CHAPTER 33 🌾



"HOY, GIRL, ano ka ba? Tititigan mo na lang ba itong baso? May magical powers ka ba na magpapaubos ng laman nito dahil sa pamamagitan lang tingin mo?" puno ng sarkasmong tanong ni Ayiez.

Tila sobreng nakaselyo ang kanyang bibig, siper na nakasarado ang kanyang tainga at ulap ang mga matang may namumuong tubig.

"Girl?" Kinalabit siya nito. "Girl..." ulit nito sa mas malakas na boses. "Ang saya mo kanina noong nagkita tayo. Abot-tainga pa kaya ang ngiti mo kasama ang lover boy mo. Tapos ngayon, pwede nang sabitan ng timba iyang nguso mo. Para ka namang panahon, eh—sa umaga ang init, sa hapon bigla na lang uulan," mahabang puna ni Ayiez .

Sariwa pa sa kanyang alaala ang nangyari, mahigit isang oras ang nakaraan. Ang ganda at sexy ng ex niya, lihim na naisaloob niya at nanliit sa kanyang likas na taglay.

Tumuwid ito ng upo. "Okay, girl, ganito. Gusto mo bang makita at magpa-picture ngayon kasama ang Sugarfree?" Nilaro-laro at hinaplos-haplos pa nito ang basong nag-fog dahil sa lamig, may kalahating laman ito ng ice at ang nag-bubbles pang beer.

Walang ano-ano'y biglang nabuhay ang kanyang dugo. "Hoy! Oo naman, girl, 'no. Wait saan sila? Magpi-perform ba sila ngayon dito?" Tila isa siyang laruan na napalitan ng baterya at masigla ulit na gumana.

Napabunghalit ng tawa ang kaibigan. "Relax... relax. Yes, magpi-perform sila ngayon. At..." May dinukot itong dalawang maliit na card sa maliit na sling bag nito. "... may VIP pass ako para sa meet & greet with picture taking mamaya," puno ng pagmamalaki ang tinig nito.

Akma niya itong kinuha at kuryusong tiningnan ngunit mabilis ang kamay ni Ayiez na itinaas iyon. "Oops... I-share mo muna sa 'kin kung ano nga ba talagang nangyari sa 'yo." Nakataas pa ang isang kilay nito at pilyang ngumiti.

Ang kaninang mga ulap na namuo sa kanyang mga mata, ngayo'y tuluyang pumatak na. "Kasi, Yiez, si Alex kasi..."

"Anong mayroon kay Alex?" Bahagyang nakadilat pa ang mga mata nito nang mabiting marinig ang karugtong na sasabihin niya.

"Pumunta ang ex niya sa resort."

"Aba'y ex lang naman pala. What's the big deal then?"

"Hindi ko nagustuhan ang mga sinabi niya. Gusto niyang makipagbalikan kay Alex?"

"Tapos?"

"Ayaw naman ni Alex. Tapos na raw sa kanila. Matagal na. A-ayaw na niyang bumalik pa rito."

Hinampas ni Ayiez ang monoblock table. Parang humiwalay ang kanyang espiritu mula sa kanyang katawan. "'Yan naman pala, eh. Narinig mo mismo kay Alex na ayaw na niyang bumalik sa babaeng iyon," may pambubulyaw na wika nito. "Wait, ano bang itsura no'n?" biglang humina ang tinig nito na halatang nakiusyuso at inilapit ang pagkakaupo sa mesa.

"Maputi."

"Tapos ano pa?"

"Matangkad."

"Iyon lang?"

"Syempre, maganda. Sophisticated. Sa tingin ko ay isa siyang model sa dating niya."

"Aysus. Wala siya sa gandang ito," sambit ng kaibigan na hinawakan pa ang kanyang baba. "Morena, sexy, mabait, maganda at higit sa lahat ay mapagmahal," dagdag pa nito.

"Over ka naman, Yiez," pairap niyang usal dito.

Napalatak ito. "Maniwala ka na lang para mapabilis ang ating usapan."

Humagalpak siya ng tawa sa narinig. Those kinds of attitude of Ayiez make her personality unique from her other friends—minsan kalog, minsan straightforward, pero madalas tsismosa.

"Pero totoo, girl." Muli itong sumeryoso. "Shot ka muna, oh, para mapawi 'yang puso mong na-yayay." Ibinigay nito sa kanya ang baso. Biglang naalala niya no'ng unang beses siyang tumagay kasama ang kaibigang si Ann.

Tinungga niya iyon nang walang pasubali. Una niyang naramdaman ang sakit na dulot ng pag-ibig. Hindi maipaliwanag nang buo. Basta, parang tinadtad na lang nang pagkaliit-liit ang kanyang puso. Nakakapanghina. Nakawalang-gana. Nakakawala ng tiwala.

Minsan, katulad pala ng pag-ibig ang beer—mapait, mapanlinlang na masarap ang maidudulot nito, ngunit sakit lamang pala ng ulo.

"Hoy, girl, dahan-dahan naman. Ang sabi ko, isang baso muna. Huwag mo namang solohin." Kinuha nito sa kanya ang baso. "Take turns tayo, okay? Boyfriend, oo, solohin mo. Pero pag tagay, share tayo," matigas na dagdag pa nito.

Girlfriend? Oh wow! Hindi ko alam na ganyan na pala ang taste mo sa mga babae ngayon. Sabagay, at least makaka-save sa mga pinapasahod mo dito. Tila pinalo ang kanyang puso ng dos por dos na kahoy ang mga salitang binitiwan ni Thea kanina. 

Nakapangalumbaba siya at nakagat ang pang-ibabang labi para pigilan ang pagtulo ng luha. "Bakit kaya ganoon ang tingin nila sa aming mga lumaki sa probinsya? Ang baba. Wala ba kaming karapatan na maturing nang pantay sa lipunan natin?"

Hinawakan nito ang kanyang mga kamay at marahang ibinababa mula sa pagkasalo sa kanyang baba. "Ellaine, tayong lahat ay pantay-pantay. Remember? God made us equally—fearfully and wonderfully, also. Mayaman o dukha, matalino o mahina, maganda ang kalooban o ang panlabas lang, lahat ay pareho ang turing sa atin ng Panginoon na mga anak niya."

"Pero bakit ganoon na lang ang sinabi sa akin kanina ng ex ni Alex?"

"Girl, ganito, as long as wala kang inaapakang tao—sa pamumuhay mo, sa trabaho mo, sa pakikipagkapwa mo tao—you don't have to worry. Si Lord lang ang dapat ma-please sa ating ginagawa."

Nag-angat siya ng tingin at napakurap-kurap sa mga tinuran ni Ayiez. Ngayon lang kasi niya narinig itong nagsalita nang pawang karunungan.

"Bakit hindi ka yata naniniwala?" nakangiting tanong nito. "Yes, girl, natural na sa akin ang pagkatsismosa, pero may mga kabutihan akong nalalaman. Hindi ako perfect, hindi ka perfect, tayong lahat ay imperfect, pero si Lord ang patuloy na bumabago sa atin—kung gugustuhin natin."

Tumango-tango lang siya bilang pagsang-ayon sa mga sinasabi nito.

"Walang inaapakan kung walang magpapaapak. Know your worth in the eyes of God," makahulugan pang dagdag nito.

Gumaan ang pakiramdam niya. Hindi sa nainom niyang alak ngunit sa mga tinuran ni Ayiez. "Tama ka nga." Kumintal na rin ulit sa wakas ang matamis na ngiti niya sa labi.

Binigyan siya ulit pa ng basong may beer ni Ayiez. Itinulak na niya ito pabalik at umiling. "Yiez, ayoko na. Naliwanagan na ako sa mga sinabi mo. Hindi ko na kailangan yang beer para gumaan ang pakiramdam ko. Sapat na ang mga sh-in-are mo na mensahe."

"Really?"

"Yes!"

"Anyway, ano pala ang reaction ni Alex noong sinabihan ka nang masama ng ex niya?"

"Hindi ko na narinig kasi mabilis na akong lumabas ng office niya."

"Wow! That must've been like a scene we used to watch in telenovelas." Malutong itong tumawa, sabay hampas pa ng braso niya at napaaray siya. "Nangyayari rin pala sa totoong buhay?"

"Ganoon na nga," napalabing tugon niya. "By the way, saan mo pala na-avail ang tickets ng Sugarfree?" pag-iiba niya sa usapan.

Tumuwid ito ng upo. "Alam mo namang mahilig akong makinig ng radio sa office, 'di ba?"

Tumango siya. May maliit nga ito na pulang radyo sa opisina na laging pinapatugtog ng music sa paborito nitong FM station. Mahilig din itong makinig ng OPM songs kaya isa rin iyon sa mga dahilan kaya't madali silang nagkakasundo. Naalala niyang sa bukid nila ay radyo rin ang palaging pinapakinggan nila. Iyon nga lang ay sa AM station dahil nakahiligan na ng buong pamilya niya na laging nakikinig ng drama. Tuwing Linggo naman ay ang mga lumang awitin ng 70's to 90's era na mga musika. At saka, ang de-baterya pa ang gamit nila, kay Ayiez naman ay de-kuryente na.

"Ngayon, nagpa-game kasi sila last week. Paunahan ng tawag. Alam mo namang mabilis na dumayal nitong friend mo sa landline," mahihimigan pa ang pagmamalaki sa tinig nito at inaksyon-aksyon pa gamit ang mga daliri.

Napatutop siya sa kanyang bibig. "Hala, sa telephone ka pa talaga tumawag sa office?"

"Yes. Mabilis lang din naman iyon. Hindi rin ikakalugi ni big boss kasi local call lang iyon," depensa pa nito, saka pinaikot ang mga mata. "And most importantly, hindi ko pinapabayaan ang trabaho ko. To finish our daily, weekly, and monthly tasks efficiently and punctually must be on top."

"Sabagay. Ang galing mo talaga, Yiez! Hindi pa ako nakapanood ng live sa mga singer. Ngayon pa lang talaga." Excited na siya nang maisip na makikita na niya ang isa sa mga paborito niyang banda na Pinoy.

Tumaas ang isang gilid ng labi nito, kasabay ng pagtaas ng isang kilay. "And take note, makakapag-picture ka pa sa kanila. Kaya ayusin mo na iyang sarili mo. Once in a lifetime lang 'to, girl, kaya mag-ayos ka na. Sinipon-sipon ka pa diyan sa pag-iyak-iyak mo."

"Ang exaj mo, Yiez!!"

"Totoo!"

"Pero kakain pala muna ako."

"'Yan! Kaya ka pala maputla. Jusko, girl. Ang layo pa ng Halloween. Bilisan mong um-order at kumain at mayamaya ay magsisimula na silang mag-perform."

EARLIER...

"MY LOVE, mag-usap naman tayo, oh." Hinawakan ni Alex ang braso ni Ellaine nang nasa hallway na sila. Hinabol niya ito paglabas nito sa kanyang opisina.

Mabilis naman piniksi ng dalaga ang kamay niya. "Ano pa bang pag-uusapan natin?" sagot nitong nakatalikod sa kanya at patuloy sa paglalakad.

Hinarangan niya ito at ilang segundo pa ay huminto sila. Tamang nasa tapat na sila ng elevator. "My Love,listen..." Hinawakan niya ang dalawang kamay nito. "I am sorry for what Thea had told you. Don't mind her. Ang importante ay ako at ikaw."

"Alex, hindi ganoon iyon, eh. May mga taong nakapaligid sa atin. Hindi nga talaga siguro tayo bagay dahil isa lamang akong hamak na probinsyana," basag ang tinig nito.

Sunod-sunod na pag-iling ang ginawa niya. "No. Tayo. You and me. Wala silang pakialam sa atin. Ako ang mas nakakakilala sa iyo." Pinisil pa niya ang namamasang mga kamay nito.

"Hayaan mo muna akong mapag-isa, Alex." Tinanggal ang mga kamay niya sa pagkakahawak sa mga kamay nito at yumuko. "Siguro... siguro na-overwhelm lang ako sa mga unang buwan na finally, nagkita na tayo. Pero ang tanga ko lang na binigay ko ang lahat ng pagmamahal ko sa iyo. Ibinigay ko ang lahat ng pagtitiwala ko sa iyo kaagad. Mali pala iyon." Dahan-dahang inangat ang tingin nito, hindi lang mga kamay ang namamasa ngayon, pati na ang mga mata nito.

"My Love..." Gusto niyang kulungin ang nobya sa kanyang mga bisig ngunit maagap na umatras ito. Kasabay ng pagbukas ng elevator ay siya namang pagpasok nito. Gusto niya itong pigilan, ngunit hinayaan niya lamang na lumamig ang sitwasyon.

"Bullshit!" Nakuyom niya ang malaking kamao bago bumalik sa kanyang opisina.

Nang mag-vibrate ang kanyang cell phone sa bulsa ng shorts niya ay hindi na sana niya iyon papansinin at nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Ngunit ilang segundo pa ay hindi pa rin ito tumigil. Kaya't wala sa sariling sinagot na niya ito at hindi tumingin sa pangalan ng caller. "Hello?!"

"Bro, Pit Señor! Hey, you're upset now, don't you?" bungad ni Ryan sa kabilang linya. Narinig pa niya itong humalakhak na may panunudyo.

Halata ba talaga sa boses niya na apektado pa siya sa nangyari kani-kanina lang? Tumikhim siya para maalis ang tila bumabara sa lalamunan niya. "I apologize, bro."

Mas lalo pang napahalakhak ang kaibigan. "Ano ba, Sinulog na Sinulog ngayon, wala ka sa mood? Saan ka ba ngayon?" usisa nito. "Let's have fun tonight," pabulong na hirit nito.

Nakuha agad niya ang sinabing "fun" ng kaibigan. Sa mga ganoong okasyon o kahit sa mga ordinaryong araw na pumunta sila sa bar dati, hindi nabubuwag ang 2B's sa buhay nilang magkakabarkada—beer at babae.

But not now that he has Ellaine already in his life.

"Nandito ako sa resort ngayon, bro."

"Weews! Ang sipag naman. Magkita tayo ngayon. Puntahan mo kami dito."

Pagkasabi nito sa direksyon ay nagpaalam na siya rito. Pagbalik niya sa opisina ay wala na ang ex doon.

"YIEZ, sila na ba talaga iyan?" paninigurado ni Ellaine sa kaibigan.

Bahagya pa siyang kinurot nito sa braso. "Oo naman. Malamang, alam mo siguro ang kantang siguro 'yan.

Napadaing siya ngunit hindi na niya iyon ininda dahil nagsitayuan na madla at nagpalakpakan nang patuloy na itong tumugtog.

"Yes! Yes! Alam ko iyan. Hari ng Sablay iyan!" bibong turan niya.

"Hala! Kumakayaw pa sa atin, oh."

"Anong sa atin? Ang dami kaya nating audience."

"Feel ko sa atin iyan tumitingin, eh... Sa akin."

Sa panahong iyon ay si Ayiez naman ang kinurot niya. Ito naman ang nagreklamo.

"Yiez, nananaginip ka lang kaya."

"I beg to disagree, girl."

Hindi nila mapigilang magharutan habang nanood ng live performance ng Sugarfree. Sumasabay rin sila habang kumakanta ang mga ito at pati ang kanilang ulo. Saulado nila ang lyrics ng kanta. Napawi ang bigat ng pakiramdam niya. Salamat sa kaibigan at officemate niyang si Ayiez.

"Maayong gabie, Cebu! Kumusta namo? Pit Señor! Thank you so much for having us here!" tinig iyon ni Ebe Dancel sa pagtatapos ng first song na inawit ng grupo.

Hindi magkamayaw ang sigaw ng mga tao, kasama na ang boses nila ni Ayiez na nag-blend din. L

"Waah! Kahibaw lagi sila magbisaya, Yiez?" namamanghang tanong niya pa sa kaibigan.

Mahinang binatukan siya nito. "Syempre, girl, kasama na iyan sa pagpraktis nila dahil nasa lugar natin sila."

Tumango lang siya.

"This second song is dedicated to all the lovers out there who are going through tough times."

Bigla siyang napalunok. Nagkataon lang ba na may pinagdadaanan din sila ni Alex ngayon na problema?

Tulog na mahal ko... Hayaan na muna natin ang mundong ito.

Tumaas ang lahat ng balahibo niya sa katawan nang marinig ang introduction ng second song. Naging sariwa sa kanyang isip na kinanta rin iyon ni Alex sa kanya sa telepono noong nasa Davao pa pang siya, noong nagkaroon sila ng engkwentro nina Janiz at Raymond.

Siniko siya ni Ayiez. "Hay, 'ayan ka na naman girl, nagsisintimyento ka na naman."

"May naalala lang ako, Yiez."

"Ano, utang ba?"

Peke siyang tumawa, saka sumeryoso ulit. "Si Alex."

"Girl, kung nasaan ngayon si Alexander, baka nabilaukan na iyon o hindi kaya'y natisod," umiiling na usal nito. "Palibhasa, kanina pa natin siya topic."

Ngumiti siyang 'di umabot sa mga mata. "Ang sarap ma-inlove pero ang hapdi rin pala."

"O. M. G!" Napatutop ito sa bibig at dumilat ang mga mata.

Natawa na siya ngayon nang totoo. "Ayiez naman, ang sama ng nasa isip mo."

Totoong mahapdi noong una, pero ngayon ay 'di na. Pilyang naalala niya ang unang gabing pinagsaluhan nila ni Alex.

"Joke lang, girl."

Pero may point ka.

Hindi nila namalayang natapos na ang isang kanta at ang sumunod pa dahil sa daldalan nila ng kaibigan. Hindi nila namalayan ang oras. Bigla na lang niyang naalalang hindi pa pala siya nakapag-text sa kanyang tiya.

"I-text ko pala muna si Tiya, Yiez, para hindi sila mag-aalala ni Tiyo." Dinukot niya ang cell phone sa bag. "Matagal pa kaya 'tong matapos?"

"Malapit na 'to. Trust me."

"Okay, sige."

Huminto ang tugtog pagkatapos ng ilang minuto. Pagkuwa'y napakalakas na palakpakan at sigaw mula sa madla.

Ooh-whoa-ooh-whoa-ooh-whoa...

Napaindak sila ni Ayiez sa kanilang kiauupuan. Nag-apir sila at sabay na napahiyaw. Tumaas ulit ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan nang marinig ang intro ng kanta. Lahat yata ng naroon ay sumisigaw rin sa kilig.

"Yehey! Kinanta talaga nila ang favorite ko!" kinikilig pang sambit ni Ayiez.

Sino ba kasing hindi kikiligin kung ang kantang iyon ay ang official soundtrack lang naman ng kinakakiligang loveteam noon nina Echo at Heart na gumanap bilang Tristan at Eden sa Panday.

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig...

Sumasabay ang madla sa pagkanta. Buhay na buhay ang buong lugar sa awiting Makita Kang Muli na kinanta ng lahat. Nag-akbayan silang tumayo ni Ayiez. Feel na feel ang pag-awit habang naka-sway ang kanilang mga ulo sa melodiya. 'Di maiwasang pumasok sa kanyang isipan si Alex: ang kanilang alaala noong mag-textmates at callmates pa lang sila, hanggang sa magkita na sila, at ngayon ay nagkaroon ng problema. Ayaw niyang magpadala sa emosyon. Gusto niya munang namnamin ang gabi kasama ang kaibigan habang nanonood ng paborito nilang banda.

"Weeh, may pag-ibig ka na pala, Yiez?" Sinundot niya ang tagiliran nito.

Pinaikot lang nito ang mga mata. "Wala pa naman, girl. Who knows soon at baka maunahan pa kitang mag-settle down."

"Ayiee.."

Pagkat sa isang taong mahal mo nang buong puso
Lahat ay gagawin, makita ang buli.

Tama ba ang pagkakarinig niya? May mali yata sa lyrics na kinanta ni Ayiez. Bakit buli? lihim niyang napaisip.

Hindi niya natiis at tinanong talaga ang kaibigan. "Bakit buli, Yiez?"

Napabunghalit naman ito ng tawa. "Basta iyan na, girl. Tama ang dinig mo." At muling malutong na tumawa.

Makita ang buli.. hirit pa nilang sa katapusan ng kanta saka sabay na nagtawanan. Wala silang pakialam kung may makakarinig sa binago nilang isang salita ng kanta. Iba kasi ang kahulugan niyon sa diyalekto nila.

Mabilis silang pumila sa pag-announce ng emcee na pwede nang pumila para sa meet & greet with Sugarfree. Tila tinambol ang puso ni Ellaine nang papalapit na sila. Hawak-hawak na niya ang kanyang Nokia 5320 XpressMusic. This is it! Makapag-picture na kami.

"Girl, ikaw na maunang magpa-picture sa kanila."

"No, Yiez. Ikaw muna."

"Sabay na kayong dalawa na magpa-picture."

Sabay silang napalingon ni Ayiez sa pamilyar na boses na nagyaya mula sa kanilang likuran.

Napamulagat siya nang mapagsino ang nagsalita. "A-Alex..."

"Yes, My Love, go ahead. Sabay na kayong magpa-picture ni Ayiez."

Mas lalong tinambol ang kanyang puso nang makita ang taong gusto niyang makitang muli—si Alexander Robertson.

*****

SHARE. VOTE. COMMENT

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top