Pumapag-ibig
PUMAPAG-IBIG
isinulat ni Endee (loveisnotrude)
KASABAY NANG PAGSASALUBONG ng aming mga tingin ang pagsasalubong ng aking mga kilay. Sa sobrang pagtataka sa pagkakita ng kaniyang pamilyar na mukha, nawala na ang antok na kanina ko pa iniinda.
Ano'ng ginagawa niya rito?
Dahil mas kailangan ko pang kumayod sa trabaho ngayong semestre, wala akong pagpipilian kundi ang maghabol ng klase sa gabi. At sa pagpasok ko nga sa unang araw---o gabi---ngayon, hindi ko talaga inaasahan na makikita ko 'tong tahimik at bugnutin kong kaklase. Mukha naman kasing nakaaangat ito sa buhay kaya wala akong maisip na dahilan kung ano ang ginagawa niya sa klaseng 'to. Imposible rin naman na dahil sa mga grado niya dahil sa pagkakatanda ko, isa siya sa mga kaklase kong matataas ang nakukuhang marka sa bawat asignatura.
Kaunti na lang at dadalhin na ako nitong pagtataka ko sa tabi niya. Para kasing gusto ko siyang lapitan at kausapin upang tanungin kung ano ba ang ginagawa niya rito. Paano ba naman kasi, sa sampung tao na naririto ngayon sa apat na sulok ng silid-aralan, siya lang ang pamilyar sa akin. Ilang semestre ko na rin kasi siyang kaklase pero parang ngayon lang ako nagkaroon ng ganitong pagkakataon.
May kung ano rin kasi sa pagkatao niya ang humihila na lang sa akin---para lapitan siya, kausapin, kilalanin; o kung susuwertihin, puwede ring kaibiganin. Isa pa, siya talaga ang kapansin-pansin sa lahat ng mga kaklase ko. Nangingibabaw, kumbaga.
"Magandang gabi sa inyo." Nalipat ang aking atensyon sa propesor kong nagsalita. "Ngayon pa lang, ibibigay ko na ang magiging proyekto ninyo para sa semestre na ito. Dahil sampu lang kayo sa klase kong ito, by pair na lang ang mangyayari --- Musika . . ." Mas lalong nawala ang antok ko nang marinig ko ang aking pangalan. ". . . kayo na ni Liriko ang bubuo sa unang grupo."
At tuluyan na ngang nagising ang diwa ko nang mabanggit din ang kaniyang pangalan.
Ayon na ba ang tugon ng tadhana---na dapat ko nang mas kilalanin pa itong si Liriko?
***
"Bakit dito mo pa sa Manila Bay naisipan gawin itong proyekto natin?"
Katahimikan.
"Bakit hindi ka man lang kumikibo diyan? Hindi ka ba nakakapagsalita? Ayon din kasi sa memorya ko, hindi ko pa naririnig nang malinaw ang boses mo."
Katahimikan ulit.
"Bakit din pala lagi mong dala 'yang portable cassette player mo?"
Katahimikan pa rin.
"At bakit nasa panggabing klase ka? Paano ka napunta roon?"
Akala ko, wala na talaga siyang balak magsalita pero laking gulat ko nang titigan niya ako sabay sabing, "Dahil sa iyo."
"Ha?"
"Ang dami mong tanong," aniya. "Paano ako makakasagot, eh mukhang wala ka ng balak tumigil sa pagtatanong?"
Napatakip ako ng bibig. "Labinlimang salita."
"Ano?"
"Labinlimang salita rin ang nasabi mo! Binabati kita!"
Mukhang na-weird-uhan na siya akin dahil mabilis din siyang bumalik sa kaniyang ginagawa habang napapailing. Pero nanlaki ang aking mga mata nang masilayan ko ang pagtakas ng ngiti sa kaniyang mga labi.
Marunong din pala siyang ngumiti, sa isip-isip ko.
Binaling ko na lang ang atensyon sa mga alon na walang tigil sa pagsayaw at hinayaan ko muna siyang magpokus sa kaniyang ginagawa.
Madali lang naman kasi ang proyektong ibinigay sa amin. Kailangan lang namin gumawa ng sarili naming kanta---at napagkasunduan nga namin na siya na ang bahala sa liriko (dahil gamay niya raw ang gawaing 'yon) habang ako naman ang maglalapat ng himig nito (dahil na rin sa kaalaman ko sa iilang instrumento katulad ng gitara at piano). Nakatutuwa nga na bumagay pa ang mga ito sa pangalan namin.
"Napapakalma kasi ako ng tunog nang paghampas ng alon." Nagulat ako sa bigla niyang pagsasalita kaya agad akong napatingin sa kaniyang direksyon. "Isa pa, magandang inspirasyon ang paglubog ng araw rito na masisilayan din natin mayá-mayá."
"Tapos . . . hindi mo talaga maririnig ang boses ko kasi 'di mo naman ako kinakausap---o mas tama atang sabihin na hindi kasi táyo nabibigyan ng pagkakataon kaya gano'n."
Napangiti na lang ako sa realisasyón na sinasagot niya na pala ang sunod-sunod kong mga katanungan kanina.
"At ito?" aniya habang ipinapakita ang palagi niyang bitbit na portable cassette player. "Kaya ko ito laging dala para sa pagkakataong ito."
"Ano'ng ibig mong sabihin, Liriko?"
"Matagal na kasi kitang gustong kausapin, Musika. Hindi lang ako makahanap ng tamang pagkakataon. Siguro ay dahil na rin lagi akong nauunahan ng hiya at kinakain pa ako ng kaba sa tuwing sinusubukan kong lumapit sa iyo."
"Hindi ko alam ang sasabihin ko," pagsasabi ko ng totoo. Masyado kasi akong nabigla sa mga sinabi niya.
"Hindi naman kailangan, e. Dahil sa ating dalawa, ako talaga ang maraming gustong sabihin sa iyo. Kaya ito---" At inabot niya sa akin yung kaniyang portable cassette player kaya mabilis ko rin itong kinuha. "---nandiyan lahat ng gusto kong sabihin. Mga kantang isinulat ko para sa iyo."
Wala sa sarili ko itong pinindot at hinintay ang unang kantang tumugtog. Para tuloy kaming nagkaroon ng background music habang nag-uusap dahil sa katamtamang lakas nito. Idagdag pa na unti-unti na ring lumulubog ang araw.
Para tuloy kaming nasa isang eksena sa pelikula.
"At totoo yung sagot ko sa huli mong katanungan."
"Yung alin?"
Binigyan niya muna ako ng isang matamis na ngiti bago sinabing, "Totoo talagang dahil sa iyo kaya nasa panggabing klase rin ako. Para sa ganitong klaseng pagkakataon---yung malapitan ka, makausap, makilala at sana, maging kaibigan na rin . . . o mas higit pa roon kung bubuksan mo ang iyong puso sa akin."
Sa totoo lang, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga narinig ko. Sinusubukan pa rin iproseso ng aking isipin ang lahat. Pero saka ko na siguro iisipin 'yon. Dahil sa ngayon, wala akong ibang maramdaman kundi kasiyahan. Nag-uumapaw ang saya sa puso ko sa mga oras na 'to---dahil sa kaniya, sa mga sinabi niya, at sa mga kantang inialay niya sa akin.
Sa mga nangyari ngayon, isa lang ang masasabi ko: Mukhang ganito pala ang pakiramdam ng pumapag-ibig---para kang nakalutang sa alapaap habang sinasabayan ang alon ng musika na kaniyang kinakanta.
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top