CHAPTER 27 🌾



Napangiti man ay bahagyang napatikwas ang may kanipisan ngunit pormadong kilay ni Ellaine sa mensahe ng nobyo. Wat do u mean by fyt my luv?Ok nman tau. No probz nman dba? Reply niya rito.

Kaagad namang kinuha ni Alex ang umiilaw niyang cellphone sa gilid ng kama. Batid niyang reply ito ni Ellaine. Nakahiga na siya at nakatingala sa kisame habang inunan ang kaliwang kamay. Napahugot siya ng malalim na hininga nang mabasa ang reply ng kasintahan. 'Ellaine, paano ko ipapaliwanag sa 'yo ang kagustuhan ni Mommy nang hindi tayo masasaktan?' usal niya sa kawalan. Kaya minabuti niyang 'di na muna sabihin sa dalaga ang totoo. Nagpaalam na lang siya rito na matutulog na para hindi na humaba pa ang usapan.

No i didnt mean anythng. Gudnyt my luv! Rest n tau. My wrk p tau bkas. Luv u mwah.

Malawak ang ngiti ni Ellaine nang mabasa ang reply ni Alex, pagkatapos ay nag-reply sa binata. Inilagay pa ang cellphone sa dibdib sa kilig at saka ibinalik ito sa ilalim ng unan bago pumikit.



"TIYA, TIYO, paalam na po," pagpapaalam ni Ellaine sa Tiya Panyang at Tiyo Gorio kinabukasan, kasabay ng marahang pagkuha ng mga kamay nito at nagmano.

"Leng mag-ingat ka. Ang baon mo nadala mo na?" maalalahaning tanong ng kaniyang tiya na ikinatango niya. "Tandaan mo ang number ng dyip na sasakyan mo. Papunta ng SM sasakay na kay 04L. Bababa ka sa may Mabolo Elementary School. Tapos sakay ka ulit ng 04B papunta na sa opisina mo," dagdag wika nito sa kanya.

"Tsaka tandaan mo, iwasan munang mag-cellphone pag nasa loob ka ng jeep o naglalakad lalo na pag gabi. Nagkalat talaga ang mga snatchers dito," sabad ng kanyang tiyo.

Kung doon sa Davao ay pangalan lang ng lugar ang nakapaskil sa mga dyip, iba naman sa siyudad ng Cebu dahil mga kombinasyon ng numero at letra ang nakalagay. Maagap naman niyang isinasaulo ang binigay na mga tagubilin ng kanyang tiyahin at tiyuhin. Kinakailangan niya ng ibayong ingat at presensya sa sarili gayong siya na lang sa Cebu. Bago ang lugar at hindi na kasama ang kaibigang si Ann.

'Kaya ko 'to. Gabayan mo po ako Lord,' dasal niya sa isip saka nilisan ang bahay.

Pinuno niya ng hangin ang kaniyang dibdib habang nakasakay na sa dyip. Manghang-mangha siya sa nagtatayugang mga gusali na nadaraanan niya dahil iba ito sa Davao. Napakaganda ng mga disenyo lalo na no'ng dumaan siya sa Cebu Business Park na mala-Makati o BGC sa elegance at class ng lugar. Gaya ng Davao ay may parte rin na masikip ang daloy ng trapiko.



MAAGA siyang nakarating sa SMBI dahil inagahan niya ang pag-alis para hindi ma-late sa unang pasok sa Cebu branch. Kaagad naman siyang binati ng mga kasamahan sa Accounting Department.

"Good morning Miss Ellaine! Welcome to Cebu!"

"Thank you everyone!"

Laking pasasalamat niya dahil hindi naman siya nakaramdam ng pagkaasiwa sa mga bagong kasama. Marahil ay pareho lamang ng lokal na linggwaheng gamit ang lungsod ng Davao at Cebu — ang Bisaya o Cebuano. Nakipagkwentuhan pa ito ang ilan sa kanya habang hinihintay ang head ng naturang department.

"Hoy Ganda, mag-iingat ka kay Sir L, may pagkastrikto kasi iyon," makahulugang wika ni Aileen sa kanya na katabi niya, ang isa sa mga nakilala niyang bagong kasama. "Palibhasa ay matandang binata iyon," dagdag pa nito na sadyang hininaan ang boses at nilibot muna ang paningin kung walang ibang nakaririnig sa kanila.

Napaawang ang kanyang bibig sa narinig.

"Kasi si Sir Leonard, palaging sawi iyan sa pag-ibig noong kabataan niya. Akalain mong kung hindi iniwan ng girlfriend ay nabuntis naman ang mga iyon sa ibang lalaki. Siguro noong nagpaulan noon ng kamalasan, nasalo ni Sir lahat iyon. Kaya iyan singkwenta y otso na ngayon ay single pa rin," pabulong at seryosong pagkukuwento nito sa kanya na pinakinggan lamang niya habang pinupunasan niya ang mesa at inaayos ang gamit.

Lihim na lang siyang natawa sa pagkatsismosa ng bagong kasama na napakabilis pang magsalita. Daig pa nito ang hinahabol ng kabayo. Tila siya tuloy ang hinihingal sa pakikinig.

Nagpatuloy ang kanilang kwentuhan ng ilang minuto nang may tumikhim sa kanilang likuran at pagkuwa'y nagsalita. Agad naman silang pumihit. Napatakip ng bibig si Aileen at dumilat ang mata dahil ang pinag-uusapang head ay nasa likuran na pala.

"Miss De Guzman, right?" tipid na tanong nito na nakatingin sa kanya. Hindi man lang nakitaan ng kaunting ngiti nito sa mga labi.

"Hi Sir Leonard, good morning!" Si Aileen iyon na tipid na tinugon lang ng tango ng ginoo.

"Ahm, yes Sir Leonard. Good morning po! I'm Ellaine de Guzman from Davao," masayahing tugon rito sabay ng marahang pagyuko. Tama nga si Aileen, seryoso ito.

"Yes I know it, come to my office right now," walang emosyon pa ring wika ng head at walang anu-ano'y nagpatiuna nang bumalik sa opisina nito.

Nagkatinginan lamang silang dalawang naiwan. Sinenyasan siya ni Aileen na sumunod na sa head. Parang nahintakutan tuloy siya sa inakto ni Mr. Leonard. 'Ellaine, kalma. Presence of mind always,' paghahamig sa sarili para matanggal ang kaba saka humugot nang malalim na hininga.

Tatlong katok ang ginawa niya bago pinihit ang siradura at humakbang sa gilid ng pintuhan. "Come in have a seat," tinig iyon ni Mr. Capon. Tumalima naman siya.

"Yes po, Sir?" mahinahong sambit niya. Ramdam niya ang pagpapawis ng mga palad niya.

"Ellaine, welcome to Cebu!" panimula ng ginoo. "Teka may dala ka bang durian?" usisa pa nito.

Bahagya siyang natawa sa narinig. Ang akala niya'y sobrang seryoso nito pero may pagka-palabiro rin pala. Sa hitsura nito ay hindi halatang singkwenta y otso. Makisig ang porma at pananamit na parang si Gabby Concepcion ang dating. Katamtaman ang tindig na nasa 5'8 sa kanyang tantiya. Naka-wax pa ang buhok nito. "Hmm wala po, Sir. Pero kung gusto niyo, dadalhan ko kayo pag makauwi ako sa amin sa Davao," nakangiting aniya.

Sumilay ang ngiti sa labi ng kausap na siyang kinagaan ng loob niya. "Oh I'm just kidding. Anyway, I believe you are highly capable with your assigned work, since Leah appointed you to be assigned here," turan nito na tinukoy ang dati niyang head sa Davao.

"Ahm, I think so, Sir." Tipid siyang ngumiti rito at napayuko.

"No, you should. If others believed in your capacity, then you must be the one to believe first in yourself. Kung magtutulungan lang tayo, then there's nothing hard to do," diretsong saad ni Mr. Capon na nagpaangat ulit sa kanyang paningin rito. "Welcome to the team!" Inilahad ang kamay nito sa kanya sabay ng pagtayo nila.

"Thank you, Sir!"

Nagpaalam na siya na babalik sa kanyang mesa nang tumunog ang telepono at sinenyasan siya na bumalik muna sa pagkakaupo.

"Hello Leah, good morning... Yes, she's already here... Yes we talked already and I can sense that she can handle well the new tasks to be assigned to her... Oh sure and thank you again! Kahit kailan ay maaasahan ka." Rinig niyang sunod-sunod na sambit ng bagong head. Palakad-lakad ito sa kanyang harap, pagkatapos ay ibinaba ang telepono.

"Well, that's Mrs. Leah Bautista. Kinukumusta ka lang niya."

"Oh okay, Sir."

Nagagalak siya na kahit wala na pala siya sa poder ng ginang ay inalam na nakarating siya nang maayos sa Cebu branch. Matapos ipinaliwanag ni Mr. Capon ang magiging trabaho ay bumalik na siya sa kanyang puwesto. Pinag-aaralan niya ang mga datos na binigay sa kanya dahil sa Cost Accounting siya ma-aasign.

Mayamaya ay nakapansin siya ng mabilis na mga yabag sa kanyang likuran. 'Di niya lang ito pinapansin at nagpatuloy siya sa pagharap sa computer.

"Ellaine?" Isang pamilyar na boses ang narinig niya buhat sa kanyang harapan. "Ellaine..." nakabibinging tili na nagpamulat sa kanya mula sa pagkatutok sa trabaho.

Nabigla siya sa nakita. Si Ayiez ito. Ang minsang nakaklase niya sa UM noon sa Marketing na subject.

"Ayiez? Ikaw ba yan?" paninigurado niya na pinagmasdan mula ulo hanggang paa ang kaharap na dalaga.

"Oo, may iba pa bang maganda, girl?" sagot nitong pinatirik pa ang mga mata at nakapamaywang.

Malaki na kasi ang pinagbago nito. Kung dati ay hindi ito nagmi-make up, ngayon naman ay con todo make up na. Ang dating wavy nitong buhok, ngayon ay naka-rebond na. Ang dating eyeglasses nitong suot, ngayon ay contact lens na.

"Syempre naman, Ganda. Sinong hindi magle-level up eh naka-jowa iyan ng Hapon," sabad naman ni Aileen.

"Tse! At least mayroon, eh ikaw wala," nakabusangot na wika ni Ayiez.



Napahagikgik na lang siya. "Sige na, mamaya na tayo mag-chika. Baka makita tayo ni Sir na walang ginagawa," saway niya sa dalawang kasama.

Pinag-aralang mabuti ni Ellaine ang mga bagong gawain niya. Ayaw niyang mapahiya sa bagong head. Mula sa recording hanggang sa paggawa ng report. Dahil sa pagtutok niya sa trabaho ay hindi niya napansing uwian na.

"Hoy girl, ano hindi ka pa ba uuwi? Five-thirty na," sita ni Ayiez sa kanya. Nasa harap na niya ito at nakasukbit na ang shoulder bag. Halatang naka-retouch na rin kasi kitang napakapula ng labi nito.

Agad naman niyang tiningnan ang orasang pambisig. "Okay saglit, i-off ko lang," aniya sabay turo sa PC. Inaya niya rin si Aileen na uuwi na pero nagpaiwan ito dahil may tatapusin lang para i-save na ang file.

"Girl, punta tayo ng Colon," pag-iimbita sa kanya ni Ayiez nang nasa palabas na sila ng building.

Napamaang siya. "Bakit anong mayroon sa Colon? Anong gagawin natin doon? Baka hahanapin na ako ni Tiya at Tiyo," sunod-sunod na angal niya rito.

"Ay! Gaga. Hindi ka naman bata. See, may trabaho na tayo," pangungumbinsi pa nito. Pasimpleng nagpabuga siya ng hangin at hindi sumagot. "Titingin lang naman tayo sa ukay-ukay at doon sa bilihan ng mga hikaw. Sige na," paglalambing pa nito na kinalawit sa kanyang braso ang kamay.

Napansin nga niyang may malaking bilog na fashion earrings ito.

"Oh siya sige, ililibre na kita," pang-aalok sa kanya dahil hindi pa rin siya kumibo. "At saka, i-text mo na rin ang tiya mo para hindi mag-aalala, sabihin mong pupunta lang tayo sa Colon. Para rin makapunta ka roon. 'Di ba bago ka lang dito sa Cebu?" dagdag pa nito nang tumapat sila sa waiting shed para mag-aabang ng jeep na masasakyan.

Wala na siyang nagawa kundi pagbigyan ang dating kaklase at ngayo'y katrabaho na. Gusto rin naman niyang mapuntahan ang lugar na iyon. Kung walang pasok na lang sana pero atat na ito. Mabilis na tinext ang tiya niya.

'Hala hindi ko pala na-text si Alex.' Napakagat siya sa kanyang kuko nang maalalang hindi ito na-text buong araw. Ilang saglit ay tumawag nga ang laman ng isipan niya. Saglit na ikinuwento niya ang unang pasok niya at saka nagpaalam na pupunta sa Colon.

"Thank you! Sige bye, My Love."

"Okay My Love, mag-iingat ka. Tatawag lang ako ulit mamaya. Text me when you're home. I love you."

Saka nawala sa linya ang kausap.

"Yiee. My love daw" gagad ni Ayiez. "May boyfriend ka na rin pala, girl?" Tiling-tili pa ito sabay hampas sa kanyang braso.

"Ikaw nga may darling din 'di ba?" pabirong balik-tanong niya rito. Saka sila nagtawanan.



GINALA ni Ellaine ang kanyang paningin nang makarating na sila sa Colon. Maraming tao ang nandoon — sa kalye at mga establisimiento. Ito ang pinakaunang kalye sa buong Pilipinas at tinaguriang sentro ng kalakalan sa Cebu.

'Wow! Nakapunta na rin ako dito sa wakas,' lihim siyang namangha.

Nang pumasok sila sa isang mall ay pumunta sila sa mga bilihan ng hikaw, not gold but fashion only. Tiningnan lang niya si Ayiez na masayang nagsusukat ng mga dangling earrings.

"Ano girl, bagay ba sa 'kin?" tanong pa sa kanya. Nag-thumbs up siya rito kahit sa kaloob-looban niya ay pangit tingnan. Hindi siya sanay magsuot ng ganoon.

Kinuhanan siya nito ng dangling earrings din na kulay orange. May bilog-bilog na malaki at maliit ang mga nakasabit dito. "Ayan, bagay sa 'yo" tuwang saad ni Ayiez na idinaiti pa sa kanyang tenga ang kinuhang hikaw.

"Hala, hindi ba—-

"Op-op-op," saway sa kanya ng kasama. "Ellaine, i-try mo ring mag-ayos. Para naman hindi ka mapag-iwanan ng panahon. Para mas lalong yummy ang beauty natin," anitong kumindat at napakagat ng ibabang labi. Pinagdiinan pa nito ang salitang yummy.

Natawa na lang siya at pumayag, total ay libre naman nito ang pinamili nila. Pagkatapos nila ay pumunta sa kasunod na puwesto, ang ukay-ukayan. Kagaya kanina ay mapilit pa rin si Ayiez at pinamilhan pati siya ng mga maiikling maong shorts at tank tops pati na rin above-the-knee bodycon halter dress.

"Yiez, salamat dito ha," pasasalamat niya rito matapos ang halos isang oras na paglilibot, bitbit ang kani-kanilang plastic cellophane.

"Sus! Ano ka ba? Maliit na bagay!" pagmamalaki pa nitong sagot, sabay palipad sa likod ang buhok.

Nang tumawid na sila sa daan ay hindi napansin ni Ellaine na may nakasunod sa kanila.

****************************************

Featured song: 'Di Ba't Ikaw
By: Jessa Zaragosa

SHARE. VOTE. COMMENT

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top