APAT

MAGTA-TATLONG araw na at wala pa rin ang mga magulang ni Kristina na kung susumahin ay dalawang araw lang dapat siya ayon sa kanilang sinabi. Ilang araw na rin siyang nagkakaroon ng masamang panaginip at laging ang kaniyang lola Mauring at lola Pilo ang laman no’n. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdam na para bang hinahalukay ang kanyang sikmura at paminsan-minsan ay naglalaway siya…malagkit na laway.

Ayaw na niyang tumagal pa at kung maaari ay lalayas na lamang siya kapagka nakahanap siya ng pagkakataon. Nakakaramdam kasi siya na parang may mga matang laging nakaantabay sa kanya at ni hindi siya makakilos ng maayos. Para bang laging may nakatitig sa kanyang mga galaw kahit nasaan man siya.

“Sana ay hindi na ako pumayag na umuwi rito,” bulong niya habang nagpupunas ng halos butil-butil na pawis na namumuo sa kanyang noo. Ramdam niya rin na tila namumutla siya at kita niya iyon sa repleksyon niya sa isang maliit na salamin.

Para na rin siyang tumatamlay kada lumilipas ang ilang mga araw at lagi na ring bopis ang kanilang pagkain sa hapag na halos isuka na ng dalaga ngunit hinahanap-hanap ito ng kaniyang sikmura. Wala rin siyang natatanggap na text galing sa kaniyang mga magulang at maging sa kaniyang Tiya. Halos wala na ring signal sa kaniyang kinaroroonan.

Kahit na matamlay at halos wala na siyang enerhiya ang buong katawan niya ay sinubukan niyang umakyat sa bubongan ng bahay dahil naniniwala siyang may signal doon dahil noong unang araw niya naman ay mayroong signal. Tila nakakaramdam na siya na tila may mali sa kaniyang paligid. Kung sana ay sinunod niya na lamang ang kanyang kutob na huwag na lamang tumuloy siguro ay hindi siya nakakaramdam ng ganito. Para kasing may humahatak sa kanya na pumasok sa loob nang lumabas si lola Mauring.

Hindi naman siya gaanong nahirapan sa pag-akyat at dahan-dahan niya iyong ginawa upang hindi makalikha ng kahit na anumang ingay na ikakukuha ng atensyon ng dalawang matanda sa ibaba. Abala na naman kasi ang dalawa sa pagluluto ng bopis. Hindi niya alam kung bakit inaraw-araw na nila ang pagluluto ng bopis. Habang tumatagal nang tumatagal kasi ay paitim nang paitim ang karne na kanilang niluluto na para bang dinuguan na ang itsura nito at puno ng mantika. Hindi ito kaaya-ayang kainin ngunit nagagawa niya pa rin itong lunukin dahil hinahanap ito ng kanyang sikmura.

Higit pa roon ang napapansin niya sa kanyang katawan dahil tila ba nabubukbok ang kanyang mga bagang at nangingitim na. Gusto niya masuka sa kanyang kalagayan ngunit hindi niya magawa-gawa. Walang lumalabas sa kanyang sikmura kahit na kumain naman siya. Para na ring naninilaw ang kanyang mga tingin at hirap siyang magbasa. Para siyang mangiyak-ngiyak sa tuwing mag-isa siya. Gusto na niyang umuwi sa lalong madaling panahon. Hindi na niya kaya pang hintayin ang kanyang mga magulang dahil tila hindi naman sila susunod sa kung nasaan siya.

O kung baka nagkamali siya sa lugar na kanyang napuntahan. Minsan naisip niyang baka nagkukunwari lamang ang dalawang matanda na sila ang mga lolo at lola niya ngunit wala naman siyang binanggit na mga pangalan nang makasalta siya. Sila pa nga mismo ang nagpakilala sa kanilang sarili kaya agad naman siyang tumugon sa mga ito. Kung matatawagan niya lang sana ang kanyang Tiya ay tiyak siyang walang magiging problema.

Nang tuluyan na siyang makaakyat sa taas ay halos matuwa siya sa nakita niyang isang bar sa kaniyang selpon. “May signal na,” napapaos niyang sambit ngunit nakita niyang halos palowbat na ang kaniyang selpon. Hindi rin kasi siya nakapag-charge dahil hindi niya maalala kung saan niya inilagay ito ngunit tanda niya na sa bulsa lamang ng kanyang bag niya ito inilagay. Malakas din ang kutob niya na may nakikialam ng kanyang mga gamit.

Agad niyang tinipa ang numero ng kaniyang Tiya at tinawagan bago pa maubos ang baterya ng kaniyang selpon. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang ginagawa ito at tila nagdadalawa ang kanyang paningin. Pakiramdam niya rin ay para siyang mahuhulog mula sa kanyang kinatatayuan kailangan niya pa kasing tumihin upang makasagap ng magandang signal. Hinihintay niya na lamang na mag-ring ito at ramdam niya na rin na namamawis na ang kanyang likuran at malamig na pawis naman ang namumuo sa kanyang noo. Nanlalamig ang kanyang pawis ngunit ramdam niya na mainit ang loob ng kanyang katawan.

Bigla siyang nabuhayan ng pag-asa nang marinig niyang nagri-ring na ang kanyang tinatawagan. “Sumagot ka Tiya, please…please. Sagutin mo,” tila pangungusap niya sa selpon habang nakatingla siya rito at nanginginig na rin ang kanyang kamay sa kakataas niya. Ngunit kailangan niyang indain ang sakit ang pangangalay.

Nakakailang ring na at hindi pa rin sumasagot ang kanyang Tiya. Lumingon-lingon siya dahil baka naririyan na sa sulok ang dalawang matanda ngunit wala.

Napatingin din siya sa ibaba at baka nagwawalis lamang ang mga ito ngunit wala rin. Masyadong tahimik ang bahay. Tahimik ngunit nakakaramdam siya ng pangangamba dahil hindi naman dapat ganoon katahimik.

Tiningnan niya ulit ang kanyang selpon at hindi pa rin sumasagot ang kanyang Tiya. “Sagutin mo na.” Parang mangiyak-ngiyak siyang nagsusumamo sa kanyang selpon at todo nginig na rin ang kanyang kamay. Hindi na niya kaya dahil parang mahuhulog na siya mula sa kanyang kinaroroonan.

Nilingon niya ulit ang kanyang kanang direksyon sinisigurong wala roon ang dalawa pagkatapos ay sa kaliwa. Tumatambol-tambol ang kanyang puso sa kaba dahil para bang naglalaro siya ng taguan sa dalawa. Halos mabingi siya sa kabog ng kanyang puso at namamalat na ang kanyang lalamunan. Para ring ang pait-pait ng kanyang mga mata sa tuwing pumipikit-pikit siya.

‘The number you have dialed is either unattended or out of coverage area.’ Iyon lamang ang narinig niya sa kanyang selpon at para siyang nauupos na kandila at nawalan ng pag-asa dahil kasama nun ay ang pagkamatay ng kanyang selpon. Ibig sabihin ay lowbat na ito.

Nanginginig ang kanyang mga labi at nag-iinit ang kanyang mga mata. Hindi niya na rin alam kung normal pa rin ang kanyang paghinga. Nang dahan-dahan niyang ibaba ang kanyang kamay ay tila may naririnig siyang mahinang sitsit.


Unang sitsit…

Lumingon si Kristina sa kaliwa ngunit wala.



Ikalawang sitsit…


Lumingon si Kristina sa kanan at wala pa rin.



Ikatlong sitsit…


Lumingon si Kristina sa ibaba ngunit wala rin. Nakakaramdam siyang malapit lamang ang sumisitsit at isang direksyon na lamang ang hindi niya pa nililingon.

Ikaapat na sitsit…

Parang nanigas si Kristina dahil ang pang-apat na sitsit ay may kalakasan. Alam niya na kung saan iyon nanggagaling. Ni hindi niya kayang lumingon dahil ramdam na niya ang mag titig nito sa kanya ngunit tila hinihila siyang lingonin ito.

“Psst! Apo.”

Doon ay bigla na lamang natumba si Kristina at nilamon na lamang siya ng kadiliman.
























































Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top