Chapter 23: Going South

AIDEN

PARANG NASA ibang mundo kami pagpasok namin sa gubat. Kahit na umaga pa lang at maliwanag sa labas, parang magtatakip-silim na sa landas na tinatahak namin. Kasing taas ng school buildings ang mga puno at natatakpan ng mga dahon nila ang kalangitan. Kaunting liwanag lang ang nakakalusot.

"We've been walking here for almost fifteen minutes!" singhal ni Harriet. Lumingon siya sa aming naglalakad sa likuran niya. "Malayo pa ba tayo sa exit?"

"Can we take a break first?" Huminto sa tapat ng isang puno si Morrie at hinabol ang kanyang hininga. Hindi pa nga kami masyadong nakakalayo sa starting point, mukhang pagod na siya. "Unlike you, I'm not used to long walks."

Ngumisi tuloy ang Holmesian at nagsalita nang nakapamewang. Heto na naman siya. "Dapat kasi nag-e-exercise ka paminsan-minsan. Dinaig ka pa ni Mina pagdating sa stamina. Kung marathon ang labanan, siguradong matatalo tayo dahil sa 'yo."

Minsan lumalabas ang cuteness ni Harriet kapag inaasar niya si Morrie. Basta may makita siyang pagkakataon, hindi niya palalampasin. Ang dalawang iyan, parang aso't pusa kung magpalitan ng pang-asar.

"Sorry if I'm not as athletic as you are," tugon ng Moriartian na napahawak sa kanyang mga tuhod.

"Bakit hindi mo subukang magpakarga kay Aiden? Tutal magkakuntsaba naman kayong dalawa," hirit ni Harriet bago siya nagpatuloy sa paglalakad. Lumingon muna sa amin si Mina at saka sumunod sa tumatayo naming lider.

"Kaya mo pa ba?" tanong ko kay Morrie sabay alok ng aking kamay. "Kaya kitang kargahin kung gusto mo. Mukhang mahaba-haba pa ang lalakarin natin."

I know it sounded awkward, but maybe it's worth a try. Itinaboy niya ang aking kamay at saka siya naglakad ulit. Sinubukan niyang itago ang panghihina ng mga binti niya pero halata sa kanyang paghakbang na nahihirapan na siya.

Dahil kasing-taas ng mga puno rito ang pride ni Morrie, ayaw niyang may makitang kahinaan sa kanya. Pilit niya itong itatago hangga't kaya niya. Ako naman, nag-aala-good Samaritan. Kung ayaw niya ang tulong ko, walang problema.

Ako lang ba o parang may mga hindi makamundong tunog akong naririnig? Hindi siya huni ng ibon, hindi rin tunog ng kuliglig. Parang mga hinagpis na umaalingawngaw sa kalakhan ng gubat.

Baka guni-guni ko lang.

Nagpatuloy kaming apat sa paglalakad, diretso ang landas na aming tinatahak alinsunod sa direksyon na dapat naming puntahan. Wala ni isang gustong magsalita sa amin. Wala rin kaming naririnig na ibang paggalaw sa tabi. Ayaw kong isipin na baka naliligaw na kami rito.

Lalong nandilim ang paligid. Mas kumapal na yata ang canopy ng mga puno kaya katiting na liwanag na lang ang pumapasok. Nagpatuloy pa rin kami hanggang sa...

AWOOOOO!

Napahinto kami't lumingon-lingon sa paligid, hinanap kung saan ang pinagmulan ng tunog. Alulong 'yon ng isang aso, ha!

"May nagsabi ba sa atin sa briefing kanina na may mga hayop dito?" tanong ko sa mga kasama kong patuloy na tumitingin sa iba't ibang direksyon. Naging alerto kami sa anumang kaluskos sa paligid namin.

"This is a forest so it won't be surprising kung merong mababangis na hayop dito," sabi ni Harriet. "Maybe this is also a part of the test that Sir Dred wants us to go through? A test of courage or something."

"I thought this is a test of our deduction skills, not of survival," komento ni Morrie habang inililibot ang mga mata niya sa mga puno. "We won't stand a chance against a giant bear if we encounter one."

"Don't worry, gagawin ka naming pain para makatakas kami," Harriet quipped. "But fortunately, we won't be dealing with a bear. That sounded like a wolf. But there are no wolves in the Philippines. A dog, maybe?"

AWOOOOOOO!

Palakas nang palakas ang pag-ungol ng kung anumang hayop ang papalapit sa amin. Lumakas ang kabog sa dibdib ko at halos magpigil na akong huminga. Gano'n din siguro ang pakiramdam ng mga kasama ko. Walang ibang tao rito na pwedeng sumagip sa amin.

"Nandito na siya..." sabi ni Mina sabay turo sa aming likuran. Halos malaglag ang mga panga namin nang makita ang figure ng hayop.

"A-Anong klaseng hayop 'yan?" nauutal na sambit ni Harriet. Maging ang mga dila namin, umurong dala ng pagkagulat.

Isang malaking aso ang tumigil sa tapat ng isang puno. Hindi siya tulad ng mga asong pakalat-kalat sa kalsada. Nagliliwanag ang kanyang balat na tila isang ispiritu at doble ang laki nito.

AWOOOOOOO!

Muli siyang naglabas ng alulong bago dahan-dahang lumapit sa amin. Dahan-dahan din kaming naglakad paurong, binabantayan ang bawat pag-abante ng kanyang mga paa.

"Take Harriet's hand and run to the right. I will take Mina's and go left," narinig kong bulong sa akin ni Morrie. Kahit nasa peligro na kaming malapa ng higanteng aso, naisip niya pang i-take advantage ang sitwasyon? Iba talaga ang lalaking 'to!

ARF! ARF! ARF!

Parang toro na lumusob sa amin ang aso. Dahil madilim sa parteng ito ng gubat, lalong nagliwanag ang kanyang katawan. Mabilis kong hinawakan ang kamay ni Harriet at hinila siya palayo mula sa hayop. Gaya ng instructions ni Morrie, tumakbo kami patungo sa kanan.

"Hey, get your hand off me!" himutok ni Harriet nang mapahigpit ang hawak ko sa kanya. Kahit dalawa o tatlong beses na niya itong sinampal, tiniis ko ang sakit. "Bakit ba natin tinatakbuhan, e aso lang naman?"

"Nakita mo naman na hindi basta-basta hayop 'yon!" sigaw ko sabay lingon sa kanya. "Meron bang aso na parang glow in the dark ang balat? Sabi ko na nga ba, may kung ano-anong lamang-lupa rito!"

Paglingon ko sa likuran, nawala na sina Morrie at Mina ngunit patuloy pa rin ang paghabol sa amin ng aso. Sa haba ng nilakad namin kanina, sumakit na rin ang aking mga binti.

At kung minamalas nga naman, natapilok pa ako nang dahil sa maliit na bato.

"Ouch!" daing ko nang magalusan ang aking tuhod. Bakit ngayon pa ako pinag-trip-an ng kamalasan? Tayo, bilis!

"Hoy, tumayo ka na diyan! Maaabutan na tayo!" bulyaw ni Harriet. Inunahan na niya ako at puwersahang hinila ang aking kamay.

Tumingin ako sa likuran. Ilang metro na lang ang layo ng aso sa amin. It would only take it a single leap upang maabutan kami. Dahil sa lakas ng pagkakahila sa akin ni Harriet, bigla akong napatayo at nagpatuloy sa pagtakbo.

Kaso muli na naman akong nadapa. Sa pagbagsak ko, nahila ko pababa si Harriet. Kainis! Hindi pa ba sapat ang pagkadapa ko kanina? Mamaya mo na ako pag-trip-an, espiritu ng kamalasan!

"AIDEN!"

WHEEEEEEUUUW!

Sa isang iglap, huminto ang aso nang marinig ang pagpito mula kung saan. Luminga-linga muna siya bago tumakbo pabalik sa kanyang pinanggalingan. Iniwan niya kaming dalawa ni Harriet na parang hindi niya kami pinagbantaang lalapain kani-kanina lang.

"Thank goodness!" Napabuntong hininga ang kasama ko at napaupo sa aking tabi. "Kung sinuman ang pumito, iniligtas niya ang buhay natin. Saved by a whistle!"

"Saan kaya galing ang dambuhalang asong 'yon?" Sinubukan kong tumayo ngunit napadaing ako sa sugat ng aking tuhod. Kahit kaunting galos lang ito, masakit pa rin. Magkakapasa pa yata ako.

"I doubt that's just an ordinary dog. Nakita mo ang katawan niya, kasing laki ng leyon," Harriet said, dusting off her skirt as she stood. "It would be more appropriate to call it a hound."

"A supernatural hound? Pareho naman tayo ng nakita, 'di ba, na nagliliwanag ang katawan niya? Kaya ba Maalamat na Isla ng mga Ibarra ang tawag nila sa lugar na 'to dahil may mga gano'ng elemento."

Umiling si Harriet. "Now that we are out of danger and we can think rationally, sa tingin ko'y hindi otherworldly ang hound na 'yon. Anyone can make its body glow as long as they apply a chemical on its skin such as phosphorus."

"Phosphorus? Kagaya sa Hound of Baskervilles?" Isa ang Hound sa apat na Sherlock Holmes novel. Required reading kasi ang mga 'to sa lahat ng estudyante ng QED University, lalo na sa mga may literature subject.

Tumango si Harriet at ipinagkrus ang kanyang mga braso. "Kung may naglagay ng phosphorus sa katawan nito para magliwanag, ibig sabihin, may nagmamay-ari ng hound. Obvious sa pag-react niya nang marinig ang pagpito kanina. And if my hunch is right, someone intentionally freed it to chase anyone in this forest."

"Bale bahagi 'to ng test ni Sir Dred sa atin? Napakadelikado naman! 'Di bale sana kung may warning siya habang ipinapaliwanag ang first task kanina." Kung meron pang ibang hayop na gano'n ang itsura, paano kaya kami makakalabas nang buhay rito?

"We won't know until we reach the cabins and ask our professor kung kasama ito sa trial," she replied, shrugging her shoulders. "Ang kailangan nating problemahin ngayon ay kung paano tayo makakalabas sa gubat na ito at makita ulit sina Mina at Morrie."

"Tama," tumango ako at maingat na tumayo. "We lost track of the north dahil sa ginawang paghabol ng aso sa atin. Sa kapal ng canopy rito, hindi rin natin magagamit ang technique ni Mina. Hindi naman tayo pwedeng basta-basta gumala rito."

Napabuntong-hininga ang kasama kong Holmesian nang mapagtanto kung gaano kami kamalas sa aming sitwasyon ngayon. "At bakit sa lahat ng pwede kong kasamang maligaw dito ay ikaw pa? I would rather have Mina than you or Morrie. Baka may maisip siyang paraan upang makaalis kami rito."

Sorry, Morrie's orders. Gusto siguro ng kagrupo naming Moriartian na magkaroon kami ni Harriet ng oras upang makapagsarili habang naglilibot sa kagubatan. Perfect opportunity nga naman ito to know each other well. Ngunit base sa reaksyon ng kasama ko, hindi mutual ang feeling.

"Where do we start?" tanong niya sabay tingin sa mayayabong na kakahuyan sa palagid namin. "We better get going dahil walang mangyayari kung tatayo at magkukwentuhan tayo rito. As we speak, the other teams might be making some progress."

"Pwede nating balikan ang pinanggalingan natin at sundan ang mga footprint nina Morrie at Mina." Itinuro ko ang mga marka ng yabag namin sa lupa. "Nag-iwan sigurado ng impression ang mga sapatos nila. Hindi tayo mahihirapang i-trace ang mga 'to."

"May sense ang suggestion mo per—"

"Aba! Ano'ng ginagawa n'yo rito sa gubat, mga hijo't hija?"

Sabay kaming tumalikod upang batiin ng nagtatakang tingin ang matandang lalaking bumulaga sa amin. Maputi na ang kanyang buhok at bigote, may suot na backpack na tila isa siyang manlalakbay at may hawak-hawak na bakal na walking cane.

"Naliligaw ba kayo rito ng boyfriend mo, ineng?" tanong ng matanda. Namula tuloy sa kahihiyan ang pisngi ni Harriet. She looked cuter kapag nagmumukha siyang embarrassed.

"Lolo, nagkakamali ho kayo! Hindi ko boyfriend ang blonde na 'to. Nataon lang na pinagtripan ako ng tadhana at siya ang piniling makasama ko rito."

Inakbayan ko siya at nginitian ang matanda. "Pasensya na kayo, 'lo. Medyo in-denial pa kasi itong girlfriend ko kaya ayaw niyang aminin. Strict kasi ang parents niya—Ouch!"

Siniko ako sa tagiliran ni Harriet, nagtitimpi sa galit dahil sa mga sinabi ko. Inalis ko ang pagkakaakbay ng aking kamay dahil baka baliin niya ang mga buto ko.

"Balak n'yo bang gumawa ng milagro dito, hijo't hija? Kung makakatiis kayo, doon na lang kayo sa cabins magparaos! Nako, kayong mga kabataan ngayon! Kung ano-ano'ng inaatupag imbes na pag-aaral!"

Lalo pang nagkulay kamatis ang mukha ni Harriet. Hindi ko masabi kung nagdyo-joke ang matanda. "Lolo, nagkakamali kayo sa iniisip n'yo! Kahit kailan, hindi ko papatulan ang lalaking 'to!"

"Naku, ineng, alam ko na ang mga galawan n'yo. Iba na ang mga kabataan ngayon kaya naiintindihan ko ang mga pangangailangan n'yo."

Hindi na muling kumibo pa ang kasama ko. Pulang-pula pa rin ang kanyang mukha at halos magbuga ng usok ang kanyang ilong. The more na idine-deny niya, the more na nang-iintriga ang matanda.

"Teka, lolo, nabanggit n'yo ang cabins," sabi ko. "Alam n'yo ba kung saan ang direksyon palabas ng gubat na 'to?"

"Ako pa talaga ang tinanong mo, totoy? Malamang alam ko dahil matagal na akong namamalagi rito!" Itinaas ng matanda ang kanyang bakal na tungkod at itinuro sa kaliwa namin. Nagawi ang tingin ko sa tila bagong rubber tip nito. "Diretsuhin n'yo ang landas na 'yan tapos makikita n'yo na kaagad ang cabins. May ilan na akong nakitang kasing edad n'yo na dumaan din doon."

"Ano ho ba ang ginagawa n'yo rito sa gubat, lolo? At bakit mag-isa lang kayo?" nagtataka kong tanong. Nakamasid ang aking mga mata sa hawak niyang tungkod.

"Tuwing umaga kasi ay namimitas ako ng mga kabute na tumutubo sa paanan ng mga puno," paliwanag ng matanda sabay turo sa isang malaking mushroom sa tabi niya. "Masarap kasi silang isahog sa mga pagkain. Ilang taon na nga akong pumupunta rito."

"Bale dito talaga kayo sa isla nakatira? Lumuluwas ho ba kayo patungo sa siyudad para bumili ng gamit?"

Malamang nawirduhan si Harriet sa pagtatanong ko kaya nagbato siya na nakakunot-noong tingin sa akin. Her face told me, "Why are you asking questions? Kailangan na nating umalis ngayon!" But I ignored her.

"Naku, totoy, matanda na ako kaya hindi ko na kayang sumakay sa barko." Napahawak ang matanda sa kanyang balakang, parang may iniinda siyang sakit doon. "Mag-isa rin ako rito kaya wala akong ibang maaasahan kundi ang sarili ko. Kung pupunta ako ng siyudad, baka pasukin ng kawatan ang bahay ko."

"Anyway, maraming salamat ho sa impormasyon kahit na inasar n'yo ako kanina," nginitian ni Harriet ang matanda sabay hila sa kamay ko. May mga gusto pa sana akong itanong kaso nagmamadali ang kasama ko. "Tara na! Hahabulin pa natin sina Morrie at Mina, 'di ba?"

Wow. May development! Siya na mismo ang humawak sa kamay ko.

"Basta mag-ingat kayo, hijo't hija. Mapanganib ang kagubatang ito para sa mga naliligaw ng landas."

Iniwan na namin ang matanda na nagpatuloy sa paglalakad sa kabilang direksyon. Lumingon ako sa kanya at pinanood ang unti-unti niyang paglaho sa aking paningin.

May kakaiba talaga sa lolong 'yon. Mula nang makita ko ang gamit niyang walking cane at narinig ang kwento niya sa amin, parang may mali. Parang may kakaiba.

"Bakit ba naisipan mong interviewin si lolo kanina?" tanong ni Harriet. Binitawan na niya ang kamay ko at nagmukhang nandiri na tila nakahawak siya ng dumi. Sayang, sana mas tumagal pa ang holding hands moment namin. "Alam mo namang may hinahabol tayo, 'di ba?"

"Parang may weird kasi kay lolo." Inamoy ko ang aking kamay. Parang dumikit sa balat ko ang bango niya. "Parang may gut feeling ako na hindi natin siya dapat pagkatiwalaan."

"Huh? Pasalamat nga dapat tayo sa kanya dahil may direksyon na tayong nilalakad ngayon! Are you thinking that he's also a part of the test and he's trying to mislead us?"

"Hindi mo ba napansin ang contradictions sa mga kuwento niya kanina? Sinabi niyang nandito siya para mamitas ng kabute. Sa edad niya at sa lagay ng katawan niya, mahihirapan siyang yumuko at bumunot ng mushroom."

Naging seryoso ang mukha ni Harriet, mukhang nakuha na niya ang punto ko. "Napahawak nga siya sa baywang niya kanina na parang may masakit sa katawan niya. But is that enough to suspect him?"

Umiling ako. "Ang unang nakakuha sa atensyon ko ay ang hawak niyang walking cane. Something's off, lalo na nang sinagot niya ang mga tanong ko."

"And what's the matter with his walking stick? Were there traces of blood on it?"

Hinarap ko si Harriet at tinitigan ang mga mata niya. "Habang nakatuon ang atensyon mo sa direksyong itinuro niya, napatingin ako sa rubber tip ng kanyang cane. Mukhang bago, walang gasgas at hindi masyadong ginagamit."

"Te-Teka! Ang sabi niya—"

"Matagal na raw siya sa isla at halos araw-araw siyang pumupunta rito sa gubat para mamitas ng kabute." Tandang-tanda ko ang bawat detalye ng kuwento ni lolo. "Kung lagi niyang ginagamit ang kanyang walking cane, dapat pudpod na ang rubber tip."

Napahawak si Harriet sa kanyang baba at napatingin sa dinadaanan namin. "Imposibleng bagong cane ang gamit niya dahil siya mismo ang nagsabi na hindi siya pumupunta sa siyudad. I doubt he could buy a brand new walking cane in an almost deserted island like this one. Wala rin daw siyang kasama rito kaya wala siyang mauutusan upang bumili para sa kanya."

"At kung nakikinig ka sa kanya kanina, ginamit niya ang salitang 'galawan.' Oo, 'di gano'n kalayo sa sibilisasyon ang islang ito, pero paano niya ang milennial lingo tulad no'n? Remember that his island is a private property, walang milennials na basta-basta makakatapak dito. That leaves us with one conclusion." Proud kong itinaas ang aking kanang hintuturo. "Nagpapanggap ang matandang 'yon na tagarito siya at may iniinda siyang karamdaman sa katawan."

Kumurap na parang Christmas lights ang mga mata ni Harriet na nakatitig sa akin. "I must say that I'm impressed. Ang buong akala ko, hanggang pagpapa-cute at pagpapapogi lang ang kaya mong gawin."

Kumurba ang isang gilid ng aking labi. "When it comes to disguises, don't underestimate the Adlerians. Pagdating kasi sa pagbabalat-kayo, hindi lang ang mukha, katawan, mannerism at speech pattern ang dapat pine-perfect. Kasama rito ang mga bagay na ginagamit ng isang nagdi-disguise."

"Having said that, ibig sabihin ba nito'y parte talaga ng test si lolo?" tanong niya.

"Kung tama man ang hinala natin, hindi natin dapat pagkatiwalaan ang mga sinabi niya." Baka ipinadala rin ng espiritu ng kamalasan ang matandang 'yon para maligaw kami ng landas.

"We should turn around before—KYAAAAH!"

Halos malaglag ang puso ko nang bigla kaming mahulog. Hindi sa isa't isa, pero sa isang butas! Tinatakpan ng telang kasing kulay ng madamong lupa ang hinakbangan namin ni Harriet.

THUD!

"Aray!" Naunang tumama sa matigas na lupa ang pwet ko. Sa tindi ng impact, halos hindi na ako makatayo. Mabuti nga't hindi nauna ang ulo ko.

Kainis! Kapag nakita ko ulit ang matandang 'yon, kakalbuhin ko siya at isa-isang bunutin ang puti niyang bigote! Kaya pala itinuro niya ang direksyon na 'to para mahulog kami sa patibong niya!

Tumingala ako't napansin na ilang metro din pala ang pinagbagsakan namin. Wala kaming lubid na pwedeng gamitin. Kung marunong kaming mag-wall climbing, baka may chance na makatakas kami mula rito.

Teka, kumusta na nga pala si Harriet?

"Ai-Aiden?"

May namumuong pawis sa noo ng kasama ko. Nakatayo siya't nakadikit ang kanyang likuran sa bato-batong pader. Her eyes were fixated on something lying on the ground — isang ahas na inilalabas ang dila at iginagalaw ang ulo, nakahandang tuklawin si Harriet.

"Uy, si besss!" Mabilis akong naghanap ng malaking bato sa paligid. Hinintay ko munang bumaba nang kaunti ang ulo ng ahas. Nang makakita na ako ng oportunidad, paulit-ulit kong inihampas ang bato hanggang sa madurog ang ulo nito.

Nakahinga na ako nang maluwag. Ngunit si Harriet, parang estatwa na nanigas sa kanyang kinatatayuan.

"Hey, pwede ka nang mag-relax! Wala na si besss."

Napakurap ang kanyang naluluhang mata at walang tigil sa panginginig ang kanyang baba. Tila may nakita siyang multo. Patay na ang ahas, kaya ano pa ang dapat niyang ikabahala?

"May problema ba, Harriet? Bakit parang hindi ka makagalaw diyan?"

"A...Aiden..." Ito yata ang unang pagkakataon na tinawag niya ang pangalan ko sa tonong tila nagmamakaawa. Itinuro niya ang kanyang binti. Nasugatan ba siya o napilayan nang mahulog kami rito? O baka naman...

May dalawang marka ng kagat ng ahas sa binti niya.

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top