CHAPTER 20 🌾
'EXCUSE me boss, you have a text message.'
Dinig na message alert tone ni Alex sa mula sa kaniyang cellphone. Sampung minuto bago mag-aalas diyes ng gabi nang sinipat niya ang oras mula sa screen niyon na nakapatong sa bedside table. Biglang umaliwalas ang kanina'y nalulungkot niyang mukha. Tatlong beses na niyang tinext si Ellaine, tatlong oras na ang nakalipas subalit walang reply. Napagpasyahan na lang muna niyang manood ng National Geographic sa cable TV sa loob ng kaniyang silid.
Hindi siya mapakaling walang nakuha ni isang reply man lang sa nobya. Hindi rin naman siya dinalaw ng antok. Alam niyang party nito ngayong gabi kaya't ayaw din niyang makadistorbo.
Hi my luv! Sowi l8 repz. Krrting lng nmin s apt. Help me my luv plz. :-(
Basa niya sa text mula kay Ellaine. Napasapo siya sa noo. Batid niyang may problema ito kaya minabuti niyang tawagan para makausap. Pasalampak siyang umupo pabalik sa couch habang dinadayal ang numero ng dalaga. Mabuti at sinagot agad ang kaniyang tawag.
"H-hello," garalgal na boses ni Ellaine sa kabilang linya.
"Yes My Love, anong problema? Kumusta ang party ninyo?" nag-aalalang boses niya.
Hindi agad nakasagot si Ellaine. Mayamaya ay narinig niyang sumisinghot ito. Ramdam niyang humihikbi ito kasi wala namang sinabing sinipon ito.
"My Love, ano ba kasi ang nangyari? Share it to me naman kasi 'di rin ako mapakali rito kapag ganyan kang tahimik lang. Pleaaase," sumamo ni Alex.
"E-eh kasi sinampal ako ng isang kasamahan ko sa trabaho. May gusto pala siya sa isang kasama namin na nanligaw sa 'kin kamakailan lang," naiiyak na boses ng dalaga. "Kaya nga tinanggihan ko kanina ang alok niyang pag-ibig kasi ikaw... ikaw lang ang laman nitong puso ko, Alex. Ikaw lang ang sinisigaw nito, kahit hindi pa man tayo nagkikita."
Halos matunaw ang puso niya sa sinambit ng dalaga. Ganoon pala siya kamahal nito na kahit may ibang nanliligaw at nakasama pa sa personal ay siya ang pinili, kahit pa man sa ilang milyang layo nila. Sa mga sandaling iyon ay gusto niyang yakapin nang mahigpit si Ellaine para mapawi ang kalungkutan nito.
"My Love, I love you so much! Hindi ko sasayangin ang pagmamahal na ibinigay mo sa 'kin. Iingatan ko ang tiwala mo. Tahan na ha," pangongonsola niya sa nobya. "Ano ba ang pangalan ng babaeng iyon?" matigas na tanong niya.
"Huwag na My Love. Kahit sasabihin ko pa ay wala ka rin naman dito. Hayaan mo na," himig-nagtatampong turan ni Ellaine.
'Ellaine, gustung-gusto kitang ipaglaban pero hindi pa napapanahon,' nasaisip niya.
"Okay sige, magpahinga ka na diyan ha. Si Ann nga pala?" -Alex
"Nandito nakatulog na. Naparami ng inom." -Ellaine
"So hindi niya tayo maririnig pag ehem?" -Alex
Mahinang tumawa ang dalaga sa kabilang linya. "Hmm alam ko nasa isip mo My Love. Magpakita ka muna," malambing na sagot ni Ellaine.
Hindi siya umimik. Mayamaya'y tumikhim at nagsimulang umawit para sa kasintahan...
Tulog na, mahal ko
Hayaan na muna natin ang mundong ito
'Lika na, tulog na tayo
Nagpatuloy lang siyang kumakanta. Batid niyang nakikinig lang si Ellaine sa kabilang linya. Kahit sa ganoong paraan ay maibsan niya ang nararamdamang lungkot nito.
Tulog na, mahal ko
At baka bukas, ngumiti ka sa wakas
At sabay natin harapin ang mundo
Saka tinapos niya ang kantang iyon na "Tulog Na" ng Sugarfree, bago siya nagpaalam dito. "Goodnight My Love! Matulog ka na. I love you, sweet dreams muaah!"
"I love you too, My Love! Thank you so much! Huwag kang magpuyat ha. Muah!"
Dinig niyang paalam ng nobya.
PAGKABABA ni Ellaine sa taxi ay inalalayan niya si Ann. Sandaling nakaidlip pa ito kanina habang nasa biyahe sila pauwi.
"Haay Friend ito na nga ang sinasabi ko, ang dami mong nainom kanina," angal niya sa kaibigan habang papasok na sa gate ng kanilang apartment. "Paano na lang kung tayo ang dalawa ang nalasing?" patuloy na wika niya.
"Friend, I know you —can—not do— that. You— are— such— a— good— girl," tugon ni Ann na lumabas na ang pagka-Inglesera with British accent pa. Paekis-ekis na ang paglalakad papunta sa kanilang silid habang nakaakbay sa kaniya. Muntik nang mabuway ito nang saglit niyang bitiwan para buksan ang nakakandadong tarangkahan.
Pagkapasok sa kwarto ay dire-diretsong humiga na si Ann sa kaniyang kama. At pagkatapos ng isang minuto'y humihilik na ito.
Napailing na lamang siya sa kaibigan. Maingat na hinubad niya ang suot nitong five-inch black stilettos. Pinatigilid para maibaba ang zipper na nasa likod ng suot nitong silver spaghetti strap long gown.
Tiningnan muli ang sarili sa salamin at doo'y malayang pinakawalan ang mga luhang kanina pa pinipigilan. Sapo ang kaliwang pisngi na sinampal ng babaeng lagpas-langit ang inggit sa kaniya.
'Kapag sinampal ka isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit.' Naalala pa niyang homiliya ng pari nang nakaraang Linggo.
'Lord, ang hirap pong magpakumbaba. Bigyan Niyo pa po ako ng karagdagang lakas at unawa para sa mga bagay na hindi ko pa lubos na nauunawaan,' dasal niya habang umaagos ang luha sa pisngi.
Naalala niyang i-text si Alex matapos makapagbihis at mahimasmasan.
Hi my luv! Sowi l8 repz. Krrting lng nmin s apt. Help me my luv pls. :-(
Text niya sa binata. Nakahiga na siya sa itaas na bahagi ng deck dahil nauna ng nakahiga sa baba si Ann, sa kama niya. Nakadapang hawak-hawak ang cellphone niya.
Wala pang isang minuto ay tumunog ang kaniyang CP hudyat na may paparating na tawag. Alam niyang si Alex na ang tumatawag. Mabilis na sinagot niya at parang batang nagpasaklolo sa sinapit niyang kahihiyan kanina sa party. Naikwento niyang lahat iyon kay Alex. Hindi siya nagkakamali, ramdam niya ang pag-alala ng nobyo. Gumaan ang pakiramdam niya nang makausap ang lalaking mahal. Tinanong pa nito kung sino ang babaeng lumapastangan sa kaniya.
Higit sa lahat ay ang pag-alay ng binata ng awitin sa ere. Napakaganda ng boses nito kapag umaawit. Pakiwari niya'y isa siyang sanggol na hinihele sa duyan. Hindi maitatagong mas lalong umusbong ang nararamdaman niyang pag-ibig para sa malayong nobyo. Hindi niya namalayang naglandas na ang mga luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Mga luha ng kasiyahan. Isa pa sa mga paborito niyang kanta iyon mula sa isa sa mga paboritong Pinoy rock band niya, ang Sugarfree.
'Thank you Lord. Alam ko pong 'di Niyo po ako bibigyan ng problemang hindi ko makakaya. Ang sarap nang may nag-aalala at nag-aalaga sa 'kin,' mahinang dasal niya bago nakatulog.
"FRIEND, sure ka na ba rito sa gagawin mo?" usisa ni Ann sa kaniya kinabukasan.
Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Tiningnan sa mga mata ang kaibigan saka tumango, "Yes, Friend."
Kasalukuyang tinalunton nila ang pasilyo papunta sa silid kung saan naka-confine si Janiz. Nag-text kasi si Raymond sa kaniya kaninang madaling araw. Malamig ang loob ng ospital pero nakaramdam siya ng pagtagaktak ng malapot niyang pawis.
Kinalabit siya ni Ann na ikinahinto nila sa paglalakad. "Friend saglit, ito na ang room two-one-four Ward C," usal ni Ann habang nakaturo sa room number sa itaas ng pintuhan. Naalala nito ang sinabi ng receptionist kung saan naroon ang pakay nila. Biglang may umahong kaba sa dibdib niya.
Nakita nilang may lumabas na nurse na nagmula sa silid. Ilang saglit pa ay itinaas niya ang isang kamay na humarap kay Ann.
Nababaghan ang kaibigan sa kaniya, "Bakit Friend? Ikaw lang ang papasok?" nananantiyang tanong nito. "Gusto kong sabunutan ang babaeng iyon bilang ganti sa ginawa niya sa iyo," nagngingitngit ang mga mata nito sa galit, kuyom ang kamao.
Napailing siya. "No Friend, masama ang gumanti. Kailangan na munang pakinggan natin ang side niya. Baka mainit lang ang ulo niya kagabi. Don't worry, I can handle. Maupo ka lang muna dito sa upuan sa labas," mariing turan niya. "At kung kailangan ko ng resbak, nandito ka lang naman, 'di ba?" paninigurado niya sa kaibigan.
"Ayan ka na naman sa huwag gumanti. Kaya ka minamaliit ng ibang tao eh," sermon ni Ann sa kaniya. "Oo naman. Isang sipol mo lang, reresbak agad ako. Dadaan muna siya sa mala-bakal kong kamay bago ka niya masasaktang muli," pagmamalaki pa nito habang sumusuntok-suntok sa kawalan na animo'y si Mommy D.
Napahalakhak na lang siya sa inasta ng kaibigan. Alam niyang hindi siya iiwan nitong mag-isa sa gitna ng kaniyang mga pagsubok sa buhay.
.
.
.
Naalala niyang noong Grade Three pa nila ay minsang inaway siya ng kaklase. Sinabunutan siya sa 'di malamang dahilan. Iyak nang iyak siya nang biglang dumating si Ann at dinamba agad nito ang kaklaseng umaway sa kaniya.
"Friend tama na, nandito lang ako," pangongonsola nito sa kaniya habang niyayakap siya.
Napag-alaman nilang dahil sa inggit pala dahil hindi siya mauungusan nito sa klase. Siya kasi palagi ang First Honor mula Day Care kaya iyon ang nagbunsod na apihin siya ng kaklase.
'Ang inggit ay maihahalintulad sa isang kanser na unti-unting pumapatay sa sistema, sa kaligayahan ng isang tao,' napagtanto niya.
.
.
.
Nang magbalik siya sa kaniyang diwa ay kumatok sa pintuhan nang tatlong beses. Kapagkuwa'y marahang pinihit niya iyon.
Agad niyang nabungaran si Janiz na nakahiga sa pinakadulong bahagi ng silid na tantiya niya'y natutulog. May nakakabit nitong dextrose at medyo nanamumutla pa. Tatlong pasyente ang naroon ngunit may privacy naman ito dahil sa napaghihiwalay ng dingding. Malinis din ang silid at airconditioned kahit pa ward accommodation ito. Si Raymond naman ay mahimbing ding natutulog sa mahabang de-kutson na upuang katabi ng kama.
Bigla siyang nanlumo nang makita ang kalagayan ng babaeng kasama. May nagbabadyang luha sa kaniyang mga mata nang mataman niyang tinitingnan ito.
Nasa ganoong aktwasyon siya nang napabalikwas si Raymond. "Oh Ellaine nandito ka na pala. Maupo ka."
"Salamat."
Ilang saglit pa ay narinig nilang umuungol si Janiz na pabaling-baling ang mukha. Dahan-dahang iminulat nito ang mga mata. "Nasaan ako?"
Kaagad niya itong nilapitan. "Janiz, nasa ospital ka ngayon. Relax lang," pang-aalo niya rito.
"Ang baby ko? Anong nangyari sa baby ko?" nag-aalalang tanong nito habang nakahawak at nakatingin ito sa impis na tiyan.
Nagtinginan lang sila ni Raymond sa inakto ni Janiz. Kapwa naguguluhan kung anong isasagot. Ilang saglit pa'y may dumating na babaeng suot ang white coat at may nakasabit na aparato sa leeg.
"Good morning! I'm Dra. Emmylou Galvez, the attending OB-Gyne of Miss Cullamat," nakangiting pagpapakilala nito na tinutukoy si Janiz. "I'm here to tell you the condition of the patient," bumuntong-hinga ito bago nagpatuloy. "Are you the husband of the patient, Mister?" nakangiting baling nito kay Raymond.
'Di pa man nakasagot si Raymond ay agad itong nagpatuloy. "Marami rin ang nawalang dugo ng pasyente. Mabuti at mabilis niyo siyang naitakbo rito sa ospital, because that would be an immediate cause for the miscarriage. Well, in this case, I was so amazed, ganoon kalakas ang kapit ni baby," mahabang paliwanag ng doktora.
"Doc, what do you mean po?" mahinang tanong ni Janiz.
"Ma'am Janiz, you're baby is safe now. You just need to take a lot of rest to regain your strength and take the prescribed medicines. You have to avoid stress if you want your baby to be delivered on its full term," payo ng doktora na hinaplos pa ang kaliwang braso nito. "And to you Mister," baling naman nito kay Raymond, "bantayan mo si Misis. Huwag ipa-stress. Treat her like a queen as if she's carrying your soon-to-be-princess or prince. Having an exhausting work is not good for her. Okay?"
Naguguluhan man ay napatango na lang si Raymond.
"Thank you so much Doc," bulalas ni Janiz. Bakas ang tuwa sa mukha nito nang marinig ang magandang balita.
Pagkatapos ay lumisan na ang doktora at silang tatlo na lang ang naiwan sa kwarto.
Napangiti si Janiz habang nangilid ang mga luhang tinitigan si Raymond. "Ray, thank God at buhay ang anak natin."
"Janiz wait, how can you say so na akin iyang batang dinadala mo?" Si Raymond.
Napangiting lumuluha si Janiz. "Raymond, hindi mo na ba talaga naalala?"
Mas lalong naguguluhan si Raymond at napailing.
Samantalang pinakikinggan lang niya ang seryosong pag-uusap ng dalawa. Tahimik lang siyang nakaupo sa sulok.
Pinahid ni Janiz ang mga luha saka nagpatuloy. "Limang buwan ang nakaraan noong birthday ni Ma'am Leah. Inimbitahan tayong mga ka-empleyado noon sa kanilang bahay para sa salu-salo. Habang masaya kaming nag-videoke noon ng mga kasamahan natin ay napansin kitang malungkot, patuloy na tumutungga ng alak kasama ng ilang lalaking officemates. Hanggang sa naikwento mo ang sama ng loob mo, ang hinanakit mo sa heartbreak ng ex-girlfriend mo. Nag-uunahang tumutulo ang sipon at luha mo noon. Pinagtawanan ka pa nga nila noon ngunit wala kang pakialam at ibinuhos mo ang lahat ng galit sa alak na parang wala nang bukas. Bagay na lubos kong ikinahabag sa iyo.
"Ray, panyo oh, gamitin mo muna," alok ko noon sa'yo. Magiliw mo iyong tinanggap at nagpatuloy ang kasiyahan hanggang sobrang lasing ka na. Nang hindi mo na kayang umuwi ay nag-volunteer akong samahan kita dahil magkasunod lang ang baranggay na tinitirhan natin.
"Tapos?" usisa ni Raymond.
"Pagkatapos kitang maihatid sa tinutuluyan mong apartment ay doon na nangyari." Nakayuko si Janiz.
"Jan, I w-want to forget the pain, k-kahit na ngayong gabi lang, ang huling nasambit mo bago natin—-,"
"Okay, enough. That's enough. I-I'm sorry kung nangyari iyon. Pero nandiyan na iyan, nagbunga na isang gabing pagkakamali," palatak na wika ni Raymond na hinilot-hilot ang kaniyang sentido.
Hindi niya namalayang tumulo na ang kaniyang mga luha sa mga narinig. Kaya pala ganoon na lang ang galit sa kaniya ng babae dahil sa magkakaanak na sila ni Raymond. Ang panliligaw ng huli sa kaniya ang sobrang nakapagpadismaya kay Janiz.
"Ellaine," tawag ni Janiz sa kaniya at sinenyasan siyang pumunta sa tabi nito. "Patawarin mo ako sa nagawa ko sa—"
"Shhhh alalahanin mo ang sabi ng doktor, bawal ma-stress, bawal malungkot. It's okay, naintindihan ko ang pinagdadaanan mo. Sa ngayon, mas mabuting pag-usapan niyo na muna ni Raymond." Nakangiting ginagap niya ang mga palad nito, saka nagpaalam.
"ANG WALANG hiyang babaeng iyon," matigas na wika ni Ann. Nasa labas sila ng isang food stall malapit sa parke kung saan kumakain sila ng preskong bunga ng durian at umiinom ng malamig na softdrinks.
"Friend, tama na. May pinagdadaanan iyong tao kaya niya iyon nagawa," paliwanag niya sa kaibigang nag-aalburuto. "Hindi ba sabi nga, 'Forgive seventy times seven.' Oo napakahirap niyan pero isipin na lang nating ang Diyos Ama ay nakapagpapatawad sa ating lahat na makasalanan. Hindi ba nararapat lang na patawarin din natin ang ating kapwang nagkakasala sa atin?"
"Amen sister!" gagad naman ni Ann sa kaniya na pinagsilahop pa ang mga palad nito at sinundan ng malutong na pagtawa.
Tumawa na lang siyang napailing. "Hay ikaw talaga."
"Pero Friend, maiba tayo. May sasabihin ako sa 'yo," seryosong wika ni Ann.
"Ha? Ano iyon?" kunot-noong tanong niya.
************************************
Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. - Lucas 6:29 (Magandang Balita Biblia)
Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, "Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?" Sinagot siya ni Jesus, "Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. - Mateo 18:21-22 (Magandang Balita Biblia-Revised)
Featured song: Tulog Na
By: Sugarfree
SHARE. VOTE. COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top