensyon kaya halo ang damdamin sa kanya dahil sa kabila no'n, magaling siyang makihalubilo. Mapanghati siya para makapanghati.

Wastong-wasto, kung tutuusin, para hindi na mamali ang tingin sa kanya ng marami. Pero hindi ko nga pala obligasyong pabanguhin siya.

"Bahala siya." Pumalatak siya. "Ikaw? Musta naman ang puso ng kaibigan naming Kristiyanong nagkakagusto sa lalaki?"

Natatawa, bumalik ang tingin ko sa kanya. May nakasabit na susi sa hintuturo niya—para sa motor ni Dyle—at 'yon ang ipinambukas niya sa beer.

"Kalmado," sagot ko.

Pinindot-pindot niya ang dulo ng tenga ko. "Pinapatanong ka sa 'kin ni Benny kanina. Kamusta ka raw ba sa pagiging PRO? Kulit no'n." Pero natawa rin siya. "Buti kinaibigan ka na ng kengkoy na 'yon."

"Sabi mo nga, makulit," bawi ko.

"Mailap ka lang."

Kunot-noo ako sabay pisil sa braso niya. "Hoy, sinabi niya rin 'yan. Totoo ba?"

Binitbit niya lang 'yong mga putahe't inumin. Salubong ang kilay kong sinundan siya dahil napapaisip. Pagtapak ko sa gilid ng pool, saktong ahon ni Gio saka humawak sa sakong ko. Pinukpok ko siya ng bote ng beer bago ko ibigay sa kanya. Nag-unahan naman 'yong dalawa sa dalang plato ng hipon ni Kenneth.

"Cheers sa bagong PRO!" maligayang bati ni Gio.

Ibinunggo ko agad ang tumbler.

"Cheers," maligaya kong bati.

Umupo na rin ako para itampisaw ang paa at ipadyak-padyak. Si Kenken naman ang lumubog sa tubig habang umahon at tumabi sa 'kin si Dyle sabay tanong ng, "Ano nang plano mo sa council niyan, Ron?"

Kay Eduardo ako nakatingin.

"Bukod sa pag-ayusin sila ni Leah?"

Mula sa kabilang gilid, pinakyu niya ako. "Tangina mo ka, rinig kayo!"

Tawanan.

Suminghot muna ako. "PR System," klaro ko.

"Ta's si Kenneth, welcoming party amputa!" sigaw na naman ni Ed. "Walang kalatoy-latoy!"

Nakaharap sa aming tatlo, talikuran niyang ginantihan ng pakyu si Ed sabay sabing, "Wala kaming pake sa 'yong talunan ka!" habang sarkastikong nakangiti.

Tawang-tawa si Gio.

Patalon-talon siyang lumakad palapit kay Eduardo habang may hipon sa bibig. Halos sampung dangkal pa ang layo, sinabuyan niya ng alak si tungik.

"Puta naman, Gio!"

Nahilam tuloy.

Tawanan kami habang ipinapaliwanag ko sa kanila ang PR System. Simple lang naman ang proseso: magpapaalam ako sa Student Affairs Office, gagawa ng proposal letter na ididirekta kay Dean, at hahanap ng student DJ at ng istasyon ng radyong pwedeng mag-sponsor ng equipments, lahat 'yan para masulit 'yong lumang intercom.

"Ikaw na lang kaya, Dyle Tristan?" bulalas ko sabay lapat ng kamay ko sa tuhod niya.

"Boypren mo? Sige, pag-isipan ko," agad niyang sagot.

"Tungik, 'yong DJ."

Nanlaki ang mata niya. "Oo, pweds!"

"BOOOO!"

Nasa likod niya na pala si Eduardo kaya sinabuyan siya nito ng alak. Ako ang tawang-tawa sa kaibigan kong si Kenken; nangingiwi kasi't bumali-balikwas dahil ipinaligo ni Gio ang beer sa sarili bago nakisali sa magulong sabuyan.

Wala sana kaming pake sa oras. Walang problema kahit bumalik kami sa gazebo at abutin nang hatinggabi. E, kaso itong bugok na Ed, nagpaalam lang para magpuntang CR pero ang tagal bumalik. Wala din naman siya doon nang puntahan ni Gio.

Saan 'yon sumuot?

Nag-aalala lang naman ako dahil lasing 'yon. Tungik talaga!

"Gago, nasa pool!"

Patalong lumusong si Gio. Narinig ng dalawang bugok ang tilamsik ng tubig doon sa cottage. Halos lumagpas ako sa pagtakbo nang maiahon nga si Eduardo. Itong tatlo, humahalakhak pa?

Sinuntok ko si Kenneth.

Tumikhim si Gio tapos bumwelong i-resuscitate si Eduardo—e, biglang dumilat at suminghap ng hangin.

"Five minutes?"

"Three," ika ni Gio. "Anyare?"

"Ewan. Lumubog ako . . . natakot akong huminga . . . 'di ako makaahon kasi tinamad ako."

"Tangina ka!"

Tawang-tawa sila.

Bumalik kami sa kwarto. Nagkaayaan pa silang manood Shawshank Redemption kahit blanko pa ako sa nangyari. Tama nga ako. Wala pang isang oras ang pelikula, dalawa na lang kaming gising. Sinamahan akong magsipilyo ni Gio at magsimpan ng mga kalat.

"Dito na kayo tulog," 'ka ko.

"Shemps." Tumulo pa sa sahig ang bula sa bibig niya. "Tulong kami sa 'yo maglipat tungik."

Bumalik ako sa kama. Kung hindi siguro kami magkakasama, buong gabi akong tulala sa ginawa ni Ed.


──── ──── ──────


Naalimpungatan ako sa alarm.

Kinapa-kapa ko sa ilalim ng kama ang cellphone habang nahugot ng hiningang mistulang nasa pinakailalim pa ng baga ko.

6:45 AM


Interbyu kay Kuya Charles.

6:50 AM

Interbyu! Yuhoo?

7:00 AM

Dapat naliligo, Aaron.

8:00AM

Yamot na si Kuya Charles.

11:00 AM

Wala na. Late ka na sa lahat.



"Aray," ngiwi kong sabi.

Itong ulo ko—uminom ba ako kagabi? Bakit hindi ko alam? Ah. Baka nga. Pero hindi naman ako amoy alak.

Tumingin ako sa sapatusan.

Wala na 'yong apat.

Si Dyle, nagpaalam kagabing iuuwi 'yong sakay niyang motor para sa pinsan niya. Pero 'yong tatlo . . . bahala na. Hindi naman mabigat ang mga ibabalik kong gamit sa Makati.

Ewan. Kayamot pa rin.

Buti't malinis ang kwarto. Pagtapos kong isuot ang salamin ko, nahagilap ko agad ang mga kailangan kong hawakan: folder ng proposal letter, papeles para sa internship, at ang Bible. Late na rin ako sa Digital Photography. Lagot din ako kay Kuya Charles dahil naindyan ko siya sa dapat naming interbyu kaninang alas otso.

Nag-iisip ako ng panibagong pwede saka isinabit 'tong camera sa leeg ko.

Sige. Si Leah.

Paglabas ko ng condo building, kaysa sumiksik pa sa MRT, sumakay na lang ako ng bus biyaheng Monumento. Dito ako nagpababa sa tapat ng ospital ng MCU para maghintay ng dyip diretsong Sangandaan.

Kaso wala.

Puro Divisoria. At tatlo lang silang dumaan sa lumipas na dalawampung minuto.

Ayoko namang maglakad.

Tsk. Sige na nga.

"Oh, Sangandaan, Sangandaan! Maluwag!" sigaw ng barker.

Agad akong nakipagsapalaran sa pagsakay ng lumagpas na dyip.

Gusto ko na lang matulog. Ni hindi man lang ako sumaya sa sinag ng araw pagpasok ko ng PNS. Tapos nakita ko pa 'yong si Leah—pormal na pormal ang suot—na kalalabas lang ng security office.

Binilisan ko ang lakad kahit nakapila ang mga estudyanteng nauuna sa 'kin.

"Pagod ako," agad kong sabi nang maramdaman si Leah sa likuran ko.

"Hindi obvious sa lukot mong long sleeves at pantalon," sarkastiko niyang sagot. "Anyare, Perez? Naligo ka ba?"

Hindi.

E, ano ngayon?

"Kaninang madaling-araw," katwiran ko.

Nagkibit-balikat siya pagtabi sa 'kin. "Nakipag-usap sa 'kin si Arevalo." Tapos nauna na siya sa 'kin.

"Totoo ba?"

Hindi na siya lumingon.

Sumunod lang ako sa kanya. Bigla siyang naglakad-takbo pagkatapak sa unang guhit ng pedestrian lane patawid ng building namin hanggang sa lumiko siya doon sa information kiosk.

Anong meron?

"Congratulations, Mr. PRO!" biglang sigaw ng mga tao sa upuang semento pagkarating ko.

Nakasuot ng mga party hats ang mga kasama ko sa konseho habang may disenyong piyesta ang itinayo nilang help desk booth. Sa isang maliit na lamesang bilog, may mga baso ng orange juice at mga hiwa ng hotcake.

Tumakbo palapit sa 'kin si Ashley para suotan ako ng party hat. Dahil doon kaya tuluyan na akong napangiti.

"Kayo-kayo pala."

Wala sina Gio at Kenneth ngunit kumpleto ang mga year representatives namin: sina Michelle para sa fourth year, Ashley sa third year, Desney sa second year, at Elaine para naman sa mga freshman.

Palaging suot ni Ashley ang normal nilang uniporme sa Tourism Management. Ang kaibahan lang ngayon: nakapusod sa magkabilang hati ang buhok niya kasabay ng mas lumaki niyang lollipop na bago rin ang kulay.

Napakamot pa ako sa siko at pasimpleng hinimas ang kusot doon. "Ako na ba ang magbabantay?"

"Eat ka muna, Kuys," mabait niyang sabi.

Lumapit ako sa kanila. Pagkaupo ko sa booth, humikab agad ako't hinubad ang party hat para yumukod sa lamesa. Tawang-tawa tuloy sila. Wala, e. Hindi ko na rin mailugar ang pagod ko.

Hinayaan naman nila ako't nagpatuloy sa pag-alok ng libreng pagkain sa mga estudyante ng CAS. Tumabi sa 'kin si Dyle, at siya 'yong maitsura para sa mga babae rito, kaya rinig ko ang usapan nila ng mga nagtatanong sa kanya tungkol sa kurso naming Communication Arts.

Nakakaidlip na rin ako kahit papaano hanggang sa may mga daliring dumadaan sa buhok ko.

"Dyle," saway ko.

Nagtawanan sina Leah at Abby . . . kasabay ng katamtamang bungisngis. Nag-angat ako ng mukha.

Si Benny?

'Yong buhok ko. . .

"O, Benny, 'kaw pala 'yan!" bati ng nakatalikod sa 'king si Dyle.

Nakapuslit na agad si Ashley sa likuran ni Benny kaya agad niya itong nasuotan ng party hat. Alam kong landslide ang boto niya sa kolehiyo nila—pitong daan kumpara sa dalawang daan lang sa kalaban niya. Hindi ko lang akalaing kahit si Leah ay babatiin niya; at ngingitian siya nito sabay, "Hey, Gonzalvo! Pondo na naman ba problema mo?"

Sa dami pa ng estudyanteng lumilibot sa pamantasan ngayong araw, nakakapuslit pa ng sulyap ang iba paglampas sa kanya.

Tapos sa 'kin siya nakatingin.

"Hello, Ronny Boy." Sumaludo siya gamit ang dalawang daliri mula sa dulo ng ahit niyang kilay.

Sumaludo rin ako.

"Teh, alis muna dyan!" Eksakto sa harap ko, nakasampa si Jade sa booth, kaya hinaging siya ni Abby ng braso nito.

"Bastos ka! Ayoko, hoy!"

"Marami na kayong pictures ni Benjamin! Punyemas kang haliparot ka!"

Ibinuhaghag ni Jade ang kulot niyang buhok bago umalis sa pagkakaharang. May pahabol pa tuloy na Pakyu, Jade! Sisimangot pa! si Abby.

Tawang-tawa si Jade.

Tatalungko sana si Benny sa tabi ng inuupuan naming bench. Mukha namang magaan ang bag niya. Agad ko pa rin siyang nahawakan sa malaki niyang manggas saka umusog sa natitirang espasyo.

"Salamat po," sabi niya.

Umakbay siya sa 'kin kasabay ng pagtutok ni Abby sa amin ng hawak niyang DSLR.

Click!

"Ayan! Isa pa!"

Click!

"Cutiepieeee!"

Click!

Nagtatalon siya sa kilig. Iisa lang naman ang itsura ko doon: tiim-labi ang ngiti. Ewan ko lang kay Benny.

"Ang cutie super!"

Hindi ako komportable sa dami nga 'ka ko ng estudyante. Sige na nga. Si Benny naman 'yan, at hindi naman niya ako ipapahamak sa kilos niya.

"Pakita kami, Abs."

Patalon-talong lumapit si Abby sa amin. "Sobrang bagay! Ang cute, 'di ba?! May something!"

Malayang nakakapindot si Benny para ilipat ang mga litrato habang nakapulupot ang strap ng kamera sa palapulsuhan niya kahit ang kaliwang kamay niya, nasa balikat ko, magaan ang kapit; pumipisil-pisil ang hinlalaki bago tumapik-tapik.

"Saya mo here, o. Congrats naman dyan sa hyper naming PRO." Bumungisngis pa siya sa pagiging sarkastiko niya.

Napangiti ako kahit papaano. Mukha talaga kaming magkaibigan doon na matagal-tagal nang hindi nag-uusap ngunit wala pa ring pinagbago.

"Papakita ko kay Jade!" sabay agaw nitong si Abby ng camera. "Jadeng! Jadeng! My ship!"

Lumayas agad si Abby patungo sa gawi ng elevator. Bumalik ang tingin ko sa mga disenyo at pagkain tapos kay Benny dahil kumuha siya ng hotcake doon.

"Bawal," sabay tapik ko sa braso niya.

Hindi siya nagpatinag. Umiling ako sa pinilas niyang piraso ng hotcake para sa 'kin.

"Nakikibalita ako kay Leah kung sinong final choice nila for the posish. Good choice," saka niya ako nginuso. Parang bata ang ngiti niya habang nanguya. "Happy ako for you, Mr. PRO. Deserve talaga ang pwesto."

"Si Ayesha rin naman," 'ka ko.

Wala pang limampung boto. Dangkal ang dikit ng laban namin sa nakaraang eleksyon. Hindi ako katulad niyang tinawag ng lahat para rito.

"Of course. Mas gusto lang kita katrabaho," sabi pa niya, at marami akong gustong sabihin, pero sa korte ng ngiti niya, hinayaan ko siyang magpatuloy. "Hindi ko pa ba nakukwento sa 'yo?" Naningkit ang mga mata niya.

"Ano naman 'yan?"

"Na napanood kita sa Miting De Avance?"

"Ows, 'di nga?" sarkastiko kong biro.

Bumungisngis siya ulit, mas kunot ang ilong. Suot niya pa rin ang party hat. Mukha siyang isip bata, oo. Pero sa lapad ng suot niyang puting t-shirt at ng kremang cargo pants, alam agad ng titingin ang masinsing halo ng amo at tikas ng kanyang dating.

Sige na nga.

Sinuot ko na ulit ang hawak kong akin. Nakangiti siyang humugot ng hininga. "Omkidowks, bale sibat na ako," paalam niya.

"Sandali."

Kaya ko nga sinuot 'tong akin.

Humarap ako sa mga kasama kong may kanya-kanyang mundo. Wala na rin naman ako sa hulog kaya, "Uuwi muna ako, Dyle," paalam ko dahil siya ang isa ko pang katabi.

Humarap din naman siya. "'Ge na, p're. Hindi na rin pumasok sina Giordani, e." Tulad ng nakasanayan niya, hinawi niya ang buhok kong pawis.

"Where's Manalo, by the way?" takang tanong ni Leah.

Hawak ko pala si Benny sa palapulsuhan. Nauna akong tumayo dahilan upang iiwas niya ang hita niya para makaraan ako. Bigla siyang humawak sa bandang ilalim ng likod ko. Bakit ba natalisod ako kahit wala namang kung anuman sa sahig?

Ang sakit ng ulo ko.

"Agad-agad? Kailangan namin ng kagwapuhan mo here, Kuys!" rinig kong pambobola ni Ashley kay Benny.

"Sasamahan ko na 'to si Aaron Jeremiah. Mukhang hahandusay, e." Napatukod ako sa lamesa. "O! 'Ta nyo?"

"Saan?"

"Saan ba punta mo?"

"Tumayo lang ako," 'ka ko.

"Uuwi ka na 'ka mo," at nagawa niya pang bumungisngis.

Nauna akong makalayo sa lobby ng kiosk dahil may sinasabi pa siya saglit doon sa kanila. Nag-iisip ako ng gagawin. Magpapasa na lang siguro ako ng mga forms ko sa OJT Office. Baka hindi na rin muna ako dumalo ng Bible study. Wala na rin akong Kuya Charles ngayon kaya pipilitin ko na lang si Tatay na magpainterbyu tutal ay natural na marami siyang karanasan kaya madali ring mapapadaldal.

"Ronny Boy!"

Akala ko ba. . .

Ang kulit niya.

"O, akala ko may klase ka pa," puna ko habang nakatuon sa isinasara niyang tumbler. "May gagawin din ako."

"Uwi na," udyok niya.

"Ayaw."

"Edi babantayan kita." Isinuksok niya ang tumbler sa gilid ng sukbit niyang bag. "Orange juice plus hotcake, ah. Ikaw pinag-create ng design ng booth niyo do'n?"

Dapat kaso tumanggi ako.

Saka kakarating ko lang din, gusto ko pa sanang sabihin. "Baka si Kenneth. No'ng nakaraang linggo, naitanong niya sa 'kin ang mga paborito ko."

"Ooohh mmm, ang gaan kasi ng vibes, e," tumatango niyang himig, magaan ang ngiti. "Laki rin ng pondo niyo, 'no? Malago kayo sa freebies, e."

"Ewan ko kay Gio."

Wala na kong kwentang kausap.

Pero kilala ko 'yan si Benny. "Treasurer niyo nga pala 'yon," kunwari niyang alala.

Nauna ang CFAD sa pagse-setup ng mga booth sa palapag nila sa taas. Nasilip ko 'yon dahil nagpasama sa 'kin si Eduardo para makahanap ng street t-shirt na gawa daw ng mga artista ng bayan.

"Imbis na gawin naming special event, opening theme na lang 'yong bazaar sa 'min," kwento ni Benny. "Pahirapan kami dyan ni Henry. Eto kasing SAO, bawal daw magbenta. Gets naman. Kaya nga 'ka ko fundraiser na rin 'yan."

'Di ba? Magkukwento 'yan.

"Serbisyo ng estudyante, kikita sila, then choice nilang ibigay 'yong porsyento sa 'min. Audited naman lahat, e—o, ta's genuine participation pa ng lahat."

"Presidente ka nga," ang tanging puna ko.

Kailangan ko yata ng gamot.

Dito sa labas ng clinic, may parehong bench na eksaktong nakaharap sa pedestrian lane papasok dito sa KAS. Umupo ako para maghintay ng pagkakataon ko. Tumabi lang sa 'kin si Benny sabay tanong ng, "May project ka na ba, Ron? Ikaw, galingan mo, a!" pagkadantay ng buong braso niya sa mahabang sandalan.

"PR System lang," sagot ko.

"Intercom 'yan, ah."

Simple akong tumango.

"O, big project! Yaka!"

"Hirap lang. Baka nga ikonsulta ko pa 'yang feasibility. Ayokong harangin tapos hindi ko alam paano ilulusot. . ."

Natawa siya. "Ganyan, persistent. PRO ka talaga, ser," biro niya pabalik.

Dahil nakaupo ulit siya dito sa kabilang dulo, malapit siya sa gumagalang kuting. Huminto sa paanan niya. Walang ano-ano niyang binati ng malambing niyang pagyuko at paglebel sa tingin nito.

Hinagod niya muna ang tenga bago niya binuhat nang nakabungisngis. Kunot na kunot tuloy ang ilong niya sa gigil.

"Hello po, Kuya Ron." Ikinaway niya ang maliit nitong paa pagtapos niyang itabi sa pisngi niya.

Nawala ang higpit ng ulo ko kahit papaano. "Boop," ang tunog ko sa pagpindot ng bilog nitong tiyan.

"Proceed poooo."

"Kaya naman siguro. . ."

Ngumiyaw ang kuting. Doon talaga ako ginanahang magpatuloy kung anumang gusto pang malaman ni Benny.

"Pinapaasikaso ko na 'yon kay Kenneth kahit PRO pa lang siya noon. Kulang lang talaga sa gamit. Nagkataong mayroon akong kasabayan sa internship na nanggaling sa maliliit na istasyon ng radyo." Bumuga ako ng hangin. "Konting pursige pa, mahihiram namin ang mga kulang."

"Syempre. Ikaw 'yan, e." Idiniin niya sa sarili niyang pisngi ang pisngi ng pusa. "Sabi ka lang sa 'kin 'pag need mo help."

Umusad na ang pila.

Tatlo kaming nagsabay na pumasok ng elementary kasama ang magulang niya. Hindi naman ako magpapahinga rito. Naglagda lang ako ng visit form at nagsabi ng kailangan ko.

Minata pa ako ng nurse. "Are you sure? Medyo sleepy 'yong eyes mo."

"Hindi na po. May maghahatid naman sa 'kin pauwi."

Binigay niya ang gamot.

"Salamat po."

Paglabas ko, lumapit na pala kay Benny ang mga malalaking pusa. Wala naman sa kanilang nanlilisik sa kanya. Paniguradong wala ni isa sa kanila ang nanay. Gusto ko pa sanang manatili sa ganoong pwesto o takasan na lang siya kaso tumingin pa sa gawi ko.

"Bye, mga bebiiii! Bye, bebi!" Hinalikan niya sa ulo ang kuting at inalay sa mga pusa. "Bye po. . ."

Natawa ako dahil mukhang gusto niya pang manatili kahit tumayo na siya at tumabi sa 'kin. Dahil may kadadaan lang na kotse mula sa campus parking, hinarang muna kami ng nagpapatawid na sekyu.

"Saan ka nagbuno ng internship, Benny?" Pinipindot-pisil ko ang hawak kong gamot.

"Hmm?"

Sinusundan niya pa rin pala ng tingin ang mga pusa. "Hindi mo ako 'ka ko kailangan pang bantayan," tatawa-tawa kong paglilinaw.

"Hmm?" Natauhan din siya agad. "Sorry, Ron. Gusto ko lang i-adopt 'yong kuting."

"Balikan natin?"

Napahagod siya ng buhok sa batok. "Bukas siguro. Ipagtatanong ko sila sa guard. Ikaw muna kailangan kong bantayan."

"Tungik."

"Hmm. Internship ba? Nako, after pa ng second sem sa 'min, Ron," sagot niya kalaunan. "Inggit nga 'ko senyong Kom. Sulit ang summer kapag may kasunod na ganaps, e."

"Mauuna pa kaming makaalis."

Nagkibit siya ng balikat. "'Yoko pa ngang umalis kaya. Pati 'ka mo si Henry."

"O?"

"Uu."

Sumenyas ulit ang sekyu. Nagpatuloy na kami ng lakad. Nagawi saglit ang atensyon ko sa security office. Kamusta kaya si Eduardo?

"Eto rin ngang friend ko, si Emman, saan daw tayo pupulutin after university? Paisip ako, e. I mean, beside na 'yong ginagawa kang edukado para sa mga korporasyon, may fear lang din—or dread ba—na ito bang mga kasama ko, kasama ko pa sa malawak na masa?" Kumibot ang labi niya saka nagbanat ng leeg pakaliwa. "Ewan. For solidarity ba. Mamimiss ko 'yon lahat kahit silang mga mula first year pang na-outgrow ko na."

"Na-outgrow?"

"Mmm. Principle divide." Pumalatak siya at nagpamulsa. "O nga pala! Second year ka lang tumapak dito, 'no? Lagi kong limot na transferee ka."

"Minsan din nalilimot ko." Karamihan sa kasaysayan ko sa Laguna ay pagbabalak na lumipat ng pamantasan.

"Saan ka? State U?"

"Sa UP Los Baños."

"Oooh!" Saglit pang namangha ang mata niya pagkasalubong namin ng tingin. "Kaya pala ayaw mo rito. Burgis dito, e."

"Doon din naman."

"Eh. . .? Aminin mo, iba dito."

"Sabagay."

Dahil bumukas na ang gamot kakadiin ko ng kuko, agad ko itong nilunok maliban sa mga nagbabadya kong karanasan.

"Naging bangayan pa nga 'yan noon ng mga . . . magulang ko . . . kung saan ako papasok. . ." Huminga ako nang malalim. "Bukod sa pera, prinsipyo. Sinunod ko na rin ang Mama ko dahil kahit papaano ay sumapat na rin para sa 'kin ang isang taon sa UP."

Gamot siguro ang pagbuga.

"Good choice ba?"

Ngayong nandito siya?

"Oo."

Natahimik kami saglit.

"Ano pa? Magtanong ka lang sa 'kin ng mga hindi mo pa nasasagap sa mga bugok kong kaibigan."

Tawang-tawa siya.

Hinayaan ko munang makalayo kami mula sa labasan ng kotse. Maya-maya ay nakadikit na kami sa linya ng gilid ng bangketa, kaya itinanong ko nang, "Ikaw? Bakit mo napili rito?"

"BulSu sana," sagot niya.

Napa-mmm din ako at agad na tumango. "Para do'n ka nga. Anong nangyari?"

"E, kilala ni Kuya Adrian si Kuya Charles. Parang sila 'yong nagde-decide sa future ko—kesyo maganda raw maghubog ng political awareness kapag nasa sentro ka ng pagreresolba."

"Tama naman."

Kinamot niya ang siko. "Maghahanap ka rin ng thrill sa college, e. Thrill ko 'yong political ascendancy initially, ganyan, then tama nga silang dalawang epal, gagawin mo pa rin siya later on dahil apektado ka, may kakayahan ka, may thrill man o wala."

"Nagiging tungkulin."

"The double T!"

Napalakas ang tawa ko saka naalalang, "Triple sila 'ka mo. Isama mo 'yong TOFI."

Humalakhak din siya.

Kung tutuusin, disenteng paaralan ang PNS. Hindi nalalayo sa karaniwan. Mas malala pa nga ang kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas sa paninikil ng boses ng mga estudyante.

Tama rin si Benny sa kabilang banda. May dapat lutasin dito. Hindi man agaran ngunit sapat para mag-angat ng kamalayan.

"Ewan ko ba," naiiling kong sabi. "Matagal ko nang tanggap na burukratiko ang mga nagpapatakbo ng bawat institusyon. Para sa 'kin, iba lang ang usapin ng pagtataas ng bayad. Bilyonaryo kayong ginagawa na ngang negosyo ang mga ospital, pati ba naman ang edukasyon? At kung para talaga sa estudyante, dapat malinaw ang pakikinabang."

Luminga-linga muna siya sa mga paparating na kotse. Ngumuso siya sa gilid ko kung saan may mga nag-aabang ring mga SHS sa pagtawid.

"Detailed ang satisfaction survey, kumbaga, 'di ba?" May sumulpot na ngisi sa sulok ng labi niya. "Problema lang, hindi makaalis 'yong mga gustong makaalis. Then etong iba, nadi-discourage mag-voice out. They have to suck things up because they chose to stay."

Napangiti ako.

Bata talaga siya ni Kuya Charles.

"Sa CFAD, basic level ko 'yong pag-own nila ng power, e. Lagi 'yon. Concentrate saan ifo-focus, ililinya ba. Kapag alam ng malaking population na iisa silang makikita as stakeholders, madali silang makipamuhay sa isa't isa."

Malalayo pa ang mga sasakyan.

Hinawakan ko ulit ang manggas niya para igiya siyang tumawid kasabay ng mga SHS. Sa kabilang linya ng kalsada, pagkakataon niya namang ilapat ang kamay sa likod ko. Nabibilang kaming dalawa ngayon sa populasyong tinamad sumunod sa batas dahil walang ilaw-trapiko sa kalsada.

Dinadalaw pa ako ng antok.

"Bibili ako ng kape," sabi ko rito kay Benny.

"Omkidowks."

Bungad ang kapehan pagtapak ko sa nakaangat na bangketa. Hinila ko ang pinto pabukas. Dahil masikip na hagdan muna bago ang maliit na pwesto sa taas, saglit kong idinantay ang paa ko sa ikaunang baitang.

"Hindi ka pa uuwi?"

Sa kawalan ko ng wisyo, saka ko lang ulit naalalang nakasuot pala kami ng party hat, kung hindi niya pa hinubad ang kanya.

"Babantayan nga kita," natatawa niyang paniwala bago ikiskis ang palad sa bilugang buhok. "Bili na rin pala ako ng breakfast. Hindi mo ako pinakain sa booth ninyo."

Pinalatakan ko siya. "Saan ka ba galing nga?"

"Sumuporta ng local artists," sagot niya ulit, pabiro ngunit mukhang totoo. "Hala, uu nga! May short film exhibit 'yong friend ni Emman—sa bandang QC sakto kaya kararating ko lang din kanina sa school."

"Okey."

Nauna akong umakyat.

"Ililibre kita," sabi pa niya.

Ayoko 'ka ko. Nasilip ko agad ang nakatayong menu sa gilid ng counter pagtuntong ko ng huling baitang. Mga lilimang beses na rin akong nakasubok dito kaya tantiya ko na ang bibilhin.

"Isang black coffee, Miss," tukoy ko sa barista. "Ikaw, Benny Boy?"

"Clubhouse po."

"Two hundred pesos po, Sir," kaya agad kong kinapa ang pitaka ko para siya na lang ang ilibre ko.

E, pinalo niya ang kamay ko.

"Ayoko nga."

Kukuha na lang sana ako ng isandaan para sa 'kin pero mula sa maluwag at malalim na bulsa ng cargo pants niya, nakahugot siya ng buong berde.

Impit akong napatawa.

"Ngayon lang!" Pumalatak din siya. "Pamasahe mo na 'yan pauwi."

Lalo akong natawa sa kaswal niyang paglapag ng papel sa counter na gawang kahoy. Tikom ang labi niya kaya lumabas sa ilong niya ang maikling tawa habang bahagyang naalog ang balikat.

"Bakit ba kasi?"

"Bakit ka kasi may buong dalawandaan?" balik ko sa kanya.

"Nag-withdraw ako sa bangko!" Kinamot niya ng hintuturo ang patilya.

Tawang-tawa talaga ako.

Buti na lang at dalawa lang ang mesa rito at nagkataong walang customer maliban sa amin.

Kahit habang naghihintay ng binili namin, panay singhot pa rin ako habang maluha-luha gawa ng kahahalakhak. Imbis na magtaka, tunay na natatawa si Benny sa hatid niyang sakit ng tiyan sa 'kin. At ang tungik, isa-isa pang inilabas ang mga malulutong niyang perang papel na para bang bata akong naaaliw sa paulit-ulit na bagay.

E, ang totoo niyan, hindi ko rin alam; kaya nga siguro mas nakakatawa, dahil anong biro sa ideyang gaano siya kaswak sa maraming pagkakataon nang hindi sinasadya?

"Tara na nga," sabi ni Benny nang natatawa ring i-serve ng barista ang binili namin.

Nauna akong pumanaog. Tumunog ang cellphone niya pagtapak ng hagdan kaya ako ang pumigil sa pinto hanggang sa makalabas siyang sumasagot sa tawag.

Pinantayan ko siya sa bangketa. Pagtapos kuhain sa kamay niya ang kape ko, kinalikot ko rin muna ang cellphone ko.




<     BAT SI RONRON LANG MAY ALAM NG PASSWORD MO, KENKEN?

Today 11:11

justgio.___.
GAGU RONRON INIWAN MO KAMI HERE SA CONDOOOOOO ???

SINAMAAN KAMI NG TINGIN NG KAPITBAHAY MO KAKADOORBELL TAS WALA KA PALA

BUMILI LANG KAMI NG ALMUSAL EHHH 😭
[ 😆 1 ]

12:23

dylecrisostomo
Hahahhahahahahhah gagstog kaya pala mag-isang pumunta dito sa booth!

Anu pa gawa nio jan?

justgio.___.
Tinatawagan pa rin namin si Ate Mia now dito sa Jabi para sa susi kahit wala kaming maorder???? 😵‍💫

RON!!! KAKAINIS!!!! 🥲

kenkenvegetables
putragis ka giordani aloisius ano na naman bang username to

pano mo ba alam ig password ko puta

justgio.___.
BLEH!!!
[ 😆 1 🖕 1 ]

dylecrisostomo
WAHAHAAHAHAHAHAHAH pauwi na jan si Ron baka magbangagan lang kayo taena
[ 😝 1 ]





Ang bangag.

"Ginawa mo na yatang wallpaper 'yong two-hundred pesos ko," kalabit sa 'kin ni Benny.

Umayos ako ng mukha dahil ang sakit na ng panga ko sa walang tunog na pagtawa. "Hindi, hindi. Naiwan ko pala kasi 'tong mga kaibigan ko sa condo." Inalis ko na rin ang party hat. "Uuwi na talaga ako."

"Omkidowks. Tara na, sabay ka na sa 'kin."

Pinisil ko ang tungki ng ilong ko sabay mabilis na iling. "Malayo. Taga-Obando ka pa, 'di ba?"

"Yeppo. E, ikaw, sa Cubao." Dumaan sa pagitan namin ang tatlong estudyanteng katatawid lang. "Mahirap ang jeep ngayon. May strike ang mga tsuper."

Tumingin muna ako sa suot kong relos bago inilibot ang tingin. Pagkaisang minuto, iisa lang ang dyip na dumaan, at lumihis pa ng pasada doon sa kanto ng Abbey. Mukhang pauwi na.

Kaya siguro nasabi ng Tatay 'yong nang-uulol na naman 'tong si Rodrigo, ano? sa harap ng dyaryo niya no'ng Martes habang nagbabasa ako ng readings sa Law of Media. "Akmang salita 'yon, Panginoon," sabi niya kay Lord pagtapos.

Bumuntong hininga ako.

"Tara?"

Nang naipon ang mga sasakyan, sinundan kong tumawid si Benny sa mga pagitan. Dalawa ang gate ng PNS: sa gawing kanan 'yong nilabasan naming katapat ng Samson Road.

Pero si Benny, nauuna sa kaliwa, 'yong sa gawing likod ng iskul malapit sa parking lot. Saglit siyang huminto para hintayin ako. Isinuot niya ulit ang party hat niya.

Edi ako rin.

"Buti si Dyle, Ron, nakauwi?" puna niya pagkatapak namin sa bangketa.

"May motor, e."

"Oo nga pala." Nahuli kong tumingin siya saglit sa kawalan; mistulang dinalaw ng pamilyar na bisita kaya may maliit na ngiti. "Alam mo bang naging kaklase ko 'yan siya? Actually, silang apat. Pero mostly, si Dyle 'yong tanda ko dahil naging magka-group kami sa Philo."

Lumiko kami sa hilera ng mga street food katabi ng likurang gate. "O, nakikipagkaibigan ka pala sa Silang," biro ko.

"Ron naman. . ."

"O, ano?"

"Syempre hindi."

Tawanan kami. Hinawakan niya ang likod ko bago nag-excuse sa mga estudyanteng kumakain ng kwek-kwek sa plastic cup.

"Free section kasi ako no'n," katwiran niya. "Mmm, ayon, mabait pala siya. Especially ngayon. Confirmed ko namang hindi ka tumotropa ng barumbado, 'di ba?"

"Dudang-duda kay Dyle, a."

"Hindi, 'no," nakanguso niyang depensa.

Nagkibit-balikat ako. Tinapik niya ang suot niyang ID sa ibabaw ng turnstile na entrance.

"Legit, though. Itong kalaban kong presidente no'ng first year, do'n lang ako badtrip. Wala kasing paninindigan, e." Humigop siya ng matalas na hangin. "E, lider-estudyante ka. Kahit hindi nga, e. Basta kahit tao ka lang. Alam mo dapat na kapag may mali o tama, hindi pwedeng wala kang pipiliin sa dalawa."

"Tama."

Natawa siya.

Inangat ko sa gilid ang salamin ko para maayos siyang makita. "Seryoso. Mahusay kang aktibista, Benny."

"Thanks."

"Tama—"

"Hindi, Ronny Boy. Kaya ako nag-thanks para wala ka nang ganyang puna."

Ako naman ang natawa. "Tungik. Tama ka naman, e. Para sa 'kin lang, nakikipamuhay na tayo sa henerasyon kung saan mas pirmi ang paniniwalang hindi lahat ng pagpipilian ay nahahati sa tama at mali." Idiniin ko ang hintuturo ko sa lubog ng itaas kong labi. "Sa moralidad 'yan nakaangkla, sa paniniwala sa Diyos; kahit nga dyan, kung tutuusin, kakaunti ang striktong basehan."

"Gano'n? Hindi ka kampi sa 'kin? Lagot ka kay Lord," biro niya habang nadadaanan namin ang chapel.

"Ang sinasabi ko lang ay pwedeng parehas totoo kaya alanganin ang taong mamili."

"Duwag lang 'yon si Nestor."

Agad akong natawa. "Tama." Kahit mukhang may ibang punto siyang gustong iparating, tunay akong sang-ayon dahil napanood ko rin silang magtuos sa Miting De Avance. Ibinaba ko ang hinlalaki ko para makisama. "Boo!"

Agad din siyang napabungisngis.

Nasa parking lot na kami. Saglit na umuna si Benny habang dumudukot sa bulsa niya. Nakangiwi siyang sumulyap sa 'kin dahil sa tirik ng araw habang nakaturo sa kotseng puti ang katawan at pula ang bakal ng gulong.

"Kay Kuya Charles. First kotse niya raw kaya naipahiram sa 'kin." Kumulit ang ngisi niya. "O, edi napakinabangan ko pa kanina papuntang Pasay."

"Ah." Tumango-tango ako.

Kahit gaano akong katipid sumagot sa mga interesante niyang konteksto ay madaldal pa rin siya. Isang tango ko lang, naiintindihan niyang tunay ang unawa ko sa kanya.

Nakangiti siyang susiin ang kotse.

Umikot ako sa kabilang upuan sa harap kaya agad niyang hinila paangat ang kandado ng pinto. Hinugot niya muna ang puting tumbler saka inilagay sa katabi ng stick shift bago niya prenteng initsa ang dala niyang bag sa upuan sa likod.

"Akin na 'yang bag mo, lagay natin sa likod," sabi niya pagkabukas ko ng pinto.

"Sige."

Ibinigay ko sa kanya.

Nakabukas ang shoulder bag ko. Walang kaso sa 'kin kahit sinilip niya. Marunong din talaga, e.

Inilabas niya ang Bible.

"Anong book ka na dito?"

"Ephesians."

Kumunot ang ilong niya. "Sorry. Hindi talaga ako familiar."

Natawa ako. Ibinalik niya 'yon sa bag at inilapag na sa likuran. "Dyan ko nakilala si Dyle—" At talagang suminghap agad siya. "Sa Bible study, ibig kong sabihin."

Bumungisngis siya.

Hinayaan ko siyang bumaling palapit sa 'kin para isuot ang seatbelt sa gilid ko. "Hindi ko rin nga alam na sa Silang pala 'yon pumapartido. Wala rin naman akong pakialam," kaswal kong kwento bago bumulong ng Salamat. "Sina Eduardo lang ang mayroon dahil halos kasabayan ko 'yan si Dyle na makasali sa grupo naming magkakaibigan."

Pagtapos niyang mag-antanda ng krus, makulit ang ngiti niya. "Naabutan ko 'yong duo pa silang parehas na bugoy. Kung hindi nga nauna si Gio Boy, baka nagkainitan lang kayo do'n, e."

Napangisi ako. "Palaisipan si Giordani, 'di ba?"

"In a way, ikaw rin. May kakaiba kasi kayong culture ng mga nandyan sa Bible study n'yo." Pinunas niya ang pawis sa noo bago simulang buksan ang makina. "Na-invite ako dyan previously no'ng tropa kong si Theo. Second year din yata?"

"Nabiktima ka pala namin."

"Isang beses lang, though." Imbis na sa upuan, sa balikat ko siya humawak para makabwelo sa pag-atras. Kumunot ang noo niya sabay pabilog ang bibig sa bumulalas na tawa. "O, wait, 'ta mo! Ginagamit mo rin pala?"

Bumungisngis ako.

Nakalapat sa loob ng sasakyan ang lahat ng mga daliri ng araw; sa tuluyang pag-andar, pumupundi-pundi sila dahil sa pagtakip ng mga matataas na puno.

Kinalabit ko si Benny.

"Mmm?"

Mayroong parihabang liwanag sa balikat niya.

Nakangiti akong umiling. Tahimik ko lang siyang pinagmasdan kahit nang makaraan ulit kami sa tapat ng building namin bago swabeng lumiko sa main gate.

Kumibot ang labi niya paturo bago sumipol-sipol. Maraming pwedeng isa-isahin tulad ng bagong ahit sa kilay niya, o 'yong mga tutuldok na nunal sa ilalim ng mata niya, pero ang itinanong ko na lang ay, "Anong pakiramdam ng mabiktima ng mga Kristiyano, Benny?"

"Traumatic."

"Tungik ka," natatawa kong sabi.

"Not my cup of orange juice," sabi niya sabay bulalas ng Hehe. "Mababait naman kayo, mostly preachy, then may certain vulnerability din kayong hirap akong maka-keep up."

"Tama naman."

Ngumiti siya; agad na humigop ng matalas na hangin nang halatang may maalala. "Saka 'yong doctrine n'yo about impyerno—nakakapaso, taragis. Naniniwala talaga kayo do'n sa never-ending kang susunugin ng Diyos?"

Hindi ako.

Pero mahaba pang paliwanag 'yon sa isang taong nagmamaneho.

Saglit siyang sumulyap sa 'kin tapos sa kamay kong hawak ang paper bag ng kape. Hinayaan ko siyang kunin sa 'kin 'yon para ipares doon sa puti niyang tumbler.

"Matagal ka na do'n, Ronny Boy, 'di ba? Hindi man lang tayo nagpang-abot. Anong klase ka kayang tao sa Bible group niyo?"

"Second year ka naimbitahan, ano?"
Tumingin din ako sa dinadaanan. "E, pahirapan ako niyan dahil gusot ang mga subject ko paglipat. Mayroon din akong major na katapat ng Bible study kaya nahirapan akong mag-adjust."

"Acads boy," biro niya.

Pinisil-pisil ko ng palad ko ang braso ko. "Bible study ang pinili ko. Masarap kasi ang mambiktima," biro ko pabalik kaya nasamid siya sa bumulalas niyang tawa. "E, binagsak ako ng prof dahil hindi ako pumapasok. Ako pa ang nagbayad ng tuition ko para ma-retake ko nang maaga."

"Jesus boy," biro niya ulit, pero may mangha na.

May banayad na guhit sa puso ko kaya hindi ko napigilang mapatango. "Simula no'n, hindi na ako nakakapunta. Baka doon ka sumakto."

"Sayang."

Pumreno saglit si Benny dahil sa daloy ng mga sasakyan palabas mula sa kanto sa kanan. Gusto ko ang araw, pero hindi ang init. Masakit gaano ang aircon sa ilong kaya binuksan ko ang bintana.

"E, si Eduardo Junior ba? Hindi mo 'yan siya na-invite dyan?"

"Barumbado kasi, gano'n?" biro ko.

Imbis na matawa, pumalatak siya't bumuntong hininga. "Lately, 'di siya tulad ng dati, Ron. 'Yong kilala naming Ed sa Sibol: malakas sa trashtalk, oo, ta's laging late, kulelat sa kahit anong itinakbong posisyon, at sore loser. Pero 'yong mabagal maka-move on? Mmm," saka siya mabilis na umiling, naalog ang pisngi. "Worried lang ako. Hindi na nga rin nasagot sa mga chat ko, e. Akala siguro, sesermunan ko."

"May tiwala ka ba sa kanya?"

"Lately, wala," biro niya.

Natawa ako. Pero tumango rin. "Sa dalawang taon, lagi ko namang sinasabi sa kanyang mahal siya ng Diyos. Pero kahit sa Bibliya, sinasabing gumawa ng Diyos ng paraan para ipakita 'yon sa krus."

Tumingin ako sa langit.

"Binibigyan ko pa rin siya ng pwedeng gawin. Pero 'yong parte ko sa pagpapakita ng pag-ibig ay sa pamamagitan ng pagsama sa kanya. O kahit sa hindi ko pagpilit. Sa pagrespeto ko ng kakayahan niyang alamin kung anong mabuti para sa kanya." Hinawakan ko ang lubog sa itaas kong labi, saglit na napapikit, at unti-unting ngumiti.

May tiwala ako kay Ed.

"Gusto kong magbabalik-tanaw siya't masasabing dito, totoong minahal ako ni Lord."

"At ni Ron," dugtong niya.

Dumilat ako. Tumango, magaan ang dibdib. "Walang natatanging importante sa panahong 'yon."

Bumalik ang tingin ko sa kanya.

Ngiting-ngiti siya sa 'kin. Saglit na hinaplos ng hinlalaki niya ang bewang ko bago agad ding bumalik ang kamay sa manibela.

"Ang sarap mo yakapin, Ron."

"Clingy boy," biro ko.

"Wala lang. Thank you." Taimtim ang ngiti niya. Napapaisip. "I have this vague idea since nabanggit ka nga sa 'kin ng mga tropa mo dating-dati pa. Ngayong katabi kita dito sa kotseng hindi naman atin, hindi pala ikaw 'yong una kong naisip. Ibang tao ka in a way na aayon kami sa 'yo—palihim nga lang, since . . . pa'no ba?" Bumuka pa ang bibig niya; nagsara din sabay hinga. "Wala. Ikaw 'yan, e. Ikaw lang 'yan."

Si Benny at ang mga papuri niya. . .

Gusto ko ring sabihing siya lang 'yan. Kahit may konting ilang, may tuwa rin. Masaya akong galing akong PNS, kahit sinasamahan niya lang akong pauwi mula doon, at kahit nananatiling burgis ang kapitalistang may-ari, dahil siya lang 'yan.

Gusto ko rin siyang yakapin.

Hindi nga lang ngayon.

Dahil sa unti-unti naming paglapit sa palibot ng Monumento ni Bonifacio, bumungad sa amin ang kumpol ng mga mamamayang bumubugso ng sabayang talumpati.

Puro mga lalaking tsuper ang hanay ng populasyon sa tapat ng Araneta Square kasama ng mga humahangos at humihintong komyuter para makinig at makiusyoso.



PAANO BABIYAHE TUNGONG MODERNISASYON KUNG MAIIWAN ANG MGA DRAYBER?

 

 

Sumulyap ako kay Benny.

Walang bakas ng takot o galit sa maamo niyang mukha. Kaya paghigpit ng kapit niya sa manibela at kalauna'y pagparada sa espasyong pwedeng makausap ang mga tsuper, sigurado akong tantiya niya ang gagawin niya.

"Sama ka?" tanong niya sa 'kin.

Tumango ako. "Dito muna ako."

Wala ring alinlangan si Benny. Sa lahat ng mga nananawagan ng reklamo't suhestiyon, matandang lalaking halos kasing-dekada ng Tatay Eli ang diretso niyang nilapitan.

Lumusot ako sa bintana.

Pokus . . . pokus.

Ikot ng lente.

Hinawakan niya ang party hat, marahil ay naisipang ihubad, pero natawa siya't ikinapit ang kamay na 'yon sa mahulma niyang balikat. Kung anong sinabi niya sa matanda kaya kiniskis nito ang bilugan niyang ulo, silang dalawa lang ang nakakaalam, at kita 'yon sa magkaibang lukot sa sulok ng mga mata nila dahil sa pagtawa.

Click!

Bumalik si Benny sa kotse nang makakuha ako ng pitong litrato. Ngayon ay iisa sila ng sasakyang ipinagkatiwala sa kanya: maliwanag kahit mayroong budbod ng malaalikabok na lungkot.

Pinagpagan ko ang balikat niya.

"Kamusta sila?"

"Parehas pa ring walang nagbago sa deadline ng consolidation or sa subsidy. Nanakot pa nga daw si Rudy na ipapakulong niya 'yong mga hindi magpaparehistro." Pumalatak siya't pabulong na nagmura.

"Puro putak talaga 'yan si Duterte," sabi ko.

"Idol mo 'yon, e."

"Tungik," sabay naming sabi.

Kunot-noo ako sa panggagaya niya kaya bumungisngis siya. "Lagi mo kasing sinasabi," depensa niya.

"Ay, weh?"

"Hala, uu nga!" sabay naming sagot.

Kahit lalo siyang natawa, tuluyang pumuslit ang dismaya sa muli niyang palatak. Saglit siyang pumikit. Bahagya kong itinagilid ang mukha ko para tingnan siyang maigi.

Ah. Mali ako.

May takot siya para sa kanila habang ang galit ay para sa sarili niya.

"Benjamin," tawag ko.

Alangan siyang dumilat.

"Tama ka. Sa mga pagpipilian, may tama at mali. Alam mo kung bakit nasa tama ka? Kasi matagal ka nang pumanig sa utos ng Diyos, matagal ka nang nakikisapi sa mga pilit ginagawan ng mali. Sila dapat 'yang masindak sa inyo."

Napapailing man, tunay ang ngiti niya.

"Halika, kumain tayo," pag-aya ko pa. "Ikukwento mo sa 'kin 'yang jeepney modernization dahil ang galit ko kay Duterte ay sa EJK nakabuhos."

"Omkidowks. . ."

"Gusto ko ng orange juice," maloko kong sabi.

"Omkidowks." Maloko rin ang pagtaas niya ng kilay.

Salubong ang kilay kong sinundan ang kamay niyang inabot ang tumbler katabi ng stick shift. Tinitigan ko lang kahit nang idiin niya 'yon malapit sa dibdib ko.

"O," natatawa niyang sabi.

"O?"

"Orange juice," sabi niya sabay nguso sa tumbler. Agad siyang napapalatak sabay bungisngis. "Ayt, sa 'kin pala nakatapat 'yong design."

Inikot niya sa daliri.

Ang puti nitong kulay bilang blangkong lapat ay mayroong larawang mukhang ipininta gamit ang sarili niyang kamay. Hinaplos ko 'yon. Alam kong siya, dahil sa ilalim ng mayabong na puno ng kahel na prutas sa dilaw na tanghali, ang pangalan naming dalawa ay mistulang nakaukit sa dalawang kahong kahoy na punong-puno ng maraming matatamis na bilog. 

"Ah."

"Cute, 'no?"

Dahil tirik ang araw sa labas, maliwanag siya. Hindi ko napigilang abutin ang buhok niya sa pisngi at pinaglaruan sa daliri ko. Awtomatiko siyang muling napapikit sabay ngiting nakaumbok ang pisngi.

"Ililibre rin kita ng orange kwek-kwek."

Tawang-tawa siya.

Kumain kami sa Araneta Square sa hilera ng mga iba't ibang pagkain at kakaning kalye kaya nalaman kong moron ang paborito niyang kakanin sa probinsya niya sa Bicol. Itinuloy namin ang kwentuhan: sa makamasang modernisasyon ng pampasaherong dyip, sa magkaibang porma ng galit naming parehas sa rehimeng Duterte, at sa muli kong paninirahan sa Makati.

Si Benny at ang mga kwento niya. . .

Gusto kong sabihing siya lang 'yan. Masaya na ako sa Pamantasan ng Silangan, kahit sinasamahan niya lang akong pauwi mula roon, at kahit marami pa kaming haharapin sa biyahe patungong Cubao, dahil siya lang 'yan . . . kahit sa mga magagaan niyang hawak.

Clingy boy.



──── ──── ──────

#notojeepneyphaseout

yes sa makamasang
modernisasyon,
gaano man katagal.

regalo ang rewritten version bilang pag-alala sa ikatlong taon mula ng huling update sa reaching through. it feels like i'm more equipped to finish this now dahil first year college ako nung 2020, while fourth year na ako ngayong 2024. just like them. regalo ko ito sa mga naghihintay. i hope it's enough [for now]. i hope you'll come along so we can reimagine ron and benny's love together.

see you ulit sa [march xx, 2024]. 🍊🫡

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top