ii: minsan

──── ikalawang tagpo ────

kay bilis maglaho
ng kahapon
sana'y wag
kalimutan
ang ating mga
pinagsamahan

minsan,
eraserheads

──── ──── ──────




Animnapung araw.


Sulit naman ang bakasyon.

Kumbaga sa kunsumisyon,
walang kunsu; misyon lang.

Kabi-kabila ang bawat pangyayari kahit mistulang humawi lang ang mga 'yon sa iisang hibla ng oras. Noong Abril, isang linggo pagtapos ng victory party ng Sibol, umuwi kami ng Tatay Eli sa Zambales para kamustahin si Papa, at si Tito—ang birthday boy. Inaliw ko silang mga matatanda sa pakikipaglaliman sa usapan nila tuwing almusal, lumangoy at mag-surf sa katapat nilang dalampasigan, at makipagpalagayan ng loob sa anak ng mga kaibigan nilang dumadalaw sa bahay.

Binigla man ako ni Tito, wala akong nagawa kundi magbahagi rin ng sarili kong karanasan tungkol sa buhay ko bilang Kristiyano sa buong simbahan niya nang Linggo ring 'yon.

Lalong sulit.

Produktibo.

May outreach program rin kami sa Batangas dahil sa pagputok ng bulkang Taal no'ng Mayo. Maraming pamilya ang lubhang naapektuhan. Bilang may budget ang Sibol pagdating sa abot-kayang tulong, samahan pa ng mga mabubuting loob na nag-ambag sa fundraising na sinimulan ni Kuya Charles, ginayak ko ang sarili kong sumama sa pag-distribute.

Balak ko nga sanang ipagdasal na lang sila dahil ayokong maiwang mag-isa si Tatay sa Makati. E, siya na rin ang laging nagsasabing kumilos kung may magagawa naman, dahil 'yon ang tunay na pagtitiwala sa Diyos.

Bonus pang naudyok kong pasamahin si Ed kahit siya ang tunay na tinatamad. E, lugmok pa rin sa talo, kaya pinalampas ko nang nagpalibre sa 'kin ang bugok ng tatlong araw niyang gastos, tutal ay mas importante ang pagkakataong makita ang aliwalas ng mukha ng mga nasalantang Batangueno kaysa sa umiiyak kong bulsa. Kumpleto na rin ang araw na 'yon dahil nagawa kong maibahagi sa kanila ang mabuting balita ng Diyos.

Akala ko nga 'yon lang, e.

Kaso may humabol.

Gabi ng katapusan ng Mayo, hindi pa man nagsisimula ang termino niya, bumitaw sa pwesto si Ayesha bilang Public Relations Officer.

Paano ko nalaman?

Sa Cubao, sa condo'ng inuupahan ko para malapit sa pinapasukan kong public service para sa OJT, alas onse y medya nang gabi—sobra akong naalimpungatan kay Ed. Tawag siya nang tawag sa telepono. Buong araw akong pagod sa pagkausap ng mga humihingi ng tulong sa tanggapan para sa mga legal nilang reklamo, tapos ang tanging sinabi ng bugok ay kung hindi siya nailuklok sa itinakbo niyang pwesto sa konseho, hindi pwedeng pati ako.

Nang-istorbo na nga, hindi man lang nangumbinsi nang maayos. Pinilit pa 'ka mo akong punan agad 'yong Google Forms para maunahan 'yong mga posibleng mag-apply. Ayoko man, makakapalag ba ako? E, wala sa bokabularyo ng bugok na 'yan ang magpatalo—gusto laging nasusunod.

Kaya ngayong Hunyo, mula rito sa likuran ng inuupuan kong tricycle, tinapunan ko lang siya ng tingin sa loob ng sala nila. Dinampot niya 'yong susi ng bahay nila sa patungan ng telepono nila.

"Auntie, sibat na 'ko!" nagmamadali niyang sigaw.

"Sige! 'Yong bilin ko, ha!"

Isinabit niya lang sa balikat ang dala niyang uniporme bago tuluyang sumalubong ang tingin kung saan ako nakagawi. Tumawa siya pagkalabas ng mababa nilang gate at walang pakundangang sumiksik sa 'min ng drayber.

"Segurista talaga, ah!" tukso niya.

Patulak kong ikinandong ang dala kong backpack sa katawan niya. "Ayusin mo, may pangako ka sa 'kin." Bumaling ako sa Manong at nag-abot ulit ng trenta pesos. "Balik ho tayo sa MCU."

Kinabukasan ng balita kay Ayesha, isinigaw ni Eduardo sa gitna ng nag-iinumang Sibol na Tama lang, tangina! Wala namang binatbat sa 'yo 'yon! na pinanigan ng iilan—kahit si Abby—maliban sa 'kin. Ginusto ko 'yong pwesto, at ginusto rin ni Ayesha, at nakita kong parehas naming pinagsikapan 'yon. Ibinoboto ng tao ang nararapat na lider para sa interes nila. Dapat kong respetuhin 'yon kahit pa nagkataong pwede ko siyang palitan.

E, ano naman?! ang katwiran ni Ed sa sarili niyang paratang.

Napilitan tuloy siyang mangakong titigil na siya sa pagkaasar-talo niya at kakausapin si Leah. Panahon ko naman para mangonsensya, 'di ba? Hindi lang yata siya ang mautak sa aming dalawa. Kaya eto, sinundo ko pa siya sa kanila sa Bagong Barrio, kahit sa bandang Katarungan pa 'yan, dahil minsan lang dumating ang tiyansa niyang magpakumbaba.

Hindi ko siya pinapansin kahit makaharurot kami palabas ng kalsada ng EDSA. Doon lang din niya tinigilan ang pagdutdot sa cell phone niya. "Pst," sabi niya sabay kalabit sa 'kin, "condo boy ka pa rin?"

Tumango lang ako.


──── ──── ──────





Unang araw pa lang ng klase, kalahati ng mga pasahero ng nasakyan naming dyip ay nakasuot lahat ng uniporme ng Pamantasan ng Silangan. Dumog din lalo ang mga pumapasok sa university pagpara namin ni Ed sa tapat ng entrance gate.

Muntik na nga akong magpatianod sa daloy kung hindi lang niya hinatak ang manggas ko habang nakatutok ang cell phone doon sa kumpulang kalat ng mga estudyante sa bandang gilid. May nakasibilyan at uniporme—pamasok at pang-PE. May mangilan-ngilang naka-piercings at makulay ang buhok. May itim pa nga ang suot mula ulo hanggang paa.

Kaklase daw sila ni Benny, karirinig ko lang.

Kaya pala. Kumukuha sila ng litrato doon sa nakapaskil na tarpaulin na mayroong Congratulations to our CCP Nominee! sa masiglang istilo ng sulat. Sa apat na estudyanteng kinikilala doon, iisang lalaki lang si Benny.

Ang husay.

"Puta. . ." bulalas ni Ed.

"Ha?"

"ED!"

Nandoon din pala si Abby. Si Ed ang una niyang nakita kaya hinatak ako nitong loko papasok sa loob para takasan siya.

"ED!"

"Aray," sabi ko.

"EDUARDO AREVALO!"

"LECHE!" sigaw pabalik ni Ed.

Ang sakit! pero hindi na ako umimik kahit bumabaon na ang daliri niya sa braso ko.

"JUNIOR—WAIT, RON?"

Itinaas ko lang 'yong kamay ko. Nakalusot kami kahit walang ID si Ed. Walang habas niya pa rin akong kinakaladkad tungong KAS Building kahit sinisita siya ng guard sa likuran.

Nadaanan namin sa waiting area 'yong mga dayo niyang tropa mula sa Engineering na nakatambay sa magkakaibang hilera ng upuan. Kilala ko sila dahil madalas sila ritong maglaro ng video games kasama siya at si Kenneth, at sila 'yong hindi ko makasundo dahil magkalayo kami ng hilig.

Ni hindi niya binati.

Hindi rin siya pinansin.

"Ay, nawalan ka na naman ng kaibigan?!"

Kahit maraming tao, rinig na rinig si Abby. At nakakalapit na siya sa amin. Nambabaliw ang tawa niya, at unti-unti 'yong bumulwak palakas nang mahablot niya rin si Ed sa kwelyo ng uniform nito.

"Ulol mo," sagot ni Ed sabay pakyu sa kanya. Palipat-lipat ang tingin ko sa kanila. "Tigilan mo nga ako, Abigail! Kung saan-saan mo na naman kami dadalhin ni Ron!"

"May gusto lang akong masagap, 'to naman," nakangising katwiran ni Abby, tuluyang binitawan ang braso ko. "Bet mo daw si Leah?"

"Tangina mo ba?"

Tawang-tawa si Abby. "First day, dami mo agad issue. Tigil mo na 'yang ambisyon mo, beb."

Bahala sila dyan.

Umuna na ako sa elevator. Mukhang hindi na sila sasabay kaya pinindot ko agad ang bilog na 4. No'ng papasara na ang elevator saka naman sumulpot ang halos sampung estudyante papasok. Sa likuran nila, silang dalawang bwisit na kakahinto lang tumakbo, nagdadaldalan pa rin.

Sumiksik sila sa 'kin dito sa gilid pagpasok nila. Sumitsit si Abby. Pinatahimik siya ni Ed.

"Diretso tayo sa office," sabi niya.

Blangko akong umiling.

"About kay Benny—"

"Hoy, hoy, Kristiyano 'yan!" pabulong na bulyaw ni Ed sa kanya. Agad ding napawi 'yon ng palatak. "Ando'n na ba si Gio Boy?"

Ting!

"Secret."

Ang lokong Eduardo, hinila na naman ako palabas. Napakapit agad si Abby sa kabila kong braso kaya mukha kaming mga tangang magkakabit sa isa't isa.

"Ron, beh," tawag ni Abby.

Mabilisan ko siyang nilingon.

"Si Benny—"

"Tangina ka, Abigail! Tumigil ka, ha!" bulyaw ni Ed, nanlilisik ang mata.

"Mura nang mura?!" bulyaw ni Abby.

Natawa ako. Isa lang naman ang plano: pagharapin sina Eduardo at Leah. Kung nasa council room siya, maigi. Kung anumang sumalubong sa 'kin doon, walang problema. Kung anong meron kay Benny, at sa araw ngayon, wala akong alam.

Gulatan na lang siguro.

Totoo nga. Pagkarating naming tatlo sa council room, literal na nasurpresa ako nang malambing akong kuyugin ni Gio, pangatlo sa apat kong kaibigan.

"Gagu, tagal mong walang paramdam, Rooon!" maligalig niyang sabi habang kinukuyog naman siya ni Ed.

"Aray!"

"Ang sarap mo pa ring pisatiiiin!"

Parehas silang tuwang-tuwang lamugin ako ng mga braso nila. At dahil nasa pintuan kaming katabi ang water dispenser, nag-angat din ng tingin itong bise presidente ng CFAD mula sa pinupuno niyang tasa ng mainit na tubig. Yakap-yakap pa rin ako ng dalawa kaya nakangiwi akong nag-angat ng kilay sa kanya bilang pagkilala ng presensya niya.

Siya si Henry kung hindi ako nagkakamali. Mukha siyang masungit, malayo sa kulit ni Benny. Itatanong ko ulit siguro kay Benny ba't sila ang pinakamalapit sa isa't isa.

"'Ngina nyo, umayos kayo."

Nandito rin si Kenneth. Pinukpok niya ng headphones 'tong mga siraulo. Wala na silang nagawa kaya mga tropa naman nilang taga-CFAD na nasa kaliwang sulok ang ginulo nila. Pinakyu pa siya ni Ed bilang pahabol. Imbis na gumanti, iginiya niya lang ako sa lamesa ng CAS.

Awtomatiko akong napatawa sabay palatak dahil doon naman ngayon nag-aabang si Abby.

"Alis dyan," pabalang na utos ni Kenneth.

"Ay, mando, teh?!"

Pumadyak si Kenneth. "Dali. May pinapaasikaso sa 'yo si Leah, 'di ba? Unahin mo 'yon."

"Epal naman!"

Siningkitan na lang ako ni Abby habang kamot-ulong nakasimangot. Padabog niyang kinuha ang mga papeles sa mesa bago lumabas. Iginiya ulit ako ni Kenneth at mariing inupo sa swivel chair.

Kinamot ko ang kilay ko. "Ano namang gagawin ko rito, Ken?"

"Gawin mo sarili mong pubmat."

"Huh?"

"Pagod na ko, p're. Wag ka muna matigas dyan." Tama. Mukha nga siyang walang tulog.

Tamad niyang isinuot pabalik ang headset habang walang ganang dumidiretso sa dispenser. Isinalang niya ang kamay niya sa malamig na tubig; nagkalat pa tuloy sa sahig 'yong lagaslas.

"Anong pubmat?!"

Tapos binalagbag niya ang pinto paglabas.

"Hoy!"

Baliw na yata 'yon, e.

Tumitig ako sa repleksyon ko sa laptop. Ako lang ang nakakaalam ng password niyang edrondylegioporebs dito kaya nabuksan ko.

Bumungad ang email sa kanya ni Leah.



Leah Grace Valeriano 3 days ago
<[email protected]>
to: me

Good news, Pagulayan! Among five applicants, Mr. Reyes seems to be angling towards Perez's appeal. You can tell him he's gonna be our new PRO na. Ako na bahala sa final touches dito.

I hope quits na tayo.

Ikaw gagawa ng pubmat, ha?

Kenneth Blake Pagulayan 10:58
<[email protected]>
to: Leah

ano pa nga ba

Leah Grace Valeriano 10:59
<[email protected]>
to: me

Sabi ko, 'di ba, don't reply anymore kung informal lang din!

Kenneth Blake Pagulayan 11:00
<[email protected]>
to: Leah

oum gesi :p



Nangingiti ako sa tuwa. Sana hindi pa 'to alam ni Ed.

Inekis ko 'yong tab. Itong Facebook niya naman ang bumungad, nasa Facebook page ng CASSC. Mahirap gumawa ng publication material kung mabilisan na nga, metikuloso pa ang titingin. Tapos si Leah pa? Kaya nga tumakbong VP 'yong si Kenneth. PRO siya dati, kaya alam niya ang pinakamalalang puyat ay sa tungkuling 'to, hindi sa presidente.

Nag-scroll pa ako paibaba para sumilip sa mga ganap nila noon. Sa ngawit, ipinatong ko ang braso ko sa armrest. Pumihit-pihit pa ako nang mamataan 'yong huling post ng konseho: tungkol sa accomplishment report nila.

Natawa na naman ako.

Ano, Ron, astang officer?

May lumitaw na chat box kaya tumikhim ako. Sunod-sunod ang tunog.


<       Benj Gonzalvo

pano food mo???

wag kana punta

11:13

oy kamuning na ako pre!

bumalik ka pls.....

gagu ka sayang etu sarap kaya pinagbalot
pa kita sa catering :—///


Mukhang papunta si Benny rito.

Agad kong itinipa ang pangalan niya sa search bar. Ang tagal naming nagtiis sa isa't isa sa Las Piñas, hindi ko man lang naitanong kung bakit Benny ang tawag namin sa kanya.

Swak nga naman ang Benj. E, dito pa lang sa kasalukuyan niyang display picture, hindi maikailang artistahin ang itsura niya. Disente pa rin, maamong-maamo kahit may bahid ng tikas, at halatang palakaibigan, eksaktong mga dahilan kung bakit siguradong maraming magpapakita ng interes sa kanya.


Benj Gonzalvo
Dec 25, 2019

hohoho merry benjmas goiz :—)

You and 623 people reacted to this


Nakasuot siya ng Santa hat. Hindi pa gaanong kahaba ang buhok niya sa palibot ng pisngi pero kinulayan niya 'yon ng puti gamit ang shaving cream na pahugis balbas. Nakaharap siya sa salaming sakop ang buong repleksyon ng katawan niya. Gaya ng una naming pag-uusap, wala siyang suot na pantaas, kaya kitang-kita ang hulma ng pirmi niyang balikat.

"O, edi may something nga?"

Napaigtad ako sa sobrang gulat dahil sa pagsilip niya sa likod ng laptop. "Putek, Abby!" Kapit ko ang dibdib ko habang salubong ang kilay sa kanya.

Itinulak niya ang screen ng laptop pababa para makita ko siya. Ang dumi ng suot niyang puting blouse. Lumuhod siya nang maayos at kumapit sa sulok ng lamesa. "Gumapang ako, teh," sabi niya kahit hindi ko naman binalak itanong. "Wala ka nang takas. Nahuli na kita sa akto, o! Ano ngang meron? Chika naman!"

Pumalatak ako sabay halukipkip sa kandong kong backpack. "Wala."

"Curious kami ni Jade!"

Nagkibit-balikat na lang ako. "Ang OA n'yong dalawa," blangko kong sagot. "Nasa'n ba siya 'ka mo? Simulan n'yo na lang mga trabaho ninyo kaysa sumasagap pa kayo ng tsismis mula sa 'kin."

Binatukan pa talaga niya ako.

"Lord, o!" Pinandilatan ko siya.

"Hoy, minamaltrato mo na dyan si Ron!" saway ni Ed mula sa kabilang dako. Nasa amin tuloy ang atensyon nilang lahat na nandoon. "Magtrabaho ka na nga dyan kung ayaw mong patalsikin kita sa posisyon mo!"

"Ikaw ba si Lord?" pambabara ko.

Hindi niya inasahan 'yon. Lumabi tuloy siya ng epal, epal, epal! sa 'kin. Bumwelo muna si Abby bago siya pairap na hinarap. "At least, may posisyon ako, teh. Ikaw? Talunan! Wala kang bilang!"

"'Namo ka talaga, Abigail! Foul 'yan!"

Si Gio ang pinakamalakas tumawa. Kahit tuloy ako, napabungisngis kahit sinubukan kong pigilan.

Sinubukan pa akong pigain ni Abby ng gusto niyang impormasyon habang paisa-isa nang dumadami ang tao rito sa loob ng opisina. Hindi ako nagpatinag. Nalimutan niya yatang Public Relations Officer ang itinakbo kong posisyon. Alam ko kung kailan dapat sabihin ang isang bagay at kung kailan dapat itago.

Tinantanan niya lang ako nang pumasok na rin pati si Leah dahil agad siyang tinawag nito tungkol sa proposal letter para sa welcoming party ng buong College of Arts and Sciences. Umalis ako sa swivel chair hatak-hatak 'yong monobloc sa sulok ng cubicle para ipwesto sa harap ng lamesa.

Umupo ako't tumikhim.

"Oh, Perez, you're here," aniya.

Itinaas ko lang ang hintuturo ko. "Ikaw rin." Makakapag-usap na sila. Napakuyom ako ng kamao sa gigil.

Nagsalubong ang kilay niya bago nagtatakang tumawa. Unti-unti akong pumihit para masundan ang paglalakad niya hanggang makaupo siya sa katabi kong swivel chair. Hindi niya alintanang nandito ako ngayon o si Eduardo. Binuksan niya lang 'yong ibinigay na folder sa kanya ni Abby at tumalim ang pokus doon.

Nilingon ko si Ed. Binubuyo siya ni Gio. Pinandilatan ko siya sabay pasimpleng pitik ng ulo sa gawi ni Leah. Ano bang pinag-uusapan nilang lima doon?

Ayoko na! palabi niyang reklamo.

Nangako ka! palabi kong sigaw.

Nagpalakihan lang kami ng mata. Bago pa niya ako indyanin, agad na akong umuna palabas ng opisina.

Subukan niya lang lumabas.

"Beb, huy! May something nga?!"

Sumunod pa talaga 'tong si Abby. Napakamot na ako sa dulo ng kilay. Mas malakas na ang boses niya dahil wala na siyang hiya rito sa hallway.

"Oo o hindi lang! 'Pakatagal, o!"

"Bahala ka," pirmi kong sagot.

Hinayaan ko lang siyang humabol. Pumapaltok ang sapatos niya; naka-heels siguro. Kaya paghangos ko pababa ng hagdan, inasahan ko nang babagal siya. Kaso naghubad ng sapatos! Baliw talaga!

Lalo kong binilisan.

Ayokong bigyan siya ng dahilan para lalo akong itulak o ilayo kay Benny. Bukod sa malisyoso lang sila, maiinis ako kung meron man. Alam naman nila ang prinsipyo ko tungkol sa ganyang bagay. Kung wala, mas maigi. Kung meron, sige; bawal nga lang kunsintihin.

Tatlong hakbang na lang ako tungong second floor nang humiyaw si Abby mula sa itaas na pangkat ng hagdan. "O, Benny, speaking of! 'Lika nga rito!" Kusa tuloy umangat ang tingin ko sa kanya papunta sa direksyon ng kinukumpasan ng OA niyang kamay.

Nagtama ang sulyap namin ni Benny. Kahit may kausap siya sa cellphone, bakit walang-habas kong sinabi sa kanyang, "Wala do'n si Kenneth sa opisina n'yo"? Malay ko rin. Ang dami niyang dalahin. Bukod sa hawak niyang swiss army case at nakahapit na shoulder bag, may dala rin siyang sari-saring paper bag na may hawakan at wala.

Parang nataranta pa siyang tumango. "Mmm, omkidowks."

Bumaba na ulit ako.

Sanay ako sa atensyon tuwing naghahayag ng prinsipyo sa harap ng maraming tao. Ibang usapan ang sulyap at panaka-nakang tingin kay Benny ng mga napapadaan. Doon sa taas kanina, may mga kumpol ng freshman na hinihintay matapos ang naunang klase sa papasukan nilang room. Pati sila, binigyan din siya ng atensyon.

Sa totoo lang, nakalimutan ko na nga siya.

Kumakatok ba siya sa isip ko no'ng bakasyon? Minsan. Kahit ganoon, ni hindi nga kami nakapag-usap o nakapagkita man lang sa mga dumaang pagkakataon. E, sa wala akong lakas ng loob na abutin siya sa kahit anong paraan, 'no? Hindi ko nga rin sigurado kung sino sa aming dalawa ang pumutol ng koneksyon.

Baka parehas kami.

Mabuti na rin 'yon. Kung ganitong unang araw pa lang ng klase, may banta na ng tsismosong balita, wala munang pansinan. Ayokong mamali ang tingin ng tao sa aming dalawa.

Dumiretso na lang ako sa field. Doon naglalaro sa gusto kong pwesto sa tapat ng Old Academic Building ang mga senior high para sa PE nila kaya hindi na ako lumayo malapit sa tabi ng building namin.

Uupo pa lang ako sa damuhan, parang may narinig akong tumawag sa pangalan ko.

"Dito, Ron!"

May kumakaway sa gawi ng registrar. Mukhang si Benny. Ewan. Hindi ko suot ang salamin ko ngayon.

"Bakit?" sigaw ko pabalik.

Imbis na magpatuloy palapit, itinungkod niya muna ang kamay sa tuhod niya; saka siya nag-unat ng likod. Hininihingal pa yata. Tumakbo ba siya?

Lumapit siya ulit.

Ganoon pa rin ang buhok niyang mas umusbong lang nang kaunti. Sa pormal ng pamatong niyang maroon na leather jacket at pirming swiss army case, mukhang may mas importante pa siyang dapat atupagin.

Nawala ang takip ng ulap sa araw.

"Mainit," paalala ko sa kanya.

May dyaryo ako sa dala kong backpack. Ipinabili sa 'kin 'to ni Tatay para mapasadahan niya ang mga balita tungkol kay Duterte mamayang gabi. Inalis ko muna ang isang pahina. Bumungisngis siya nang italukbong ko 'yon sa ibabaw ng ulo ko.

Nakisilong din siya.

"Gotchu," hingal niyang bulong.

"Pawis na pawis ka," puna ko habang nakatingin sa dibdib niya, tapos sa dala niyang paper bag. "May tubig ako rito. Baka bumulagta ka sa lakad mo."

Nagsalubong ang kilay niya bago dikit-labing umiling, 'yong klaseng umalog pa ang pisngi. "Ikaw sadya ko, Ron," natatawa niyang sabi.

Dinaanan ko ulit ng tingin ang gayak niya. May hilera pa siya ng tatlong band-aid paakyat ng braso. Kinamot niya 'yon.

"Ah." Nagkibit-balikat ako. "Bakit?"

Ibinaba ko na ang dyaryo.

Nasilaw muna siya bago ipaikot-ikot ang hintuturo niya sa gawi ng mukha ko—tipong nangingilatis ng ekspresyon. Nanatili akong nakatitig bilang naghihintay ng sagot. Umawang naman ang labi niya pero agad niyang idinaan 'yon sa pagbuntong hininga at mabilisang iling.

Tumalikod na ako. Inilapat ko ang dyaryo sa damuhan saka inilapag ang bag ko bilang pampabigat. Kagaya niyan, umihip ang hangin; mistulang bugso sa pampang ng Zambales.

"Kamiss ka, Ron."

"Tungik."

"Seryoso, pati 'yang ganyan mo." Bahagya siyang ngumiti. "Tagal din kaya nating walang mata sa mata. Hindi na kita . . . makapa? I mean, okay lang, a? No pressure, ser."

Umupo akong nakaharap sa kanya.

Natatawa sa sarili, kinamot niya ang dulo ng tenga niya. Dalawang beses ko pa lang nasaksihan 'yang ganyan niyang kilos, nahinuha ko nang bunga 'yon ng pakikiramdam. "Hahagilapin pa lang kita, bigla mo na 'kong sinalubong," nakangiti niyang sabi. "Musta bakasyon?"

"Sumama ako sa outreach, pero wala ka," balewala kong sabi.

Nahintakutan ang mukha niya, halatang nakonsensya. "Hala, nando'n ka ba? Sabi ni Ed, hindi—"

Pinigilan kong mangisi.

Humigop siya ng hangin. "Ron naman, e. . ."

Nando'n nga ako.

Ngumuso ako sa hawak niya. "Para sa'n pala 'yan, kung hindi para peace offering?" nanunukso kong tanong.

Sa Las Piñas, sa kamang hinigaan namin, nagising siya pagtapos ng apat na oras at pitong minuto para umihi. Parehas kaming nabitin sa kwentuhan namin kahit inabot kami ng sikat ng araw, kaya no'ng ipinagmalaki niyang Sabay na sa 'min buong CAS para maranasan ni Ron ang roadtrip with CFAD! sa buong Sibol ay halos hilahin ko agad ang oras sa eksaktong araw ng outreach.

Buti pala't hindi ko kaya.

Sigurado akong hindi na ako magtatangkang bumangon sa Makati kung doon pa lang ay nasilip ko nang hindi siya sisipot sa napagkasunduang kitaan sa Caloocan. Higit sa lahat, tatamarin akong indahin ang haba ng biyahe tungong Batangas para malamang kahit siya ang gusto kong makasama, hindi pala siya ang layuning magagawa ko para sa iba.

Nakatingala na ako dahil mas lumapit siya. "Sumaglit ako sa bahay after ng event ko sa Cubao, dala-dala ko pa 'yong itinakas kong pagkain para kay Kenneth. Pagod na pagod, e. Ta's mahilig ka sa orange juice, 'di ba?"

"Hindi, a," tanggi ko.

"Ay, weh? Sabi niya—"

"Dyan ka pa talaga humuhuthot ng balita sa mga kaibigan ko, 'no?" Huminga siya nang maluwag sabay bungisngis kahit hindi ko naman kinumpirmang niloko ko ulit siya.

Kinalikot niya ang dalang paper bag para iabot ang insulated bottle sa 'kin. "Parehas kayo ng Kuya ko, Ron. I mean, hindi niya favorite, though 'yan ang prefer niyang fruit juice kaysa sa ibang dinadala ko sa kanya sa ospital." Nang lumebel siya sa 'kin para buksan ang takip, lumunok siya—sa asim, pati sa pinipigilang pait.

"Ah. . . Kaya hindi ka nakapunta. . ."

Nag-angat siya ng tingin. Huminga ako nang maluwag—sa kalinawan, at kalauna'y sa simpatya. Tama nga akong may importante siyang dahilan. "Isasama ko siya sa panalangin ko, Benny. Ikamusta mo na rin ako sa kanya." Ako ang nanlalagkit para sa kanya dahil kanina pa siya pawis. "Gusto mo bang lumipat tayo sa lilim?"

Aliw na aliw siyang ngumiti. "Omkidowks na 'ko here."

"Akin na 'yang hawak mo."

Ibinigay niya naman nang walang karagdagang tanong.

Saka ko ikinandong ko sa 'kin kaya nagawa niyang isalampak ang pwetan niya sa natitirang espasyo. Hindi pa man din niya binabawi sa hita ko ay pasimple niyang hinalungkat ang sarili niyang gamit kaya nasilip ko ang lamang maliliit na kwadradong canvas, mga papeles sa sari-saring kulay ng folder, pati mga maliliit na tube ng acrylic.

May siksik na espasyo sa magkabiling gilid.

Nakalagay sa kanan 'yong manipis na garapon ng iba't ibang uri ng brush. Sa kaliwa naman 'yong kayumanggi niyang payong at lumang pamaypay.

"Ang lagkit," bulong niya pa.

"Tamad ka kasing magbukas ng payong," agad kong bwelta. "O, wag na 'yan ang kunin mo. Ito na lang." Ako na ang dumukot ng pamaypay niya.

"Ako na, ser."

"Okey. Ayoko rin talaga magpaypay." Bago ko pa buksan, itinuro ko na sa kanya. Tawang-tawa naman siyang inagaw 'yon sa 'kin.

Totoong maalinsangan. Pwede kaming lumipat sa mas mapuno bukod doon sa paborito kong pwesto kung hindi lang ako tinatamad nang tumayo. Ininom ko na lang 'tong bigay niyang orange juice para hindi sayang ang lamig.

Habang salitan niya kaming pinapaypayan, ipinihit ko ang balikat ko pabaling sa kanya dahil ramdam kong pasimple siyang nag-aabang ng ikokomento ko.

"Maasim," puna ko.

"Sabi ni Gio—"

"Sa akin ka makinig. Hindi ko na gusto ang maasim. Nilalagyan ko ng konting asukal, 'yong tinunaw sa mainit na tubig." Pigil akong tumawa dahil kinakapa niya kung nagbibiro ako. Para siyang sira. "Seryoso ako, Benjamin."

Nakangiti siyang tumango. Tumatagal ang tingin niya kaya lumabi ako ng O?

"Ron," tawag niya.

"O, ano nga?"

"Pwede kitang yakapin?"

Saglit akong natigilan pero mabilis din akong kumibit-balikat. "Sige lang."

'Yong braso niyang nakadiin sa dyaryo, dumiretso ang lapat sa balikat ko; pirmi, may pindot ng hinlalaki sa buto. Marahan ang dantay ng kabila niyang braso sa bandang tiyan ko.

"Namiss kita, Ron."

Ako rin. Paano ba sabihin?

Pumalatak na lang ako bago tapikin ang likod niya. "Ikaw ba? Kamusta bakasyon mo?"

Kumalas siya sa yakap para umayos ng upo. "Nako, poof!" Papitik niyang ibinuka ang palad sa bandang sentido. "Pera, mental fortitude, pasensya, social battery—lahat, ubos. On top of it all, nawala pa 'yong iPhone ko."

"O, nahablot?"

"Yeppo, dyan lang 'ka mo malapit sa PNR sa Blumentritt. Nakasakay ako ng jeep, then katabi ko 'yong driver, 'di ba? Pag-stop, nag-reply lang ako saglit kay Emman. Nakakutob na 'kong umaaligid 'yong bata, edi no'ng itatago ko na, saktong inagaw! Taragis nga, e!" Itinapat niya sa dibdib ang braso niya para ipakita sa 'kin. "Ibinigay ko sa kanya willingly, nilaslas pa rin ako!"

Natawa ako. Kaya pala may band-aid siya. Pinindot ko ang isa. "Masakit?"

"Malamang!" Ang loko, natutuwa ring hindi ko siya sineryoso. "Tropa mo talaga si Eduardo, 'no? Parehas n'yo 'kong tinawanan."

"Sa kanya ko nga yata nakuha 'to," mabilis kong sang-ayon. "Second year, kaklase ko na 'yon. Tuwing kakwentuhan mo siya, laging lihis sa inaasahan mong reaksyon. Tuso ba namang mag-isip, e. Kaya kahit siraulo 'yon, magaling siyang magbuklod ng tao."

"Especially sa inuman, 'no?"

Pinindot ko ulit; mas madiin kaya napabawi siya ng braso sabay simangot. "Tama ka dyan," natatawa kong sagot.

Magkasabay ang pagsinghot niya sa mabilisang pagdulas niya ng daliri sa ilalim ng ilong. "Ikaw rin naman, e. Lihis ka sa conventional Christian. At least, sa mga kakilala ko. Marami pa naman sa inyong palaging may internal pressure na maging morally ascendant para mag-evangelize. Pero ikaw. . ."

"Purong banal?"

"Mmm. Pwede nang kunin ni Lord." Aliw din ang tawa niya. "I mean, naka-thirty times kang banggit kay Jesus kina Kuya Charles, pero sinasamahan mo ring uminom mga tropa mo."

"Si Jesus rin naman," sabi ko.

"O, see? Thirty-one." Pangisi siyang tumawa.

"Hindi ako ang Diyos. Kung siya nga 'tong kilalang kaibigan ng mga makasalanan, bakit ako lalayo sa kanila, e, gano'n din ako? Kaya hindi nga maiparating ng mga Kristiyano ang gusto naming mapatunayan dahil ang tagal na naming itinaas ang sarili namin kaysa sa inyo." Inagaw ko sa kanya ang pamaypay. "Ako na. Lalo ka lang nagpapawis."

Salamat sa Diyos, humangin ulit.

"Tuloy mo," aniya, maliit ang ngiti.

"Ah." Tinapik-tapik ko ang mga daliri sa nakakrus kong binti. "May mga paniniwala si Ed na hindi ako pabor. May mga ginagawa siyang hindi ko ginagawa. Kahit ganoon, masarap talaga siyang kasama, Benny. Hindi naman ako makikisama sa taong lantarang namimilit na gumawa ng mali."

"Pa'no 'yan, what if utusan kitang patalsikin si Duterte?"

"Tama lang. Uunahan pa kita."

Ayan na naman ang bungisngis niya. Dahil lumagpas ang diin ng mga palad niya sa mga damo, alam kong masakit 'yon, kaya saglit siyang tumuwid ng upo.

"Kaya gustong-gusto kitang maging kaibigan, e. Ang sarap mong kilalanin." Huminga siya nang malalim. "Lalo no'ng Miting De Avance? I know, dito na naman tayo mapupunta—"

"Oo nga."

"E, kasi naman, kung paano mo talaga sagutin 'yong tanong. Swabe, e! Kung kikilatisin, 'kaw 'tong type na parang normal na taong may prinsipyo."

"Oo nga," ulit ko.

"Ngayon, ewan. . ." Malayo ang tingin, itinuwid niya ang magkabilang binti. "True enough, kuhang-kuha mo kaming mga nakikinig sa 'yo."

Naninibago man ako, hindi ko pa rin maikaila 'yong bahagya kong tuwa sa mga binibitawan niyang papuri. Nakapagbiro pa tuloy ako ng, "Ako lang ba pinunta mo doon?"

"Uu, pramis, ser! All eyes. . ." Bumalik sa 'kin ang tingin niya at may pagmamalaking ngumiti.

Madaldal si Benny. At tulad ng mga kaibigan ko, 'yon ang gusto ko sa presensya niya, sa diskarte niya ng paghatak sa 'kin mula sa paglalagi ko sa isip. Ilang beses niya na bang ipinaulit-ulit kung gaano ako kainteresanteng tao? E, sa dami ng ibinabahagi niya ngayon, walang dudang mas marami akong pwedeng alamin sa kanya.

Sigurado na ako sa dahilan kung bakit nalungkot akong hindi siya nakasama sa Batangas. Hindi naman malalim tulad ng nakagawian. Basta simula no'ng punuin niya ako ng mga karanasan niya sa bahay ni Kuya Charles, parang mas masaya kung kasama ako sa mga kwento niya.

"Mainit," naibulalas ko.

Alam kong parehas na lang kaming nagtitiis sa alinsangan. Mas pawisin nga lang si Benny kaya kinuha ko ulit sa bag ang dyaryo at muling pumilas ng isang pahina.

"Talikod ka," utos ko sa kanya.

Ipinunas niya ang likod ng palad sa leeg niya. "Para sa'n?" Dumako ang tingin niya sa hawak kong dyaryo.

Tawang-tawa siya bigla.

"Gago ka, Ron! Wag na!"

Pumalatak ako. "Ay, dalian mo na, dahil para ka nang sapa dyan. Epektibo 'to para masipsip."

Ako na ang umusog at humugot ng nakaipit niyang puting kamiseta sa likod niya. Hindi ko na siya sinaway kahit panay pa rin ang pagtanggi niya't pag-alog kakatawa. Gawa ng pagpihit niya pagilid para makita pa rin ako, naalala kong ikwento 'yong ginawang pang-uusisa ni Abby kanina.

"Kinulit ka rin ba niya?" tanong ko.

Hindi siya umiling; hindi rin tumango. "Ayt, wag mong pansinin. Palagi namang magaslaw 'yon. Sila-sila 'yan nila June."

"E, nangungulit kasi kanina," sabi ko bago lumunok at ipagpatuloy ng, "kung meron daw bang namamagitan sa atin."

"Nagbibiro lang 'yon, 'yaan mo. May ganyang persona si Abby sa Sibol 'yong nauuna sa tsismis. Basta generally, asahan mo na 'yan sa partido natin, kung sino-sino ma-trip-an na love team." Inabot niya ang likod para kamutin.

"Maituturing ko naman siyang kaibigan," paglilinaw ko. "Wala lang akong alam sa gusto niyang ipahiwatig. Sinabi ko naman nang hindi pwede kahit sa 'yo."

"Yes, bawal. Pero kung pagbibigyan ako, magpapa-extend pa ako ng isang gabi kakwentuhan ka as a friend," nakangiti niyang sabi, sinsero kahit makulit. "Relax ka lang dyan. Gotchu, omkidowks?"

"Pa'no 'yon?"

"Hmm?"

"Paano mo nalamang para ka rito?" agad kong paglilinaw. Patapik kong pinapatag sa likod niya ang dyaryong sobrang nabasa na agad.

"Si Kuya Charles lang din sa 'kin—I mean, 'yong nag-recruit—kagaya mo. Neutral ako no'ng freshman ako kahit may Kuya akong politically aware—si Kuya Adrian. Kumbaga ako 'yong kapag may aaya, edi sige, depende sa mood; kapag wala, edi wag."

"Ahh."

"Uu. E, ayon, once nasa council ka na, kahit 'di ka pa handa, ipe-prepare ka ng experience, e. Sa college namin, for example, kung ano 'yong kulang sa skill set ng mga estudyante—kahit 'di na muna 'yong injustice na parte—at pa'no siya tinutugunan ng administration."

"E, burgis ang presidente ng PNS," walang preno kong dugtong.

"E, burgis nga, 'di ba? O, edi dyan ako ngayon aabante niyan," natatawa niyang sang-ayon. "Kahit 'yong simpleng gano'n lang na may kakayahan akong mag-assert ng karapatan ko bilang student leader, as well as karapatan ng ibang estudyante, good start na 'yon para sa 'kin."

Humangin ulit. Kita ko ang hawi ng sarado niyang balbas. Patampal kong idiniin ang piraso ng dyaryo sa noo niya. "'Awts," pasimple niyang reklamo. "Mukha naman na akong scrapbook!"

"Kanino mo nakuha 'yon? Kay Dyle?"

Kumibot ang labi niya. "Alin po?"

"Na ni-recruit ako ni Kuya Charles."

"Ayan pa napans—" Nakuha ko naman siya sa blangkong ekspresyon. May balak pang lumihis, e. "Uu, sa kanya. Hehe."

"Kay Dyle nga?"

"I mean, kay Kuys," sagot niya.

"Ah. Bakit sinabi sa 'yo?"

Napakamot siya sa patilya. 

Tama nga ako. Pabiro akong pumalatak-palatak. "Ang dami mong sikreto, Gonzalvo," sabi ko pa habang umiiling.

Napatawa ko siya. "Ganito kasi 'yan! Way back before ka pa sumali ng Sibol, may vague profile na ako tungkol sa 'yo sa daldal ng Gio Boy na 'yan, plus may iba ka pang classmates sa Sibol, ta's may mga kilala ka kahit 'di mo kilala. Hindi ka man aware, nababanggit ka na sa 'kin kahit wala ka pang . . . 'yong ganito ba," sabay nguso niya sa 'kin, "'yang malapitang mukha, dyaryo ng Manila Bulletin sa noo ko, palad sa likod ko."

Ako naman ang natawa. Saktong huling tapik ko na sa likod niya. "Tapos na."

"Kumbaga 'yang Miting De Avance lang 'yong tuluyang nagpa-finalize ng lahat. Aaron Jeremiah Perez in flesh at last. Kaya 'ka ko sa sarili ko, manalo ka lang, lalapitan kita palagi sa lamesa n'yo para lang mapilitan kang kaibiganin ako."

"Hindi naman ako mahirap—"

"Mailap ka, Ron, please," blangko niyang diin.

"Heh."

Tinawanan niya lang ako. "Ina-assume ko pang responsibility kong ipakilala kita sa Sibol, since hindi pa man ako inuutusan ni Kuya Charles, ginawa ko nang job description 'yan sa unang tapak ko sa partido natin." Paturong kumibot ang labi niya sa pagpigil ng ngiti. "Hindi na pala kailangan. Sibol na mismo 'yong kumilala sa 'yo."

"Ah. . ."

Tumawa ulit siya. "Solb?"

"Edi sadya mong ipatawag ako sa kwarto kasagsagan ng victory party?" bira ko ng kasunod na tanong na pumasok sa isip ko.

"Ayt! Ayan! Dyan talaga tayo walang kinalaman, ser!" Natawa ako—sa dyaryo sa noo niya. Akala niya siguro ay sa sinabi niya dahil sinabayan niya ako. Tinanggal ko 'yon bago siya mabilis na umiling. "Nabisto ko na 'yan si Kuya Charles, 'kala niya. Nagpalibre ako ng pang-gas sa kanya para 'ka ko makabawi siya sa pangde-dead end niya sa 'kin."

Siningkitan ko siya ng mata.

"Hala, uu nga!"

"Sige. Kahit halatang may tinatago ka . . ." Nagawa kong kumibit-balikat. "Maniniwala ako."

"Sige, kahit napilitan ka lang, salamat pa rin." Humalukipkip naman ang loko.

"Tungik."

Tumingin ako sa relos ko. Tatlong minuto na ang lumipas pagtapos ng ala una. Pitong minuto na lang, magsisimula na ang klase ko sa Behavioral Communication.

"Sisibat na ako, Benjamin."

Pabalikwas siyang umayos ng upo. "Weh? Agad? Sabay na tayo!"

Isinukbit ko na sa 'kin ang bag ko. Kung kailan naman paalis na ako saka pa nawala 'yong mga senior high doon sa tapat ng gusto kong tambayan. Kawawa naman 'tong si Benny dahil nakapagtiis pa sa initan. Pinigilan kong matawa sa nakatuping dyaryo sa likuran ng kwelyo niya.

Gwapo pa rin.

Humugot muna ako ng hangin bago umiling sa naisip. "Papuntang klase, ibig kong sabihin."

"First subject ba?" Prenteng-prente niyang ipinagkrus ang mga binti. "Naku, indyanin mo na lang 'yan. Wala pang prof na papasok ngayon."

"Ano bang kurso mo?"

"Fine Arts. Painting."

Sabay akong nagtaas ng dalawang kilay at nagkibit-balika bago sabihing, "Alam mo pala, eh. Magkaiba tayo."

"Hmp."

Naiiling akong tumalungko sa harapan ng pwesto ko para iligpit ang mga dapat isimpan: 'yong bahaging inupuan ko sa dyaryo, 'tong paper bag na may laman palang mga pinagbalatan ng kendi, saka 'tong bago niyang insulated bottle (dahil kakakita ko lang na may nakadikit pang presyo).

Isiniksik ko sa bag ko 'yong mga kalat bago bumaling sa kanya. "Ikaw, pumasok ka," udyok ko sa kanya. "Sa lahat ng estudyante, mas alam mo kung gaano kamahal ang tuition dito kaya sulitin mo."

Pang-asar siyang ngumisi. "President's lister ako, Ron. Full scholar with allowance."

"Ang ibig kong sabihin: presidente ka ng CFAD at lumalaban sa tuition fee increase, baliw," pambawi ko.

Hindi pa rin siya natinag at talagang tuluyan nang humilata. "Exactly. May misyon ako beyond four corners of the room!" Nagawa pang sumuntok sa hangin.

"Tss."

Tawang-tawa siya. "O nga pala, sa 'yo muna 'yang insulated bottle," maagap niyang pahabol. "Balik mo na lang kapag naubos mo na 'yang fresh orange from the markets of Obando squeezed by Gonzalvo's blender. Gisingin mo na lang ako, ha?"

Natawa ako. "Sige. Tama, sa 'yo rin muna 'yang dyaryo. Kukunin ko mamaya."

"Tungik," natatawa niyang panggagaya.

"Ay? Seryoso ako. Babasahin 'yan ng Tatay ko. Panay inspeksyon 'yon ng bias ng mga dyaryong papel."

Wala na siyang ibang nagawa kundi kumibit-balikat. Sigurado naman kaming dalawang pwede akong bumili ng bago. Ewan ko lang kung naramdaman niya rin ang kagustuhan kong magkaroon siya ng panibagong dahilan para manatili rito bukod sa katamaran niya.

Tulad niyan, ni hindi man lang siya kumislot nang tuluyan akong tumayo. Bitbit ang pabaon niyang insulated bottle, paatras akong humakbang.

"Ba-bye, Benny Boy," paalam ko.

"Bye po! Aral ka mabutiiii!"

Umabot na sa walong malalaking hakbang 'tong nagagawa ko kaya hindi ko na mahagip ang itsura niya.

"Bulakbol ka talaga, 'no?"

Nakahiga pa rin, itinaas niya ang braso para magpakita ng peace sign sabay sigaw ng, "Magkaiba nga tayo, 'di ba? Support ako sa paninindigan mo, Ronny Boy!"

Saka siya bumangon.

Humalik siya sa palad niya saka 'yon ipinalipad sa gawi ko. Itinuro ko 'yong dyaryong sinasalampakan niya bilang huling paalala kaya pinandilatan at inginuso niya ang hawak kong insulated bottle.

Natatawa siyang humiga ulit.

Saka ako huminto.

Pumihit paharap.

At normal na naglakad, may baong ngiti.

Malungkot ang paalam kahit panandalian. Pinawi 'yon ng kasiguraduhang habang iniwan ko siyang natutuwa ang puso, pinaalis niya akong lumalawak ang isip sa huli niyang sinabi.




──── ──── ──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top