CHAPTER 15 🌾
BIGLANG kinabahan si Ellaine nang masipat na may matamang nakatingin sa kaniyang likuran. Pumasok sa isip niya ang nag-text na unknown number na may masamang pananalita na itinapat pa sa kaarawan niya.
'Kung sino ka man, magtapatan tayo sa personal kaysa sa text. Total ay wala akong masamang ginawa sa'yo,' bulong niya sa isip.
"Ellaine, saglit," gilalas ng katrabaho buhat sa likuran. Tinig iyon ng isang babae. Inihanda na niya ang kaniyang sarili bago pa man lumingon sa kaniyang likuran. Aalamin niya rito kung bakit siya tinawag na malandi na wala naman siyang nilandi.
"Oh ano nga—-"
"Ellaine, may tagos ka. Ito oh may panyo ako. Takpan mo na," mahina ngunit mariin na turan ni Dianne. Isa rin sa kanilang kasamahan sa Accounting Department. Cost Accounting naman ang hawak nito. Binigay ang dala nitong panyo na agad naman niyang tinakip sa puwitan niya.
Namula siya sa hiya at namilog ang mata niya sa gulat. Dahil sa pagiging abala niya kanina ay 'di niya namalayang may buwanang dalaw siya. Ang akala niyang iyon na ang misteryosong nag-text sa kaniya ngunit 'di pala.
"Salamat!" tanging sambit niya.
Sabay na silang apat na nananghalian sa canteen: siya, si Ann, Raymond at Dianne. Nagkukwentuhan pa sila at nalamang mabait din si Dianne. Ngayon lang nakahanap ng pagkakataon na lapitan siya. Magkakapareho din pala sila ng alma mater sa kolehiyo.
"Namumukhaan kita Ellaine eh. Ikaw ang representative dati ng third year Accounting sa Scrabble noong Intramurals natin at ikaw ang nag-champion. Fourth year ako that time," pagkukuwento pa ni Dianne habang kumakain sila.
"Wow, hindi lang pala maganda itong si Ellaine. Matalino rin pala," sabad pa ni Raymond na may nakatutunaw na titig. Kung ice cream pa lang siya ay matagal na siyang natunaw.
"Hay naku Raymond, sinasabi mo pa! Mala-artista ang dating niyan noong elementary pa lang kami. Valedictorian kaya iyan namin. Favorite ng mga teachers at maraming boys ang nagka-crush. Pati mga magulang ng mga kaklase naming lalaki ay bet na bet iyan para sa kanilang anak," panggagatong naman ni Ann. Animo'y nagpakilala ito ng guest speaker sa isang event.
Nahihiyang nagkibit-balikat lang si Ellaine habang patuloy silang kumakain.
Matulin na lumipas ang mga oras at natapos ang isang araw. 'Di na namalayan iyon ni Ellaine sapagkat marami siyang ginagawa sa opisina. Pasalampak siyang umupo sa kanilang maliit na sofa nang makauwi sa kanilang apartment. Kinuha ang cellphone sa bag niya at tiningnan kung may message ba iyon.
'Anak, kumusta ka na? Magpapakopra pala tayo sa susunod na linggo. Huwag mong kalimutan pista sa baryo ngayong Linggo. Sana'y makakauwi ka rito para magkakasama-sama naman tayong lahat.' -Inay
'Hi, My Love! How's ur day? Tatawag aq maya. Cge na kumain na kau jan ni Ann. May tinatapos lang aq.' -Alex
'Hello, Ellaine! I am happy that I can see you everyday. You mean a lot to me. Willing akong maghintay kung kailan ka handa.' -Raymond
Piniling unang tawagan ang Inay niya. Nakausap niya ito at ang Itay niya. Ipinaalam na maayos naman ang kalagayan niya at uuwi siya sa kanila sa Sabado kasama ang kaibigan.
Kinikilig pa rin siya sa mensahe ng nobyo. Ramdam niya ang pagkalinga sa kaniya kahit pa man na malayo sila sa isa't isa. Iniisip na lang niya na magkakasama sila ngayon sa personal.
'Raymond, sorry pero si Alex ang mahal ko.' Gusto niyang i-reply ito ngunit bago pa man maipadala ang mensahe ay binura niya. Naaawa siya sa binatang tatanggihan niya ang alay na pag-ibig nito sa kaniya.
"Friend, kailan mo pa ba tatapatin si Raymond? Mas kawawa siya kung paaasahin mo lang sa wala. Gusto mo bang makasakit ng damdamin ng ibang tao? Alam kong 'di naman ganyan ang ugali mo. Be frank and honest. Mas mabuting masasaktan tayo sa katotohanan kaysa magsasaya tayo sa kasinungalingan," mahabang sermon ni Ann sa kaniya habang kumakain sila sa karendirya. Madaldal ito sa mga bagay-bagay ngunit prangka naman.
Mataman lang siyang nakikinig habang sumusubo at tumatangong parang batang pinagsasabihan ng magulang. Wala naman kasing mali sa mga sinasabi nito.
Uminom muna siya ng tubig at napasinghap bago tumugon, "Yes friend, hahanap lang ako ng tiyempo."
Tila hindi pa kumbinsido ang kaibigan. "Siguraduhin mo lang baka abutin pa next year ang tiyempo na iyan ha," anito.
Ngumiti lang siya. "Opo nay, sure iyan. Smile ka na nga diyan. Papangit ka kasi pag nakasimangot," alo niya para hindi na mag-alala ang kaibigan. Pinisil pa niya ang pisngi nito. Nagtawan lang sila pagkatapos ng winika niya.
Tumawag rin si Alex nang makauwi sila sa apartment nila. Masaya silang nagkukuwentuhan sa mga karansan nila sa buhay. Hindi man ibinahagi ng lalaki ang antas na mayroon sila sa pamumuhay, nararamdaman pa rin niyang tapat sa kaniya ang binata.
Namangha rin ang binata sa simpleng pamumuhay na mayroon sina Ellaine. Ang kasipagan at tiyaga ng dalaga na nagtapos bilang self-supporting student habang napapanatiling Dean's Lister sa pinasukan nito noong kolehiyo.
SABADO ng umaga ay maagang nakarating silang magkaibigan sa bus terminal.
"Friend bilis, doon tayo sa kabilang bus oh kasi papaalis na," bulalas ni Ann sa kaniya. Abot-abot ang hininga niyang naglalakad na may kasamang takbo sukbit ang backpack at bitbit ang isang malaking paperbag. Ganoon talaga ang ugali ng kaibigan. Palaging nagmamadali na parang hinahabol ng kabayo. Wala siyang nagawa kundi sumunod na lamang nito kung ayaw niyang maiwan.
Habang lulan na sila ng non-aircon bus ay nag-selfie pa siya. Meron ding silang dalawa ni Ann. Mahilig siyang mag-picture-picture at naka-save lamang iyon sa gallery ng phone niya. Saka na lang niya i-uupload ito sa Friendster pag may oras na siyang pumunta sa internet café.
"Itlog mo Noy, Orange," dinig nilang naglalako ang isang mama nang huminto ang sinasakyang bus sa Digos terminal.
Napahagikgik si Ellaine. At kinurot pa si Ann. "Friend, bakit ba?" daing ni Ann na abala sa pagti-text nito sa cellphone.
"Pakinggan mo kasi si Manoy oh," pabulong na wika niya na itinuro pa ang gawi ng mamang naglalako sa may unahan. Mga dalawang upuan mula sa kanila.
"Itlog mo Noy, Orange," ulit ng mamang bitbit ang mga kakanin gaya ng puto, bibingka, nilagang mani at may nilagang itlog. Sa kaliwang kamay naman ay ang hawak na iba't ibang klase ng softdriks.
"Ikaw talaga, kung anu-anong iniisip mo ha. Pero sabagay, nakakainsulto kung mapagsabihan na ang itlog ni Manoy ay color orange. Ano iyon parang pinakuluan lang kaya hindi na kulay brown?"
Hindi nila napigilang tumawa nang malakas. Pinagtitinginan pa sila ng ilang pasahero dahil sa malutong na tawa nilang magkakaibigan.
"Bingka mo diha Day, init pa!" alok ng mama nang matapat sa kanila.
Agad naman siyang kumuha ng limang supot. Paborito ito ng mga kapatid. Kaya hindi niya nakakalimutang magbitbit ng pasalubong na pagkain pag uuwi siya sa kanila.
"Salamat kaayo, Day!" abot-taingang ngiti ng mamang nagpapasalamat sa kanila nang matanggap ang perang ibinayad ng dalaga.
"Wai sapayan, Noy!" taos-pusong usal niya. Naalala niya ang Itay na sobrang sipag para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Nang umarangkada na ang bus ay kinalawit siya ni Ann. "Bingka mo, mainit pa?" makahulugang tanong nito.
"Oo naman Friend, kasi kung hindi to mainit hindi ito mabibitak," sakay niya sa biro ng kaibigan at nagtawanan ulit sila.
Habang abala ang kaibigan sa cellphone nito, siya naman ay nilalanghap ang preskong hangin. Nasa tapat siya ng nakabukas na bintana kaya lumilipad pa ang buhok niya sa hangin. Biglang sumagi sa kaniyang isipan si Alex.
'Alex, sana sa susunod ay magkakasama na tayong uuwi sa amin,' taimtin na hiling niya. Tiningnan ang guwapong larawan ng binata na naka-save pa cellphone niya.
"Hoy gising, Friend!" yugyog sa kaniya ni Ann. Mabilis siyang nagising. Malapit na silang makarating sa kanilang destinasyon. Mahigit dalawang oras rin ang byahe nila. 'Di niya namalayang nakatulog pala siya. Naglalaway pa siya buti at naglagay ng panyo sa kaniyang bibig.
Mayamaya'y huminto ang bus. Pumunta sila sa paradahan ng mga motorsiklo. Iyon ang bumibyahe sa kanila papunta pa sa baryo nila. Mahaba iyon kasya ang tatlo hanggang apat katao sa likod ng drayber at isa naman sa tangke, sa harap iyon ng drayber.
"Bai, 'di ba si Ellaine at Ann ang mga iyan? Mas lalong gumanda si Ellaine 'no? Ang kinis na ng kutis at ang sexy," bulung-bulongan ng dalawang lalaking schoolmates nila noong elementary na tila nakakita ng artista. Mas matanda sa kanila iyon ng dalawang taon sa pagkakaalala niya. Pormang-porma sa bihis nito. Sa tingin niya ay pupunta ang mga iyon sa siyudad.
"Day, tayo na para lalarga na tayo," masiyahing wika ng drayber. Nakita nilang isa na lang ang kulang sa likod at isa naman sa harap. May dala-dalang maliit na puting sako bag ang mga kasamang sumakay. Tantya niya ay galing itong namalengke.
'Hi Ellaine! Hi Ann!" natutuwang bati ng ilang mga kaklase at kaibigan nilang nadaraanan. Kumaway at ngumiti sila sa mga ito bilang tugon habang nakasakay na sila ng motorsiklo. Lubak-lubak pa rin ang daan at bawat pagtapak ng sinasakyan ay siya ring paghiwalay ng kaniyang puwit sa upuan. Mainit at maalikabok pa.
"Nay, Tay, nandito na si Ate," palukso-lukso pang turan ni Erica at Dennis, ang dalawang nakababatang kapatid niya. Nang huminto ang ang motorsiklong sinasakyan niya. Dumungaw ang mga ito sapagkat nasa taas na bahagi pa ang bahay nila.
Excited ang mga itong bumaba sa kinaroroonan niya at nagmano sa kaniya. "Ate, ano iyang dala mo?" 'di mapuknat na ngiting nag-uusisa sa kaniya. Kasama pa ang dalawang asong alaga na sina Bon Jovi at Kurt Cobain na kumakawag ng buntot na tila masayang-masaya rin sa pagbabalik niya sa bukid nila.
Niyakap niya ang mga kapatid at inapuhap ang ulo. "Ang paborito niyong bingka, ano pa ba?"
Masayang siyang nagmano sa kaniyang Inay at Itay pagkarating na kasalukuyang nananghalian. Nagmano rin si Jun-jun sa kaniya.
"Oh anak, halika ka na. Sabay-sabay na tayong kakain. Paborito mong ulam ito, ginataang monggo. May papaya at manggang carabao rin na hinog na," imbita ng Inay niya.
Lubos siyang nagagalak na ngayon ay kasama nang muli ang pamilya.
***************************************
ORANGE - kadalasang tawag ng mga tao sa Royal Tru Orange sa probinsiya
BINGKA - espesyal na kakanin na nagmula sa lalawigan ng Davao del Sur
Bingka mo diha Day - bibingka kayo diyan, mga Binibini.
Salamat kaayo, Day - maraming salamat, Binibini
Way sapayan, Noy - walang anuman po, Manong
Featured song: Laging Tapat
By: Jolina Magdangal
SHARE. VOTE. COMMENT.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top