CHAPTER 17 🌾
'ISA KA NA lang talaga. Sa susunod na magti-text ka pa ay papatulan na talaga kita. Strike two ka na,' tiim-bagang si Ellaine na bumulong sa sarili. Diniinan pa ang pagkagat sa bayabas. Dito na lamang niya ibinaling ang kaniyang galit. Tatlong hinog na may katamtamang laki ng bayabas ang naubos na niya.
Dinala siya sa malalim na pag-iisip. Hindi niya namalayang malapit nang magtakipsilim. Nababanaag niya ang pinaghalong kahel at abong kulay ng kalangitan. Nabibighani siyang pinagmasdan iyon.
Nakapangalumbaba siyang nag-isip, 'Kung nandito ka lang sana Alex, sabay-sabay nating pagmasdan ang napakagandang paglubog ng araw.
Para maibsan ang kalungkutan ay tinext niya ang nobyo. 'Gudevz my luv! Eat n u. Mg eat n rn me mya2.'
Mayamaya ay tumunog ang message alert tone ng cellphone niya. Mabilis niyang binasa ang mensahe. 'Gudevz 2 my luv... yez i will eat n awyl. Pkbusog u ha?!'
Napangiti siya sa mensahe at inilagay ang cellphone sa dibdib niya, nangagarap sa kawalan. Mayamaya pa'y biglang umaalog ang punong inaakyatan niya. Nagising siya sa tila malalim niyang panaginip.
"Ate, bumaba na po kayo. Kakain na tayo sabi ni Inay," tawag ni Erica mula sa ibaba sabay yugyog sa puno. Buti at kabisado na niya ang pagbabalanse sa itaas habang nakaupo kundi ay sa baba siya pupulutin.
Ipinasok sa bibig ang huling kaunting piraso na natitira saka sumagot, "Oo na, bababa na ako."
"ANG SARAP nito Nay, hmmm," pang-aamoy niya sa bagong lutong law-uy na nasa kolon pa.
"LAW-UY"
Inihanda na niya ang anim na platong sartin at limang kutsara sa mesa. Ang nanay naman niya ang nagsasandok ng kaning mais, law-uy, inihaw sa sapsap (uri ng tuyo) at ginisang puso ng saging. Naghiwa rin ang tatay niya ng dalawang malalaking hinog na papaya.
Tapat ng alas sais ng gabi ay tapos na silang maghapunan. Madilim at tahimik na ang paligid. Wala pang kuryente sa kanilang bayan. Tanging mga kuliglig na lang ang maririnig at ang minsang pagtatahol ng mga aso sa may kalayuang mga kapitbahay.
"Jun, sindihan mo na ang gaspin (gasera)," abot ng tatay niya sa kapatid matapos malagyan ng gaas. Mabilis na tumalima ito. Si Erica naman ay unang tumungo sa silid bitbit ang isa pang gaspin. Naglapag ng banig sa tablang kahoy na sahig. Isinunod ang paglagay ng mga kumot at unan. Nagsabit din ng kulambo para sa tatlong malilit na kwarto. Magkatabi silang matutulog ni Erica sa iisang silid, sa kabila naman sina Jun-jun at Dennis at sa isa pang kwarto para sa ina at ama niya.
Nakahiga na silang lahat nang tumahol ang mga alagang aso. "Enrico, tingnan mo nga kung may bisita bang paparating," dinig niyang sambit ng ina buhat sa kabilang silid.
Dahan-dahan rin siyang bumangon at sinundan ang Itay. 'Sino kaya ang bibisita gayong gabi na?' tanong niya sa sarili.
"Noy magandang gabi po, nandiyan si Ellaine? Gusto ko lang sana siyang makausap," dinig niya sa pamilyar na boses mula sa kanilang bakuran. Pababa na siya sa apat na baitang na hagdan nila.
Bitbit niya ang flashlight ay pinuntahan niya ang kinaroroonan ng tatay niya at bisita. Pamilyar ang pigura ng lalaking nakaupo sa kanilang bahay-kubo na nakatagilid. Nang itinaas nito ang dalang petromax ay saka niya naaninag nang mabuti kung sino iyon.
"J-eorge!"
"Hi, Ellaine!" masiglang bati nito.
"Okay 'Nak, Jeorge, maiiwan ko muna kayo rito ha," sabad ng tatay niya at pumanhik na ito sa loob ng bahay.
"E-llaine ah—,"
"Jeorge, kailan ka nakauwi dito sa atin? Kami ni Ann kanina lang," masayahing pangunguna niya. Umupo siya sa tapat na upuan ng pabilog na bahay-kuho nila.
Si Jeorge ay kababata at kaklase noon sa elementerya. Kapitbahay din nila ito ni Ann. Siya ang Valedictorian samantalang ito naman ang Salutatorian ng kanilang batch. Kung noon ay payatot ito at lampa kung tuksuhin ng mga kaklase, ngayon nama'y may malaking pagbabago na pisikal na kaanyuan nito. Matangkad na ito at pormado na ang katawan. Halata ang malalapad na dibdib at flat na tiyan na animo'y nagdyi-gym sa suot na puting manipis na t-shirt.
Nabalitaan rin niyang naging ganap na itong Electrical Engineer at topnotcher pa sa kasalukuyang bar examination. Taglay nito ang maitim at kulot na buhok, malamlam na mga mata at mahahabang pilik-mata na mas lalong nagpapagwapo nito.
Tiningnan siya nito sa mga mata niya. Halata ang paghanga rin sa kaniya. Kung dati siya ay sipunin at yagit, ngayon ay may balingkinitang katawan at mahabang tuwid na maitim na buhok. Hindi nakapagsalita agad ang binata. Unang binasag niya ang katahimikan.
"Hoy Jeorge, ano ba magtitigan na lang tayo rito?" maang na tanong niya sabay wagayway ng isang kamay niya sa harap ng lalaki. "Sa pagkakaalam ko ay wala naman akong utang sa'yo," dagdag pa niya sabay halakhak.
Umikot ito at tinabihan siya sa pagkakaupo. Marahan nitong ginagap ang isang palad niya. "A-ah El-laine ka-si... ka-si gusto kita," masuyong turan nito. Napatda siya sa kaniyang kinauupuan. Akala niyang bading ang kababata dahil noon ay kalaro pa nila ni Ann ito ng chinese garter at jackstone. Nakikipaghabulan at kasama rin nilang naglulutu-lutuan gamit ang mga dahon ng mga halaman.
Mabilis na piniksi niya ang kaniyang kamay. Walang nakapagsalita ulit sa kanilang dalawa. Ilang segundo ang nakalipas. "Hay naku Jeorge! Bakit mo ba ako binibiro ng ganyan matagal nang lumipas ang April uyy!" maang na tugon niya sabay hampas sa braso nito.
Hinarap siya nito bago nagsalita ulit at mataman na tiningnan siya sa mata. "Ellaine, noon pa man ay gusto na kita. Naging totoo sa 'kin ang biro ng mga kaklase natin dati noong tinutukso nila tayo. Pero wala akong lakas ng loob na magtapat sayo kasi mga musmos pa lang tayo noon. Ngayong graduate na tayo at may trabaho na ako ay sapat na para may maipagmamalaki ako sa'yo," mahabang paliwanag ng binata.
Nabigla siya sa pagpapahayag ng binata. Kung tutuusin ay 'di mahirap mahalin si Jeorge. Matulungin sa mga magulang, masipag, masinop. Kung sa panlabas na kaanyuan ay 'di rin ito mahuhuli. Naguguluhan siya sa sitwasyon pero isa lang ang natitiyak niya. Si Alex ang pinakamatimbang sa tatlong manliligaw.
Naalala niya ang bilin ng kaibigang si Ann. 'Be frank and honest. Mas mabuting masasaktan tayo sa katotohanan kaysa magsasaya tayo sa kasinungalingan.'
Nang makahuma siya sa sarili, "Jeorge, listen. Hindi ka mahirap mahalin. Sa katunayan ay mahal din kita— mahal bilang isang kaibigan at walang makapagpabago no'n. Tayo pa rin ang mag-bestfriends ni Ann," pang-aalo niya sa kababata. "Remember: Salamin, salamin sa aming dingding. Ipakita mo sa amin ang prinsipeng magiting," paalala pa niya sa magic words nilang magkakaibigan.
Hindi nakaimik si Jeorge. Bakas sa mukha ang pagkadismaya. Naawa siya nito ngunit kailangan niyang maging tapat para 'di rin ito aasa sa wala.
Bumuntung-hinga ito bago nagwika, "Okay, Ellaine. Kung iyan ang desisyon mo ay nirerespeto ko. Sige lang, baka balang-araw ay magbabago pa ang isip mo." Halata ang pait na ngiti at napansin niyang nangilid ang luha sa mga mata nito. Tumalikod agad at saka nagpaalam nang umuwi.
'Lord, pataawarin niyo po ako," sambit niya nang naiwan siyang mag-isa. 'Di niya napansing dumaloy na rin ang luha sa pisngi niya.
"FATHER JOEY, good morning po!" sabay silang nagmano ni Ann sa paring magmimisa sa kanilang kapilya. Pista ngayon ng patron nilang si San Francisco de Asis.
Malapad ang ngiti nitong tumugon sa kanila, "God bless you mga anak."
Nagsuot siya ng peach sleeveless A-lined dress na lampas tuhod konti na pinaresan ng two-inch beige block heels sandals. Itinirintas ang maitim na mahabang buhok. Naglagay din ng kaunting pressed powder at blush on. Huling nilagay ang pinkish red glossy lipstick. Sapat nang lilitaw ang kaniyang simpleng kagandahan.
Puno ng parokyano ang kanilang munting kapilya. Lahat ay nagsipagdalo sa misa. Naglatag pa ng mga dagdag na upuan sa labas. Gawa sa kahoy at yero ang kapilya nila. Walang kisame at may mga upuang pahaba sa loob na gawa rin sa kahoy. Masaya ang mga batang naghahabulan pa sa labas habang ang mga nakatatanda ay nakaupo na sa loob. Ang ibang ginang ay namamaypay gamit ang abaniko.
Nang makapasok na si Father ay hudyat na para simulan ang misa. Umupo siya sa harap dahil siya ang nakatakdang kakanta ng Salmo Responsoryo. Habang si Inay naman niya ay katekista; si Itay niya ang gitarista.
Kon karon makadungog kamo sa Iyang tingog
Ayaw patig-aha ang inyong mga kasing-kasing.
(Kung maririnig ninyo ang Kaniyang boses ngayon
Huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.)
Unang bwelo ni Ellaine sa Salmo Responsoryo. Nakatingala sa kaniya ang mga parokyano nang nagsimula na siyang umawit. Hindi maipagkakailang nagaganahan silang pakinggan ang malamig na tinig niyang mala-Carol Banawa. Sa isang sulok ay nakita niyang matamis na nakangiti si Jeorge. Nginitian niya lang din nang walang malisya.
Kahit na mabilis lang ang ginawang praktis nila kanina bago magsimula ay mabilis niyang naisaulo ang tono. Sanay na siyang nagbabasa o umaawit pag may misa o simba tuwing Linggo sa kanilang kapilya. Maging sa paaralan nila ay siya rin ang suking tagabasa o taga-awit.
Pari: "And the peace of the Lord be with you always."
Parokyano: "And also with you."
Pari: "Go in peace to love and serve the Lord."
Parokyano: "Thanks be to God."
Matapos ang misa ay masayang binati si Ellaine ng mga dating kaklase, kaibigan at mga kapitbahay. May nagpaabot pa ng regards o pangungumusta ang ilang mga lalaking inirereto siya sa kanilang mga kaibigan. Umiling sabay ngiti na lamang siya.
Nagiging abala sila ni Ann at ibang youth leaders sa pag-aasikaso sa tanghalian kasama ang ibang opisyales ng baryo nila at si Father Joey. Naghanda sila sa mahabang mesa na nasa labas ng kapilya. Mainit man ngunit mahangin din ang paligid. Iyon ang nami-miss niya sa bukid, ang sariwang hangin. Adobong baboy, kalderetang baka, paklay na kambing, sinuglaw (pinaghalong inihaw na baboy at kinilaw na isda) at litsong baboy ay ilan lang sa mga inihandang pagkain nila na kanilang pinagsaluhan. May suman at biko rin para makompleto ang salu-salo.
Pagkatapos nilang kumain at magligpit ay dinukot ni Ellaine ang CP mula sa kaniyang maliit na puting shoulder bag.
2 unread messages
Unang text ay mula kay Alex. 'Hi my luv. D2 lng me s hauz nw. Eat ur lunch l8r. Luv u mwah :-) Napangiti siya nang mabasa ito.
Ikalawang text ay kay Raymond: Helo Ellaine gudam! Hapi Sunday! Tccic! ;)
'Haay Raymond, sasabihin ko rin sa'yo ang totoo. Pag handa na ako.'
Nireplyan niya ang nobyo at ibinalita na pista sa kanila ngayon. Samantalang, matipid lang na 'tnx' ang tugon niya sa mensahe ni Raymond.
Nag-text-text pa sila ng nobyong si Alex nang kinalabit siya ni Ann. "Friend, bili tayo ng sorbetes oh," untag nito sa kaniya na tinuro ang papalapit na pushcart ng mamang sorbitero. Pinapatunog ito gamit ang kalembang.
"Noy, tigtatatlong flavors po sa amin. Strawberry, chocolate at vanilla. Bale tig-iisa po kaming dalawa," pagtuturo pa ni Ann nang matapat sa kanila. "Noy pasobra naman diyan oh," sumamong hirit pa ng kaibigan.
Dinilatan niya si Ann ngunit 'di ito nagpatinag.
"Oo ba, basta kayo," walang pag-aalinlangang pinagbigyan ng tindero ang request ni Ann.
At masaya silang dumidila ng sorbetes. Inaalala ang kabataang kay sarap balikan.
"ATE, sa susunod na linggo ay mid-term na namin," malungkot na saad ni Jun-jun.
Ngumiti siya at tinapik ang balikat ng kapatid. "Huwag kang mag-alala, naibigay ko na kay Inay ang pang-tuition fee at allowance mo, pati pambayad mo ng boarding house," pagbibigay-alam niya sa kapatid. Agad namang lumiwanag ang kanina'y nakabusangot na mukha nito.
Pumalakpak pa ito sa tuwa, "Talaga po ate? Wow maraming salamat! Mag-iingat po kayo ate ha."
"Hmm basta pagbutihin mo ang pag-aaral mo para may future teacher na tayo," payo niya kay Jun-jun. Saka bumaling siya sa mga magulang at dalawa pang mga kapatid. "Aalis na po kami Nay, Tay," paalam niya sabay mano ng kamay. "Erica, Dennis, 'wag magpasaway kina Inay at Itay ha."
Isinukbit ang backpack at saka kumaway sa kanila. Umangkas sila ni Ann sa motorsiklo pabalik na sa siyudad.
*****************************************
Image source: Seemit.com via Google
Featured song: Tunay na Pag-ibig
By: April Boys
[Dapat mayroong isang GIF o video rito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]
SHARE. VOTE. COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top