Chapter 04: Contradictions

AIDEN

SANAY NA akong makatanggap ng mga love letter, pero ito yatang mula mismo sa student regent ang talagang nagpa-"kilig" sa akin. Hindi lahat ay nabibigyan ng invitation sa kanyang office kaya malaking karangalan 'to sa isang tulad ko.

Sanay na rin akong pagtinginan lalo na ng mga babae tuwing kakain ako sa aming cafeteria. Nakikita ko sa aking peripheral vision ang mga kapwa Adlerian ko na nagbubulungan. Ganyan talaga kapag ikaw ang talk of the town, hindi lang sa mismong House, kundi sa buong campus.

Kahit halos mapaso na ang dila ko, mabilis kong inubos ang kape ko bago dumiretso sa lounge ng Adler Apartment. Nakaabang na raw ang House leader namin doon. Bilang isang gentleman, ayaw kong pinaghihintay ang isang babae.

"Good morning, Aiden!"

Tumigil ako sa paglalakad nang marinig ang boses ng isang babaeng nakaupo sa couch at nagbabasa ng Sherringford Sentinel, ang student publication ng university.

Heto na.

Dahan-dahan niyang ibinaba ang binabasa niya at bumati sa akin ang nakangiting mukha ng isang babaeng may mahabang buhok. Wala siyang bangs kaya kita ang kanyang noo habang natatakpan naman ng buhok ang magkabila niyang tenga. May naka-pin na badge sa kanyang sweatshirt, ang simbolo ng pinakamataas na officer sa aming House.

Sa ilang taon ko nang pagkakakilala kay Angelique, bago pa man siya maging House leader, may dalawang uri siya ng ngiti: ngiting bukal sa puso at ngiting nagtitimpi sa galit. Hulaan n'yo kung alin doon ang suot niya ngayon.

"Good morning din, House leader!" Kumaway ako habang naglalakad patungo sa kinauupuan niya. Iginala ko ang aking mga mata sa mga bagay sa paligid na pwede niyang ibato sa akin. Pwede 'yong hawak niyang diyaryo o kaya 'yung mga makakapal na magazine na nakapatong sa glass table.

Kung babatuhin niya man ako, naka-ready akong depensahan ang sarili ko.

"Ang aga yata ng gising n'yo?" Kunwari wala akong ideya kung bakit alas-siyete pa lang ng umaga, mulat na ang mga mata niya.

"Mamayang nine o'clock pa ang klase ko, but thanks to a certain someone, kinailangan kong gumising nang maaga."

Obvious na ako ang tinutukoy niyang certain someone. Ngumiti ako at maingat na lumapit sa kanya. Mabilis ang reflexes ni Angelique kaya kailangang bilisan ko rin ang paggalaw sakali mang batuhin niya ako.

Niyaya niya akong lumabas ng Adler Apartment at magtungo sa Baker Building. Nasa eastern side ang dormitory namin, ilang metro ang layo mula sa Moriarty Manor. Hindi pa gano'n katirik ang araw kaya okay lang na maglakad kami.

Masyadong malawak ang campus ng QED University kaya baka maligaw ang sinumang mapadpad dito kung hindi niya alam ang layout. Ang balita ko, idinonate ng Rios Foundation ang lupang pinagtayuan ng mga school building at mga dormitory.

"Siguruhin mong hindi tayo mapapahiya mamaya, ah?" may pagbabantang paalala ni Angelique habang nakangiti pa rin. Lalo tuloy akong natakot sa kanya. "Pinatawag din 'yong babaeng nasa video pati ang House leader nila. Kapag nalaman ng regent na isa sa mga kalokohan mo ang insidente kahapon, humanda ka sa pagbalik mo sa House natin. Okay?"

Okay, okay, Tama na ang pagngiti mo, nagiging creepy na. Alam ko na ang posibleng consequence ng ginawa ko.

Limang minuto ang itinagal bago kami nakarating sa Baker Building. Nakasabay namin ang mga estudyanteng may pasok ngayong alas-siyete. May ilang natulala nang makita ako. May ilang nagbulungan sa gilid. Kulang na lang yata ay magpa-picture sila sa akin. Kinindat ko sila bago nagpatuloy sa paglalakad.

Pagpasok sa school building, may dalawang magkahiwalay na corridor na pwedeng daanan. Pa-trianggulo ang layout ng building na may open area sa gitna. May lima itong palapag at sa rooftop nito, may hardin kung saan pwedeng mamitas ng mga bulaklak o lumanghap ng sariwang hangin — ang tinatawag naming Skygarden.

Kumanan kami ni Angelique, dineretso ang kahabaan ng hallway hanggang sa marating ang isa pang likuan. Sa ground floor matatagpuan ang mga administrative office, kasama na ang office of the student regent.

"Nandito na tayo," sabi ni Angelique bago niya binuksan ang pinto ng Mycroft Hall, ang main office ng mga House council at student regent. Isang malawak na bulwagan ang bumati sa mga mata ko, parang nasa executive lounge ng isang hotel. May dalawang pinto sa magkabila at isa naman sa bandang likuran.

Dumiretso kami hanggang tumigil sa harap ng pintong may signboard na "Office of the Student Regent." Kumatok muna si Angelique bago niya itinulak ang pinto.

"Good morning, Angelique and... Mr. Alterra, I presume?" bati ng babaeng nasa likod ng mahabang mesa. Naka-pigtails ang buhok niya at suot ang kulay asul na inverness cape, kagaya ng suot ng dalawa pa niyang kasama sa opisina.

Siya nga pala si Jaycelle March Olivares, ang student regent ng QED University mula sa House Holmes. Taon-taon, bumoboto kami para mag-elect ng magiging leader ng apat na Houses. Kagaya sa traditional colleges at universities, siya ang tumatayong Central Student Council kaya malaki ang respeto ng mga estudyante sa kanya. Maliban sa pagpapatupad ng rules at regulations, trabaho din niya na ayusin ang gusot sa pagitan ng mga House.

Nandito na rin ang babaeng naka-ponytail na kaagad kong namukhaan. Sa cute ba naman ng naiinis niyang mukha, imposibleng hindi ko makilala si Harriet. Napasulyap siya sa akin at inirapan ako. Ang aga-aga, nagtataray na. Kung sa bagay, hindi ko rin siya masisisi dahil siya ang primary suspect sa pamamalo sa akin.

"Can we start the meeting now?" tanong ng katabi niyang babae na may mahabang buhok din. Kagaya ni Angelique, merong naka-pin na badge sa collar ng kanyang inverness cape, simbolo na isa siyang House leader. Sa pagkakatanda ko, connected sa number ang pangalan niya. Lenine yata? "We still have other issues to resolve."

Pinaupo kami ng student regent bago namin sinimulan ang pag-uusap. Huminga ako nang malalim habang pasimpleng kinindatan si Harriet na biglang iniwas ang tingin sa akin. 'Yong ibang babae nga kinikilig, tapos siya parang ayaw niya.

"Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa dahil alam kong may klase pa kayo ngayong umaga," panimula ni Jaycelle, tiningnan muna si Harriet bago ako. Sumabay ang kanyang pigtails sa paggalaw ng kanyang ulo. "Ano bang nangyari kahapon sa gymnasium at bakit nauwi sa pamamalo 'yon?"

Ako na sana ang unang magpapaliwanag pero biglang itinaas ni Harriet ang kanyang kamay at nagsimulang magsalita.

"Nagpa-practice ako ng singlestick kahapon sa gym nang makarinig ako ng ingay mula sa training dummy. It turned out that Aiden here disguised as that dummy."

"In my defense, nagpa-practice din ako ng disguise skills noon," hirit ko nang tumigil siya sa pagsasalita. May sasabihin pa dapat yata siya pero sumabat na ako. "Bilang isang Adlerian, gusto ko kasing malaman kung nag-improve na ang skill ko."

"If that's the case, bakit ka pinagpapalo ni Miss Harrison?" Naningkit ang mga mata ni Jaycelle. "I don't see any reason para gawin niya sa 'yo iyon dahil sa pagpa-practice mo ng disguise skills."

"Ang akala niya kasi namboboso ako. Nang sinubukan kong magpaliwanag bigla niya akong inatake gamit ang singlestick niya."

"Liar!" bahagyang tumaas ang boses ni Harriet, nanlilisik na nakatingin ang mga nagti-twitch niyang mata sa 'kin. "You were at the gym because someone had asked you to scare me and record my supposedy silly reaction. 'Yon ang sinabi mo sa 'kin kahapon, 'di ba? Bakit mo iniiba ang sagot mo?"

Nagkibit-balikat ako. "Pasensya na, hindi ko alam kung anong sinasabi niya. Sa pagkakatanda ko, walang kumausap sa 'kin para takutin siya at kunan ng video ang reaksyon niya."

"Then where did you get the idea na may nag-utos umano kay Mister Alterra?" sunod na tanong ng student regent.

"Siya mismo ang nagsabi sa 'kin!" Talagang kinailangan niya pa akong ituro para mas maging effective ang pagpapaliwanag niya. "Another classmate of mine—Morrie Moreno—asked this guy to scare me in exchange of some photos of his crush."

"Taga-saajg House ang Morrie na 'yon?"

"House Moriarty."

Muling nabaling ang tingin sa akin ni Jaycelle. "Would you deny the involvement of a certain Morrie Moreno in what happened yesterday?"

"Gaya ng sinabi ko kanina, walang kahit sinumang nag-utos sa akin, I swear!" Itinaas ko ang kanang kamay ko upang ipakita ang sinseridad ng aking mga salita. "Siguro kailangan n'yong malaman na matagal nang magkaribal sina Harriet at Morrie sa klase. Ayaw kong isipin 'to pero baka itinuturo ni Harriet ang kaklase naming walang kaalam-alam para mapahiya siya at makaganti sa mga Moriartian. Narinig ko kasi kahapon, bago nagsimula ang klase namin, ipinahiya ni Morrie ang mga Holmesian."

Halos magsalubong na ang mga kilay ng babaeng kaharap ko, sinabayan pa niya ng mabagal na pag-iling. "I can't believe it. Binaligtad mo ang lahat ng inamin mo sa 'kin kahapon tapos ngayon, ako pa ang pinalalabas mong masama?"

Napakibit-balikat ulit ako. Para kaming mag-asawa na ipinatawag sa barangay hall. "Sinasabi ko lang ang katotohanan. Huwag kang mag-alala, Harriet. Hindi ako magpa-file ng reklamo tungol doon sa ginawa mong pamamalo sa akin. Gusto ko lang linawin sa student regent at sa mga House leader natin ang tunay na nangyari."

Kung walang ibang tao rito sa kuwarto, siguradong higit pa sa pamamalo ang aabutin ko sa kanya. Physically, malakas talaga itong si Harriet kaya nga walang nagtatangkang hamunin siya ng suntukan o duelo dahil sandaang porsyento na pababagsakin niya ang kalaban.

Ayaw ko pang magka-blackeye kaya pagkatapos ng meeting na 'to, mas mabuti kung iiwas muna ako sa kanya.

"I'd like to talk with your House leaders para makapagdesisyon kami kung anong dapat gawin sa insidente. You can go now to your classes."

Te-Teka! Baka hindi na ako maakyat sa room namin sa second floor kapag sabay kaming lumabas ni Harriet! Hey, leader! Hey! Hindi mo ba ako sasamahan?

Parang na-gets na ni Angelique ang ibig sabihin ng facial expressions ko, ngunit hindi niya ako pinansin. Leader ko pa naman siya tapos hindi niya ako bibigyan ng proteksyon mula sa isang babaeng kayang bali-baliin ang mga buto ko?

Nauna nang tumayo si Harriet, ni hindi na nagpaalam sa kanyang House leader o sa student regent. Wala akong choice kundi lumabas na rin ng office at sumunod sa kanya.

Hindi ko man siya kayang tapatan sa lakas, kaya ko naman siyang utakan sa pagtakas.

"Huwag kang mag-alala, hindi kita bibigwasan," bulong niya nang makalabas na kami sa Mycroft Hall. "Kapag sinaktan kita ngayon, mas papatunayan lang no'n na bayolente akong babae at mas magiging kapani-paniwala ang version ng istorya mo."

Ewan kung makakahinga na ako nang maluwag dahil sa assurance niyang 'yon, pero mabuti na ang handa. Kaya ko sigurong iwasan ang isang suntok niya in case biglang magbago ang kanyang isip at saktan ako.

"Kailan ka pa naging tuta ni Morrie, ha?" tanong niya. "Hindi ko in-expect na babaligtarin mo ang kwento ko sa harap mismo ng House leaders natin at ng regent."

Umiling ako. "Wala akong alam sa sinasabi mo."

"Ah... talagang papanindigan mo 'yang kwento n'yo, ha?"

Pasimple niyang iniangat ang kanyang kanang braso. Instinctively, kaagad kong iniharang ang mga kamay ko sa harapan. Tsk. Napahawak pala siya sa kanyang ponytail.

"You did me a favor back there," nakangiti niyang sabi, may halong pagbabanta ang kanyang tono. "Don't worry, susuklian ko ang ginawa mo. I will find a way para makaganti sa inyong dalawa ni Morrie."

Natakot ako roon, ha. Dapat mag-ingat na ako kapag katabi ko ang babaeng 'to. 'Di gaya ng iba, tinototoo ni Harriet ang mga pagbabanta niya.

Ngayong araw, ang unang subject namin ay Crime Scene Investigation. Patuloy kaming naglakad sa hallway hanggang marating namin ang "simulation room."

Uunahan ko na sana si Harriet sa pagbukas ng pinto bilang isang gentleman. Kaso itinaboy niya ang kamay ko sa doorknob at siya na mismo ang nagtulak nito.

"You're late," sabi ng babaeng may maiksing buhok at nakasuot ng kulay asul na uniporme, katulad sa mga pulis. Matikas ang kanyang tindig at seryoso ang kanyang mukha.

Isang police officer ang nagsisilbing instructor namin sa aming CSI subject—si SP01 Revienne Cosmiano. Isa raw siyang prodigy sa police academy kaya kahit ilang taon pa lang siya sa serbisyo, kaagad siyang kinuha ng mga director ng QED University.

"Sorry, ma'am, we were summoned at the regent's office," paliwanag ni Harriet sabay tanggal sa suot niyang sapatos.

Sa simulation room muling nililikha ang mga crime scene na pinag-aaralan namin. Kahit isa lang 'tong recreation ng totoong pinangyarihan ng krimen, kailangan pa rin naming sumunod sa CSI procedure.

Gaya ng late kong kasama, tinanggal ko rin ang black shoes ko at isinuot ang isang pares ng tsinelas. Kumuha rin ako ng latex gloves para iwasang ma-contaminate ang crime scene ng mga fingerprint ko.

Lahat ng mga classmate namin ay nasa "crime scene" na, lagpas sa POLICE LINE DO NOT CROSS na kordong nakadikit sa may pintuan. Hinawi namin 'yon ni Harriet at tumuloy sa loob kung saan naka-set-up ang mala-studio type na apartment.

Nagkahiwalay kami ng kasama ko, pinuntahan niya ang mga kasama niyang Holmesian habang nagkasalubong kami ng tingin ni Morrie. Palihim akong napa-thumbs up, senyales na tagumpay ang ipinagawa niya sa 'kin.

"Hey, anong ginawa n'yong dalawa sa regent's office?" tanong ng lalaking tinabihan ko. Nakataas ang kanyang buhok at halatang curious siya kung bakit late ako. "Doon ba kayo nag-date ni Harriet?"

"Romantic, 'di ba?" pabiro kong sagot kay Matthew Solar, ang kaklase kong Adlerian. Pagdating sa mga kalokohan, siya lagi ang kinukuntsaba ko. Game na game naman siya kapag may naiisip akong prank sa mga kapwa namin Adlerian o sa ibang mga estudyante.

"Bakit ba siya ang napagtripan mo kahapon? Alam mo namang kaya niyang bali-baliin ang mga buto mo kapag nagalit siya."

"Cute kasi siya kapag nagagalit kaya siya ang napili kong target." Sumulyap ako kay Harriet na nanlilisik pa rin ang tingin sa akin. "Masyado kasi siyang seryoso sa klase. Gusto kong makita ang ibang side niya."

"Okay lang sana kung ka-House natin ang pagtripan mo," sabi ni Matthew, hininaan ang kanyang boses para hindi marinig ng babaeng Adlerian na kaklase namin. "Kapag sumabit ka diyan, ibibitin ka nang patiwarik ng House leader natin. Tapos may side dish serving pa mula sa mismong council."

"Nasampolan ka na ba nila?"

"Oo, itinali nila ako sa puno tapos hinayaang pagkakagatin ako ng langgam," bulong ni Matthew. Close kasi ang kaklase naming Adlerian na si Faye kay Angelique kaya kinailangan niyang mag-ingat sa pagsasalita. "Mukhang anghel ang mga 'yon, pero may pagka-Amazona pala."

Kaya nga hindi ako komportable nang magkasama kaming naglalakad ng House leader namin kaninang umaga. Pasalamat ako dahil hindi bad trip si Angelique kundi baka gumagapang akong pumasok sa klase.

Itinigil muna namin ang pagbubulungan para makinig sa lesson namin.

"Ang nakikita n'yo ngayon ay ang recreation ng isang crime scene na nirespondehan namin kahapon." Naglakad si SPO1 Cosmiano malapit sa mesa kung saan nakahandusay ang isang dummy na may bakas ng dugo sa ulo. May hawak din itong baril sa kanang kamay.

"Ang pangalan ng biktima ay Juan dela Cruz, 31 years old, dating murder convict na pinalaya matapos magdesisyon ang Angeles City Regional Trial Court na hindi sapat ang ebidensya sa kasong isinampa laban sa kaniya."

"Eh?" Lumingon kaming lahat kay Harriet na mukhang nasorpresa sa narinig niya. Wala naman siyang sinabi kaya ibinalik namin ang aming atensyon sa dummy.

"Cause of death? Single gunshot to the head. Nasa pagitan ng alas-otso at alas-nuwebe ng gabi ang time of death. Base sa Smith & Wesson revolver na hawak ng biktima at ang pagpositibo niya sa paraffin test, self-inflicted ang pagbaril sa sarili."

Itinaas ni Harriet ang kanyang kamay, hindi na hinintay na tawagin ang kanyang pangalan. "May iniwan bang suicide note ang biktima? Kung talagang nagpakamatay siya, he might have left a piece of paper saying why he would take his life."

"Meron." Inilabas ni SPO1 Cosmiano ang ilang piraso ng papel mula sa dala niyang envelope at ipinamigay sa amin.

Nang makuha ko ang aking kopya, sinuri ko ito nang maigi.

Type-written. May lagda sa bandang dulo ng suicide note.

"Confirmed na sulat-kamay niya ang signature sa ilalim. Pinagkumpara namin 'to sa affidavit niya at official documents," pagpapatuloy ni SPO1 Cosmiano, matikas ang kanyang pagtayo at nakalagay sa likuran ang kanyang mga kamay.

"But you have doubts about this case, don't you?" Hindi na nagtaas pa ng kamay si Morrie, basta-basta na lang nagsalita. "Even if he left a note, the circumstances of his apparent suicide made it look like there was a foul play."

"That's what I want you to figure out in today's simulation, whether this is a suicide or not," sagot ni SPO1 Cosmiano, inilibot ang kanyang mga mata sa bawat isa sa amin. "As future detectives, it is your duty to see if something's off here. Soon, you will be deployed to different areas para sa inyong practicum kaya ngayon pa lang, kailangan n'yo nang hasain ang observation at deduction skills n'yo."

Hinayaan na niya kaming pag-aralan ang crime scene. Siyempre, una sa mga nagpakitang-gilas ang mga Holmesian sa pangunguna ni Harriet. Chineck nila ang mga gamit ng biktima, kinalkal ang mga dokumento na nakapaloob sa isang bag. Ang mga Moriartian naman, nililibot ang crime scene at parang relax lang. Habang ang mga Watsonian, nakaupo sa isang sulok at nagta-type sa kanilang mga laptop.

Nilapitan ko ang mesa kung saan nakahandusay ang dummy ng biktima, parehong nakapatong sa ibabaw ang mga kamay niya. Gaya ng una kong nakita kanina, hawak niya ang isang revolver sa kanyang kanang kamay. Sa gawing kaliwa naman, nandoon ang pen na malamang ginamit niya sa pag-sign sa suicide note at isang bote ng beer.

Ang set-up na 'to! Posible kayang...

Kinapa ko ang kaliwang bulsa ng biktima at may naramdamang matigas at manipis na bagay. Dahan-dahan ko itong inilabas at bumungad sa akin ang isang smartphone.

"May foul play ngang nangyari dito," komento ko matapos ibalik sa bulsa ng dummy ang phone. "Posibleng isa itong murder, at hindi suicide."

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top