CHAPTER 10 🌾

"ELLAINE, pumili ka na. Anong gusto mong kainin?" nakangiting tanong ni Raymond kay Ellaine sabay abot ng menu brochure na nasa kanilang mesa.

Nasa loob na sila ng isang Chinese restaurant. Hindi sanay ang dalaga na kumakain sa mga mamahaling mga restaurant sapagkat nasanay lamang siya sa mga simpleng pagkain sa probinsya.

Nag-aalangan siyang pumili dahil hindi pamilyar ang ilang mga pagkain na nakita niya sa menu. May mga Chinese dimsum foods na hindi pa niya natikman gaya ng siomai at dumplings na may iba't ibang flavors gaya ng pork, shrimp at chicken. Mayro'n ding wanton noodles. Paturo-turo siya sa kaliwa at kanan at maging sa ibang pahina ng menu. May birds nest soup pa. Napakamot tuloy siya sa kaniyang ulo.

'Pugad ng ibon na ginawang sabaw? Wew! Ano kayang lasa ng mga pagkain na 'to? Wanton noodles? Sa amin, simpleng noodles lang sa bukid at minsan lang makakatikim kasi palaging gulay o isda ang ulam,' pagmumuni-muni niya habang nakatingin sa menu na parang blangko ang pag-iisip.

Nakita niya ang steamed rice. At sa tingin naman niya ay masarap kaya iyon na lang ang pinili niya. "Raymond, a-aah ito lang sa akin beef steamed rice," magiliw na paglalahad niya sa binata.

"Okay sige. Ano pang gusto mo Ellaine?" tanong ulit ng binata sa kanya.

"A-aah iyon lang. Okay na 'yan," aniya na matipid na ngumiti sa ka-date.

"Nagda-diet ka ba Ellaine? Naku! No need ka ng mag-diet at mas lalo kang se-sexy niyan. Sige na ano pa? Don't worry, akong bahala," pangungulit pa sa kaniya ni Raymond.

Napatawa siya sa sinabi ng binata. Hindi alam kung totoo ba ang sinabi nito o nambobola lang. "Oh siya sige na nga. Nambobola ka pa. Ito na lang additional, avocado shake. Ang sarap uminom ng malamig at masyadong mainit sa labas," anas niya at tinuro pa sa menu habang nakamuwestrang namamaypay gamit ang kaniyang kamay. Ngunit sa totoo naman ay airconditioned at malamig sa loob. Naiilang na nahihiya lamang siya sa kaharap na binata.

Itinaas ni Raymond ang kaniyang kamay at sumenyas sa waiter na oorder na siya.

"Isang order ng beef steamed rice, isang order ng wanton noodles, tatlong orders ng quail egg siomai, dalawang spicy siomai, isang order ng yang chow rice, isang order ng avocado shake at isang halo-halo," pagdidikta ni Raymond sa waiter na agad namang inilista ang order ng nito.

Inulit iyon ng waiter ang kanilang order para makompirma saka umalis. "Okay sir, pakihintay na lang po ng 15-20 minutes," nakangiting saad nito bago nilisan ang kanilang mesa.

Tumango naman ang dalawa bilang pagsang-ayon sa sinabi ng waiter. Biglang natahimik sila. Si Raymond ang unang nagsalita kasi ramdam din niya na nahihiya ang dalaga sa kaniya.

"Ellaine, kaya pa ba? Baka masyadong gutom ka na diyan?" pagbabasag ng binata sa katahimikang bumabalot sa kanila.

"Okay lang Raymond. Kayang-kaya. Siya nga pala ilang taon ka na sa SMBI?" pag-iibang tanong niya.

"Magto-two years na rin. By the way, Ellaine wala bang nanliligaw sa'yo? Baka mamaya ay may susugod dito sa'tin. Sa ganda mo ba namang 'yan," usisa ng binata sa kaniya na humagikgik pa.

Napaka-smiling ni Raymond. Hindi maikakaila na gwapo ito sa suot nitong checkered polo, denim jeans at black sneakers . Tall, dark and handsome look na mala-Richard Gomez. Pero sa pakiramdam niya ay walang spark ito sa kaniya sapagkat si Alex ang mas matimbang sa kaniyang puso.

Nahihiya siya kung ano ang isasagot dahil hindi pa naman opisyal na nanliligaw si Alex sa kaniya. "Bolero ka talaga Raymond," matipid niyang tugon. Pinili niya lang na 'di sagutin ang tanong ng binata.

"So pwede akong manligaw sa'yo? Wala naman kayang magagalit?" paglilinaw nito sa kaniya na pansin niyang palaging nakangiting tumititig sa kaniya.

"A-aah teka Raymond magsi-CR lang ako ha? Kanina pa pala ako naiihi," pagdadahilan niya sa binata at yumukong dinampot ang bag bago tumungo sa CR. Sa totoo lang ay gusto lang niyang makaiwas sa tanong na iyon ni binata sa kaniya.

Pagkatapos mag-CR at mag-ayos ay bumalik na sa mesa. Nakita niyang titig na titig sa kaniya ang binata. Isang red midi dress na skater style ang isinuot niya. May flower lace ito malapit sa dibdib na parte. Lampas tuhod ang haba na pinaresan ng black 2-inch sandals. Itinali ang kaniyang buhok na nakapusod. Halatang nagagandahan sa kaniya si Raymond at nakapako lang sa kaniya ang tingin pabalik niya sa kaniyang upuan.

Tumikhim siya nang makaupo na at tinanong ang binatang napaawang pa ang mga labi, "Raymond wala pa ba ang order natin?"

Nang biglang sumulpot sa likuran ng binata ang waiter, "Ma'am, Sir, heto na po ang order niyo," anas ng waiter bago inilapag sa mesa ang mga pagkain.

Namangha siya sa dami ng pagkain sa harapan.

"Mauubos kaya natin 'to?" pag-aalalang tanong ni Ellaine.

"Ellaine, kumain na tayo. Sa sinabi ko na kanina ayaw kitang magutom kaya huwag kang mahiya. Ayos lang sa'kin na chubby kaysa magugutom, okay? Sige na," wika ng banata at pagkatapos ay tumawa.

Tumango-tango naman siya kasi sa totoo lang ay nagugutom na rin siya. Ngayon lang siya nakatikim ng ganoong mga dimsum foods kasi iba ang nakasanayang mga pagkain nila sa probinsiya.

'Hmmm ang  sarap pala,' namanghang napaisip siya. Habang maiging nginunguya ang beef toppings ng kaniyang steamed rice.

Nag-enjoy sila sa pinagsaluhang mga pagkain.

"Ellaine, may dumi ang mukha mo," nakangiting saway ng lalaki sa kaniya.

"Saan ba, dito?" nahihiyang tanong niya na pinahid ang kamay sa kanang bahagi. Hindi na niya napansin dahil gutom na siya at hindi namalayang napalakas yata ang pagkain niya kanina.

"Hindi iyan, dito oh," pinahid ng binata ang kaliwang bahagi ng pisngi niya gamit ang tissue. Nang mapansing nakatitig ang binata sa kaniyang mga labi at unti-unting lumapit at parang nakakatunaw ang tingin.

Mabilis siyang nakadistansya at tumayo. "Thank you! Tara na, baka ma-late na tayo sa sine," untag niya.

Ayaw niyang makakadikit kay Raymond at ramdam niya ang init na nararamdaman ng lalaki sa tuwing magkakalapit sila.

Nang makarating na sila sa movie area ay agad siyang pinapili ni Raymond. A Very Special Love by Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz ang palabas sa Cinema 1, 2 at 3 samantalang Kung Fu Panda naman ang sa Cinema 4, 5 at 6.

"Anong mas gusto mong panoorin, Ellaine?" tanong sa kaniya ng binata na hinawakan pa ang kaniyang kamay.

Sa mga sandali na iyon ay parang nadarang siya sa kamay na humawak sa kaniya. Biglang pumasok sa kaniyang isipan ang mukha ni Alex na nakikita na sa katauhan ng lalaking ka-date niya.

"A-aah Al——, Al—,"putol-putol na wika ni Ellaine nang titigan ang mga mata ng lalaki. At ilang sandali pa ay natauhan siyang muli na si Raymond ang kasama.

"Anong sinasabi mo, Ellaine? Okay ka lang ba? Nanginginig ang kamay mo at pinawisan," pagtatakang tanong ng binata sa kaniya.

"O-o Raymond, ibig kong sabihin ay medyo masakit ang katawan ko. Gusto kong bumili ng a—ah Al— Al-Alaxan. Iyon 'yon," pagkakaila niya para makalusot sa pag-uusisa ng ka-date sa kaniya habang pinisil-pisil ang mga braso at baywang. Mabilis na inalis ang pagkakahawak ang kamay ng binata at inayos ang pagkakatali ng kaniyang buhok.

"Ikaw na pumili, okay lang sa'kin kahit ano sa dalawang palabas na 'yan," aniya ngunit sa totoo lang ay mas gusto niya ang A Very Special Love kasi fan siya ni Sarah G. Nag-aalangan din siya at baka may mga kissing scenes, mas lalo siyang maiilang.

"Sige, bibili tayo mamaya ng gamot mo ha. Kung Fu Panda na lang kasi gusto ko ang mga 3D movies," anito "at saka napanood ko na ang trailer niyan, ang ganda!" dagdag na turan nito na halatang excited na ring makapanood.

Pagkatapos bumili ng tickets para sa kanilang dalawa ay bumili ng popcorn at bottled juice at pumasok na sila sa loob ng Cinema 6.

'Ang dilim naman dito. Wow! Ang laki ng screen mas malaki pa sa bahay namin. Ang lamig. Huh!' sunod-sunod siyang napamangha sa isip. Nanlaki ang kanyang mga mata at napatutop siya sa kaniyang bibig. Nagulat siya at first time niyang makapanood sa malaking sinehan. 'Di lang siya nagpahalata sa binata.

"Dito tayo Ellaine," giya pa ng binata sa kaniya papuntang likod na bahagi. "Oops, dahan-dahan para 'di ka matumba," sabay hawak sa kaniyang kamay dahil madilim pa dahil katatapos pa lang ng previous batch ng palabas. Wala na siyang nagawa kundi nahawakan ulit ang kamay niya.

"Aaaayyy kalabaaaaw!! napasigaw siyang halos mapatalon. Hinigpitan ang hawak sa upuan nang sugurin na ni Kai si Oogway gamit ang mahabang bakal na posas. Hanggang sa magupo si Oogway at tuluyang naging bato. Unang beses siyang makapanood ng palabas sa malaking screen kaya nabigla siya. Napalingon ang ilang mga tao sa kaniya dahil may kalakasan ang sigaw niya. Takot na takot ang kaniyang hitsura at tinakpan pa ang mukha ng kanyang kamay ngunit sumungaw nang bahagya.

Naalala kasi niya ang alagang kalabaw nila na si Jordan sa katauhan ni Kai na isang yak sa kasalukuyang palabas na Kung Fu Panda. Si Jordan ay sinasakyan niya noong bata pa lang siya. Palagi siyang nahuhulog mula rito. Ngunit kahit pa man, ay patuloy pa rin siyang sumasakay sa likod nito. Katuwang na nila ito sa pagsasaka.

"Ellaine, it's okay," pagpapakalma sa kaniya ni Raymond na maagap na ginagad ang mga palad niya na kaagad naman niyang binawi.

"Pasensya ka na Raymond ha. Pero ayos lang ako. First time ko kasi," nangingiming niya.

"First time ng alin?"

"Na makapanood ng sine," aniya saka yumuko. Ramdam niya ang pamumula ng pisngi dahil sa hiya.

"It's alright. Hawakan mo lang ang mga kamay ko, kung gusto mo," magiliw na saad ng binata sa kaniya.

'Sana matapos na agad 'tong movie Lord,' dasal niya sa kawalan kasi hindi na niya maiintindihan ang nararamdaman. Si Alex ang gusto niyang makasama at mahawakan ang mga kamay.

Nag-enjoy siyang mapanood ang palabas na iyon. Pero mas mukhang nag-enjoy siyang papakin ang popcorn. Siya ang halos nakaubos pa nga sa pinagsaluhan nilang malaking box ng popcorn.

Nang matapos na nilang mapanood ay isa-isang nagsilabasan ang mga nanonood. Naramdaman niyang nag-vibrate ang kaniyang cellphone. Tiningnan niya ito.

3 messages

~Alex~

Sumilay ang napakatamis na ngiti sa kaniyang mga labi nang makitang nag-message ang taong inaasam niyang makausap.

*******************************

Featured song: Wag Mo Na Sana
By: Parokya ni Edgar


SHARE. VOTE. COMMENT.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top