LIMA
Napabalikwas ng bangon si Kristina nang maramdaman niyang namimilipiot sa sakit ang kanyang tiyan. Ramdam niya ang namumuong butil-butil na pawis sa kanyang noo. Napasapo naman siya sa kanyang noo at napakislot sa sakit nang hawakan niya ang kanyang tiyan.
Agad naman niyang naalala ang lahat ng nangyari. Nasa bubong siya at naghahanap ng signal nang makita niya ang dalawang matanda. Hindi na niya maalala ang mga sumunod na nangyari.
"Apo? Gising ka na pala," puna ni Lola Mauring at halos mapasigaw naman si Kristina sa gulat dahil nasa harapan niya lang pala mismo ang matanda.
Doon na lang din niya napagtanto na nasa baba siya nakahiga. Nakakumot din siya at nakatutok din ang luma at nag-iisang electric fan sa kanya. Ngunit init na init ang kanyang katawan.
Dahan-dahan naman siyang naupo at kahit na nakararamdam siya ng takot ay wala naman siyang mapagpipilian dahil hindi na rin kaya ng kanyang katawan na tumayo at tumakbo kahit bukas na bukas ang pinto para sa kanya.
"Masakit po ang tiyan ko," ani niya at tumango-tango naman si lola Mauring na tila ba naiiintindihan nito ang sakit.
"Alam ko, apo. Hindi mo na kailangan pang sabihin pa kaya nga inihanda na rin kita ng makakain. Umayos ka na sa pagkakaupo mo at kumain ka na," wika nito sabay abot ng pinggan na may mainit na kanin at bopis.
Walang pakialam si Kristina kung bopis na naman ang nasa pinggan niya. Agad niya rin itong kinuha at kinain. Kailangan niyang magpalakas upang sa gayon ay makatakas siya. Hindi niya kakayaning lumabas at tumakbo sa kanyang sitwasyon dahil alam niyang malayo ang kanyang kinaroroonan.
Para siyang naduduwal sa tuwing isusubo niya ang karne ngunit pilit niya pa rin itong nilulunok sabay sa agos ng tubig sa kanyang lalamunan.
"Dahan-dahan at baka mabulunan ka," wika ni lola Mauring sabay puno ulit ng tubig sa baso na pinag-inuman ni Kristina.
Tumango naman si Kristina at kasabay noon ay ang pagpasok ni lolo Pilo. "Kailangan nating mag-usap," tawag ni lolo Pilo kay lola Mauring. Tumango naman si lola Mauring at sinulyapan si Kristina na abala pa rin sa kanyang pagkain.
Hindi ipinahalata ni Kristina na interesado siya sa kanilang usapan kaya nagkunwari siyang abala sa kanyang pagkain. Kailangan niyang ipakita sa dalawang matanda na kahit papaano ay maamo ito sa kanila. Malakas ang kutob niyang mayroon silang itinatago sa kanya.
Nang makalabas ang dalawang matanda ay dahan-dahan namang tumayo si Kristina kahit parang nakakaramdam siya ng hilo. Hindi siya dapat lumikha ng kahit na anumang ingay.
Dahan-dahan niyang inilapag ang kanyang pinggan sa kahoy na mesa. Nang masiguro niyang ayos na ang lahat ay agad naman siyang naglakad sa kung saang direksyon lumabas ang dalawang matanda.
Hindi naman kalayuan ang kilalagyan ng dalawang matanda dahil agad niyang narinig ang mga boses nito na tila ba nasa isang argumento.
Papalapit na siya nang papalapit...
Naririnig na niya at ilang hakbang na lang ay maririnig na niya nang husto ang dalawa.
Nanatili si Kristina sa isang gilid kung saan hindi siya makikita ng dalawang matandan at pinakinggan ang kanilang pag-uusap.
"Alam na niya, nagkakaroon na ng hinala ang bruhang babaeng iyon," wika ni lolo Pilo habang napapakamot sa kanyang ulo.
Hindi man nila nabanggit kung sino ang kanilang pinag-uusapan ay malakas ang kutob ni Kristina na siya iyon. Parang tinatambol nang pagkalakas-lakas ang kanyang dibdib sa kaba.
"Kung pwede ko na nga lang dispatsahin ang babaeng 'yon ginawa ko na. Pinapakain pa natin nang pinapakain. Walang hiya! Kailan ba sila pupunta rito? Hindi pa ba tapos? Parang ang tagal naman," iritableng wika ni lola Mauring na parang sinasabunutan na ang kanyang sarili.
Malayang nakikita at naririnig ni Kristina ang lahat dahil sa isang maliit na butas sa kahoy. Nangangatog ang kanyang katawan dahil hindi siya makagalaw mula sa kanyang kinatatayuan. Siguradong siya nga talaga ang pinag-uusapan ng dalawa. Nagtataka rin siya sa kung sino pa ang hinihintay ng mga ito at kung bakit nila ito ginagawa sa kanya.
Ngunit isa lang ang alam ni Kristina at iyon ay ang maagaran niyang pag-alis sa lugar. Kailangan niyang sagipin mismo ang kanyang sarili dahil wala siyang maaasahang tao. Hindi na rin darating ang kanyang magulang, alam niya iyon dahil nasa iba siyang lugar. Hindi niya totoong lolo at lola ang nakatira sa kung nasaan siya. Ang dalawang matanda ay nagkukunwari lamang sa kanya at malakas ang kanyang kutob doon.
"Sa makalawa pa ang kabilugan ng buwan at doon na raw sila pupunta rito. Tamang-tama at biyernes iyon ayon sa kalendaryo," sagot naman ni lolo Pilo at bago pa man kumurap si Kristina ay tila nagtama ang kanilang mga mata.
Nahagip naman ni Kristina ang kanyang bibig sa pagkakawala ng gulat. Agad niyang tinakpan ang kanyang bibig at dahan-dahang naglakad paatras. Kailangan niyang makabalik sa kanina niyang pwesto.
Dinig naman ni Kristina ang mga yabag patungo sa kanyang direksyon. Tila mabibigat ito dahil rinig niya rin ang kaluskos ng kanilang mga sapin sa paa. Dali-daling bumalik si Kristina sa kanyang pwesto at muntik na siyang magkandatalisod.
Nang makabalik siya ay inayos niya ang kanayng sarili at hindi siya dapat magmukhang nahahapo. Sa kanyang sitwasyon at lugar ng kanyang katawan ay paniguradong hahapuin talaga siya. Agad naman niyang kinuha ang kanyang pinggan at dali-daling sumandok ng kanin sa kanyang kutsara.
Naririnig na niyang papalapit na ang mga ito. Nang akmang isusubo na niya ang kanyang pagkain ay tila may naamoy siyang mabaho. Napapitlag at namuti naman ang kanyang mga labi nang malamang isang patay na maliit na butiki ang nasa kanyang kutsara na malapit na niya sanang isubo sa kanyang bunganga.
Napasigaw siya dahilang upang matapon ang kanyang pagkain at mabasag ang pinggan. Saktong pumasok naman si lola Mauring na may pag-aalala sa kanyang mukha ngunit alam ni Kristina na pagpapanggap lamang ito. Kailangan niya lamang itong sakyan.
"Apo! Ano'ng nangyari? Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?" tanong nito at agad namang kumuha si lolo Pilo ng walis at dust pan.
Humugot ng lakas ng loob si Kristina dahil nakakaramdam pa rin siya ng takot ngunit hindi niya dapat ito ipahalata. "Paumanhin po, nakabasag ako. Mayroon po kasing butiki sa pagkain ko kaya napasigaw ako sa gulat," sagot naman ni Kristina at tumango-tango naman ang matanda.
Nakita naman ni lola Mauring ang butiki sa sinasabi nito kaya naniwala naman ito kay Kristina. "Naku! Marami kasing butiki sa kisame natin apo, huwag na huwag mong iiwan ang pagkain mong hindi mo pa natatapos sa susunod ha," makahulugang wika nito at napalunok naman ng lawag si Kristina dahil para bang may nais itong ipunto.
"Hindi naman po ako umalis," sagot naman ni Kristina ngunit walang imik si lola Mauring.
"Apo," tawag ni lola Mauring sa kanyang habang pinupulot nito ang mga nabasag na pinggan.
"Po?" matagal na sagot ni Kristina dahil hindi man lang siya nito tiningnan.
Halos dalawang minuto yata ang lumipas bago sumagot ang matanda. Dahan-dahang inalsa ni lola Mauring ang kanyang ulo at tiningnan si Kristina na may ngiti sa mga labi nito. Kitang-kita ang naninilaw nitong mga ngipin at tila nanlalagkit nitong mga laway sa gilagid.
"Kainin mo ito."
Maraming salamat po sa pagbabasa ng istoryang ito! Sana ay nakapagbigay ito sa inyo ng kababalaghan!
Maaari ninyo na pong makuha ang kopyang ito sa Shopee app! Huwag palampasin! Link: https://shopee.ph/Psst...-Apo!-By-Heitcleff-Bookware-Fiction-i.279388892.28507921691?sp_atk=b7812a7c-02f9-451e-a48b-7672e87e8cfd&xptdk=b7812a7c-02f9-451e-a48b-7672e87e8cfd
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top