CHAPTER TWENTY-ONE

Shane Andrea Juarez

"Thank you, wifey."

Hanggang ngayon hindi ko pa rin makalimutan ang sinabi sa akin ni Micah nang pumunta sila sa bahay para mamanhikan. Wifey. Ang sarap sa pakiramdam. Kaso mukhang totoo ang obserbasyon ni Ate. Tunay yatang ginamit lang ako para maging panatag ang lolo niya sa kanya at maibigay ang kanyang mana. Ang sabi kasi ng matanda unless he gets married, wala siyang aasahan sa abuelo.

"A penny for your thoughts?"

Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala ang lokaret na si Eula. She looks so beautiful and radiant. Parang bagong dilig! Napabungisngis ako sa naisip. Ini-imagine ko kasi siyang nagtititili habang nag-aanuhan sila ni Sir Maurr.

"Nabaliw ka na, girl? Urong nga." At naupo siya sa tabi ko sa concrete bench na nasa ilalim ng isang puno sa harap ng chapel. May dala-dala itong mabahong pagkain.

"Ano iyan? Siomai na naman?"

Napaliyad ako sabay kusot-kusot sa ilong nang bigla niyang inalok sa akin iyon. Halos ay subuan pa ako ng bruha. Umurong ako palayo sa kanya.

"Ano ba!" reklamo ko agad.

Hindi naman ako allergic sa siomai with bagoong, pero wala ako sa mood kumain n'yon ngayon. Ang dami kong iniisip kaya gusto ko iyong food na hindi nakakasagabal sa daloy ng thoughts ko.

"May sinabi sa akin si Taba. What's up with you? I'm pretty sure it has nothing to do with acads. Ang taas-taas nga ng midterm mo sa Math in the Modern World, eh! Saka namamayagpag ka pa sa formative assessments natin after midterm, ha? Naikompara nga ako ni Maurr sa iyo. Bakit hindi raw kita gayahin eh first year pa lang pero mabilis matuto?"

"ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi nga ako first year? Irregular sophomore student nga ako. May subjects sa first year, meron sa second year," sabi ko sa kanya.

"Weh? Hindi nga?"

"Saka hindi lang naman Math in the Modern World ang klase natin, bruha. Sa klase ni Sir Maurr wala akong problema, sa iba mayroon," sabi ko na lang.

Hindi pa ako handa mag-reveal ng tunay kong dahilan. Ayaw kong mag-alala siya. Alam ko kasing mayroon din siyang problema. Mukha kasing nagpapakipot pa sa kanya si Sir Maurr, eh.

Pinaningkitan niya ako ng mga mata. "Excuse me? Namomroblema sa ibang acads ang Dean's lister noong nakaraang semester?"

Napabuntong-hininga ako. Masusukol na yata ako ng babaeng ito. Bago pa mangyari iyon, nakita naming kumakaway sa hindi kalayuan si Keri. Kabuntot nito si Felina na hindi magkandaugaga sa dala-dalang mga libro.

"What's up, girls?" masiglang bati ni Keri. Parang wala lang iniindang problema sa mga magulang kung umasta. Parang hindi ko tuloy mapaniwalaan minsan ang sinabi sa akin ni Felina tungkol sa tunay na estado ng parents nito sa States.

"Si Shanitot may love problem. Iniwan daw ng jowa niyang milktea guy."

"Hoy, Yolanda! Ano ba!" asik ko sa kanya.

Bumungisngis si Keri. "Anong iniwan ba? Dinig ko nga'y lalong nadikit?"

Tiningnang mabuti ni Eula si Keri saka nilingon ako. "Teka. Pinagkaisahan n'yo akong tatlo? Si Taba may alam ding something about you. Si Keritot ay meron din. Ako lang ang wala! Why the fuck am I not included in the juicy tsismis about you?"

"It's not tsismis nga!" At umupo sa tabi ko si Keri. Inipit nila ako ni Eula sa gitna. "Congratulations!" bati pa ni Keri at niyakap ako sabay halik sa pisngi ko. Hinuli ko ang mga mata nI Felina. She pretended she was busy with the books she's carrying. Kaagad itong nagpaalam sa amin na magsosoli pa raw ng mga libro sa library. Lagot ito sa akin mamaya. Mukhang pinagsasabi na kay Keri ang naging usapan namin noong nakaraan.

**********

Micah Rufus Alexander Contreras

May kung ano akong naramdaman nang makita ko at long last si Shane. Palabas ito ng gate four ng campus nila at patawid na siya sa kalsada. I wanted to go to her and take her with me to somewhere far, pero wala rin akong nagawa dahil mayroon akong kasama na kailangan kong pakisamahan nang mabuti.

"What are we doing here?" tanong ni Janice. She looked at me with a puzzled expression. Sumilip siya sa bintana ng kotse at tingin ko'y binasa ang nakikitang mga signages sa labas. "Far Eastern University-Manila? Why are we here?" Pinaningkitan niya ako ng mga mata.

Imbes na sagutin siya'y ini-start ko na lang ang kotse. "Queen Ysadora Hotel is a few minutes from here. Doon tayo magkikita nila Lolo," pag-iba ko ng usapan.

"Is this the short cut? Parang iba naman yata ang dinaanan natin noong nakaraan."

"I want you to see the other face of Manila. Hindi lang puro sa bandang Quiapo area. Boring naman kung the same way lang lagi."

"Okay." At hindi na siya nagtanong kung bakit nadaan pa kaming FEU. She bored me with her stories about her modeling gigs in New York. Kapag pumayag daw ako sa suhestyon ng lolo ko na pamunuan ang North American businesses niya which include spa, restaurants, and a chain of three-star hotels kung saan ang pinaka-headquarters ay nasa NYC hindi na raw kami magkakahiwalay pa. Sigurado raw siya na sa tindig at hitsura ko'y marami ang kukuha sa akin sa fashion industry, sakaling gusto ko raw ng extra raket.

Napaismid ako agad. Earning more money from what I already have is the last thing on my mind. Mas inaalala ko ang magiging reaksyon ni Shane kung malaman nitong nag-iba ang ihip ng hangin. Matapos makausap ng father ni Janice si Lolo at sabihin ditong interesado ang pamilya Capiral sa pagsanib-pwersa ng mga negosyo namin sa Amerika at sa Europe, nagparinig na itong mas maigi raw na kilala ko ang aking magiging lifetime partner. Pag-isipan ko raw nang mabuti.

Napasulyap ako kay Janice nang mag-stop kami for a red light. Hindi kataka-taka na matagal ko itong naging crush. In fact simula pagkabata hanggang sa kami'y maging tinedyer, she was the apple of my eye. Mula noon hanggang ngayon, si Janice ang epitome ng isang magandang dalagang Filipina. Mahaba at tuwid na tuwid ang buhok niya na ngayo'y back to its natural color. Itim. Kung ikompara sa karaniwang Pinay, she has a lighter brown skin. In fact, the lightest brown that anyone can think of. Dahil Russian ang mommy ko, di hamak na mas maputi ako sa kanya. And it really doesn't matter to me. Katunayan, mas preferred ko ang morena beauty. Hindi ako masyado sa isang kayumangging-kaligatan. Exception to the rule lang siya noon dahil siya ang kauna-unahan kong babaeng playmate dahil na rin sa close na close ang pamilya namin.

"I saw your ex the other day. Engaged na pala siya sa isang Pinoy cager?"

"Who?"

"Lindsey."

"Oh. Yeah." I'm not interested. Matagal na kaming wala ng babaeng iyon.

"I was worried about us for a while. Ang inisip ko kasi'y baka may problema sa ex mo. Alam mo na. A lot of people cannot just moved on just like that. Marami riyan ang umaasang mayroon pang babalikan. To be honest, I was worried about her when our families suggested that we consider marriage to seal the deal between our businesses. Mabuti't okay naman pala ang paghihiwalay ninyong dalawa. Wala na tayong problema kung ganoon."

Napahugot ako ng malalim na hininga. Natigil siya sa pag-aaplay ng make up. She squinted her eyes and stared at me.

"What?" tanong ko.

"What's bugging you?"

Umiling-iling ako at pinagalaw ko na lang muli ang sasakyan.

**********

Shane Andrea Juarez

"We need to talk, Shane. Meet me at Edward's."

Ang tagal kong tinitigan ang text sa akin ni Micah. Dalawang linggo siyang hindi nagparamdam matapos ang hilaw nilang pamamanhikan sa amin tapos bigla na lang magte-text ng ganoon?

"What's that?" tanong sa akin ni Felina habang ngumunguya ng burger. Nasa school cafeteria kami nang mga oras na iyon. Katatapos lang ng klase namin sa umaga.

Pinakita ko sa kanya ang text ni Micah.

"Bakit hindi siya ang pumunta rito? Sana siya ang dumaan dito at niyaya ka lang sa Jollibee diyan sa tapat. Pwede naman kayong mag-usap diyan."

"Maingay sa Jollibee."

"Maingay din naman sa milk tea shop niya."

"May private room doon."

Umilaw ang mga mata ni Taba at biniro-biro ako habang nakangisi.

"Loka-loka! Ang ibig kong sabihin ay opisina niya! Doon kami nag-uusap sa office nila kapag may nais kaming pag-usapang importante. At sa loob ng silid na iyon, nandoon na rin ang HR nila at iba pang office staff. Ang dumi ng isipan nito!"

"Sus, defensive! Maano lang ba ang ipagtabuyan sila saglit para sa inyong pulot---"

Bago pa matuloy iyon ni Felina, kinurot ko na siya sa tagiliran. Napatili ang Taba. Nakuha namin ang atensyon ng grupo nila Vivi na kaagad na umasim ang mga mukha nang makita kami roon. Hindi namin sila pinansin.

"Pero excited!" tudyo pa ni Felina.

Aaminin ko, na-excite akong hindi maintindihan. Siguro kung mangangahas sa akin si Micah sa oras na iyon, baka hindi ko mapigilan ang aking sarili. Miss na miss ko na siya. Sa ilang beses kong pagdalaw sa store niya nitong nakaraang dalawang linggo ni hindi ko siya naabutan do'n palagi. According to his crew, busy daw siya ngayon. May dumating daw kasi silang bisita who happens to be an important or big time investor. Kinuwento ko iyon kay Taba.

"Iyon naman pala, eh. He's working for your future," pabiro nitong wika at kinilig pa ang bruha.

Dahil na rin sa palitan namin ng biruan ni Felina napanatag ang aking kalooban. Nawala ang worries ko at napalitan iyon ng pag-look forward sa magaganap na usapan namin ni Micah. Gusto ko na ngang hilahin ang oras.

Nang mapag-alaman ko ngang wala ang guro namin sa isang major class ng hapong iyon, dali-dali na akong lumabas ng campus. Nilakad ko na ang papunta sa Edward's. I was kind of over the moon. Paniwalang-paniwala ako kasi sa sinabi ni Felina.

**********

Micah Rufus Alexander Contreras

"Boss, why don't you sit down? Nakakahilo ka naman! Kanina pa kayo!" reklamo ng isa kong crew.

I scowled at him. "Who's the boss here?" Pero siyempre, hindi naman ako ganoong boss. I have always treated them well. Like a friend pa nga. Kaya siguro hindi nahihiyang mambara sa akin kung kinakailangan.

"Boss, if it really bothers you, may option naman kayo, eh. Maari rin naman ninyo itong iwan sa pinsan ninyong si Olezka, right?"

Pinaningkitan ko ito ng mga mata. How did he know my cousin's name? Tinalikuran na ako. Hindi ko na inalam pa kung bakit niya natandaan ang pangalan ng pinsan ko gayong once lang ito napadpad sa store namin. Naisip ko ring baka mamali pa siya sa pinapagawa ko. Inatasan ko kasing review-hin ang financial statement namin for the last three years. I'm considering giving Edward's up kaya kailangan na maayos naming maipakita sa prospective buyer kung gaano ito ka lucrative. May importanteng dahilan lang kung bakit hindi ko na ito maaasikaso in the very near future.

Ang totoo niyan, hindi ang milk tea shop ko ang pinoproblema ko nang araw na iyon kundi si Shane. Inaasahan ko siyang dumaan any moment from now kaya nag-aalala ako. Hindi kasi maganda ang ibabalita ko. My lolo has finally requested me to annul the marriage. And surprisingly, hindi na mukhang sakitin ang abuelo ko. Ang layo doon sa umuungot sa akin ng kasal a few months ago.

"Boss Micah?" Si Adele, ang kaisa-isang babae sa mga crew ko nang hapong iyon. Sumilip lamang siya sa pintuan ng office na ang daanan ay nasa likuran ng counter kung saan ang cash register at ang orderan ng products namin. "Nandito na po si Shane, sir."

Dali-dali akong lumabas ng office at sinalubong si Shane. She looked fresh and happy. It somehow breaks my heart. Kakaiba ang glow na nakikita ko sa kanyang mga mata. Mukhang may nangyaring maganda sa kanya nang araw na iyon na kakaiba ang nakikita kong happiness niya. Na-guilty tuloy akong hindi maintindihan.

"Come, Shane. Thank you for dropping by."

Dinala ko siya sa pinakasulok na bahagi ng aming store at doon ko siya pinaupo. Overlooking the highway naman ito kaya siguradong mawiwili rin siya sa kapapanood ng mga dumadaang tao at sasakyan sa labas. Kinawayan ko si Adele na dalhan niya ng paboritong milk tea niya si Shane. Pinasamahan ko na rin ito ng freshly baked cookies.

"Hindi ka na sana nag-abala. Nagmeryenda na ako sa school cafe."

"This is different."

Dinukot niya ang wallet sa bag niya kaya maagap akong nagtaas ng kamay. "It's on the house. Libre ko sa iyo. Para que pa na asawa mo ako," may himig-pagbibiro kong sabi.

I saw her blush. Lalo akong na-guilty.

Hinintay ko munang maubos niya ang wintermelon tea at cookies na binigay ko sa kanya bago sinimulan ang dapat ay noong isang linggo ko pa sinabi sa kanya.

"I---I was asked by my grandfather to oversee our business in North America. I am leaving soon," deretsahan kong sabi.

Nakita kong natigilan siya. Ang sparkle sa mga mata niya ay biglang nawala. I felt bad about it, pero hindi ko na mapo-postpone ang pag-uusap tungkol sa annullment ng kasal namin. I have to tell her right there and then. "We are getting an annulment."

Napanganga siya at pinangiliran ng mga luha. Pero kaagad siyang napakurap-kurap at mayamaya pa'y napangiti siya nang dahan-dahan. Kasabay no'n ay napahinga siya nang maluwag.

"Akala ko na kung ano. Iyon lang naman pala. Sana itinext mo na lang sa akin. Sus! Ikaw talaga, oo. Pinakaba mo ako ro'n, ha? I thought you would tell me that something happened to your grandfather. Hindi ko man siya kaanu-ano nahulog na rin ang loob ko sa kanya kaya nag-worry ako," paliwanag niya.

I have to admit na-disappoint ako sa reaksyon niya. At nakaramdam ako ng hindi mapapaliwanag na kalungkutan. It's as if the sky fell on me and I was crushed to the ground. But of course, I have to appear cool. Sinikap kong magpakita ng relief over her reaction.

"You made me worry there for a while." I laughed. And I was kind of surprised because it sounded naturally. "Regarding the amount I promised to pay you---"

"There's no need. Sobra-sobra ang naibigay ng mommy mo sa amin. Mom is so grateful. Iyan ay kung hindi na niya babawiin iyon." She laughed nervously.

Umiling-iling ako. "Hindi iyon gagawin ni Mom. Once naibigay na no'n, hindi na niyon hahanapin pa. Sure ako diyan. But then, I will still give you the amount I promised you."

"Huwag na!" Medyo napalakas ang pagtanggi niya.

"I insist, Shane. At least, it could help you out in your studies."

"Sabi ko, hwag na!" sagot niya uli habang may binubutingting sa phone. Mayamaya pa'y nag-ring ito at dali-dali siyang nagpaalam. Kailangan na raw niyang bumalik sa campus dahil hinahanap na siya ng mga kaibigan. Mayroon daw silang pupuntahan nang hapong iyon.

Napabuntong-hininga ako at inalalayan ko siya sa pagtayo. I walked her to the door. As soon as she was outside my store, halos ay napalakad-takbo siya pabalik ng kanilang eskwelahan. Parang may tumusok na kung ano sa puso ko habang pinagmamasdan siya palayo. I feel so sad I want to cry.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top