i: takipsilim

──── unang tagpo ────

takipsilim:
aaminin,
mga lihim
lumilinaw,
lumalabo,
nasisilaw

takipsilim,
autotelic

──── ──── ──────


Kailan nga ba ulit ako
huling nakatikim ng alak?

"Shot na, p're!"

"Gara mo, isa lang naman!"

Ah. No'ng 2017 sa UPLB.

Pumitik nang saktong alas nuwebe ang suot kong relos. Kung puro kantahan at baliwan ang mga kaibigan namin sa ibang colleges, nandito naman kaming mga kandidato ng College of Arts and Sciences sa iisang lamesang katabing-katabi ng pool, gumagawa ng sariling mundo. Kanina pa sila nag-iinuman. Kanina pa rin nila akong pinipilit na umisa man lang ng tagay.

Pang-siyam ko na yata 'tong sasabihing, "Ang kukulit. Hindi nga pwede."

Sinungaling.

Bukod sa hindi naman ako problemado, matagal ko nang pinagsawaan ang mapaklang lasa ng Empi. Hindi masarap. O kahit 'yong beer, masarap man ang hagod ng init sa tiyan.

"BOO! KJ!"

Tinawanan ko na lang sila.

"Wag niyo na pilitin 'yan si Ron, 'tol," malamyang sabi ni Kenneth, isa sa tatlo kong tropang nanalo sa itinakbo nilang pwesto. "Nakalimutan n'yo na bang Kristiyano 'yan? Bawal madampian ng kasalanan 'yan!" Umakbay pa sa 'kin si bugok saka ako inalog-alog.

Napakunot ako ng ilong sa pakla ng hininga niya. Umisa muna ng hithit ng sigarilyo si Ed bago siya ilayo nito sa 'kin at pinanggigilan ang pag-ipit ng braso sa leeg niya. "Lalasingin ko ba, huh? Kulit ng ulo mo!"

"Wag kami, sugo ng demonyo!" tukso ni Abby.

Malakas na tawanan.

Hindi kami kumpleto ngayon dito sa Las Piñas. Sayang. Siyam kaming tumakbo para sa posisyon sa student council; pito lang kaming nandito. Si Abby ang kalihim. Hindi man halata, si Eduardo naman ang kumandidato naming presidente. Matalino, prinsipyado, pero mas maangas siyang humarap sa kalaban kaysa kay Kenneth kaya naging bise presidente lang 'yong isa. Dahil natalo siya kay Leah, idinaan niya sa impluwensya ng amats ang kabiguan.

Sa kahabaan ng gabi, mas mainam ang manahimik lang at magmasid sa mga kasama. Aakalain ko bang may mga sumasama pa rin sa ganitong uri ng kasiyahan kahit naturingang talunan para makigulo (at pagtakpan ang kalungkutan)?

Liban kay Ed, magandang halimbawa rin 'tong buong slate ng College of Engineering. Lahat sila, laglag. Ni isa ay walang nanalo. Tingnan mo naman, sila pa ang pinakamaiingay; nagawa pa nilang maglaro ng habulan sa tubig.

Wala, e.

Unang beses ko 'to.

Talo pa 'ka mo.

Pero hindi tulad nila, isinusuka na ng sistema ko ang konsepto ng lasing. Kahit siguro tanggalin sa 'kin ang salitang Kristiyano gaya ng idinahilan ni Kenneth, hindi pa rin ako tatagay. Unang beses akong nalango sa alak no'ng naguluhan ako sa pabago-bagong pahiwatig ng lalaking nagustuhan ko sa Elbi. Kailangang mawalan ng preno ng bibig ko noon para maghayag ng nararamdaman.

Ngayon: partido, eleksyon—talo.

Wala na akong ihahayag. Sa ayaw man nila o sa gusto, hindi ako mukmok ngayong natalo ako. Huling taon ko na rito sa kolehiyo; nagkataong una at huli ko ring tiyansa para sa konseho. Sa susunod na taon, serbisyo pa rin siguro ang gusto kong gawin, ngunit sigurado akong sa ibang perspektibo na ako nakatuon.

'Yong mga freshmen at second year na tawanan, tsismisan, at simpleng pagtusok ng mga iihawin ang tanging inaatupag, ipapaubaya ko na sa kanila ang bigat ng responsibilidad ng pagiging lider-estudyante.

Masaya ako ngayon.

Huh. . .

Hindi ako sinungaling dyan.

"Aaron, come here!"

Si Kuya Charles 'yon.

Nilingon ko siya. Inayos ko muna ang tukod ng suot kong salamin sa tungki ng ilong ko. "May humahanap sa 'yo!" Pumalakpak pa siya para palapitin ako.

"Saglit lang, Chairman."

"Wag! Dito ka lang!" Nahila ni Abby ang t-shirt ko. "Amin muna si Ron, Kuya! 'Ba yan, o!"

Pabalikwas akong tumayo kaya nabitawan niya ako. Sinubukan pa akong hilahin ni Ed kung hindi lang ako nakatakbo agad sa pwesto ni Kuya Charles sa sulok ng pool. Katabi niya si . . . tama, si Lana, 'yong girlfriend niyang nanalo bilang presidente ng College of Business Administration. Sa hilatsa pa lang ng kilay nito, hindi na ako makatingin ng diretso.

"Kuys, ano ulit 'yon?"

"Hanap ka ni Benj," sagot ni Kuya bago mabait na ngumiti. Napilitan akong ngumiti pabalik kahit wala akong kaalam-alam sa lalaking tinutukoy niya. "Papatulong yata sa mga kwarto for wasted people."

"Ah. . ."

Ayoko sana.

Sige, okay po ang nasagot ko.

Mahina siyang natawa. "Hindi ka ba rito mag-stay for the night?"

"Opo. Kailangan ako sa bahay, Kuys."

Pumalatak siya. "Yes, right, your Tatay. Hmm, sibat ka na lang after? Hatid kita." Tumayo siya't hinawakan ang balikat ko saka ako ipinihit paharap sa main house nila. "Although, saglitin mo pa rin si Benj, is it okay?"

Napayuko pa rin ako bago maalala ng utak kong hindi naman ako nakaharap kay Kuys. Teka, nasaan doon sa loob 'yong Benj? Nadako ako saglit sa alangan kong hakbang. Babalikan ko pa ba 'yong tsinelas ko?

Wag na lang.

Bahala na silang maglasing. Tulong ko na sa kanila 'tong paghanda ng hihigaan nila.

Nakapasok ako ng bahay. Putek. May mga bakas ng putik sa pinaglakaran ko. Luminga-linga ako para hanapin ang kwarto—at para isipin na rin: sino ba kasi 'yon si Benj? May kilala akong Benny sa College of Fine Arts, Architecture and Design, pero sa pangalan lang 'yon, galing sa kwento-kwento ni Gio paminsan.

Pero sa itsura. . .

May nabungaran akong hagdan. Lord, sana ito ang daan papunta kay Benj, kung sino man siya. Takot na akong mamali ng akyat dahil naranasan ko na 'yon sa tropa ko no'ng high school. Aksidente kong naabutang nag-aaway ang mga magulang niya. Ako pa tuloy 'tong unang nakaalam na hindi siya tunay na anak.

Tumikhim ako nang makapanik.

"May tao ba dyan?"

Walang sumasagot.

"O daga—meron? Takot ako sa daga."

AH, PUTEK!

Napaatras ako sa gulat sa lumangitngit na pinto. May lumabas na lalaki doon.

Siya nga si Benj; mas kilala ko siyang Benny dito sa Sibol. Umunat pa siya ng katawan bago humarap sa gawi ko. "Ayt, may tao pala," mabilis niyang sabi at bumungisngis. "Hello! CR ba hanap mo, ser?"

Napakamot ako sa pisngi. "Kailangan mo daw ng tulong?"

Kinunot niya ang ilong niya.

Nagkibit-balikat ako.

Balbas-sarado siya at kumikintab ang mga basang hibla ng buzz cut niyang buhok. Wala siyang tapis na pantaas, ngunit may kwintas na korteng yin yang ang palawit, at may hawak pang panungkit kasama ng tatlong hanger ng twalya. Higit at angat sa lahat: ang suot niyang fluffy slippers.

Agaw-pansin ang bigla niyang paghigop ng matalas na hangin.

"Ah, 'lam ko na, taragis," aniya bago nahihiyang kamutin ang dulo ng tenga.

Bumulong pa siya ng Naku, si Kuya Charles talaga naman bago isenyas ang kwartong kaharap ng kung saan siya lumabas. Simple ko siyang sinundan habang iniisip-isip kung magsisimula ba ako ng usapan.

Kasabay ng pagsara ko ng pinto, naibulalas kong, "Ikaw 'yong presidente ng CFAD, 'no?" Tumikhim ulit ako. "Sori."

Natawa siya. "Yeppo. Aaron, 'no?"

"Kahit Ron na lang." Tipid akong ngumiti.

Inunat niya ang kanang kamay para harangan ako at kalauna'y tumalungko. "Sensya na sa kalat," kamot-ulo niyang puna. Totoo naman. Tinambak lang ng mga kasama namin 'tong mga nakabulatlat nilang gamit sa sahig. "Hindi totoong nagpatulong ako, pakara 'yon si Kuya Charles. Pero if want mo, delegate natin 'tong mga bag sa separate na kwarto kada year level."

Hinawakan ko ang inabot niyang bag. "Tukoy mo ba lahat kung kanino ang mga 'to?" hindi ko napigilang itanong.

Blanko siyang umiling. "Ba't hindi na kaya uso 'yong bag na may card ng pangalan at address, 'no? Hirap nilang isa-isahin."

"Kilala mo ako," sabi ko pa.

Madiin niyang itinungkod ang hawak na panungkit para makatayo. Dahil nahihirapan, umuungot siya bago sabihing, "Kabisado ko kayo lahat dito sa Sibol, Mr. Public Relations Officer." Maloko ang ngiti niya habang nakaturo sa akin.

"Wag ganyan. Talo ako."

"Sa 'yo dapat 'yon!" parang bata niyang sabi sabay dagundong niya ng panungkit sa kahoy na sahig kaya idinugtong niyang, "Sa 'yo dapat 'yon. . ." nang pabulong.

Napailing ako sa kakulitan niya.

"Napanood kaya kita sa Miting De Avance. Muntik mo na ngang masapawan si Eduardo sa galing mong sumagot sa mga questions," dugtong niya pa. "Kaya siguro natalo 'yon."

"Tungik."

Nagtaas-taas lang siya ng kilay.

"Medyo nga," tuluyan kong pag-amin. "Nireklamo niya rin sa 'kin 'yan. Loko-loko kayo."

Natatawa niyang binuksan ang malaking aparador sa tabi ko para isabit ang mga dala niyang twalya. "Hindi mo ba na-consider kumandidato as college president? Sure win 'yan, malamang."

"Ayoko."

"Responsibility?"

Pinigilan kong humikab. Pagtingin ko sa relo, labinlimang minuto na ang lumipas. "Medyo. At saka tantiya ko 'tong sagad ng kakayahan ko, Benny. Hindi ako organizational leader o lalong lider-estudyante. Kaya ko mang-impluwensya, pero kapag usapang authority, tagilid ako."

"Baka execution. Kasi authority rin 'yang influence, 'di ba? Ikaw lang kaya 'yang may kayang mambulabog lahat ng estudyante sa PNS para makapag-isip sila," natatawa niyang komento kahit mukhang tunay niyang namamasid 'yon.

Nagkibit-balikat ako. "Presidente ang kailangan nila, hindi politiko," sagot ko na lang.

"O, 'ta mo?" Mabilis ding nawala ang ngiti niya nang matulala ulit sa mga kalat. "Owkidowks—back to business. Ano hong uunahin natin, ser?"

"Magwalis," mabilis kong sagot.

Pumalatak siya. "Nice catch."

Isinandal niya ang panungkit sa pader katabi ng aparador. Nahagilap niya agad ang walis tambong nakasabit sa likuran ng pinto. Ibinigay niya 'yon sa 'kin para siya ang mag-asikaso ng mga nakakalat na gamit.

"May gamit ka dito?" tanong niya.

Umiling ako. "Nasa baba."

Pagtapos niyang maglabas-masok para ilipat ang mga nakatambak na gamit, nakapagwalis ako nang maayos. Hinayaan niya munang madakot ko ng dustpan ang pinakahuling alikabok sa siwang ng kahoy na sahig bago niya ako mabilisang nabigyan ng mga pundang mukhang ipinuslit niya pa kay Manang sa baba.

Hindi ko siya natulungan sa pagpalit ng kobre kama dahil ako na ang humawak sa mga unan. Baka nga hindi siya sinungaling-mukhang hindi nga ako kailangan dito. Sa pirmi ng balikat niya, kayang-kaya niya namang asikasuhing mag-isa. Panandalian pa akong natuwa dahil mukhang sanay na sanay siya sa gawaing bahay.

Lumapit ako sa kabilang gilid ng kama. Nagtanong na lang ako ng, "Dito ka rin ba magpapalipas ng gabi?" bago iitsa sa kanya ang unan.

Bahagyang napapikit ang kaliwa niyang mata habang natango. Parehas kaming napatingin sa maliit na ikot ng buhok sa dibdib niya bago siya natawa. "Nasanay lang, Ron. Gusto kong mapresko 'tong katawan ko para mas madali akong antukin."

"Walang problema. Hindi naman ako rito matutulog." Initsa ko sa kanya ang pundang nasa gawi ko.

Sumimangot siya bigla. "Hala, weh?"

"Oo, bakit?"

"Sarap mo kausap, e," mabilis niyang sagot, halos hindi pinag-isipan. "Pa'no 'yan, edi uuwi ka na agad niyan after this?"

Kumibit-balikat ako.

"Hmm, owkidowks. Bibilisan ko na para matagtag mo na 'yang pagod mo." Ipinagpag niya muna ang huling unan bago 'yon ipinatong sa wala pang kapares. Pabiro ang sundalo niyang ekspresyon habang nakapameywang. "Doble kayod para sa mga dumadaming bilang ng amats!"

Natatawa akong nailing. "Baliw. Halika na."

Umuna akong lumakad dahil malapit ako sa pinto. Isang pihit ko pa lang, agad ko nang natantiyang may sira ang doorknob, kaya mabilisang nabura ang ngiti ko. Lumunok ako. Dahan-dahan kong ipinihit ulit para makasiguro.

"Ayaw bumukas?"

Sinubukan ko pa rin.

Nanlalagkit, tumango ako. "Oo, e."

"Need ka na ba senyo?"

Tumango ulit ako kahit hindi naman 'yon ang dahilan kaya hindi ako komportable. "Ikaw ba? Sori, Benny." Pinindot ko ang lubog sa itaas kong labi. "Sanay lang akong nagsasara ng pinto."

Mukha namang nakaramdam siya kaya isinenyas niya ang kamay sa gilid ko bilang pagpapaalam para bigyan ng mas malaking espasyo ang sarili. Sinubukan niyang kumatok habang humihingi ng tulong sa labas kung meron mang nagkataong kaaakyat lang dito.

Huminga akong malalim.

"Claustrophobic ka ba, Ron?"

"Huh?"

Natawa siya sabay mabilis na tikhim. "Baka lang naman. E, wala akong training sa ganyan, so . . . 'yaan mo, may secret compartment 'tong kwarto. Do'n tayo tatawag ng rescue."

Hingang malalim ulit. "Benny."

"Yeppo?" Nanlaki pa ang mata niya nang blangko ko siyang titigan. "Hala, uu nga!" tatawa-tawa niyang depensa.

"Saan?"

Mukha siyang panay biro ang alam; ngunit sa dakong sulok sa loob ng aparador, mayroon ngang maliit na pinto. Nakonsensya tuloy ako sa ginawa kong paghugot ng hangin. Pasipa niyang binuksan 'yon. May butas. Kasya kami. Pinauna niya akong gumapang para makalusot.

May secret compartment nga.

Tipong normal na tambakan ng gamit. Puro kahon dito—pati agiw. Masikip, pero mas malawak kaysa sa aparador. May bintanang direkta sa mga nagkakasiyahan sa baba tulad ng pangako ni Benny na makakatawag kami ng tulong.

Dumiretso siyang upo sa pasimano.

"GUYS, TINGIN DITO!"

Ni isa, walang lumingon.

"JUNE—HUNYO!"

Kahit nakikipagsabayan ang boses sa sabog na tugtog na karaoke, narinig kami ni June, ang Public Relations Officer ng slate nila sa College of Engineering. "O, teh! 'Nu gawa n'yo dyan?!" sigaw niya pabalik.

Napasulyap din tuloy 'yong mga nakikikantang kandidato sa second year.

"SI KUYA CHARLES?"

Naghiyawan ang mga nasa pool, mukhang may kinakantiyawan, kasabay ng malakas na pagsalpok ng tubig.

"ANO, TEH?! ETO NAMAN KASING MGA—"

"Shu-shu-shush," yamot na putol ni Benny.

DATI BA SIYANG BALIW? ang inilabi ni June sa 'kin. Pinigilan kong matawa sa ginawa niyang pagngiwi sabay ikot sa tenga niya ng hintuturong kalauna'y kinatok niya sa gawing direksyon ni Benny. Kasalukuyan nitong tinatawag 'yong nakikipagkulitang freshman sa mga lalaki ng Engineering.

"OCHO, TINGIN!"

Naulinigan naman siya no'ng bata. "PO?"

"TAWAGAN MO KUYA CHARLES."

Hinampas ko ang binti kong dinapuan ng lamok. Mahigpit ang kapit ko sa pasimano bago napagdesisyunang makiupo na rin sa tabi ni Benny. Nakalaylay ang mga paa niya, mistulang nagpapalamig lang sa balkonahe, habang sumandal ako sa balangkas ng bintana para mayakap palapit sa dibdib ang mga tuhod ko.

"NUMBER?"

"WALA KANG NUMBER?" Hindi ako sigurado kung pumatay ba siya ng lamok sa matalas niyang paghampas ng dalawang kamay. "0939. . ."

"ANO PA PO?"

Hindi niya maalala. Sa 'kin siya tumingin, tipong kumbinsidong nasa mukha ko ang mga kulang na numero.

Nagkibit-balikat ako.

"WAG NA LIMOT KO NA LINTEK."

"Sige po!"

Yamot man, natawa pa rin siya. "GARA MO, WALO!"

Tuluyan na siyang umusog paharap sa 'kin bago ipagkrus ang mga binti niya. Saka niya inilabas ang dila niya, pinipilit ipokus ang tingin sa dulo nito. Tinitigan ko lang siya. Pilit niyang itinutupi 'yon paloob.

"Ano 'yan?"

Ngumiti siya, labas ang ngipin, parang bata. "'La lang." Kiniskis niya ang kamay sa ulo niya kaya nagsitalsikan ang tubig sa binti ko. "Pasensya na, Ron, ha?"

"Wala namang mali—"

"I mean sa hassle. Babiyahe ka pa niyan. Sa Makati ka, 'di ba?" Magkasabay ang hampas niya sa braso at ang pagtango ko. "Ano setup mo do'n? Mag-isa ka lang?"

"Si Tatay," simple kong sagot.

"Uu nga pala, Tatay's boy ka. 'Ta mo number na lang 'di ko pa naitulong para sana magkasama na kayo now." Pailalim niyang kinalabit ng hinlalaki ang sariling pisngi. Saglit pang nagtagpo ang tingin namin bago siya bumalikwas pababa. "Wait, wag kang gagalaw dyan!" Saka siya lumusot doon sa butas.

Ayoko rin namang lumusot ulit. Hinintay ko na lang siyang sumulpot ulit sa butas.

Wala pang dalawang minuto, may suot-suot na siyang maluwag na t-shirt na SIBOL, SILANGAN! ang tatak sa buong dibdib.

"Ah, tama, magandang ideya 'yan," sabi ko dahil napansin kong dala-dala niya rin ang bag ni Kenneth. "Nandyan ba 'yong—"

Inalog-alog niya ang hawak niyang phone sa kabilang kamay.

Panandalian akong natawa. "Subukan mong password 'yong latinhonors2021," suhestiyon ko.

"Pasok pa siya?"

Idinikit ko ang dila ko sa likod ng itaas kong ngipin. "Hindi na ba?" nagtataka kong tanong.

"May tres daw siya dati sa Math niyo, e. Sabi ko nga, itanong niya na sa SAO kung updated na ba 'yong eligibility. Naghahabol din kasi 'yong tropa kong si Henry."

Sinubukan niya pa ring itipa ang hinulaan kong password. Mukha namang bumukas dahil may klik! na nasabayan niya ng palatak.

Gumagalaw ulit ang mga daliri niya. May bago siyang tinitipa.

"Kuya Charles, Kuya . . . Charles . . ."

Nakangiti ang mga mata niyang diretso sa mga mata ko nang itapat niya ang nagri-ring na cellphone sa tenga niya.

"Ikaw ba, makakahabol ka?" usisa ko.

"Hmm?" Saglit siyang ngumuso. "Ah, latin honors? Baka. Hindi naman ako after do'n, pero sure akong 'di ako disqualified. 'Kaw ba, ser?" Naiiling niyang ihinarap ang screen sa kanya. "The number is busy. Sino na naman kayang kausap no'n?"

"HOY, BENJAMIN! ITO NA, O!"

Napalingon ako sa gawi ni June sa karaoke. Imbis na doon ko siya matagpuan, nasa pwesto na siya ng mga kasama ko sa CAS. Nakatingala siya rito habang ngalay na ngalay sa pag-angat ng skimmer net ng swimming pool. May laman 'yong tatlong bote ng beer at bukas na Ding Dong.

"Tungik," natatawa kong bulong.

Isa lang ang kumukutkot sa isip ko ngayon: kung posible pala ang makipagkalakalan mula baba tungo rito sa taas, pwede rin kayang tumalon na lang ako diretso sa pool para makauwi?

Umungot na naman si Benny dahil halos isakripisyo niya ang buhay niya hanggang sa tuluyang maabot ang ayudang inutos niya kay June.

"THANK YOU, HUNYO!" Bumaling siya agad sa 'kin sabay sabing, "Kain tayo, Ron. Busy pa rin 'yon si Kuya Charles now."

Inabot niya sa 'kin ang phone.

Tumikhim ako. "Nag-text siya ngayon lang, o?" Dahil bahagyang nanlabo ang mata ko, nagpungas muna ako. "I'm talking to SAO, Kenneth."

Natawa siya. "'Yaan mo 'yan."

"Sige—"

"Sige, reply ka pala: Benny 'to, Kuys. Tangina naman, o." Kahit pabiro, madiin ang pagkasabi niya no'n, ngunit agad ding naging malumanay ang mukha niya sa mabilisan niyang maamong bungisngis. "Beer, Ron?"

Huh. . .

"Uuwi pa ako," tanggi ko.

Akala ko, magsasalita pa siya.

Pumalatak lang siya sabay taas ng kilay.

Nanatili siyang gano'n: nandito ngunit may sariling mundo, tahimik na umiinom ng beer, at paminsa'y sisigawan ulit si June kada makaubos ng isang bote. Umabot siya ng pangatlo bago ako matuwa sa proseso kaya humirit na rin ako sa kanya ng isang plato ng spaghetti at ng orange juice. May gusto lang akong madiskubre: kung talaga bang makakarating din sa 'kin 'yon nang walang natatapon.

Halata namang hindi na natutuwa si June sa pakana namin. "SHUTA NAMAN, INUMIN PA TALAGA!" bulyaw niya mula sa baba at nakapameywang na.

"KAKAUHAW DITO, E!"

Bumungisngis ulit si Benny. Kinindatan niya ako at bumulong ng, "Gotchu."

Unti-unting inaangat ulit ni June ang net paakyat sa pwesto namin dito. Unat din ang braso ni Benny, iginagalaw ang mga daliri sa paghihintay hanggang maabot ang dulo.

Hindi nga natapon!

Nanginginig pa, dahan-dahan niyang ibinigay 'yon sa 'kin habang may magalang na ngiti. Nagpasalamat ako-sa kanya muna, bago sa Diyos. Nakadalawang subo muna ako at isang malaking lagok bago mapansing malamlam na ang mga mata niya. Itinulak ko ng hintuturo ko ang noo niya.

"Tulog ka na, huy."

Mabilis siyang umiling. "Hindi muna para comfortable ka."

Tuluyan na akong natawa. "Sinusulit mo 'yang natural mong kakulitan, 'no?" Pangalawang katotohanan ngayong gabi: nakakaengganyo siyang lalaki. "Sige, pagbibigyan kita. Anong gusto mong malaman?"

"Saan?" Itinungkod niya ang kamay sa pasimano, may bahagyang surpresa sa mukha. "You mean, sa 'yo?"

Tumango ako.

"Wala."

"Masarap ako kausap, 'ka mo. Bihirang sabihin 'yan sa 'kin dahil tahimik ako't malalim. Hindi daw pang-araw-araw." Nagkibit-balikat ako. Siya namang loko, tumatango. "Ano nga?"

Umiling-iling siya. Maliit, tapos lumaki, mas bumilis. "Ayoko, Ron. Delikado akong maging curious sa buhay ng tao."

"Nagkakagusto ako sa lalaki," bigla kong sabi.

Sa lahat ng reaksyon, katulad ng bungisngis niyang may maliit na kunot sa ilong ang nakuha ko sa kanya. "Pa'no mo naman nasabing dyan ako interesado?"

Kunot-noo ako. "Hindi pala?"

"Nopey."

"Pero may ideya ka?"

Pagtango niya, lumapat ang likod niya sa balangkas ng bintana. "Sabi ko nga sa 'yo, tinutukan kita sa Miting De Avance." Papitik niyang ibinuka ang dalawang hintuturo para ituro ako. "Eto nga pala: sa CFAD, lalo sa Visual Comm, may mga curious. Interesting ka raw. One time, sinubukan kong replyan ng long shot yun par kristiyano yun kaso hindi na nag-reply. Tingin ko, kakaibang combo ka para sa kanila, so intimidated sila sa 'yo." Natatawa siyang napailing.

Simple kong inikot ang tinidor sa spaghetti. "Pasensya ka na kanina," pabuntong-hininga kong sabi. "Gusto ko lang . . . piliin ang Diyos lagi. Kaya . . . alam mo 'yon, kahit mahirap, nag-iiba man 'yong ihip ng pagkakataon, nilalabanan ko pa rin 'tong pagkakagusto ko sa lalaki." Pinunasan ko ang gilid ng labi ko.

"O, 'ta mo? Cute mo talaga, Ron."

"Hindi nga pwede, Benny."

Tawang-tawa siya. Nahawa tuloy ako. Kinalikot niya muna ang dulo ng kuko niya bago tumikhim.

"Ewan ko, kaya siguro nakakatakot husgahan 'yang paniniwala mo. Ayan ka, e. Kahit sinong haharap sa 'yo, taob. Anong laban nila sa firm, may authority—kahit kulang sa execution—at kilala ang sarili kaya hindi madaling magpadala? Eeeengk." Nangingiti siya bago lumagok ng beer. "Hindi nila kayang tanggalin sa 'yo 'yang karapatan mong manindigan. Kahit nga siguro binigay lang 'yan sa 'yo, ipaglalaban mo pa rin, e."

"Husgado, o," ang natatangi kong naitukso.

Hinagod niya ang bigoteng may bula ng alak. "Areglado ka sa 'kin, Ron, syempre." Nag-thumbs up siya sabay bulalas ng peewoop!

"Tss, bolero," biro ko.

Natulala ako sa hawak kong plato. Dalawang ikot pa 'to ng spaghetti. Isa sa 'kin, pwedeng isa sa kanya. Tumitig ulit ako . . . saka umiling. Tuluyan kong isinubo ang isa.

Pag-angat ko ng tingin, balik si Benny sa una niyang delikadong pwesto kanina. Ngayon, tyumetyempo siyang laglagan ng green pea si Eduardo dahil lalamya-lamyang pumasok ang loko sa bahay. Pabiro pa siyang umambang 'yong hawak niyang bote ang sunod niyang ilalaglag.

"Mas namumukhaan na kita, Benny."

Kahit hindi siya humarap, nakita ko pa rin siya.

"Napanood kita minsan sa Instagram dahil do'n ako naglalagi. Kamuntikan kang mag-viral nang ilabas ni Gio 'yong paraan mo ng pangangampanya sa mga kaklase mo."

Base sa reaksyon niya, pinipigilan niyang lumingon, pero halatang naghihintay ng sunod kong sasabihin.

"Mahusay kang lider, Benny."

Siya naman ang kumibit-balikat.

"Malakas ang karisma sa tao."

Umulit ang bungisngis niya kanina; may bahid ng hiya ngayon. "Last na 'to ngayong taon. Buti na lang. Benny ang inyong presidenti? Lintek 'yan, pa-retire na talaga ako." Napahilamos siya ng mukha.

"Tatak masa nga, e," natatawa kong puna.

Humugot siya ng hangin bago itinuon ang atensyon sa hawak niyang boteng nakalaylay kadikit ng tuhod niya. "Mamimiss ko 'to. Taragis, kahit corny 'yong mga campaign speech na nagawa ko, palag-palag para manalo lang. 'Yong gano'ng level ng tiwala sa 'kin para lang limliman ko 'yang lintek na presidential seat for three years, 'di pa rin ako makapaniwala. Nadehado ko na sila sa mga prinsipyo ko, dumidikit pa rin sila." Kumaluskos ang daliri niya sa malambot niyang buhok sa pisngi. "Parang ikaw."

Tinagpo niya ang tingin ko. Mali siya.

"Mapanghati ako, Benny."

"Totoo ka, e," agad niyang sagot.

Huling subo na ng spaghetti. Bumalik siya sa pagkopya ng paraan ko ng pag-upo. Nang ilapag niya ang bote sa natitirang espasyo sa pagitan namin, kumikislap-kislap ang paggewang ng natitirang alak sa loob. Konti na lang 'yon.

"Painom?" paalam ko.

Tagumpay ang ngiti niya. "Yown."

Hindi na kami nag-usap. Nawala raw ang antok niya kaya inasahan kong balik sa lagkit ang dampi ng katahimikan. Mali ako. Mas naging maaliwalas pa nga.

Mabilis na dumaan ang kalahating oras. Kahit 'yong mga natitirang lamok, naburyong na rin siguro kaya binalikan kaming papakin. Hindi na nakatiis si Benny kaya tinawagan na niya ulit si Kuya Charles. Samantala, bumisita ulit sa 'kin ang panandalian kong likot ng utak, hanggang sa napilitan akong itanong sa kanyang, "Talon kaya ako sa tubig?" dahil gusto kong alagaan ang mga tropa ko ngayong iniwan na sila ng mga bata para makauwi.

Sobrang lakas ng tawa niya.

"Nasa labas na si Mr. Chairman, ihahatid ka," anunsyo niya. Naghahalo ang kulay ng kahel at puti gawa ng mga kapantay naming bumbilya sa kayumanggi niyang mukhang may mga tutuldok ng rosas. "Bubuwis-buhay ka pa, e."

"Tungik, wag na 'ka mo."

Hindi ko nakontrol ang paglunok ko sa pag-usog niya palapit. Inayos-ayos niya ang gusot ng t-shirt ko sa bandang manggas. "I'd be happy to bring you home, though. Da't pala 'di na ako uminom. Maling diskarte talaga." Pinagpag-pagpag niya ang bandang tiyan ko. "Sa Makati ka pa naman. Ba't ka nag-aral sa Caloocan?" Tapos pinisil-pisil. "Kalat mo kumain, o."

Dahil pala sa spaghetti't chichirya.

"Aaron Jeremiah. . ." tawag niya sa 'kin.

"O?"

"I'm Benjamin Yves. Wag mo 'kong tatawaging Benj. I try to separate my professional name with my friendship name." Natawa ako. Nangangalumata na talaga siya. "Kaibigan naman na tayo, 'no?"

"Syempre," walang alinlangan kong sagot.

"Yehey. Nag-enjoy ako ngayon. Matagal na kasi kitang gustong kilalanin. E, ang ilap mo. Soooobrang . . . huy, may sinabi sa 'yo si Kuya Charles, 'no? Banas ako do'n! Ramdam kong pakana niya 'tong . . ." Umikot-ikot ang mga palad niya sa hangin bago sumandal sa kahoy. "Eto."

"Pumayag naman ako," paninigurado ko.

Sumenyas na si Kuya Charles mula mismo sa pwesto ng mga bangag kong tropa. Inangat-angat niya ang hawak-hawak niyang construction ladder. Seryoso ba siyang pabababain niya kami gamit 'yon?

Nalulula, umiling ako.

Mas gusto ko pang tumalon na lang!

Sumuko na siya't dumiretso na lang sa loob ng bahay kaya bumalik ang mga mata ko kay Benny. Tuluyan na siyang nakayuko, may tumatakas na maliliit na hilik sa bibig.

Unti-unti akong napangiti. "Tama 'yan."

Salungat sa plano kong umuwi, nagpalipas kami ng gabi sa iisang espasyo, bago kami paghiwalayin ng umaga at ng animnapung araw na pagitan bago ang huling taon namin sa kolehiyo.

──── ──── ──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top