CHAPTER 30 🌾
"NAY, NAPAANO po si Itay?" nanghahabang mukhang tanong ni Ellaine.
"Nak, eh kasi ang tatay mo sinumpong ng rayuma," mababang boses ng ina na dinig niya sa kabilang linya.
Nagpabuga siya ng malalim ng hininga bago nagsalita ulit. "Haay si Itay talaga."
"Ang Itay mo nagpasaway na naman. Inimbita ni Manoy Felix mo, kaya't napasarap sa inuman kagabi. Nag-adobo sila ng baboy kasi kaarawan nga nito."
"Pero kumusta si Itay ngayon, Nay?
"Heto dumadaing sa sakit ng kanyang tuhod. Pinainom ko na ng gamot kaya huwag ka nang mag-alala, nak," wika ng ina. "Ikaw diyan kumusta? Nagsimba ka ba kanina?" Balik-tanong nito sa kanya.
Nakasanayan kasi nila na magsisimba tuwing Linggo sa kanilang kapilya.
"Mabuti naman at nakainom na po ng gamot. Opo Nay! Sa Santo Niño kanina," sagot niya, "kami ni Alex," biglang nahihiyang dagdag pa niya. Saglit na katahimikan ang namayani. "Nandito kami ngayon sa Tops, Nay. Ang ganda po rito kasi overview looking. Kita ang kabuuhang siyudad ng Cebu," nanumbalik ang sigla sa kanyang tinig.
"Oh sige, nak, mag-iingat kayo sa biyahe pababa ha. Ikumusta mo na lang kami kay Alex, tiya, tiyo mo at kay Irma."
"Opo. Si Itay din po, painumin niyo ng gamot niya. Pagsabihan mo nga rin iyan, Nay. Haay! Siya lang din ang kawawa."
"Oo naman. Alam mo naman na hindi ako nagkulang. Eh, gusto niyang makisabay doon at makisaya dahil nga birthday. Kaya minsan hinahayaan ko rin sa gusto niya, kung iyon ang ikasasaya niya."
"Bait n'yo po talaga, Nay," puri pa rito.
"Oh siya sige na Nak. Babye na. Matutulog na kami. Ingat kayo, ha," muling paalala nito.
"Sige po, Nay." At tuluyang nawala ito sa kabilang linya.
"My Love, anong nangyari kay Itay? E-este kay tatay mo?" kunot-noong tanong ni Alex nang bumalik na siya sa kanilang mesang pinagkainan.
Napangiwi siya at buntong-hininga. "Si Itay kasi, sinumpong na naman daw ng rayuma niya," paliwanang niya rito.
"Kumusta naman siya ngayon? May gamot na ba?" mahihimigan ang pag-aalala sa boses nito.
"Oo. Pinainom na ni Inay," tugon niya ikinatango at ngiti ng binata. Saglit siyang natahimik at nag-isip. "My Love, uwi na lang tayo."
"Hmm okay, kung iyon ang gusto mo."
Ramdam niyang nawili pa si Alex sa kanilang date, ngunit batid niyang naintindihan naman siya nito buhat sa hindi gaanong mabuting balita mula sa pamilya niya.
"HOY GANDA, kumusta naman kayo ng boyfriend mo?" usisa ni Aileen, habang nasa banyo sila. Sinusuklay nito ang buhok gamit ang palaging dalang berdeng hair doctor. "Ano nga ang pangalan niya?"
"Maayos naman kami, ganda. At saka nag-date kami kahapon sa Tops. Ang ganda pala doon," nakangiting tugon ni Ellaine nang hindi tumingin sa kasama. Naglagay siya ng liquid hand soap mula sa lagayan at maiging kinuskos ang kamay. "Alexander ang pangalan niya," dagdag niya at nagbanlaw ng kamay sa lababo.
"Eh anong apelyido? Saan nga nakatira? Nakapunta ka na ba sa kanila?" sunod-sunod na tanong nito.
Doon ay napaangat siya ng tingin at tiningan ang kasama sa malaking salaming nasa harap nila.
"Haay Aileen, umaandar na naman iyang pagkatsismosa mo." Biglang sulpot ni Ayiez sa pintuhan ng banyo.
"Paano mo narinig ang pinag-uusapan namin?" Si Aileen.
"Girl, iyang tinig mo, kahit sa katabing opisina ay maririnig. Kaya papunta pa lang ako rito ay dinig ko na agad," paliwanang naman ni Ayiez, sabay dilat pa ng mata.
"Hep hep, tama na guys, okay?" sabad niya habang pinuwesto ang kamay sa ilalim ng hand dryer. "Ganda, taga Lapu-Lapu siya. Robertson ang apelyido niya at hindi pa ako nakapunta sa kanila," mahinahong baling niya kay Aileen.
"Oh ano ngayon, kontento ka na, girl?" puno ng sarkasmong tanong ni Ayiez na nasa loob ng cubicle ng banyo, tinutukoy nito si Aileen.
Bahagyang nag-iisip si Aileen at tinapik-tapik ang mukha gamit ng dalang hair doctor. "Hmm Robertson, mukhang yayamanin iyan, ganda ha?"
"Hindi naman, nagtatrabaho lang din naman siya gaya natin."
"Eh, anong work niya?"
"Hay naku Aileen! Hindi ka naman mauubusan ng tanong eh," naghihimutok na tinig ni Ayiez.
"Tayo na nga, guys," imbita niya sa dalawang kasama. "Baka hinahanap na tayo ni Sir Leo. Magtatakang wala tayong tatlo doon sa loob."
Napaisip siya dahil hindi nga naman niya alam ang trabaho ni Alex dahil hindi pa niya ito natanong.
"GIRL, Sinulog Festival na ngayong Linggo," tuwang saad ni Ayiez. Naghihintay na sila ng dyip sa waiting shed pagkalabas nila kanilang trabaho. Dinig na dinig mula sa kanilang kinatatayuan ang malalakas na ugong ng mga tambol, pompiyang at iba pang instrumento sa may kalapit na paaralan. Hinuha niya ay puspusang nag-eensayo ang mga ito para sa kompetisyon ng naturang pagdiriwang.
Awtomatikong abot-taingang napangiti naman si Ellaine buhat sa sinabi ng kasama. "Hala talaga, Yiez? Ang Sinulog ang pinakahihintay ko talagang pagdiriwang na masaksihan sa tanang buhay ko. Sabi kasi ni itay na napakaganda raw nito sa aktuwal, kasi sa TV ko lang palaging nakikita."
"Oo, girl, kaya be ready," matalinghagang wika nito na hindi tumingin sa kanya, dahil tumitingin sa mga dumaraang mga dyip.
Lumalim ang gatla ng kanyang noo. "Ready saan?"
"Ano ka ba? Ready sa outfit mo, girl. Rarampa tayo niyan kaya dapat lang na sexy tayo tingnan sa madlang people," taas-kilay nitong sagot, at pinitik pa sa ere ang buhok. "Ang pinamili ko sa 'yo, iyon ang isuot mo; kung ayaw mong magtampo ako sa 'yo."
"Hala! Pero ang sexy naman noon, Yiez. Pwede iba na lang—"
"Oops, walang nang pero-pero. Iyon na. Mag-change style ka naman girl para hindi ka baduy tingnan," prangkang saad ni Ayiez. "Hindi na mukha at utak lang ang labanan ngayon. Mahalaga rin kung anong nakikita sa panlabas natin, para hindi tayo basta-bastang aapakan ng ibang tao," madiing pagpapaliwanag nito.
Hindi lamang siya kumibo. Tama naman kasi si Ayiez. Madalas siyang kutyain dati ng mga kaklase, noong kolehiyo pa lang siya, dahil sa simpleng pananamit niya. Kaya dahan-dahan niya iyong binago noong nakapagtrabaho na siya.
"Sige, girl, mauna na ako," pamamaalam nito. "At girl, kasama ko pa ang honey bunch ko," tila panghahamon nitong dagdag bago tinungo ang humintong dyip.
Kumaway naman siya sa bagong kasama. "Bye Yiez, ingat."
'Hmm may Honey Bunch ka pala ha. Ako naman ay may My Love,' pagdiriwang ng kanyang isip.
DUMATING na ang araw na pinakahihintay ni Ellaine, ang Sinulog Festival. Alas kwatro y media pa lang ng umaga ay gumising na siya kahit 'di pa tumunog ang alarm clock, dahil alas singko niya ito pinatunog. Alas sais naman ang napag-usapan nila ng nobyo na susunduin siya nito sa bahay ng tiya.
Isang purple with gray na halter top at gray checkered mini short ang napili niyang kunin mula sa aparador. Disgusto man ngunit naalala niya ang bilin ni Ayiez, 'Mahalaga rin kung anong nakikita sa panlabas natin, para hindi tayo basta-bastang inaapakan ng ibang tao.'
Isinuot niya ang mga iyon, at nang tingnan ang sarili sa salaming nakadikit sa kahoy na aparador ay namangha sa sarili. Kakaiba ang kanyang hitsura. Mula sa isang simpleng taga-nayon, ngayo'y masasabing isang palaban na taga-lungsod. Naglagay na rin ng lilang nakalawit na hikaw at puting may bilog-bilog na kuwintas na binili rin ng kasama, na mas lalong nagpapatingkad sa kanyang ganda, at nagsuot ng puting flat strappy sandals. Naglagay ng kaunting pressed powder, blush on at pink glossy lipstick para mas kaaya-ayang tingnan. At nang muling masilayan ang sarili sa salamin ay gumuhit ang matamis niyang ngiti.
"Naku, Leng, ang sexy mo ngayon. Bagay na bagay sa 'yo," komplimento ng kanyang tiya na tiningnan pa siya mula ulo hanggang paa.
"Sure ka ba tiya na hindi masagwang tingnan?" paniniguradong tanong niya. Hindi siya ganoon kakomportable gayong unang beses niyang magsuot pag lalabas.
"Ay naku! Hindi, Leng, ang ganda mo. Ganyan din kaya ako ka-sexy sa 'yo noong kaedad mo pa ako," buong-pagmamalaki nito. Sa ngayon ay tumaba na ito at halata na ang bilbil sa tiyan.
Mahina siyang napatawa. "Si Tiya talaga. Syempre saan pa ba ako nagmana?"
"Oh siya, nandiyan na pala si boyfie," tila nanunuksong saad ng kanyang tiya, halatang kinilig pa sa hitsura nito. Tinutukoy ang kararating lang na si Alex na nasa labas lang ng pinto.
"Good morning po, Tiya, Ellaine."
"Hi Alex, good morning!" masiglang tugon naman ng kanyang tiya.
"Oh siya, Tiya, mauna na kami. Hindi ba talaga kayo sasama nina Tiyo at Irma?" kumpirma niya rito.
"Ay naku! Matatanda na kami ng tiyo mo, Leng. Si Irma, ayaw naman sa mga ganyan, mas gustong manood na lang sa TV. Alam mo naman iyang pinsan mo."
"Okay po Tiya, aalis na kami ha," pamamaalam ni Ellaine, saka nagmano.
"Tiya, we'll have to go." Si Alex.
"Sige, mag-iingat kayong dalawa."
"Okay po," sabayang bigkas nina Ellaine at Alex.
"MY LOVE, ang daming tao sa daan oh!" Palinga-linga si Ellaine habang nasa malapit na sila sa pagdarausan ng Sinulog Grand Parade.
"Yes, My Love, ganito talaga pag ganitong okasyon dito," nakangiting tugon naman ni Alex.
Ipinarada ng nobyo ang dalang sasakyang Mustang sa bahaging malapit sa gasolinahan. Pinihit nito ang susi para tuluyang patayin ang makina. Pagkababa ay umikot sa kabila at binuksan ang kabilang pintuhan na kinaroroonan niya. Pansin niya ang pagsipat nito sa kanyang hita ngunit binalewala niya lang ito. Napakagwapo nito sa suot na puting plain tshirt na pinatungan ng navy blue Hawaiian polo. Navy blue casual short ang pinares na short. Nagsuot ng black sneackers at black baseball cap. Nalanghap niya pa ang mabangong panlalaking perfume nito nang alalayan siyang bumaba sa sasakyan.
"My Love, maglalakad lang tayo papunta sa Fuente. Is it okay?" alalang tanong nito.
"Okay pa sa alright yan, My Love!" game na sagot niya. Kung tungkol lang sa paglalakad ay sanay na sanay na siya. Sa kanyang pagkabata ay mahigit isang oras ang nilalakad papuntang paaralan at ganoon din naman ang pauwi.
Sa kanilang paglalakad ay maraming siyang nakikitang mga nagtitinda sa tabi ng kalsada, mga rebulto ng Sto. Niño — mula sa pinakamaliit o pocket-sized hanggang sa pinakamalaki na tantiya niya ay labindalawa hanggang labinlimang pulgada. May mga pamaypay, lobo, mineral water at iba't ibang klase ng pagkaing binibenta sa gilid ng daan.
"Wow!" manghang sambit niya na napalinga-linga sa paligid. Hindi mabilang ang mga taong nakisiksikan doon. May mga pamilya, magkasintahan at ang iba naman ay magbarkada.
"My Love, halika!" tawag ng nobyo at pinasuot sa kanya ang sombrerong gawa sa romblon. Natural ang kulay nito na may lila, na siyang bumagay naman sa kanyang damit. "Bagay na bagay sa 'yo," malapad ang ngiti nitong inayos-ayos pa ang kanyang nakalugay lang na mamasa-masa pang buhok.
Tumugon naman siya ng mapaklang ngiti at pagkuwa'y kinapa ang pitaka sa kanyang bitbit na brown shoulder bag. "Magkano po ito, ate?"
"Pit Señor Ma'am, Sir!" Bati sa kanila ng isang ale. "Isang daan lang, Ma'am," tugon nito sa kanyang tanong.
"No, ako na, My Love!" Mabilis pa sa alas kuwatrong dumukot si Alex ng pera mula sa bulsa ng kanyang pantalon.
Pagkatapos magbayad ay tumuloy na sila sa paglalakad. Unti-unting sumisikat na ang araw kaya saktong nakasombrero silang dalawa. Hinawakan ni Alex ang kanyang kamay upang umabrisyete sa kanya. Sa kanilang pagkakadikit ay tila pati langgam ay hindi makakasingit sa kanilang pagitan.
"My Love, kailangan mong kumapit sa 'kin kasi sa dami ng tao baka mamaya ay mawala ka," paliwanag nito. "Malalagot pa ako kina tiya at tiyo."
'Mawala man ako sa iyong paningin, ngunit siguradong hindi sa iyong damdamin,' bulong niya.
"My Love, anong sinasabi mo?
"Ah wala, sabi ko, let's walk together." At masuyong ngumiti sa nobyo.
Hindi na sila makadaan sa isang kalye dahil hindi na mahulugan ng karayom ang lugar, kaya tumungo sila sa kabilang kalye. Kahit mas malayo ngunit mas makabubuting makaiwas sila sa napakataong lugar. Nasilayan niya ang makukulay na dilaw at pulang banderitas na nakasabit sa mga kalyeng dinaraanan ng parada. Malayo-layo na ang kanilang nilakaran. Mabibilis ang ginawa nilang hakbang. Bawat patak ng kaniyang pawis, katumbas niyon ay ang kaligayahang labis.
"Bilis, My Love, dito tayo sa may itaas na bahagi ng bleacher." Marahan siyang hinatak ni Alex tungo sa mga upuang halos punuan na. May tatlong baitang iyon. Pinili nila ang pinakamataas na bahagi.
Nang makaupo na sila ay saktong dumaan na ang mga pumaparada. Nagniningning ang kanyang mga mata nang makita ang iba't ibang mananayaw mula sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Nagpasiklaban ang bawat kalahok. Napakagandang tingnan sa uniporme nito. Sa bawat kalahok ay napapansin niyang may marikit na dilag na may dalang katamtamang laki ng rebulto ng Senior Santo Niño. Ito ang nagsisilbing star dancer habang sumasayaw ang lahat sa salin ng Sinulog na kumpas.
"Pansin ko, My Love, ang lahat ng kalahok ay may bitbit na Santo Niño, 'no?" usisa niya kay Alex.
"Yes, My Love, kasi ang Sinulog Festival ay isang pagdiriwang bilang pasasalamat sa batang Santo Niño, na siyang dala ni Magellan noong makarating siya sa Sugbo; kung saan nagsimula ang Kristiyanismo sa bansa natin," mahabang turan ng binata na ikinatango niya.
Sa pagitan ng mga mananayaw ay mga dumaan ding mga sikat na artistang nakasakay sa float. Halos mapatili si Ellaine sa tuwa nang makita nang malapitan ang iilan sa mga idolo niyang mga artista.
"My Love, si Marian! Si Marian!" Tila batang tinuro niya ang kasunod na float. Kumakaway ang mga nakasakay na mga artista. Hindi magkamayaw rin ang mga taong nandoon sa tuwa.
"Marian?" maang na tanong nito.
"Si Marian bilang Marimar at Dyesebel. Aaaah ang ganda niya! Parang anghel na napunta sa lupa." Tuluyang napatili siya sa nasaksihan.
"My Love, ang ganda nga niya," pagsang-ayon ni Alex. "Ngunit iba pa rin kasi ang karisma mo sa akin."
Sa narinig ay ramdam niya ang pamumula ng pisngi at tainga, at tila napiping hindi nakapagsalita ulit.
Marami-raming ng dumaang mga kalahok sa parada. Hindi niya alintana ang napakainit na sinag ng araw. Sa katunayan ay napapaindak siya sa bawat mananayaw na nagpapakitang gilas kasabay ng masigabong tugtog ng bawat miyembro ng drum & bugle, at ang naglalakihang props na kasama sa pagsasayaw na may dalang pagsasadula tungkol sa kasaysayan ng Sugbo.
"Pwede ba akong magpa-picture kasama sila, My Love?" ungot niya sa nobyo nang huminto ang isang kalahok. Namangha siya sa disenyo ng kasuotan nito, matingkad na kulay-dilaw ang unipormeng damit. Ang itaas na bahagi ay tila mga talulot ng bulaklak, at pati ang buhok ng babaeng mananayaw ay may pabilog na dilaw na talulot ng bulaklak. Ito'y pinatong sa nakapusod na buhok ng mga batang kababaehan.
"Sure!"
Dali-dali silang bumaba at matagumpay na nakuhanan siya ng larawan ng nobyo kasama ang mga mananayaw, bilang alaala niya sa unang pagsaksi niya sa grandiyosong pagdiriwang sa Cebu.
"Thank you, mga inday!" taos-pusong pasasalamat ni Ellaine sa mga batang babaeng mananayaw.
"Walang anuman po, ate," magiliw na tugon ng mga ito.
"My Love, kain muna tayo," alok ni Alex. Sinipat niya ang orasang pambisig. Di nila namalayang alas dose na pala ng tanghali.
Pagkatapos ng mahabang pila sa kalapit na fast food restaurant ay nakakain na rin sila ng tanghalian. Walang humpay rin ang mga taong naglabas-pasok sa naturang kainan.
"Masaya ka ba, My Love?" tanong ni Alex, matapos nilagok ang huling laman ng pineapple juice.
Pinunasan muna niya ang bibig gamit ang tisyu bago sumagot. "Syempre, My Love! Maraming salamat sa pagsama sa akin ha. Isang katuparan para sa akin ang masilayan ng pares ng mga mata ko itong Sinulog. Kinukuwento lang kasi ni itay ito sa amin dati, kung gaano ito kasaya." Kumikislap ang mga mata niya habang nagsasalita.
"Anytime with you and for you, My Love!" sinserong saad ng nobyo. "Gusto mo bang mapuntahan kung saan ako nagtatrabaho?" pag-iiba nito ng usapan.
Napatingala siya at napanganga sa narinig buhat kay Alex. Tama ba ang kanyang narinig? "Ahm, a-ah yes sure, My Love. Kailan ba tayo pupunta? Hindi ba day off mo naman ngayon?"
"Yes. We will go right now, there."
Ibang excitement ang naramdaman niya. Unti-unti na niyang makikilala nang lubusan ang isang Alexander Robertson.
****
SHARE. VOTE. COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top